Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Ang pagiging mapagkunwari ng mga pamahalaang EU, pinaiigting ang mga pagdurusa sa Gaza

    A woman is carrying her child through the rubble

    Buhat ng isang babae ang kanyang anak. Ang daan nila pauwi ay puno ng mga nawasak na gusali. Palestine, 2024 @ MSF

    Sa loob ng mahigit sa 20 na buwan, nagsagawa ang mga awtoridad at puwersang Israeli ng isang mapagparusang kampanya, kabilang rito ang malawakang sapilitang pagpapaalis sa mga tirahan at ethnic cleansing laban sa mga Palestino ng Gaza. Araw-araw, nasasaksihan ng aming mga team ang mistulang genocide sa mga sinasadyang pagkilos ng mga puwersang Israel – kabilang rito ang mga malawakang pagpatay, ang pagsira ng mga mahahalagang imprastrukturang sibilyan, at ang pagbabangkulong sa mga mapagkukunan ng pagkain, tubig, gamot, at ng iba pang mga mahahalagang humanitarian supplies. Sistematikong sinisira ng Israel ang mga kondisyong kinakailangan ng mga Palestino upang mabuhay. Winasak nila ang mga tahanan, mga ospital, mga pamilihan, mga water network, mga kalsada, at mga power grid, hindi dahil sa pagsasawalang-bahala kundi dahil sa kanilang intensyon.

    Ang European Union (EU) at ang mga pamahalaan ng Europa ay may mga kakayahang pulitikal, ekonomiko, at diplomatiko upang pilitin ang Israel na tigilan na ang pananalakay at buksan ang mga tawiran sa hangganan ng Gaza upang makapasok ang humanitarian aid nang walang hadlang. Ito ay hindi mga instrumentong panteorya lamang.  Maaaring gamitin ang mga ito sa pagtataguyod ng pandaigdigang batas at sa pagpoprotekta sa mga sibilyan.

    Subali’t tila binitiwan na ng EU at ng mga miyembrong estado nito ang kanilang kapangyarihang pulitikal para gawin ito. Ang mas malala pa rito, ang mga pahayag na ginawa kamakailan lang ng mga estado ng Europa kung saan binabatikos nila ang digmaan ay nagpapakita ng kanilang pagiging mga ipokrito dahil sa kanila nanggagaling ang mga sandatang ginagamit sa pagpatay, paglumpo, at pagsunog sa mga taong dinadala sa aming mga ospital. 

    “Ang digmaan sa Gaza ay isa sa mga pinakamalaki, pinakanakamamatay at pinakamalupit na digmaan sa kasalukuyang panahon,” sabi ni Christopher Lockyear, Doctors Without Borders Secretary General. “Ito ay isang sistematikong pagpaslang sa mga Palestino. Ito ay determinadong paraan ng ethnic cleansing.” 

    “Ang pagpigil dito ay nangangailangan ng pulitikal na determinasyon, legal na responsibilidad, at paninindigang moral,” sabi ni Lockyear. “Ang tindi ng pagdurusa sa Gaza ay nangangailangan ng higit sa mga pangakong hanggang salita lamang.”

    Ang aid ay ginagawang kasangkapan, ginagamit upang mapakinabangan, pinapatawan ng mga kondisyon, o di kaya’y ganap na hinahadlangan. Mula noong naglunsad ng mga aktibidad ang Gaza Humanitarian Foundation noong Mayo 27 bilang bahagi ng plano ng US at Israel na gamitin ang aid bilang kasangkapan, daan-daang Palestino ang kinailangang gamutin sa mga ospital at napakarami ang napatay matapos silang paulanan ng bala sa mga lugar kung saan ipinamamahagi ang aid, habang sila’y naghihintay na makatanggap ng mga kinakailangan nila upang mabuhay.  

    “Ang itinalagang sistema ng paghahatid ng aid ay hindi lang isang pagkabigo, ito rin ay hindi makatao at mapanganib,” sabi ni Lockyear. “Inilalantad nito ang libo-libong mga Palestino sa mga di dapat haraping mga panganib, at nauuwi sa pagdanak ng dugo na maaari sanang iwasan kung ang mga organisasyong humanitarian ay papayagang magbigay ng aid nang walang kinikilingan, nang may katiyakang sila ay ligtas, at makatutugon sa dami ng mga pangangailangan sa Gaza.” 

    “Ang digmaan sa Gaza ay isa sa mga pinakamalaki, pinakanakamamatay at pinakamalupit na digmaan sa kasalukuyang panahon. Ito ay isang sistematikong pagpaslang sa mga Palestino. Ito ay determinadong paraan ng ethnic cleansing. Ang pagpigil dito ay nangangailangan ng pulitikal na determinasyon, legal na responsibilidad, at paninindigang moral. Ang tindi ng pagdurusa sa Gaza ay nangangailangan ng higit sa mga pangakong hanggang salita lamang.”
    Christopher Lockyear, Secretary General

    Sa kasalukuyan, ang Nasser Hospital, na siyang pangunahing referral hospital para sa libo-libong mga pasyente sa Southern Gaza, ay halos hindi makapagpatuloy sa pagbibigay-serbisyo dahil sa mga paulit-ulit na kautusan para lumikas at sa mga paghihigpit sa paglakbay ng mga staff at mga pasyente. Nitong mga nakaraang linggo, nakatanggap ang mga MSF team sa pasilidad na ito ng mahigit sa 500 na pasyenteng nangangailangan ng pangangalagang medikal, habang sinusuportahan nila ang medical staff ng ospital upang tumugon sa pagdating ng napakaraming sugatan mula sa mga walang patid na pagbobomba at pagsalakay. 

    “Ang mga organisasyong humanitarian ay nagtayo ng mga pansamantalang ospital upang mapunan ang mga kakulangan, ngunit hindi magagawa rito ang mga kayang gawin sa mga regular na ospital,” sabi ni Lockyear. “Dapat maprotektahan ang mga nalalabing ospital, at gawing mas madali ang pagpasok ng aid. Kapag hindi ito magawa, mas maraming buhay ang mawawala.” 

    Gaya ng maraming organisasyon, ang Doctors Without Borders ay paulit-ulit na nananawagan para sa isang agaran at walang kondisyong ceasefire, hindi napipigilang humanitarian access, at paggalang sa pandaigdigang batas na humanitarian – kabilang rito ang pagprotekta sa mga medical staff at sa mga pasilidad.

    Ang ilang mga pamahalaan ay nagpapahayag ng kanilang pagkabahala sa kahindik-hindik na sitwasyon sa Gaza, ngunit ang ganitong mga pahayag ay nababalot sa pagkukunwari. Sinasabi nila ito  habang patuloy silang nagpapadala ng mga sandatang pumapatay at nagdudulot ng pinsala sa mga batang ginagamot namin.

    “Ang mga nararanasan ng mga tao sa Gaza ay lampas pa sa hindi matitiis: kailangan na itong tigilan,” sabi ni Lockyear. “Habang patuloy ang pagsalakay ng mga militar sa mga nakubkob na tao, ang pagiging ipokrito ng mga estado ng EU na panay ang salita ngunit hindi naman kumikilos, ay mas nagiging lantad sa pagdaan ng mga araw.” 


    Mula Oktubre 2023, ang mga Doctors Without Borders staff at ang mga pasyente sa Gaza ay napilitang umalis mula sa hindi bababa sa 18 na mga pasilidad pangkalusugan, at nakaranas ng mga 50 na insidente ng karahasan. Kabilang rito ang mga airstrike sa mga ospital, ang pagpapasabog ng mga tank shell sa mga napagkasunduang ligtas na shelter, pagsalakay sa mga sentrong medikal, at pagpapaputok sa mga convoy. Labing-isa na sa aming mga kasamahan ang napatay.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories