Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Ang huling lifeline ng South Gaza: Nasser Hospital, dapat mapangalagaan

    MSF staff in front of Nasser Hospital

    Ang staff ng Doctors Without Borders sa harap ng Nasser Hospital sa Gaza matapos ang isang Israeli strike noong Marso 23, 2025. Palestine 2025 @ MSF.

    Jerusalem, Hunyo 5, 2025 – Sa Southern Gaza, ang mga kautusan sa paglikas at ang mga paghihigpit sa paglalakbay na ipinataw ng mga awtoridad na Israeli sa Nasser Hospital ay tumutulak sa pasilidad na ito sa bingit ng ganap na pagsara, babala ng Doctors Without Borders/ Médecins Sans Frontières (MSF).

    Sa digmaang ito, kitang-kita ang layunin ng mga puwersang Israeli na pabagsakin ang mga ospital sa pamamagitan ng mga kautusang tanggihan ng mga pasilidad na ito ang mga bagong pasyente. Ginagawa rin nilang mas mahirap para sa mga taong makarating sa mga ospital na ito. Ang Nasser Hospital ang tanging naiwang lifeline para sa mga nangangailangan sa Southern Gaza, at kinakailangang maibalik agad sa dati ang kapasidad nito at ito’y mapangalagaan.

    Noong Hunyo 3, sinabihan ang aming mga team na sinumang papasok o lalabas sa Nasser Hospital ay dapat kumuha ng awtorisasyon. Ito’y dapat mahingi 24 na oras o higit pa bago ito kinakailangan. Ibig sabihin, ang mga medical staff na nakatalagang pumasok sa araw ay hindi makakapasok sa ospital. Dahil dito, ang mga staff na nagtrabaho noong gabi ay kinakailangang magpatuloy na lamang at manatili sa ospital sa loob ng 48 na oras.

    Buong araw na nanatiling nakasara ang outpatient department.  Ang mga ambulansya na nagdala ng mga pasyente sa ospital ay nalagay sa matinding panganib: maaari silang barilin dahil wala silang awtorisasyon. Ang kinaroroonan ng Nasser sa frontline ay nakasasagabal sa pagpunta ng mga staff at mga pasyente sa natitirang ospital sa lugar.

    Pagod na pagod na ang mga tao. Ang kanilang mga buhay ay winasak ng 20 na buwan ng lubhang marahas na digmaan at nakasasakal na pagkubkob kung saan maski ang pamamahagi ng kaunting aid ay nauuwi sa nakapanlulumong patayan. Sa ganitong konteksto, ang kahit anong natitirang pasilidad medikal ay lubhang mahalaga at dapat protektahan.
     

    A pile of rubble in the aftermath of a strike

    Sinalakay ng mga puwersang Israeli ang Nasser hospital compound noong Mayo 19, 2025, 100 na metro ang layo mula sa intensive care unit at sa inpatient department na pinatatakbo ng Doctors Without Borders. Palestine 2025 @ MSF.

    Ang mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan ay hindi lang sa pamamagitan ng aksyong militar. Ginagawa rin ito sa pamamagitan ng mga limitasyong ipinapataw sa pag-angkat ng medical supplies, kung kaya’t napipilitan ang mga doktor na irasyon ng gamot para sa pain relief. Nangyayari rin ito sa pamamagitan ng mga kautusang lumikas, na nauuwi sa pagsasara ng buong ospital nang walang pasabi. Ito rin ay nangyayari sa pamamagitan ng panliligalig at pagbibigay ng mga awtoridad ng Israel ng mga nakalilitong utos, kung kaya’t nagiging mas mahirap ang pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga.

    “Nasaksihan na natin ang ganitong mga pangyayari dati”, sabi ni Jose Mas, ang namumuno sa mga emergency programme ng Doctors Without Borders. “Nangyari na ito sa mga pasilidad tulad ng Al Awda at ang Indonesian Hospital sa Northern Gaza, kung saan noong una ay sinabihan silang huwag nang tumanggap ng mga karagdagang pasyente, at matapos ang ilang araw ay sinalakay sila at halos ipasara ang buong ospital. Ang pagpapasara ng Nasser Hospital ay para na ring hatol ng kamatayan para sa mga sugatang pasyenteng nasa pinakamalalang kondisyon, mga pasyenteng may kritikal na sakit, at mga kababaihang nangangailangan ng emergency obstetric care.”

    Ang Nasser Hospital ay isang malaking referral hospital na maraming specialist ward na hindi makikita sa ibang mga pasilidad sa timog ng Gaza. Kabilang rito ang mga operating theatre, isang planta para sa oxygen, mga ventilator, blood bank, at mga incubator. Ang pagbabawas ng mga maaaring kumuha ng pangangalaga mula sa ospital na ito at ang paghadlang sa mga pasyenteng isinasangguni rito para sa specialist, emergency care, ay makapipigil sa kanilang makatanggap ng paggamot na maaaring sumagip sa kanilang buhay.
     

    Ang pagpapasara ng Nasser Hospital ay para na ring hatol ng kamatayan para sa mga sugatang pasyenteng nasa pinakamalalang kondisyon, mga pasyenteng may kritikal na sakit, at mga kababaihang nangangailangan ng emergency obstetric care.
    Jose Mas, head of emergency programmes

    Nitong mga nakaraang buwan, ang mga medical team ng Doctors Without Borders sa Nasser Hospital ay nagbigay ng pangangalaga sa mahigit 500 na pasyente sa maternity ward. Kabilang rito ang mga kababaihang nangangailangan ng surgical care, pati na rin ang mahigit sa 400 na bagong silang na sanggol at mga batang pasyente. Ang ospital ay puno ng mga pasyenteng nasaktan dahil sa pagkasunog at sa severe trauma.

    Ang pangangalagang pangkalusugan ay sinasalakay sa lahat ng bahagi ng Gaza. Noong umaga ng Hunyo 4, tatlong beses na sinalakay ng mga puwersang Israeli ang Al Aqsa Hospital, ang pangunahing pasilidad sa Deir Al Balah, Central Gaza na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Bagama’t walang naiulat na namatay, ito ay isang malagim na paalala ng malaking panganib na laging hinaharap ng mga pasyente, medical staff at mga pasilidad pangkalusugan sa Gaza.

    Nakatanggap ang aming mga team ng mga pasyenteng nagtamo ng malubhang pinsala habang sinusubukan nilang makakuha ng pagkain. Pinagbabaril kasi sila sa mga lugar kung saan namamahagi ng pagkain ang Gaza Humanitarian Foundation. Dumagdag sila sa mga taong nasugatan dahil sa pagbobomba ng Gaza Strip, kung kaya’t umaapaw na ang mga pasyente sa mga ospital.

    Mahalagang protektahan ng mga awtoridad na Israeli ang Nasser Hospital at tiyaking walang hadlang ang mga pasyente at medical staff sa pasilidad na ito, upang maiwasan ang pagdami pa ng namamatay.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories