Daan patungo sa pagbangon: Ang mga bata’y nakatatakas mula sa pagpuksa ng lahi sa pamamagitan ng mga medikal na paglikas
Kasama ang kanyang kapatid na babae, nakaupo si Omar sa palaruan ng reconstructive surgery hospital sa Amman, Jordan. Si Omar ay nasaktan sa isang pagsalakay ng mga Israeli, matapos tumagos ang isang piraso ng shrapnel sa kanyang binti. Amman, Jordan, 2025 © Mohammad Shatnawi/MSF
Nitong nakaraang dalawang taon, ang kampanya ng Israel na pagpuksa ng lahi sa Gaza ay nagdulot ng hindi maubos-isip na kawalan at kapinsalaan. Ang mga tao sa Gaza, kabilang ang aming mga kasamahan, ay pinagpapapatay, sinasaktan, ginugutom, kinukubkob, at pinapaalis sa kanilang mga tirahan.
Nagbalik-tanaw ang aming kasamahan na si Mohammad Al Hawajri, na nagtrabaho sa Gaza bilang isang nars sa operating theatre, kung paanong siya at ang kanyang pamilya ay nagsikap makahanap ng kaligtasan na hindi nila natamo. Ikinuwento rin niya kung paano sila nakatakas ng kanyang limang taong gulang na anak na si Omar. Si Omar ay nagtamo ng pinsala sanhi ng isang Israeli airstrike at ngayo’y ginagamot sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Amman, Jordan.
Ilang araw pagkatapos pumutok ang digmaan sa Gaza, inutusan ng Israel ang halos kalahati ng populasyon na lumikas patungong timog. Nanatili kami sa hilaga at lumipat sa pinakamalapit na tanggapan ng Doctors Without Borders kung saan nagtipon-tipon ang marami sa aming mga staff at ang kanilang mga pamilya. Pakiramdam namin ay mas ligtas doon kaysa aming mga sariling bahay, bagama’t ang bawat pagputok na aming naririnig ay paalala na walang ligtas na lugar.
Sa pagdaan ng mga linggo, nilusob ng mga puwersang Israeli ang Al-Shifa Hospital, at naghasik ng takot sa bawat sulok ng Gaza City. Noong panahong iyon, matagal nang nakasara ang mga tindahan at mga panaderya, at nagsisimula nang humigpit ang hawak ng kagutuman sa hilaga ng Strip. Ang lungsod ay winawasak at ang mga natitirang tao ay nagugutom. Nagpasya kaming tumakas, sa pag-asang mas may pagkakataong mabuhay sa timog.
Sinubukan ng Doctors Without Borders na hanapan ng paraan upang makatakas ang aming mga staff sa maikling panahong ibinigay sa amin ng mga puwersang Israeli. Nilisan ng aming mga staff at ng kanilang mga pamilya ang lugar, lulan ng ilang mga sasakyan. Ngunit dahil libo-libong mga tao ang desperadong makatakas at nagkakagulo na sa Netzarim corridor, naubusan kami ng oras bago pa man kami makatawid sa timog. Napilitan kaming bumalik sa Gaza City. Habang ang aming mga sasakyan, na may mga malinaw na marka ng logo ng Doctors Without Borders, ay pabalik sa klinika, bigla kaming pinaulanan ng bala. Pinaputukan kami; nabasag ang aming mga bintana, at tumagos ang mga shrapnel sa aming mga sasakyan.
Ang mga sasakyan ng Doctors Without Borders na nakaparada sa harap ng aming klinika sa Gaza City ay winasak ng mga puwersang Israeli. Maging ang aming klinika ay lubhang napinsala, at may bahagi ng gusali na ilang oras nilamon ng apoy. Makikita sa mga sasakyan at sa klinika ang aming logo, isang malinaw na palatandaan na ang mga ito’y pag-aari ng Doctors Without Borders. Gaza City, Palestine, 2023 © MSF
Sa gitna ng kaguluhan, si Alaa Al-Shawa, na isa sa mga boluntaryong emergency nurse ng Doctors Without Borders ay binaril sa ulo habang hawak niya ang aking mga anak. Agad siyang binawian ng buhay.
Tandang-tanda ng mga anak ko ang mga nangyari noong araw na iyon – ang mga putok ng baril na nanggaling sa iba’t ibang panig kung kaya’t imposibleng matukoy kung saan ito talagang nagmumula, ang balang humaging sa ibabaw ng kanilang mga ulo bago ito tumama kay Alaa, at ang pagkakapatay sa aming kasamahan at kaibigan na lubos nilang mahal. Malapit na kami sa klinika noon kaya’t naipasok pa namin si Alaa, ngunit ang aming nasaksihan ay ang pagkabigo ng mga pagsisikap na sagipin ang kanyang buhay.
Naghihiyawan ang mga bata, dinig na dinig ang kanilang mga panangis habang inililibing namin si Alaa. Hindi kami makapaniwala; hindi maproseso ng aming mga isipan ang nangyari.
Sa mga sumunod na araw, kinailangan naming manatili sa loob ng klinika. Natutulog kami sa lugar kung saan din namin inilibing si Alaa. Wala kaming ibang mapuntahan. Ang pinakanaapektuhan ay ang panganay kong lalaki; gabi-gabi siyang nagigising na umiiyak. Hindi nawawala sa kanyang isipan ang imahe ng bangkay ni Alaa at ang lahat ng mga nasaksihan niya.
Huling bahagi na ng Nobyembre 2023 noong nakatawid kami patungo sa timog. Ang kalsadang aming dinaanan ay puno ng mga bangkay ng mga taong iniwan na lang kung saan man sila inabutan ng kamatayan. Kailanma’y hindi mabubura ang larawang iyon sa aming mga isipan.
Sa wakas, narating namin ang Khan Younis at nakahanap ng masisilungan sa may bakuran ng Doctors Without Borders. Ngunit nahanap pa rin kami ng digmaan. Niyanig ang aming pinamamalagiang gusali at binasag ang mga bintana nito ng isang pagsalakay sa di kalayuan. Hindi nagtagal, isang tank shell naman ang tumama sa pasilidad. Nakapuntirya ang pagpapasabog sa pasilidad kung saan kitang-kita ang bandila at logo ng Doctors Without Borders. Sa pagsalakay na iyon, namatay ang anak na babae ng isa sa aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders.
Pagkatapos ng pagbobomba, lumikas kaming muli. Sinubukan naman naming pumunta sa Rafah, ang tinatawag nilang “safe zone”. Ngunit kahit doon ay tuloy-tuloy pa rin ang mga airstrike. Kung hindi man direktang mabagsakan ng mga bomba ang mga bahay, ang mga shrapnel nama’y makakawasak pa rin ng mga dingding at ng mga masisilungan.
Si Omar sa isang klase sa reconstructive surgery hospital sa Amman, Jordan. Nagtamo ng pinsala si Omar sa isang pagsalakay ng mga Israeli, kung saan tumagos ang isang piraso ng shrapnel sa kanyang binti. Sumailalim na siya sa mga karagdagang operasyon, at nakatanggap ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan. Ngayon, muli na siyang nakakatayo, nakakalakad at nakakapaglaro. Amman, Jordan, 2025 © Mohammad Shatnawi/MSF
Ang kasunod nito’y ilang buwan ng kawalan ng permanenteng tirahan, na pinalalala pa ng di-makakayanang pagkawala at mga hindi makataong kondisyon ng pamumuhay. Halos hindi na namin napapansin ang paglipas ng panahon habang kami’y palipat-lipat ng tirahan, at nagsisikap lang na mabuhay araw-araw. Akala nami’y nalagpasan na namin ang pinakamalalang maaaring mangyari, ngunit nagdala ang pagpuksa ng lahi ng panibagong katatakutan. Noong Hunyo 27, 2025, isang airstrike ang isinagawa sa kalye sa may tabi ng aming tirahan. Ang aming bunsong anak na si Omar ay nakatayo lang sa may pinto nang tamaan siya ng shrapnel na tumagos sa kanyang binti. Limang taon lang siya noon, at nanghihina dahil sa ilang buwan ng takot at pagkagutom.
Sa Gaza, sumailalim siya sa ilang operasyon sa mga hindi mabatang kondisyon, sa gitna ng pagkagutom at nagtataasang mga presyo ng pagkain at gamot na hindi na namin maabot-kaya o makuha sa ilalim ng pagkubkob ng Israel.
Pagkalipas ng anim na linggo, nagawa ng aming mga kasamahan na ilipat kami sa reconstructive surgery hospital ng Doctors Without Borders sa Jordan. Sa panahong ito, si Omar ay malnourished na, at ang kanyang mga kapatid ay kulang sa timbang.
Dito sa Amman, sumailalim na siya sa mga karagdagang operasyon, at nakatanggap ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan. Ngayon, muli na siyang nakakatayo, nakakapaglaro, at nagpapakasaya sa pagiging bata. Habang minamasdan namin siyang gawin ang mga unang hakbang tungo sa paggaling, ito’y nagsisilbing paalala na pagkatapos ng lahat ng nangyari, maaari pa ring magsimula muli ang buhay.
Ngunit kahit na gaano kataas ang antas ng pangangalaga ang kanyang matanggap, dadalhin na niya mula pagkabata ang mga sugat na dulot ng mga pangyayari – ang pagpuksa ng lahi, na nahihirapan pa rin kaming paniwalaang ito ay hinayaang mangyari sa amin, sa aming mga anak, at sa bayan naming minamahal.
Nakaupo si Omar kasama ang kanyang amang si Mohammad sa palaruan ng reconstructive surgery hospital sa Amman, Jordan. 2025 © Mohammad Shatnawi/MSF
Tungkol sa Reconstructive Surgery Programme (RSP) ng Doctors Without Borders sa Jordan
Mula noong Oktubre 7, 2023, ang Reconstructive Surgery Programme (RSP) ng MSF sa Jordan ay tumanggap ng 45 na bata* kasama ang kanilang mga tagapangalaga mula sa Gaza para sa specialised reconstructive surgery at pangangalaga para sa kanilang rehabilitasyon.
Noong itinayo ang RSP sa Amman noong 2006, ang orihinal na layunin nito’y ang gamutin ang mga biktima ng digmaan sa Iraq. Sa pagdami ng mga pinsalang dulot ng mga hidwaan sa buong Middle East, pinalaki ang ospital sa Amman upang tumanggap ng mga pasyenteng mula sa mahigit sa anim na bansa. Ang ospital na ito ay nakapagbibigay ng kadalubhasaang medikal na hindi nila makukuha sa kanilang mga sariling bansa. Ngayon, ang RSP ay naging sentro na sa rehiyon para sa paggamot ng mga pasyenteng may mga pinsalang kumplikado at nakakapagpabago ng buhay. Nagbibigay sila ng surgical at rehabilitative care para sa orthopaedic, plastic at maxillofacial trauma, mga pagkasunog at iba pang mga pinsalang kaugnay ng hidwaan. Kabilang sa holistikong pamamaraan nito ang surgical care, physiotherapy, occupational therapy, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at psychosocial care. Karamihan sa mga pasyente ay namamalagi ng ilang buwan upang bigyan ng panahong gumaling ang kanilang mga pisikal at sikolohikal na mga sugat.
*Hanggang Oktubre 26
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.