Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Gaza: Napag-alaman sa survey ng Doctors Without Borders staff at ng kanilang mga pamilya na ang halos kalahati ng mga taong napatay ay mga bata

    A child patient wears an oxygen mask in Al-Shifa hospital after being injured in an airstrike on his home in Gaza city.

    Sa Al-Shifa Hospital may suot na oxygen mask si Kareem, ang anak ni Dr. Ahmed, na nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders. Nagtamo siya ng pinsala kasama ang ibang mga miyembro ng kanyang pamilya nang tamaan ng airstrike ang kanilang tahanan sa siyudad ng Gaza. Palestine, Hunyo 2025. © Nour Alsaqqa/MSF

    Isang retrospective mortality survey na isinagawa kamakailan lang ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa aming staff at sa kanilang mga pamilya na naglantad ng nakababahalang bilang ng mga namatay dahil sa pakikidigma ng Israel sa Gaza, lalo na ang mga bata. Ito’y naaayon din sa mga bilang na naitala ng Gazan Ministry of Health. Kumpara sa mga pagtatantiya nila bago mag-Oktubre 7, ang bilang ng mga namamatay ay limang beses na mas mataas sa populasyong kasama sa survey. Para sa mga batang wala pang limang taong gulang, ang bilang ng mga namamatay ay umakyat ng sampung beses. Sa mga sanggol na wala pang isang buwan, ang bilang ng mga namamatay ay anim na beses na mas mataas.

    Ang survey na isinagawa ng Epicentre, ang epidemiological na sangay ng Doctors Without Borders, na sumakop sa 2,523 na tao (mga nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders at ang kanilang mga pamilya) sa pagitan ng Oktubre 2023 at Marso 2025, ay nagpakitang mahigit sa 2% ng mga taong kasama sa survey ay namatay na mula noong Oktubre 7, 2023, habang 7% naman ang nagtamo ng pinsala. Dagdag pa rito, tatlong-kapat ng mga kamatayan ay sanhi ng mga pinsala mula sa digmaan, at karamihan doon ay dahil sa mga pagsabog.

    48% ng mga taong namatay dahil sa mga natamong pinsala mula sa mga pagsabog sa mga kabahayan ng aming mga kasamahan ay mga bata, at 40% sa kanila ay wala pang 10 na taong gulang.

    Ang pagwawalang-bahala sa mga buhay ng mga bata ay isang malinaw na indikasyon na ang pakikidigmang ito ng mga Israeli sa Gaza ay pakikipaglaban sa lahat ng mga Palestino. Ang mga bata sa Gaza ay pinupuksa.
    Amande Bazerolle, Deputy Manager

    Ang pagwawalang-bahala sa mga buhay ng mga bata ay isang malinaw na indikasyon na ang pakikidigmang ito ng mga Israeli sa Gaza ay pakikipaglaban sa lahat ng mga Palestino. Ang mga bata sa Gaza ay pinupuksa,” sabi ni Amande Bazerolle, deputy manager sa emergency department ng Doctors Without Borders. “Ang mga kaalyado ng Israel ay kinakailangang magsumikap na wakasan ang genocide na nagaganap sa mismong harapan namin,” sabi niya.

    Napag-alaman sa survey ng Doctors Without Borders na ang mortality rate sa Gaza ay 0.41 ang namamatay kada 10,000 na tao sa bawat araw. Umaakyat ito sa 0.70 na namamatay para sa mga batang wala pang limang taong gulang. 20% ng kabahayan ng mga taga-Doctors Without Borders ay mayroong isang miyembro o higit pa na nagtamo ng pinsala dahil sa pagsabog o pamamaril. 

    Ang mga resulta ng survey na isinagawa sa mga Doctors Without Borders staff at sa kanilang mga pamilya lamang, ay hindi maaaring ituring bilang kumakatawan sa buong populasyon ng Gaza. Ang mga medical staff at ang kanilang mga pamilya, kasama ang Doctors Without Borders, ay maaaring mas nakakakuha ng pangangalagang pangkalusugan kaysa ibang mga miyembro ng populasyon ng Gaza. 

    Sa kabila nito, ang bilang ng mga namamatay na hindi tuwirang maiuugnay sa mga pinsalang tinamo dahil sa digmaan ay umaakyat habang nagpapatuloy ang digmaan, ayon sa mga obserbasyon sa pag-aaral. Napag-alaman na dalawang-katlo sa mga dati nang may sakit ay nakaranas ng isa o higit pang pagkaantala ng paggamot.

    Ito ang resulta ng kampanya ng mga Israeli na sistematikong wasakin ang sistemang pangkalusugan at ang mga paraan upang mabuhay ang buong populasyon.

    Dagdag pa rito, binawasan ng Israel ang mga paglikas dahil sa mga medikal na kondisyon. Ayon sa WHO, mahigit sa sampung libong tao ang may kagyat na pangangailangan para sa paggamot at mga surgical procedure na hindi makukuha sa Gaza.  

    Mula noong Oktubre 7, 2023 hanggang noong Hunyo 25, 2025, nag-ulat ang  Ministry of Health ng Gaza tungkol sa pagpatay ng hindi bababa sa 56,156 na mga Palestino at ng pananakit ng 132,239 na tao. 

    Ang mga datos mula sa pag-aaral ng Doctors Without Borders ay nakatutulong sa paglalarawan ng bahagi ng totoong nangyayari sa Gaza at sa pagsuporta sa ibang mga datos, isang puntong binibigyang-diin ng study coordinator mula sa Epicentre na si Dr. Wendelin Moser.  

    “Noong ikinumpara namin ang mga pangalan ng mga namatay na indibidwal dahil sa karahasan mula sa aming survey sa listahan ng mga kamatayang kaugnay ng digmaan mula sa Ministry of Health ng Gaza, halos 90% ng mga listahan ay magkapareho. Ito’y indikasyon ng pagkatotoo ng mga istatistika ukol sa bilang ng mga namamatay sa Gaza mula pa noong Oktubre 7,” sabi niya.

    Nagbibigay rin ang survey ng malinaw na datos ukol sa antas ng pagkawasak ng mga kabahayan ng mga taga-Doctors Without Borders. 2% lang ang may bahay na hindi naapektuhan. Noong ginawa ang survey, 59% ang may ganap na nawasak na bahay, 39% ay may mga bahagi ng kanilang bahay na napinsala, at 41% ang nakatira na ngayon sa mga tolda.  

    [Basahin ngayon: Pagpapaliwanag ukol sa retrospective mortality survey ng Doctors Without Borders sa aming mga staff at sa kanilang mga pamilya sa Gaza]

    Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga awtoridad na Israeli na tigilan na ang kampanya nito sa maramihang pagpatay ng mga Palestino sa Gaza; wakasan na ang pagkubkob sa pagkain, gasolina, medical at humanitarian supplies sa lalong madaling panahon; at hinihiling rin namin ang mga kaalyado ng Israel na tulungan kaming mapadali ang mga kagyat na paglilikas ng mga taong nanganganib ang buhay, partikular na ang mga bata. 



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories