Skip to main content

    Ang pagtugon ng MSF pagkatapos manalanta ang bagyong Goni at Ulysses sa Pilipinas

    MSF teams saw substantial damage to houses, but very few deaths, from their first assessment of damages in Guinobatan, Albay Province, following landfall of typhoons Goni and Ulysses. © MSF

    MSF teams saw substantial damage to houses, but very few deaths, from their first assessment of damages in Guinobatan, Albay Province, following landfall of typhoons Goni and Ulysses. © MSF

    Pagkalipas ng tatlong linggo, wala pa ring kuryente ang malaking bahagi ng Albay at Catanduanes. Hindi rin maaasahan andg cellular coverage at internet connection. Upang malaman ang laki ng pinsalang nagawa ng bagyong Goni, nagpadala ang Doctors Without Borders/Mèdecins Sans Frontiéres (MSF) ng assessment teams sa bawat probinsiya. 

    Ngunit dumating agad ang isang panibagong hamon: ang bagyong Ulysses, na tumama sa lupa noong Nobyembre 11 at 12. Dahil dito, naantala ang pagsasagawa ng assessment at ang pagtugon ng MSF. “Kinailangan naming tumigil at maghintay sa pag-alis ng bagyong Ulysses.  Ang pinakaapektado ay ang mga lugar sa hilaga ng Maynila,” iniulat ni Jean-Luc Anglade, ang MSF head of mission sa Pilipinas. 

    Iba-iba ang tindi ng pinsalang idinulot ng mga bagyo sa mga gusali at imprastruktura sa probinsiya ng Albay. Ang isa sa pinakamalala ay ang  kinahinatnan ng mga bayan sa dalisdis ng  bulkang Mayon na nakaharap sa Pacific Ocean, kung saan tumama ang bagyong Goni noong ito’y pinakamalakas. Ang mga bayan sa mababang bahagi ng bulkan ay winasak ng rumaragasang tubig at putik o mudslides, na mas kilala sa Pilipinas bilang lahar. 

    “Una naming binisita ang bayan ng Guinobatan, kung saan ang bagyo ay nagdulot ng pagdaloy ng lahar. Ito ang unang pagkakataon na nakasaksi ang mga kasalukuyang residente ng mga barangay ng San Francisco at Travesia ng pagbaha ng lahar sa lugar nila. Habang tinitingnan namin ang lugar at naglalakad  kami sa ibabaw ng malalaking bato, sinabi ng isang residente na may isang bahay na nakatayo doon dati, sa mismong kinatatayuan namin. Nakakabalisa iyon,” kuwento ni  Dr. Rey Anicete, ang MSF emergency team leader sa Albay. 
     
    Sa kabila ng pagkawasak ng maraming bayan sa Albay, hindi ganoon karami ang namatay dahil maagang nailikas ang mga residente. Karamihan sa mga lumikas ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan at nagsimula na sa pag-aayos ng mga nasira.  

    1,037 ang nakatira ngayon sa dalawang evacuation centres, at maaaring magtagal pa sila roon dahil sa tindi ng pinsala sa kanilang mga komunidad at tahanan. Sa mga barangay ng San Francisco at Travesia sa bayan ng Guinobatan,  napilitang iwanan ng mga residente ang kanilang mga tahanan bago ito inilibing ng lahar. Natumbok naman ng bagyong Goni ang bayan ng Tiwi. Binayo ito ng malakas na hangin at pag-ulan, at nagkaroon ng storm surges sa may baybayin. Mahigit  sa 1/3 ng mga bahay ang nawasak,  at sa kaasalukuyan ay may halos 200 pamilya pang namamalagi sa Joroan National High School evacuation centre.

    MSF teams conducted outreach activities and health assessments in San Miguel island, Catanduanes Province, Philippines, following landfall of typhoons Goni and Ulysses. © Hana Badando/MSF

    MSF teams conducted outreach activities and health assessments in San Miguel island, Catanduanes Province, Philippines, following landfall of typhoons Goni and Ulysses. © Hana Badando/MSF

    Nagsimula na ang MSF sa pamamahagi sa dalawang evacuation centres ng mga jerry cans para paglagyan ng maiinom na tubig, at ng  COVID-19 prevention kits.  Ang bawat kit ay naglalaman ng  dalawang face masks na maaaring labhan,  hand sanitizer,  at isang face shield. May plano ring magsagawa ng pagsasanay sa  COVID-19 infection prevention and control (IPC), at kasabay nito, ang pagbibigay ng mga donasyon na personal protective equipment (PPE) para sa nagpapatakbo ng mga evacuation centres. 

    “Mula pa noong Marso, matindi na ang epekto ng COVID-19 sa buhay ng mga Pilipino. At sa isang evacuation centre, lubhang mahalaga ang pagpapanatili ng kalinisan at ng social distancing upang di magkaroon ng outbreak. Parehong mahalaga ang papel na ginagampanan ng health staff at ng evacuees upang maisakatuparan ang mga IPC goals,” sabi ni Allen Borja, isang MSF IPC nurse sa Albay. 

    Samantala, 6 sa 11 na munisipalidad ng  Catanduanes, isang probinsiya na nasa isang isla, ang nagtamo ng malubhang pinsala nang tumawid dito ang bagyong Goni. Ang islang ito ang pinakanasalanta ng bagyo, napakaraming nasirang tirahan at pagkukunan ng pagkakakitaan. Sa kabutihang-palad,  nakabalik agad ang mga tao sa kanilang mga bahay at nakapagsimula na sa pagkumpuni at pag-ayos ng mga nasira. 

    “Noong Nobyembre 24, inilunsad ng MSF  sa  munisipalidad ng San Miguel  ang kanilang tugon sa kalamidad.  Kasama ang mga health workers mula sa Municipal Health Offices, namahagi ang  isang doktor at isang nurse mula sa MSF ng medical supplies para sa mga pinaka-apektadong barangay. Namigay kami ng aqua tabs para sa water purification at jerry cans para may mapaglagyan ng tubig  ang humigit -kumulang 2,500 na  pamilya,” “ kuwento ni Dr. Hana Badando, emergency team leader sa Virac, Catanduanes. 

    Categories