Doctors Without Borders, nanlulumo sa pagkamatay ni Abed El Hameed, ang ika-labinlimang staff ng MSF na pinatay sa Gaza
Jerusalem, 5 Oktubre 2025 – Matindi ang pagkalungkot at galit ng Doctors Without Borders sa pagkumpirma ng pagkamatay ng aming kasamahan na si Abed El Hameed Qaradaya. Sa kabila ng pangangalagang ibinigay ng aming mga medical team, binawian siya ng buhay dahil sa mga kritikal na pinsalang tinamo niya mula sa mga shrapnel noong Linggo, Oktubre 5, matapos ang pagsalakay noong Huwebes, Oktubre 2, kung saan ang isa pa naming kasamahan na si Omar Hayek ay napatay rin, at marami ang nasugatan.
Ang pagsalakay ay ginawa ng mga puwersang Israeli sa Gaza sa isang kalsada kung saan ang aming mga team ay naghihintay para sa bus na magdadala sa kanila sa Doctors Without Borders field hospital sa Deir Al-Balah, kung saan sila nagtatrabaho. Lahat ng aming mga staff ay nakasuot ng Doctors Without Borders na vest, isang malinaw na pagpapakilala sa kanila bilang mga medical humanitarian worker.
Sa edad na 43 na taong gulang, si Abed ay naging ika-labinlimang staff member ng Doctors Without Borders na pinatay sa Gaza mula noong Oktubre 7, 2023. Siya ang aming ikatlong kasamahan na pinaslang sa loob lamang ng wala pang 20 na araw.
Umalis sina Abed at Omar mula sa Gaza City dahil sa mga kautusan sa paglikas at sa walang humpay na mga pagsalakay ng mga puwersang Israeli. Gayunpaman, sila’y pinatay pa rin ng nabanggit na mga puwersa sa tinatawag nilang “safer zone” (mas ligtas na lugar). Walang ligtas na lugar sa Gaza.
Nakikiramay kami sa asawa’t dalawang anak ni Abed. Ang pagkasawi niya ay isang malaking kawalan at nagdulot ng kalunos-lunos na epekto sa kanyang mga mahal sa buhay, sa Doctors Without Borders at sa sistemang pangkalusugan sa Gaza.
Larawan ni Abed El Hameed Qaradaya, Doctors Without Borders Physiotherapy Activities Manager sa Nasser Hospital, Khan Younis. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF
Sa loob ng 18 na taon, si Abed El Hameed ay naging isang saligang miyembro ng physiotherapy department ng Doctors Without Borders sa Gaza. Siya ay isang katangi-tangi at mahalagang espesyalista sa physiotherapy at occupational therapy. Nakatuon si Abed, hindi lang sa pisikal na paggaling ng kanyang mga pasyente, kundi pati na rin sa pagpapabalik ng kanilang pag-asa at dignidad.
Walang pagod na nagtrabaho si Abed sa harap ng matitinding hamon, katulad ng kakulangan ng supplies dahil sa pagbangkulong ng mga Israeli. Gumawa siya ng mga pagbabago sa mga kagamitan para gawing mas angkop ang mga ito para sa mga pasyente, nakipagtulungan sa mga mananahi at mga logistik upang lumikha ng mga pinasadyang compression suit para sa mga pasyenteng nagtamo ng pinsala dahil sa pagkasunog, at inangkop ang mga walker para sa partikular na pangangailangan ng mga nasugatan at naputulan ng bahagi ng katawan noong naganap ang pagpatay ng lahi. Siya ang nagtulak na magbukas ng 3D physiotherapy department, at iginiit ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya sa pangangalaga ng mga pasyente sa Gaza.
Si Abed ay mananatili sa alaala ng kanyang mga nakatrabaho bilang isang taong laging may positibong pananaw at matinding pagmamalasakit. Isa siyang tunay na kaibigan, laging handang sumuporta, magpalakas ng loob, at magbigay-inspirasyon.
Nagtipon-tipon ang mga tao sa labas ng Nasser Hospital habang dinadala ang mga labi ni Abed El Hameed Qaradaya sa ambulansya na siya ring maghahatid nito sa sementeryo para sa kanyang libing. Palestine, 2025 © Nour Alsaqqa/MSF
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa isang agarang ceasefire at pagtigil ng pagdanak ng dugo. Kami’y lubhang nagdadalamhati at nagagalit sa pagpaslang sa aming mga kasamahan, isang malagim na paalala ng ganap na pagwawalang-bahala sa buhay ng mga sibilyan at sa dignidad ng mga tao.