Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Gaza: Isang bukas na liham mula sa Doctors Without Borders para sa mga pinuno ng mga estadong miyembro ng European Union

    Devastation caused by airstrikes in Gaza.

    Winawasak ng mga airstrike ang Gaza. Palestine 2025 @ MSF

    Sa Presidente ng European Commission, sa Presidente ng European Council, sa Presidente ng European Parliament, at sa mga pinuno ng Europa,

    Ang digmaan sa Gaza ay pinahintulutan na maging isa sa pinakamalaki, pinakanakamamatay at pinakamalupit na digmaang inilunsad laban sa isang grupo ng mga tao. Winasak ng mga Israeli ang mga tahanan, mga ospital, mga pamilihan, mga water network, mga kalsada, at mga power grid sa Gaza, hindi dahil sa pagsasawalang-bahala kundi dahil sa kanilang intensyon. Ang nasasaksihan natin ay isang kalkuladong pagwasak ng mga sistemang kinakailangan upang mabuhay. Ito ay ethnic cleansing, na nakabalatkayo sa retorika ng pagtatanggol sa seguridad, ngunit isinasagawa nang may ganap na pagwawalang-bahala sa pandaigdigang batas na humanitarian at mga batas ukol sa karapatang pantao. 

    Ang mga pang-araw araw na kasamaan sa Gaza ay hindi nagkukubli sa kadiliman. Nagaganap ang mga ito sa harap natin, mapangahas ang kanilang pagiging brutal.  

    Sa loob ng mahigit sa 20 na buwan, nagsagawa ang mga awtoridad at puwersang Israeli ng isang mapagparusang kampanya laban sa mga Palestino ng Gaza. Araw-araw, nasasaksihan ng aming mga team ang mistulang genocide sa mga sinasadyang pagkilos ng mga puwersang Israel – kabilang rito ang mga malawakang pagpatay, ang pagsira ng mga mahahalagang imprastrukturang sibilyan, at ang pagbabangkulong sa mga mapagkukunan ng pagkain, tubig, gamot, at ng iba pang mahahalagang humanitarian supplies. Sistematikong sinisira ng Israel ang mga kondisyong kinakailangan ng mga Palestino upang mabuhay.

    Kamakailan lang, sa isang retrospective mortality survey na isinagawa ng Doctors Without Borders at ng Epicentre, ang aming epidemiological arm, napag-alaman na halos 2% ng aming staff sa Gaza at ng mga taong nasa kanilang kabahayan ang namatay mula noong Oktubre 7, 2023. Tatlong kapat sa kanila ay namatay dahil sa mga pinsalang kaugnay ng digmaan. Ito ay naaayon din sa mga bilang na lumalabas sa pagsasaliksik ng Ministry of Health sa Gaza, na nag-ulat na 55,000 na tao na ang napatay sa buong Strip hanggang Hunyo 4 ngayong taong ito. Ayon sa survey ng Doctors Without Borders, 40% ng mga namatay sanhi ng mga pinsalang nabanggit ay wala pang sampung taong gulang. Ang pagwawalang-bahala sa buhay ng mga sibilyan ay patunay na ang pakikidigma ng Israel sa Gaza ay laban sa lahat ng Palestino.

    Noong Hunyo 11, ang Al Mawasi Clinic na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakatanggap ng 32 na pasyente, kabilang rito ang tatlong taong namatay pagdating sa klinika. Binaril sila habang papunta sila sa lugar kung saan ang pamamahagi ng pagkain ay pinangangasiwaan ng Gaza Humanitarian Foundation (GHF). 

    Ito ay isang hindi kakaibang pangyayari. 

    Tatlong araw bago iyon, ang mga team na nasa Nasser Hospital ay nakatanggap ng 40 na pasyente, karamihan sa kanila ay nabaril. Ang pangunahing referral hospital ng libo-libong mga pasyente sa Southern Gaza  ay halos hindi makapagpatuloy sa pagbibigay-serbisyo dahil sa mga paulit-ulit na kautusan para lumikas at sa mga paghihigpit sa paglakbay ng mga staff at mga pasyente. Ang mga organisasyong humanitarian ay nagtayo ng mga pansamantalang ospital upang mapunan ang mga kakulangan, ngunit hindi magagawa rito ang mga kayang gawin sa mga regular na ospital. Nitong mga nakaraang linggo, nakatanggap ang mga Doctors Without Borders team sa pasilidad na ito ng mahigit sa 500 na pasyenteng nangangailangan ng pangangalagang medikal, habang sinusuportahan nila ang medical staff ng ospital upang tumugon sa pagdating ng napakaraming sugatan mula sa mga walang patid na pagbobomba at pagsalakay.

    Inilunsad ng GHF ang mga aktibidad nito noong Mayo 27 bilang bahagi ng plano ng US at Israel na gamitin ang aid bilang kasangkapan. Mula noon, daan-daang Palestino ang kinailangang gamutin sa mga ospital at napakarami ang napatay matapos silang barilin sa mga lugar kung saan ipinamamahagi ang aid, habang sila’y naghihintay na makatanggap ng mga kinakailangan nila upang mabuhay. Obserbasyon nga ng isa naming kasamahan sa Gaza, may ilang bumalik mula sa mga lugar ng pamamahagi na may dalang isang balot ng harina, habang ang iba nama’y bumalik nang nababalot ng saplot. 

    Ginagawang sandata ang humanitarian aid. Ginagamit ito upang mapilitang umalis ang mga tao sa kanilang mga tirahan, kinakasangkapan ito sa pagtupad ng kanilang mga layuning militar, o di kaya’y ganap itong hinahadlangan. Ang aid ay hindi isang kondisyon para sa negosasyon. Ito ay isang lifeline. Ang pagkakait nito ay isang kolektibong pagpaparusa, isang krimen sa panahon ng digmaan.
    People line up to buy food in Gaza

    Nakapila ang mga tao para bumili ng pagkain sa Gaza. Dahil sa paghahadlang, walang pagkaing pumapasok sa Gaza Strip. Palestine, 2023 @ MSF

    Mula noong Oktubre 2023, ang pangangalagang pangkalusugan ay palaging sinasalakay. Ang mga Doctors Without Borders staff at ang mga pasyente sa Gaza ay napilitang umalis mula sa hindi bababa sa 18 na mga pasilidad pangkalusugan, at nakaranas ng mga 50 na insidente ng karahasan. Kabilang rito ang mga airstrike sa mga ospital, ang pagpapasabog ng mga tank shell sa mga napagkasunduang ligtas na shelter, pagsalakay sa mga sentrong medikal, at pagpapaputok sa mga convoy. Labing-isa na sa aming mga kasamahan ang napatay. Hindi lang kami ang nakararanas ng mga ganito; ang mga pagsalakay na ito ay nagaganap sa buong humanitarian spectrum. Bahagi ang mga ito ng sistematikong pagsasawalang-bahala sa International Humanitarian Law (IHL), kabilang rito ang UNSC Resolution 2286 ukol sa proteksyon ng medical mission.

    Gaya ng maraming organisasyon, ang Doctors Without Borders ay paulit-ulit na nananawagan para sa isang agaran at walang kondisyong ceasefire, hindi pipigilang humanitarian access, at paggalang sa pandaigdigang batas na humanitarian – kabilang rito ang pagprotekta sa mga medical staff at sa mga pasilidad— ng lahat ng partido, kabilang ang Hamas. Ngunit patuloy ang pagsalakay ng mga militar sa mga nakubkob na populasyon, at ito’y nagiging mas brutal pa sa pagdaan ng mga araw.

    Ang European Union (EU) at ang mga pamahalaan ng Europa ay may mga kakayahang pulitikal, ekonomiko, at diplomatiko upang pilitin ang Israel na tigilan na ang pananalakay at buksan ang mga tawiran sa hangganan ng Gaza upang makapasok ang humanitarian aid nang walang hadlang. Ito ay hindi mga instrumentong panteorya lamang.  Maaaring gamitin ang mga ito sa pagtataguyod ng pandaigdigang batas at sa pagpoprotekta sa mga sibilyan.

    Pinili ng European Union at ng marami sa mga pinuno nito na pagsabihan ang Israel; ngunit hungkag ang kanilang mga salita dahil hindi naman sila gumagawa ng sapat na aksyon upang pigilan ang pagpaslang sa mga tao. Sila’y mistulang mga ipokritong patuloy na nagbibigay ng mga sandata sa Israel na ginagamit sa pagpatay, pagsunog, at pagdulot ng permanenteng pinsala sa mga taong dinadala sa aming mga ospital. Ito’y dapat nang tigilan.
     

    Kailanma’y walang panahon para sa pag-aatubili at hindi makataong dobleng pamantayan. Ang inyong mga sinasabi at ginagawa ay pagsubok sa inyong kredibilidad at pamumuno. Ito ang panahon upang mabigyang-saysay ang iyong pamana sa susunod na henerasyon. Dito rin natin malalaman kung may kahulugan pa ang mga batas na nagpoprotekta sa mga sibilyan sa panahon ng digmaan. Ito ay nangangailangan ng pulitikal na determinasyon, legal na responsibilidad, at paninindigang moral. Ang tindi ng pagdurusa sa Gaza ay nangangailangan ng higit sa mga pangakong hanggang salita lamang.

    Ang bawat pagpapaliban, ang bawat malabong pahayag, at ang bawat panukalang nagpapahintulot sa pag-usad ng makinarya ng pagwasak nang walang kaparusahan ay isang pagkilos ng pakikipagsabwatan. 

    Hinihimok namin ang European Union at ang 27 na estadong miyembro nito na desididong kumilos at gamitin ang kanilang impluwensya sa Israel upang:

    TAPUSIN ANG PAGKUBKOB

    Ang paghadlang sa makasagip-buhay na pagtulong ay hindi lehitimong hakbang para sa seguridad– ito ay isang krimen sa panahon ng digmaan. Ang mga pahayag na napupunta sa iba ang mga aid ay hindi makabibigay-katarungan sa hindi pagpapaabot ng tulong sa mahigit dalawang milyong tao. Ito ay kolektibong kaparusahan. Buhay ang katumbas ng bawat araw ng pagpapaliban. 

    IPAGTANGGOL ANG PAGKILOS NA HUMANITARIAN

    Tanggihan ang kahit anong mekanismo na ginagawang kasangkapan ang aid o ginagamit ang humanitarian relief bilang kondisyon sa negosasyon. Dapat nakabatay sa pangangailangan ang aid. Ang mga panukala upang sumailalim ang aid sa estratehiyang militar ay di lang mapangutya; nakamamatay ang mga ito. 

    MGA GAWA, HINDI SALITA

    Maraming mga pamahalaan sa Europa ang nagbigay ng pahayag ukol sa kakila-kilabot na mga kalupitang ginagawa ng mga Israeli sa Gaza, ngunit patuloy pa rin silang nagpapadala ng mga sandatang pumapatay sa aming mga pasyente at sa aming mga kasamahan. Kailangang wakasan ng mga pamahalaan ang kanilang pagkasangkot sa kampanyang ito ng ethnic cleansing.

    PAUNLARIN ANG MGA MEDIKAL NA PAGLIKAS

    Sa kasalukuyan, may mga 13,000 na tao, kabilang rito ang mahigit sa 4,500 na bata, na nananatiling may kagyat na pangangailangan para sa medikal na paglikas , nang hindi sila tinatanggalan ng karapatang bumalik sa kanilang mga pinanggalingan. Gayunpaman, sa kabila ng mga pangangailangang ito at ng napatunayang kapasidad ng European Union, ilang daang pasyente lamang ang tinanggap ng mga European Member State. Kailangang ipakita ng mga estadong miyembro  na ang kanilang pagkakaisa ay hindi lamang sa salita.

    Kaya ninyo, at kailangan na ninyong kumilos ngayon.

    Sincerely,

    Dr Christos Christou, Doctors Without Borders International President
    Christopher Lockyear, Secretary General, Doctors Without Borders International

     

    Categories