Gaza: Isang buwan mula noong nag-umpisa ang ceasefire, ang sitwasyon ay nananatiling walang pag-asa
Ang mga pamilyang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan ay humantong sa pagsisiksikan sa libo-libong mga tolda sa Khan Younis, Gaza, kung saan kulang na kulang sila sa mga pangunahing pangangailangan upang mabuhay. Palestine, 2025. © Motasem Abu Aser/MSF
Isang buwan pa lang mula noong nag-umpisa ang marupok na ceasefire sa Gaza, ang sitwasyong humanitarian ay nananatiling nasa kritikal na kondisyon. Sa kabila ng sandaling pagpahinga mula sa karahasan, daan-daang libong Palestino ang patuloy na namumuhay sa mga siksikan na pansamantalang masisilungan. Kakaunti ang kanilang mapagkukunan ng malinis na inuming tubig, ng kuryente, o ng sanitasyon. Upang ang ceasefire ay makapagbigay ng tunay na kaginhawaan, kailangan itong itaguyod at agad na pantayan ng malaki at pananatiliing access para maabot ng aid ang mga tao sa buong Gaza.
Si Caroline Seguin, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Gaza, ay naglabas ng pahayag na ito:
“Isang buwan mula noong nag-umpisa ang ceasefire, ang sitwasyon ay nananatiling walang pag-asa. Ang mga Palestino ay patuloy pa ring pinapatay at sinasaktan ng mga puwersang Israeli halos araw-araw sa mga lugar malapit sa dilaw na guhit, kung saan sa likod nito ay nananatili ang kontrol sa kamay ng mga Israeli. Kadalasan, inilalagay ng mga Palestino ang kanilang buhay sa panganib sa pagsisikap na makabalik at mahanap ang kanilang mga tirahan, dahil ang linya ay hindi laging malinaw ang hangganan. Ang malala pa rito, ang ilang mga pangunahing ospital ay nasa mga lugar na kontrolado ng mga puwersang Israeli, na nangangahulugang nabawasan ang ligtas na access sa pangangalagang pangkalusugan.
Patuloy ang mga awtoridad na Israeli sa pagpataw ng mga paghihigpit sa pagpasok ng aid sa Gaza. Ang Doctors Without Borders at ang ibang mga organisasyon ay nahihirapang maghatid ng napakahalagang aid sa Gaza, lalo na ng mga kagamitang medikal, mga masisilungan, mga gamit para sa personal na kalinisan, at ng mga bahaging kailangan para sa mahahalagang imprastruktura."
"Ang mga kondisyon ng pamumuhay sa Gaza ay nananatiling kahindik-hindik. Matapos silang sapilitang pinaalis sa kanilang tirahan nang paulit-ulit, marami sa mga Palestino ang nakatira sa mga improbisadong matutuluyan nang walang access sa dumadaloy na tubig at kuryente. At sa kanilang tabi ay mga tambak ng basura at umaapaw na imburnal. Nakikita natin kung paanong ang kalusugan ng mga tao ay naapektuhan ng kahila-hilakbot na kondisyong ito na nagdudulot ng mga impeksyon sa respiratory system, sa balat at sa gastrointestinal organs. Ang taglamig ay parating na, bumabagsak na ang temperatura, at inaasahan ang malakas na hangin at matinding pag-ulan.
Dapat agad na pahintulutan ng mga awtoridad na Israeli ang isang pagpapalaki ng hindi hahadlangang humanitarian assistance sa Gaza.”
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.