Pilipinas: Mga bahay at bukirin, nalubog sa baha dahil sa bagyong Trami (Kristine)
Sa iba’t ibang bahagi ng probinsiya ng Camarines Sur sa Pilipinas, ang bagyong Trami (Kristine) ay nagdala ng malakas na mga pag-ulan, na naging sanhi ng mabilis na pagbaha. © Asnairah Solaiman/MSF
Tinatayang mga dalawampung tropical cyclone ang dumadaan sa Pilipinas taon-taon, ngunit nitong mga nakaraang taon, palakas nang palakas ang mga bagyong tumatama sa bansa. Ito’y nagiging sanhi ng pagkawala ng buhay at mga ari-arian, at lubhang nakaaapekto sa mga mahihinang komunidad.
Ang pinakahuling tropical storm na tumama sa bansa ay nakamamatay at nagdala ng malawakang mga pinsala. Ang Severe Tropical Storm na tinatawag na Trami ay pumasok sa Philippine area of responsibility noong Oktubre 21, at humampas sa lupa noong Oktubre 24. Sa loob ng apat na araw, ang bagyong Trami ay nagdala ng malalakas na pag-ulan sa buong rehiyon ng Luzon at Visayas, na naging sanhi ng malawakang pagbaha at mga pagguho ng lupa. Mahigit pitong milyong tao ang naapektuhan sa labing pitong rehiyon ng bansa. Mahigit isang daang tao ang namatay. (source)
Ang probinsiya ng Camarines Sur ay isa sa mga pinakanasalanta, at 36 sa 37 na munisipalidad nito ang binaha. Nagdulot ito ng malawakang pinsala sa mga ari-arian at kabuhayan, at maraming pamilya ang nawalan ng tirahan at mga pananim sa pagbaha. Noong Oktubre 26, isang team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay isa sa mga unang dumating sa lugar at nagsimulang tumugon sa mga pinakakagyat na pangangailangan ng populasyong naapektuhan ng pagbaha.
Ang pagbaha sa Brgy. Salvacion, Bula, Camarines Sur, pagkatapos ilubog ng Tropical Storm Trami ang barangay hall, health center, at daycare center. Ang baha ay halos umabot na sa pinakataas ng pader ng basketball court. © Regina Layug Rosero/MSF
Ang mga pangangailangan sa Camarines Sur
Si Dr. Marve Duka Fernandez, ang Medical Team Leader ng Doctors Without Borders emergency response, ay nagbahagi ukol sa kanyang nasaksihan sa Camarines Sur.
“Ngayon pa lang humuhupa ang baha sa ilan sa mga lugar na aming binisita. May mga ilang komunidad na nangangailangan ng ligtas na inuming tubig at mga pangunahing gamot, dahil sila ay hindi nakakakuha ng mga serbisyong medikal. Ang mga may talamak na sakit ay nakararanas ng mga puwang sa pag-inom ng kanilang mga gamot. Ang ilang araw nang pagkalantad sa tubig-baha ay nagdulot ng mga sugat, fungal infection, at ng panganib na dulot ng mga vector-borne disease gaya ng leptospirosis.
Sa aming mga debriefing session sa komunidad, isa sa mga inaalala nila ay ang kanilang kabuhayan. Noong nagbigay kami ng psychosocial debriefing at sinubukan nilang ibahagi kung ano ang kanilang inaasahan pagkatapos ng pagbaha at paglilinis, iniisip nila ang kahirapan sa muling pagbangon, dahil ang kanilang mga pinagkukunan ng ikinabubuhay—ang kanilang mga bukirin, mga alagang hayop, at mga kasangkapan—ay tinangay ng baha at winasak.”
Ang pagtugon ng Doctors Without Borders
“Simula noong dumating kami rito, gumawa kami ng mga pagtatasa ng mga pinakanasalantang lugar, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at sa pagbisita sa mga komunidad. Nagtuon kami sa munisipalidad ng Bula sa Camarines Sur, na unang napinsala ng mga flash flood. Ang munisipalidad na ito ay katabi ng ilog at sampu-sampung libong mga tao ang nakatira rito.
Pumunta kami sa dalawang barangay, ang Fabrica at ang Ombao Polpog, at doo’y nagbukas kami ng mga mobile clinic, kung saan nagbigay kami ng mga mental health at psychosocial support session para sa komunidad, lalo na para sa mga frontliner. Namahagi rin kami ng mga hygiene kit, pati na rin ng inuming tubig sa mga jerrycan, mga lalagyan na maaaring punuin muli. Pumunta rin kami sa isang bahagi sa labas ng San Miguel at nagpatakbo ng mga mobile clinic sa mga barangay ng Casugad at Salvacion. Ito’y isang komprehensibong serbisyo na kinabilangan ng mga klinika, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, mga hygiene kit, at pamamahagi ng tubig sa mga nabanggit na barangay.”Dr. Marve Duka Fernandez
Ang Bula ay isa sa mga pinakanasalantang komunidad. Sa kanilang pagtatasa, nakita ng Doctors Without Borders team na maramiong lugar na lubog pa sa baha. Rubber boat lamang ang paraan para maabot ng Doctors Without Borders team ang mga barangay para makita kung ano pa ang pangangailangan. © Asnairah Solaiman/MSF
Isang linggo na ang nakalipas, at lubog pa rin sa baha ang ibang bahagi ng Barangay Ombao Polpog. May mga residenteng naglilinis ng bahay, nagpapatuyo ng papeles at gamit, at naglalaba. © Regina Layug Rosero/MSF
Sa Brgy. San Miguel, may sumama na mga volunteers sa mobile clinic ng Doctors Without Borders. Tumulong ang mga volunteer na nars sa pag-tingin ng blood pressure at triage ng mga pasyente. © Regina Layug Rosero/MSF
Sa Brgy. San Miguel, nagsagawa ng mobile clinic ang Doctors Without Borders. Habang naghihintay sa medical consultation, nagsagawa ang mental health professional na si Sarah Jane De Ocampo ng psychoeducation session para matulungan ang mga residente na harapin ang pagkabalisa, depression, o trauma na posibleng nararanasan pagkatapos ng hagupit ng bagyo. © Regina Layug Rosero/MSF
Ang Bula ay isa sa mga pinakanasalantang komunidad. Habang ginagawa ang mobile clinic ng Doctors Without Borders team sa Brgy. San Miguel, tinipon ng mga volunteers ang mga bata para sa art therapy at group psychosocial support session. © Regina Layug Rosero/MSF
Access at supply ang mga pangunahing hamon
“Pagdating namin doon, marami sa mga barangay o mga kalsadang papasok sa mga ito ang lubog pa rin sa baha kaya’t hindi ito mapuntahan ng maliliit na sasakyan. Ang aming team ay nakipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang makapunta sa mga lugar na ito sa pamamagitan ng pagsakay sa mga bangka o lulan ng trak. Kailangan naming gawin ito upang matasa namin ang mga pangangailangan, at matukoy kung paano kami magdadala ng supplies at kung paano makakapunta ang aming team.
Ang isa pang hamon ay ang pagkakaroon ng lahat ng kinakailangang mga gamot at materyales, kasama ng isang team na maaari naming dalhin sa komunidad. May hamon ding kaugnay ng mga gamot, at ito ay dahil sa kumbinasyon ng iba’t ibang dahilan. Ang karamihan sa mga tindahan at bodega rito ay binaha, at ang panibagong stocks ay manggagaling pa sa Maynila. Kakaunti ang dumadating na supplies, at naantala ang paghahatid ng mga gamot. Baha rin sa mga dadaanan, o di kaya’y may mga checkpoint at mga isyu ukol sa seguridad. Napakalaki rin ng pangangailangan ng mga residente ng Camarines Sur, dahil tinangay ng baha maging ang mga gamot na nasa mga bahay nila, kaya’t nasimot din ng mga mamimili ang mga natitirang gamot sa mga tindahan. Ito’y lubhang nakaaapekto sa kalidad ng serbisyong ibinibigay namin sa mga tao dahil mahalaga ang mga gamot para sa mga serbisyong nais naming dalhin sa mga naapektuhan ng bagyo. Ang ginawa namin ay nagdala kami ng supply ng gamot mula sa Maynila.”
Pakikipagtulungan sa mga lokal na boluntaryo
“Ang isang napakapositibong nakita namin sa Camarines Sur ay ang pagkakaroon ng mga boluntaryo mula sa mga lokal na asosasyon at ospital. Kabilang sa kanila ang mga doktor, nars, mga boluntaryo mula sa mga local government unit (LGU) at mga pribadong indibidwal, na nagbibigay ng impormasyon, mga mapagkukunang-yaman, at ng panahon. Nagtutulungan kami ng mga boluntaryong doktor at nars mula sa Bicol Medical Center. Katrabaho rin namin ang mga nars ng Department of Health (DOH) at ng Rural Health Unit (RHU) ng Bula. At tuwing pumupunta kami sa mga barangay, sinasalubong agad kami ng mga barangay health worker (BHW), na bagama’t binaha man ang kanilang mga sariling tirahan ay handa pa rin silang kumilos para sa kanilang mga barangay. Sa tulong nila’y nakapagpatakbo kami ng mga mobile clinic, tumutulong sila sa triaging, sa mga konsultasyon, at sa pagbibigay ng gamot.”
Sa loob ng dalawang linggo, binisita ng Doctors Without Borders at tinasa ang mga pangangailangan ng ilang mga munisipalidad sa Camarines Sur. Sa Barangay Sua, Camaligan, namahagi ang Doctors Without Borders ng 90 na mga jerrycan na may lamang ligtas na inuming tubig sa 190 na pamilya. Pagkatapos noo’y pinagtuunan ng Doctors Without Borders ang munisipalidad ng Bula, kung saan binisita ng aming team ang ilang barangay (o munisipalidad) upang alamin ang kanilang mga pinakakagyat na pangangailangan.
Sa Brgy. San Miguel, namahagi ang Doctors Without Borders ng 600 hygiene kits at 600 na jerrycan na may ligtas na inuming tubig. © Regina Layug Rosero/MSF
Sa mga barangay ng Fabrica, Ombao Polpog, San Miguel at Casugad, namahagi ang Doctors Without Borders ng 700 na mga hygiene kit at 1,110 na jerrycan na may ligtas na inuming tubig. Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na boluntaryo, nagsagawa rin ang Doctors Without Borders ng 1,449 na konsultasyong medikal at nagbigay ng psychosocial support sa 238 na apektadong mga tao sa pamamagitan ng mg sesyon para sa mga indibidwal at para sa mga grupo sa mga barangay ng Fabrica, Ombao Polpog, San Miguel, Casugad at Salvacion.
May mga itinakdang petsa na rin ang Doctors Without Borders para sa pagpapatakbo ng mga mobile clinic at pamamahagi ng mga jerrycan at mga hygiene kit sa Barangay Salvacion. Sa paglipas ng pinakamatinding yugto ng emergency, nagwakas ang pagtugon ng MSF doon noong Nobyembre 8.