Gaza: Ang paggamit ng aid bilang kasangkapan at ang pagwasak sa sistemang pangkalusugan
Sa loob ng Nasser Hospital. Gaza, Palestine, 20 Mayo 2025.
Habang ang mga tao ay nananatiling desperadong nangangailangan ng pangangalagang medikal at ng aid, dapat tigilan na ng mga awtoridad ng Israel ang sinasadyang pananakal sa Gaza at sa pagpatay sa sistema nito para sa pangangalagang pangkalusugan, na sumusuporta sa kanilang kampanya ng ethnic cleansing, sabi ng Doctors Without Borders.
Jerusalem, 20 Mayo 2025 – May hindi sapat na aid na pinahintulutang makapasok sa Strip, isang pagbabalatkayo na tapos na ang pagkubkob. Samantala, may hindi bababa sa 20 na pasilidad medikal sa Gaza ang napinsala, napuwersang magsara ng ilang bahagi, o nagsara nang tuluyan nitong nakaraang linggo dahil sa pagsulong ng ground operations ng Israel, pagtindi ng mga airstrike, at ang paglaganap ng mga kautusan sa paglikas.
“Ang desisyon ng mga awtoridad na Israeli na pahintulutan ang pagpasok ng di kapani-paniwala kung gaano kakulang na aid sa Gaza matapos ang ilang buwan ng mahigpit na pagkubkob ay indikasyon ng kanilang pag-iwas maakusahang ginugutom ang mga tao sa Gaza, habang ang totoo niyan ay halos pinanatili lang nilang buhay ang mga tao,” sabi ni Pascale Coissard, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders sa Khan Younis. “Ito ay isang paraan para gamitin ang aid bilang instrumento o kasangkapan sa pagsulong ng mga layuning militar ng mga puwersang Israeli.”
Ang desisyon ng mga awtoridad na Israeli na pahintulutan ang pagpasok ng di kapani-paniwala kung gaano kakulang na aid sa Gaza matapos ang ilang buwan ng mahigpit na pagkubkob ay indikasyon ng kanilang pag-iwas maakusahang ginugutom ang mga tao sa Gaza, habang ang totoo niyan ay halos pinanatili lang nilang buhay ang mga tao, Pascale CoissardPascale Coissard, Emergency Coordinator
Bago mag-Oktubre 2023, 500 na trak na may dalang aid ang pumapasok sa Gaza araw-araw, ayon sa UN. Ang kasalukuyang pagpapahintulot sa 100 na trak lang kada araw ngayong napakalala na ng sitwasyon ay talaga namang hindi sapat.
Samantala, patuloy na tinatanggal ang mga tao mula sa kanilang mga tirahan sa pamamagitan ng mga kautusan sa paglikas, habang pinauulanan pa rin ng mga puwersang Israeli ang mga pasilidad pangkalusugan ng matitinding pagsalakay.
Noong Mayo 19, sa pagitan ng 6am at 6.30am, iniulat ng mga team ng Doctors Without Borders na sila’y nakarinig ng halos isang strike kada minuto sa Khan Younis. Isa sa mga ito ay tumama sa compound ng Nasser Hospital, 100 na metro ang layo mula sa intensive care unit at sa inpatient department na parehong pinatatakbo ng Doctors Without Borders. Ito ang pangatlong beses sa loob ng dalawang buwan na tinamaan ang compound ng Nasser Hospital, kung kaya’t ang mga tao ay napagkaitan na naman ng paggamot at pangangalaga. Upang mabawasan ang pagkalantad sa panganib, ang aming mga team ay napilitang pansamantalang isara ang outpatient department at ang sedation room para sa mga pasyenteng naghihintay o nagpapagaling mula sa operasyon. Sinuspindi rin namin ang physiotherapy at mga aktibidad para sa kalusugang pangkaisipan, na parehong mahalaga para sa mga pasyenteng nagtamo ng pinsala dahil sa pagkasunog– na ang karamihan ay mga bata.
Matindi rin ang pinsalang naidulot ng strike kahapon sa parmasya ng Ministry of Health sa Nasser Hospital. Ito’y nakadagdag sa kakulangan ng supplies sa panahong ang mga medical stock ay papaubos na dahil sa pagkubkob
Isang strike na tumama sa compound ng Nasser Hospital ang nagdulot ng matinding pinsala sa parmasya ng Ministry of Health. Gaza, Palestine, 20 Mayo 2025.
Bilang bahagi ng pagpapalawak ng kanilang ground operations, ang mga puwersang Israeli ay naglabas ng mga malawakang kautusan sa paglikas, na lalong nililimitahan ang paraan ng mga taong makakuha ng pangangalagang medikal at ang kakayahan ng Doctor Without Borders na magbigay nito. Noong Mayo 19, halimbawa, dahil sa isang kautusan sa paglikas na sumasakop sa halos buong silangang bahagi ng Khan Younis, sa tabi ng Nasser Hospital, napilitan ang mga taong agad na lumipat sa may Al Mawasi.
Sa pagtatantiya ng Site Management Cluster, mahigit 138,900 na tao ang napilitang iwan ang kanilang mga tirahan sa pagitan ng Mayo 15-20. Dahil sa tumitinding pagbobomba ng mga Israeli at ang kanilang mga kautusan sa paglikas sa buong Khan Younis, napilitan ang Doctor Without Borders na panatiliin lamang ang mga makasagip-buhay na aktibidad sa mga emergency room ng mga klinika ng Al Attar at Al Mawasi. Mula kahapon, sarado na rin ang klinika ng Al Hakker sa Deir Al Balah. Bago iyon, ang mga team ng Doctor Without Borders ay nagbibigay ng mahigit sa 350 na konsultasyon kada araw para sa paediatric care, antenatal at post-natal care, psychological first aid, ambulatory nutritional treatment, at iba pa.
Noong Mayo 15, ang mga awtoridad na Israeli ay naglabas ng kautusan sa paglikas ng Sheikh Radwa, isang sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa lungsod ng Gaza, na nauwi sa pagsasara ng pasilidad. Bago iyon, sa tulong ng Doctors Without Borders, ang mga team ng Ministry of Health ay nagbibigay ng mga 3000 na konsultasyon kada araw sa isang lugar na itinatayang may 250,000 na tao. Ito ang huling ganap na gumaganang pampublikong klinika para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa lugar.
Ayon sa Ministry of Health, pagkatapos ng pagkukob sa Indonesian Hospital, ang lahat ng pampublikong ospital sa Hilagang Gaza ay nagsara na. Ang bed capacity ng field hospital ng Doctors Without Borders sa Deir Al Balah ay umakyat ng 150% nitong mga nakaraang araw, kung kaya’t napilitan silang magdagdag ng staff at dagdagan ang kanilang baseline ng 20 na kama. Ayon sa UN, sa kasalukuyan ay may 1,000 na lang na nagagamit na mga kama sa mga ospital sa buong Strip, samantalang bago ang digmaan, ang bed capacity ay 3,500.
Ang pagsalakay sa mga sibilyan at sa pangangalagang pangkalusugan ay dapat nang tigilan, at kinakailangang makapasok ang sapat na aid sa Gaza sa paraang pahihintulutang makarating ito sa mga nangangailangan. Dapat gawin ng mga kaalyado ng Israel ang lahat ng kanilang makakaya upang matugunan agad ito bilang isang sitwasyon na nangangailangan ng agarang pagkilos. Ang bawat araw ng pagwawalang-bahala ay nagpapatibay ng kanilang pakikipagsabwatan sa pagkitil sa mga tao ng Gaza.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.