Pinakahuling balita
Bago mag-hatinggabi noong Agosto 31, 2025, isang 6.0-magnitude na lindol ang yumanig sa probinsya ng Nangarhar sa Afghanistan, malapit sa hangganan ng Pakistan. Ayon sa mga lokal na ulat, mahigit 1,400 na tao ang nasawi at mahigit 3,000 ang nagtamo ng pinsala sa apat na probinsya sa silangan, kasama rito ang Kunar at Nangarhar.
Tinatasa ng Doctors Without Borders ang mga pangangailangan at namamahagi ng mga emergency kit sa Jalalabad.
Ang mga natural na kalamidad na tulad ng mga bagyo, pagbaha, pagputok ng bulkan, tsunami, at iba pa ay maaaring magdulot ng nakapanlulumong epekto sa buong komunidad. Daan-daan o libo-libong tao ang maaaring masaktan, mawalan ng tirahan, at maging ng hanapbuhay. Maaari ring maantala ang pagkakaroon nila ng malinis na tubig, mga serbisyong pangkalusugan, at maayos na transportasyon.
- Pagpasok sa Disaster Zones
Ang emergency teams ng Doctors Without Borders ay mga dalubhasa sa mabilis na pagtasa ng sitwasyon at sa pag-organisa ng kagyat na pagtugon.
Nakaimbak na sa mga bodega sa iba’t ibang lugar sa mundo ang medical at logistical supplies, at nakapakete na ang mga ito upang madaling maipamahagi.
Nasa hanay namin ang mga staff na hindi tatangging iwan ang anumang pinagkakaabalahan nila para tumulong sa kahit saang bahagi ng mundo. Dahil dito, nakakapunta kami agad kung saan kami kinakailangan. Alam naming hindi makapaghihintay ang mga ganitong sitwasyon.
- Ang Paggamot sa Nasugatan
Isa sa aming prayoridad ang alamin kung ilan ang nasaktan at kung naapektuhan ng kalamidad ang kapasidad ng lugar para makapagbigay ng serbisyong pangkalusugan. Kung ang mga nasugatan o nabalian ng buto ay di magamot at mabigyan ng tamang post-operative care, maaaring magkaroon sila ng impeksyon.
Magpapadala ang Doctors Without Borders ng mga medical units na magsasagawa ng surgical procedures, magbibigay ng post-operative care at ng physiotherapy. Isa pang maaaring gawin ay ang pagbubukas ng mobile hospitals, tulad ng inflatable hospital, na angkop gamitin pagkatapos ng lindol dahil sa posibilidad ng aftershocks.
Binibigyan din ng prayoridad ang pagbabalik ng mga serbisyong pangkalusugan at ang pamamahagi ng mga relief items. Pero mahalagang tandaan na di lang mga pinsala sa katawan ang dapat pagtuunan. Kailangan din ang mental health support upang makabangon agad ang mga tao.
- Pagtutulungan para sa Pambansang Relief Efforts
Ang tugon ng Doctors Without Borders sa kalamidad ay binuo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kumikilos para sa buong bansa, habang binibigyang-halaga ang mga stratehiya at gawaing lokal, at isinasaalang-alang ang mga limitasyon sa panahon, kalidad at kaangkupan ng naibibigay na tulong ng pandaigdigang komunidad.
Patuloy naming pinag-aaralan ang halagang naidadagdag ng tulong na naibibigay namin, at lagi naming kinukuwestiyon kung angkop pa ang presensiya namin sa lugar. Layunin naming ibalik ang pamamahala ng mga gawaing medikal sa mga lokal na awtoridad o sa mga katuwang na organisasyon kapag hindi na nila kailangan ang aming suporta.
Paano kami tumutugon sa kalamidad?
Mula sa mga pangyayaring nagdudulot ng malawakang pinsala hanggang sa mga lokal na sakuna, laging handang tumugon ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Kami’y may 50 taon ng karanasan sa pagresponde sa mga emergency, at marami kaming mga aid workers at supplies sa iba’t ibang bahagi ng mundo na maaari naming gamitin ayon sa pangangailangan.
Natural na Kalamidad sa Asya-Pasipiko
Sa mga nakalipas na taon, tumugon kami sa maraming natural na kalamidad sa Asya-Pasipiko at sa buong mundo. Mula sa mga lindol sa Afghanistan at Myanmar hanggang sa mga bagyo sa Madagascar, mula sa tsunami hanggang sa matinding bagyo, sinisikap ng aming mga team na mabilis na maabot ang mga apektadong lugar para magdala ng emergency na tulong sa mga taong higit na nangangailangan nito.
Myanmar Earthquake
Ang monasteryong ito na itinayo sa mga tiyakad sa Inle Lake, Southern Shan, ay gumuho dahil sa isang 7.7 magnitude na lindol noong Marso 2025. Myanmar, 22 Abril, 2025 © Nicolas Schreiner/MSF
Si Zin Mar Win (30), ina ng anim, ay pumunta sa aming mobile clinic sa kampo ng Bhone Oh sa Mandalay, upang ipatingin ang kanyang bunsong anak. Si Kaung Pyae Khant (4 na buwan) ay inuubo. Kasama nila ang kanyang kapatid na lalaki na si Kaung Pyae Kyaw (13). Si Zin Mar Win ay nakatanggap ng impormasyon ukol sa family planning. Myanmar, 22 Abril 2025 © Lena Pflueger/MSF
Sa isang pamamahagi ng mga materyales para sa konstruksyon sa Inle Lake, Southern Shan, nakatanggap ang mga tao ng mga panel ng kawayan na maaari nilang gamitin sa pagtatayo ng mga masisilungan. Ang komunidad na ito, na nakatira sa lawa ay lubhang naapektuhan ng 7.7 magnitude na lindol noong Marso 28. Upang makatulong sa pagbibigay ng pansamantalang tirahan sa mga naapektuhang tao, ang mga team ng Doctors Without Borders ay namahagi ng mga materyales at kagamitan gaya ng kawayan, kahoy, mga pako at mga martilyo. Myanmar, 30 Abril, 2025 © Chit Su Wai Aung/MSF
- Sa kabila ng mga labi: Ang kalusugang pangkaisipan at ang mga psychosocial na pangangailangan pagkatapos ng lindol sa Myanmar

Nagbigay ng psycological first aid ang mga boluntaryo sa mga mobile clinics at sa pansamantalang kampo sa Chan Mya Thar Si Township, Mandalay. Myanmar, 2025 © MSF
Tandang-tanda pa ni Ma Thiri (binago ang pangalan) kung paanong nagbago ang kanyang buhay sa loob lamang ng ilang sandali.
“Sa kanilang pagkataranta, ang mga tao ay nagsisigawan at nagtitilian. Ang lahat ay nagsasabi at sinasabihan na magsitakbuhan palabas. Habang nagsisigawan ang lahat, lumingon ako. Nilalamon na ng mga apoy ang aking bahay. Wala na akong pagkakataong bumalik upang magligtas ng kahit ano.”
Nawalan si Ma Thiri, isang mananahi, ng bahay at kabuhayan dahil sa 7.7 magnitude na lindol sa Myanmar noong Marso 28. Ang kanyang kapitbahayan na itinayo sa ibabaw ng isang landfill sa Sein Pan, sa siyudad ng Mandalay, ay nawasak nang nagpasiklab ang lindol ng isang methane gas fire. Ngayon, siya’y nakikisilong kasama ang kanyang pamilya sa isang monasteryo. Hindi nakatitiyak ang 30 na taong gulang na babae kung saan sila titira, at kung kaya niyang simulang muli ang kanyang maliit na negosyo. Sa kabila ng kanyang mga ikinababalisa, nagsusumikap siyang manatiling matatag.
“Nakakatulog naman ako. Ngunit kapag ako’y nalulungkot, hindi ako maaaring umiyak sa harap ng aking mga magulang. Sa akin sila umaasa, kaya’t kung magpapakita ako ng kahinaan, natatakot akong mas lalala ang pakiramdam nila. Kaya’t kailangan kong manatiling malakas,” emosyonal na pagpapaliwanag niya.
Ang paglilinis ng siyudad ay isinasagawa na sa Mandalay, na lubhang naapektuhan ng sakuna. Ang mga materyales na maaari pang magamit ay tinitipon, at ang mga construction worker ay nagtatrabaho sa loob ng mahahabang oras. Ang mga grupo sa komunidad ay nakatulong sa pagbabalik ng normal na buhay pagkatapos ng lindol, sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga donasyon at supplies bilang pakikiisa sa mga apektado ng sakuna.
Ngunit para kay Ma Thiri at sa karamihan ng mga pamilyang nawalan ng tirahan sa siyudad ng Mandalay, may mga bagong hamon na kailangang harapin. Pagkaraan ng dalawang buwan, natatanggap na ng mga nawalan ng tirahan ang kanilang sitwasyon at ngayo’y nakatira na sila sa mga shelter sa iba’t ibang bahagi ng siyudad. Ang iba sa kanila ay nagdadalamhati para sa mga kamag-anak at kaibigan na hindi nakaligtas. Marami ang nababahala para sa kanilang kinabukasan, at nag-aalala ukol sa kanilang mga praktikal na pangangailangan, gaya ng kanilang tirahan, kikitain, pangangalagang pangkalusugan at edukasyon. Samantala, ang madalas na mga aftershock ay nagpapaalala sa kanila ng nakababalisa nilang karanasan at nagbibigay sa kanila ng pangamba para sa posibleng pag-ulit nito.
“Nawalan ako ng tirahan – ang pinakamahalagang pag-aari ng isang tao. Pinagtrabahuhan ko ang mga ari-ariang iyon. Ang lahat ay nais tumira sa kanilang sariling tahanan, magkaroon ng sariling lugar. Bagama’t malalim ang kalungkutan ko dahil sa nawala sa akin, hindi ko alam kung paano ito maipapahayag,” sabi ni Ko Min Lwin (binago ang pangalan), isang nagtitinda ng karne at boluntaryo para sa komunidad. Kasama ang bahay ng kanyang pamilya sa mga natupok ng sunog sa Sein Pan.
Limitado ang suporta para sa kalusugang pangkaisipan at psychosocial support sa Myanmar bago pa man ang paglindol.
“Tatlong beses nang nagdusa ang ilang mga tao; sa pamamagitan ng labanan, pagkawala ng kanilang tirahan at dahil sa lindol. Ngayon, kailangan na naman nilang lumipat. Marami silang ikinababalisa, ngunit limitado ang lugar para pag-usapan ang mga ganitong alalahanin,” sabi ni Ko Hein*, isang mental health counsellor.
Ang mga grupo sa komunidad at ang mga lokal na boluntaryo ay mahalaga sa pagtulong sa mga apektadong tao upang harapin ang mga mahihirap na karanasang ito. Ang mga team ng Doctors Without Borders para sa kalusugang pangkaisipan ay sumusuporta sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad para sa paglilibang ng mga bata, at ng mga psychosocial support session sa iba’t ibang lugar kung saan ang mga tao ay pansamantalang nakatira sa siyudad ng Mandalay.
“Sa kasamaang palad, hindi namin mababago ang mga kondisyon ng kanilang pamumuhay. Ngunit sa pananaw na sikolohikal, ang mga sesyon na ito ay nagbibigay ng pagkakataong pag-usapan ang isang paksang hindi kadalasang tinatalakay sa publiko. Mahalaga ring paglaanan ng panahon ang pagproseso nito. Sa hinaharap, ang paraan ng pagtrato sa mga tao pagkatapos ng isang sakuna ay makapagdudulot ng malaking pagkakaiba sa kanilang kagalingan.” - Mental Health Activity Manager
Hunyo 2025
Sunod-sunod na tropical cyclone ang tumama sa Pilipinas noong 2024
Severe Tropical Storm Trami, 2024: Humigit-kumulang dalawampung tropical cyclone ang dumadaan sa Pilipinas taun-taon. Ngunit nitong mga nakaraang taon, tumitindi ang lakas ng mga cyclone at nagiging sanhi ng pagkawala ng buhay at mga ari-arian, at mas lalong nakaaapekto ito sa mga mahihinang komunidad. Pumasok ang Severe Tropical Storm Trami sa Philippine area of responsibility noong Oktubre 21, at bumagsak sa lupa noong Oktubre 24. Sa loob ng apat na araw, nagdala ang bagyong Trami ng matinding pag-ulan sa buong rehiyon ng Luzon at Visayas, na naging sanhi ng malawakang pagbaha at mga pagguho ng lupa. Mahigit 7 milyong tao ang naapektuhan sa 17 na rehiyon ng bansa, at mahigit 100 ang nasawi. Pilipinas, Nobyembre 2024 © Regina Layug Rosero/MSF
Severe Tropical Storm Trami, 2024: Noong Oktubre 26, ang Doctors without Borders ay isa sa mga unang organisasyong dumating sa lugar at nagsimulang tumugon sa mga kagyat na pangangailangan ng populasyong naapektuhan ng pagbaha. Sa loob ng dalawang linggo, binisita ng Doctors Without Borders ang ilang munisipalidad sa Camarines Sur upang pag-aralan ang kanilang mga pangangailangan. Sa Barangay Sua, Camaligan, namahagi ang Doctors Without Borders sa 190 na pamilya ng 90 na jerrycan na may ligtas na inuming tubig. Pagkatapos ay pinagtuunan namin ang munisipalidad ng Bula, kung saan ang aming mga team ay bumisita sa iba’t ibang mga barangay (o mga munisipalidad) upang malaman kung ano ang mga pinakakailangan doon. Pilipinas, Nobyembre 2024 © Regina Layug Rosero/MSF
Supertyphoon Man-yi, 2024: Noong Nobyembre 2024, anim na bagyo ang tumama sa Pilipinas sa loob lamang ng isang buwan. Dalawang beses bumagsak sa lupa ang Supertyphoon Man-yi (lokal na pangalan, Pepito): una ay sa Panganiban, Catanduanes noong Nobyembre 16 at kinabukasa’y sa Dipaculao, Aurora Province naman. Nag-iwan ang bagyo ng pagkawasak: natanggalan ng bubong ang mga bahay at mga community center, samantalang nakabalot naman sa mga punong naputulan na ng mga sanga at nalagasan ng mga dahon ang mga pira-pirasong metal sheeting. Dahil sa pagguho ng lupa, ang mga daanan sa may bundok ay puno ng putik, mga bato at mga sanga ng puno. “Para bang pinalakol ng bagyo ang mga puno, at winasak ang malaking bahagi ng Aurora,” sabi ng isang tagaroon. Pilipinas, Nobyembre 2024 © Regina Layug Rosero/MSF
Supertyphoon Man-yi, 2024: Noong Nobyembre 25, naglunsad ang Doctors Without Borders ng isang mobile clinic sa isang komunidad sa dalampasigan ng Dinadiawan, sa Dipaculao, Aurora. Isang linggong nakipagtulungan ang aming team sa Department of Health at sa mga healthcare worker ng probinsya at ng munisipalidad upang magbigay ng mga komprehensibong serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa komunidad. Kasama sa mga serbisyong ito ang mga konsultasyong medikal, suporta para sa kalusugang pangkaisipan at psychosocial support, pangangalaga sa mga sugat, mga regular na pagbabakuna, pagbibigay ng mga gamot at pagsasagawa ng screening sa mga bata para sa malnutrisyon. Pilipinas, Nobyembre 2024 © Regina Layug Rosero/MSF
Category-five Cyclone Mocha, tumama sa Myanmar noong 2023
Cyclone Mocha, 2023: “Nawasak ang mga 85% ng aming kampo matapos ang pananalanta ng Cyclone Mocha rito. Lahat ng bahay na mistulang kubo ay nawasak. Ang mga taong nakatira sa ganoong klaseng bahay ay lubos na nangangailangan ng emergency aid dahil wala na silang masisilungan,” sabi ni Daw Nu, isang community health worker ng Doctors Without Borders na nakatira sa Sittwe.
Ang bahay ni Daw Nu ay binayo ng malakas na pag-ulan at mga hanging may bilis na 280km/h. Dala ito ng bagyong Mocha, isang category-five cyclone na bumagsak sa lupa ng Myanmar noong kalagitnaan ng Mayo 2023. Ito ang pinakamalaking bagyo na tumama sa estado ng Rakhine at sa hilagang-kanlurang bahagi ng bansa sa loob ng mahigit isang dekada. Myanmar, Hunyo 2023. © MSF
Cyclone Mocha, 2023: Ang mga counsellor ng Doctors Without Borders at mga health worker na nakatira sa komunidad ay nagbibigay ng suporta sa mga pasyenteng nasa mga barangay, nasa mga klinikang pangkalusugan, at nasa mga kampo para sa mga nawalan ng tirahan. Ang larawang ito ay kuha bago dumating ang Cyclone Mocha, na nagpalaki sa kinakailangang suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa estado ng Rakhine. Myanmar, Marso 2023. © Zar Pann Phyu/MSF
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.