Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Gaza: Isang buwan matapos itayo ng mga Israeli ang nakamamatay na pagbangkulong, at paubos na ang mga kritikal na gamot

    Doctors Without Borders water and sanitation engineers assessing a borehole in Beit Lahia city, north of Gaza strip, Palestine.

    Pinag-aaralan ng mga inhinyero ng Doctors Without Borders para sa tubig at sanitasyon ang isang borehole sa siyudad ng Beit Lahia, sa hilaga ng Gaza Strip. Palestinian Territories, Marso 2025. © Nour Alsaqqa/MSF

    Ang isang buwang pagkubkob ng Israel sa Gaza ay nangangahulugang may mga kritikal na gamot na paubos na, na nag-iiwan sa mga Palestino sa panganib na mawalan ng kinakailangang pangangalagang pangkalusugan, babala ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Habang patuloy ang mga puwersang Israeli sa pagbobomba sa Gaza Strip, napagkakaitan ang mga tao ng kanilang mga pangunahing pangangailangan, kasama rito ang pagkain, tubig, at mga gamot na maaaring mauwi sa mataas na bilang ng mga kumplikasyon sa kalusugan, at sa kamatayan. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga awtoridad na Israeli na agad nilang tigilan ang kolektibong pagpaparusa sa mga Palestino, wakasan ang di-makataong pagkubkob nila sa Gaza, at panindigan ang kanilang mga responsibilidad bilang mananakop upang mapadali ang pagbibigay ng malaking humanitarian aid.

    Sa loob ng mahigit isang buwan, walang aid o pangkalakal na trak na pumasok sa Gaza. Ito ang pinakamatagal na panahon mula noong nag-umpisa ang digmaan na walang mga trak na pumapasok sa Strip. Noong Marso 2, nagsagawa ang mga awtoridad na Israeli ng ganap na pagkubkob ng Gaza. Noong Marso 9, pinutol nila ang kuryente sa lugar kahit ito’y kailangan upang patakbuhin ang mga water desalination plant. Sa ganap na pagbangkulong ng aid at kuryente, ipinagkakait sa mga tao ang mga pangunahing serbisyo, at ito’y ginagawang kolektibong pagpaparusa.

    Sa pamamagitan ng kanilang nakamamatay na pagkubkob, pinatawan ng mga awtoridad na Israeli ang mga tao sa Gaza ng hindi mabatang pagdurusa. Ang sinasadyang pananakit sa mga tao ay parang pagpatay sa kanila nang dahan-dahan; kailangan itong wakasan na agad.
    Myriam Laaroussi, Emergency Coordinator

    Dahil sa pagkubkob, napilitan ang mga team ng Doctors Without Borders na magrasyon na muna ng mga gamot tulad ng mga pain killer, kung kaya’t hindi kasing-epektibo ang kanilang paggamot, o di kaya’y kinakailangan nilang hindian ang ilang pasyente. Nauubusan na rin sila ng mga surgical supply gaya ng mga anaesthetic, mga paediatric antibiotic at mga gamot para sa mga talamak na kondisyon gaya ng epilepsy, altapresyon at diabetes. Bilang resulta ng pagrarasyon, ang aming mga team sa ilang klinika para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan ay gumagawa ng mga wound dressing para sa mga taong nasugatan, ngunit hindi nila nabibigyan ang mga ito ng pain reliever

    Dagdag pa rito, ang mga team ng Doctors Without Borders ay hindi na makapagbigay ng mga donasyon na dugo sa Nasser Hospital dahil sa kakulangan ng stock, habang tuloy-tuloy ang pagdating ng mga pasyenteng nasugatan dahil sa walang patid na pagsalakay ng mga puwersang Israeli.

    Dahil sa kakulangan ng sabon at malinis na tubig sa mga klinika para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng Strip, ang aming mga team ay nahaharap sa dumaraming kaso ng mga taong may sakit sa balat. Noong Pebrero, 565 na kaso ng mga may sakit sa balat ang ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa klinika ng Al Hekker sa Deir Al Balah, at 1,198 na kaso naman sa klinika ng Al Attar sa Khan Younis. Sa loob lamang ng dalawang linggo noong Marso, ang bilang ng mga kaso sa Al Hekker ay umabot na ng 437—halos 80% ng kabuuang bilang noong Pebrero—habang sa Al Attar, 711 na kaso ang ginamot, halos 60% ng bilang noong Pebrero.

    Palestinian mother shows the skin condition of her little child due to the lack of hygiene and clean water

    Ipinapakita ng isang inang Palestino ang sakit sa balat ng kanyang anak, na idinulot ng kakulangan ng hygiene at malinis na tubig. Palestinian Territories, Marso 2025. © Nour Alsaqqa/MSF

    Dahil sa pagbangkulong, hindi makapagbigay ang mga team ng Doctors Without Borders ng gamot para sa mga sakit sa balat. Ang naibibigay lang nila ay kaunting lotion upang maibsan ang sakit. Ang mga sakit sa balat gaya ng scabies ay nangangailangan ng paggamot para sa buong pamilya upang mapigilan ang pagkalat at pag-ulit ng impeksyon, ngunit hindi ito magagawa kung walang mga gamot at malinis na tubig. 

    Para sa mga taong may hindi nakahahawang sakit, gaya ng altapresyon at diabetes, ang kahihinatnan ng kakulangan ng paggamot ay maaaring magdulot ng mga malalang kumplikasyon, tulad ng mga permanenteng kapansanan, at sa ilang mga kaso, ng kamatayan. Mula noong nag-umpisa ang pagbangkulong, ang mga pasyente nami’y nabigyan lang ng gamot na sapat para sa pito hanggang sampung araw.

    “Wala na akong gamot para sa aking altapresyon. Dalawang araw nang naghahanap ang anak ko, ngunit wala pa rin siyang makita,” paliwanag ni Sobheya Al-Beshiti, isang pasyente sa klinika ng Doctors Without Borders sa Attar, Khan Younis.

    “Ano ang maaari kong gawin? Huwag nang uminom ng gamot? Kapag hindi ako nakainom ng pampalabnaw ng dugo, dudugo ang aking ilong, at uubo ako nang may kasamang dugo.”

    Palestinian child is collecting water in Beit Lahia city, north of Gaza strip

    Isang batang Palestino ang nangongolekta ng tubig sa Beit Lahia city, sa hilaga ng Gaza Strip. Palestinian Territories, Marso 2025. © Nour Alsaqqa/MSF

    Noong panahon ng Ramadan at Eid, mga banal na araw para sa mga Muslim, ang mga pasyente sa mga klinika ng Doctors Without Borders ay nag-uulat ng pagbawas ng kanilang timbang dahil sa kakulangan ng masustansyang pagkain.

    “Sa ngayon, mababa ang aking blood pressure, at bumaba rin ang aking timbang. Walang sapat na pagkain upang makatulong sa aking madagdagan ang aking timbang at mapabuti ang presyon ng aking dugo,” paliwanag ng isang nagdadalang taong pasyente na nasa klinika ng Doctors Without Borders sa Mawasi, Khan Younis.

    “Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay isang malaking problema sa siyudad: hindi abot-kaya ng mga tao ang mga pangunahing pangangailangan dahil napakamahal ng mga ito.”



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories