Gaza: Ang paggamit ng Israel ng mga kautusang lumikas ay “sikolohikal at pisikal na pakikidigma”
Dala ang kanilang mga kagamitan, nililisan na ng mga Palestinong nawalan ng tirahan ang Rafah sa timog na bahagi ng Gaza Strip pagkatapos silang bigyan ng hukbong Israeli ng kautusang lumikas noong Mayo 6, 2024. Palestine 2024 @ Mohammed Abed.
Jerusalem, 27 Mayo 2025 – Patuloy ang sistematikong paggamit ng mga puwersang Israeli ng mga biglaang kautusan na lumikas bilang instrumento ng karahasan, at ginagawa ang Gaza Strip na impiyerno para sa mga Palestino. Ang walang humpay na pagbobomba, ang halos ganap na pagbangkulong sa aid, at ang mga kautusang lumikas ay gumagalaw at nagkukulong sa daan-daang libong mga tao sa mga paliit nang paliit na mga lugar. Ang pananatiling alerto at ang mga biglaang kautusan sa paglikas ay maaaring magdulot ng mapangwasak na epekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao, pag-uulat ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Ang sapilitang pagpapalikas sa mga tao sa pamamagitan ng mga kautusan ay dapat nang tigilan.
“Sa pamamagitan ng sikolohikal at pisikal na pakikidigma, winawasak ng mga puwersang Israeli ang lahat ng mga paraan upang mabuhay ang mga Palestino sa Gaza. Ang mga sapilitang paglikas ay bahagi ng kampanya ng mga puwersa at awtoridad ng israel para sa ethnic cleansing ng mga Palestino. Wala na silang ibang mapupuntahan,” pambabatikos ni Claire Manera, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders.
Mula noong nag-umpisa ang digmaan, ang mga Palestino ay paulit-ulit na napilitang lumikas. Marami sa kanila ang kinailangang tumakas nang ilang beses, katulad ng naranasan ng ilang mga staff ng Doctors Without Borders. 31 na kautusang lumikas ang inilabas mula noong Marso 18, nang nilabag na ng Israel ang ceasefire. Ang walang humpay na sapilitang pagpapalikas ay nagkukulong sa mga Palestino sa isang walang patid na siklo ng pagdurusa. Noong Mayo 19, isang malawakang kautusan ng paglikas sa Khan Younis ay sumaklaw sa 22 % ng Gaza Strip, at nakaapekto sa mahigit 70 na miyembro ng staff ng Doctors Without Borders, habang ang isa pang kautusan noong Mayo 26 ay sumaklaw naman sa 40% ng Central at South Gaza.
Wala nang natitirang mga tolda, at wala na ring lugar upang magtayo nito. Hindi ko alam ang isasagot ko kapag tinatanong ako ng mga kasamahan namin kung saan sila pupunta kasama ang kanilang mga anak pagsapit ng gabi. Nauubusan na kami ng maaari naming gawin upang manatiling buhay.Omar Alsaqqa, Logistic Manager
“Desperado na ang aming mga kasamahan,” sabi ni Omar Alsaqqa, ang logistics manager ng Doctors Without Borders. “Wala nang natitirang mga tolda, at wala na ring lugar upang magtayo nito. Hindi ko alam ang isasagot ko kapag tinatanong ako ng mga kasamahan namin kung saan sila pupunta kasama ang kanilang mga anak pagsapit ng gabi. Nauubusan na kami ng maaari naming gawin upang manatiling buhay.”
Ang mga kautusan sa paglikas at ang mga itinalagang mga no-go military zone ay sumasaklaw na ngayon sa mga 80% ng Gaza, at walang lugar sa Gaza ang hindi sinalakay. Noong Mayo 26, ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders ang 17 na mga pasyente pagkatapos ng isang pagsalakay malapit sa Khan Younis healthcare centre sa Central Gaza, sa mismong lugar kung saan dapat lilipat ang mga tao. Lumikas man ang mga tao, bobombahin naman silang muli sa tinatawag na kanilang panibagong “ligtas na kanlungan”. Mula noong Marso 18 ay may mga 600,000 na taong nawalan na naman ng tirahan.
“Ginising ko ang aking mga anak at sinabi sa kanilang lalabas lang kami sandali. Nagsimula silang mag-iyakan. Kinuha nila ang kanilang mga bag. Takot na takot ako pero pinilit kong magkunwang kalmado kahit na kumakabog ang puso ko sa takot,” paliwanag ni Asmaa Abu Asaker, ang liaison officer ng Doctors Without Borders, matapos makatanggap ng kautusang lumikas ang kanyang kapitbahayan.
Isang displacement leaflet kung saan nakasulat na, "Simula pa lang ang Rafah." Palestine 2025 © Nour Alsaqqa.
Ang mga kautusan ay bigla-bigla na lang dumarating at nagtatakda ng maikling panahon sa pagpapatupad nito, kung kaya’t ang mga tao ay nalalagay sa isang imposibleng sitwasyon. Nakakakuha ang mga tao ng mga leaflet, nakakikita ng mga post sa social media o di kaya’y nakatatanggap sila ng tawag ukol sa isang napipintong pagsalakay. Naiiwan silang may limitadong panahon para ihanda ang kanilang mga dadalhin at maghanap ng masisilungan. Ang pagpilit sa mga taong paulit-ulit na lumikas, kadalasan sa gabi, nang walang mapupuntahan at malalagay sa panganib ang kanilang mga buhay, ay hindi lang magdudulot ng pisikal na epekto, kundi pati na rin ng mabigat na sikolohikal na kahihinatnan.
“Ayaw kong mag-alsa balutan ngayon. Wala akong dadalhing mga bag, o mga papeles—wala kahit ano. Hindi ko alam kung bakit. Baka mali lang ang pag-iisip ko, pero di maproseso ng utak ko ang ideya na lilisanin ko na naman ang aking tirahan,” sabi ni Sabreen Al-Massani, isang psychotherapist ng Doctors Without Borders na ilang beses nang nawalan ng tirahan. “Simula na naman ng isang panibagong hamon, walang harina at mga supply ng pagkain. Dati’y may sarili akong buhay—bahay-trabaho, trabaho-bahay—isang normal na buhay. Bigla na lang, kailangan kong may mga kasama sa tirahan na mga di ko kilala. Magkakasama kaming namumuhay sa isang malupit na kapaligiran, kung saan walang mapagkukunan ng mga pangunahing pangangailangan, laging naghahabol sa supply ng tubig, at naghahanap ng lugar kung saan may mobile phone charging. Pagkatapos, isa na namang kautusan sa paglikas para sa aming buong lugar."
Ginising ko ang aking mga anak at sinabi sa kanilang lalabas lang kami sandali. Nagsimula silang mag-iyakan. Kinuha nila ang kanilang mga bag. Takot na takot ako pero pinilit kong magkunwang kalmado kahit na kumakabog ang puso ko sa takot.Asmaa Abu Asaker, Liaison Officer
Habang ang mga kautusan sa paglikas ay tumutulak sa mga Palestino na magsiksikan sa mga paliit nang paliit na mga tirahan, ang mga puwersang Israeli ay sumasalakay pa rin sa mga lugar na hindi nakatanggap ng kautusang lumikas. Noong Abril 9, mahigit 20 na tao ang namatay sa isang airstrike na tumama sa isang residential block ng pitong gusali sa Gaza City. Kasama sa mga namatay ang mga pamilya ng dalawang staff ng Doctors Without Borders na nagtatrabaho noong nangyari ang airstrike. Huli na noong nalaman nilang ang kanilang mga mahal sa buhay ay nalibing sa ilalim ng mga gumuhong gusali.
“Lagi kaming alerto; maaari kaming makatanggap ng kautusang lumikas kahit anong oras. Hindi kami makatulog sa gabi sa kakaisip na baka kami na ang susunod,” sabi ni Al-Massani, sa kanyang paglalarawan kung paanong naaapektuhan ng mga kautusan ng paglikas ang kalusugang pangkaisipan ng mga Palestino, at kung paano ito nagdudulot ng pagkabalisa.
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga puwersang Israeli na agad nilang tigilan ang sapilitang pagpapalikas sa mga tao at ang kasalukuyang kampanya ng ethnic cleansing ng mga Palestino sa Gaza. Nananawagan din kami sa mga kaalyado ng Israel na tigilan ang kanilang pagsuporta at pakikipagsabwatan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.