Skip to main content

    Bagyong Odette: Mga tinig mula sa mga isla

    Dr. Chenery Ann Lim, Emergency Coordinator, checks on the sick and the elderly of Brgy. Cagutsan, Surigao City. Some complain of high blood pressure, while others report coughs and colds.

    “Paano kami makakabangon muli?”

    Si Marie Kris Yurtes ay secretary sa Barangay Catadman, Surigao City.

    Nung wala pang bagyo, nag-text yung Department of the Interior and Local Government (DILG), na yung Super Typhoon Odette (international name Rai) darating na sa 16 December. Sabi nila maghanda raw lahat, kasi baka daw sobra ang hangin at saka malaki yung alon.

    Nung umaga ng ika-16, lumibot ako sa buong barangay. Sabi ko sa mga tao, ang gusto mag-evacuate pumunta na sa simbahan, kasi yun ang pinakamataas. Yung eskwelahan, dati dun ang evacuation, pero malapit siya sa dagat.   

    Pagdating ng 12 o’clock lumakas na yung hangin, parang may ipo ipo. Yung tatlo naming anak, nilipat na namin sa simbahan kasama ng asawa ko. Pag dating namin sa simbahan marami na’ng lumikas, mga 30 families na.  

    May nakita akong dalawang puno ng mangga na natumba sa daanan namin. Nagsiliparan na ang mga yero. Yung mga bahay parang tinuklap ng ipu-ipo. Sa sobrang lakas ng hangin, parang di na kami makalakad. Nung dumating kami sa simbahan, nakita namin na may isang sugatan. Natamaan siya ng yero dahil sa sobrang lakas ng hangin.

    Pag-uwi ko sa bahay, sabi ng asawa ko wala na kami ng bahay, natumba na. Pagtingin ko sa ibang bahay, wala na rin.

    Bumalik kami sa simbahan, at biglang bumaliktad yung hangin, galing naman sa timog. Mga dalawang oras yun na ang lakas lakas talaga ng hangin, kaya nasira na rin ang yero ng simbahan namin.

    Yung dagat malapit nang umabot sa simbahan. Wala kaming ibang magawa kundi mag-dasal na lang. Doon na lang kami natulog sa simbahan kasi wala na kaming uuwian. Wala kami makain nung gabi kasi walang makasaing. Kinaumagahan na lang kami umuwi at gumagawa na lang kami ng mga higaan naming, kahit balung-balong na lang muna.

    Mula nung nag bagyo, wala naman kaming magawa kundi tumingin sa bahay namin, ayusin ang mga sira. Yung magagamit pa inaayos na lang namin. Yung hindi na, itapon. Yung mga damit lahat basa, nilabahan na lang namin para may magamit kami.

    Sa awa ng Diyos wala kaming patay, pero may isa kaming injury. Sipon saka ubo lang yung sakit ng mga tao dito, kadalasan. Nakukuha na lang sa herbal na gamot, malayo kasi yung siyudad. Yung Barangay Health Center, hindi pa namin naayos, kasi inuuna namin yung mga sarili naming tirahan. 

    Isang buwan na, at iniisip namin kung makakabangon pa ba kami. Ang hirap. Yung sahod ko bilang secretary kulang. Kaya iniisip namin, paano kaya kami makabangon? Buti na lang may mga kamag-anak nagbigay ng tulong, kaya nagkaroon ng bubong yung pamilya ko. Pero ang hirap kasi. Imbis na magdagdag na lang sa bahay, ngayon walang wala kami, back to zero talaga. Yung bahay namin totally damaged. Nagpasalamat na lang kami sa maraming ayuda na pagkain na dumating sa amin. Medyo nakabawi kami nang konti. Pero yung sakit na nararamdaman namin, na nawalan kami ng tirahan, yun ang masakit.

    Barangay Catadman, Surigao City, January 2022. Copyright: Regina Layug Rosero/MSF

    Ang natira na lang sa barangay health center ay ilang dingding, isang kinalawang na timbangan, at sirang kama. Ang bubong ay nilipad ng Bagyong Odette. Barangay Catadman, Surigao City, Pilipinas . 22 Enero 2022. © Regina Layug Rosero/MSF

    “Bibilang kami ng 10 years bago kami maka-harvest”

    Si Queencel Catulay ay taga-Barangay Sugbay, Surigao City.

    Na-experience ko ang Bagyong Nitang noon, nung 1984. Yung mga tao, natuto na sila sa nangyaring bagyo na sobrang lakas. Yung mga kapitbahay namin, yung iba nandun na sa mangroves. Ang iba naman nandun sa fishpond, patay na. Hindi na sana maulit ang nangyari sa bagyong Nitang.

    Akala ko lahat kami mamamatay. Sobrang lakas ng hangin, at ang laki-laki talaga ng alon. Pero tulong tulong kami dito.

    Tatlong araw bago dumating ang bagyo, kami ni Kapitan ang nagpunta sa mga bahay bahay, sinasabihan namin ang mga tao na lumikas. Pero ayaw talaga nila iwanan yung yung kabahayan nila, yung kanilang hanapbuhay, at saka yung kahayupan nila. Talagang pinipilit namin sila na ihatid doon sa evacuation center. Ayaw talaga namin na merong mamatay. Sana walang mawala sa amin.

    Sobrang takot ko talaga kasi nakita ko ang hangin na pumasok sa evacuation center. Tapos may isa pang hangin, na parang nagsalpukan sila, parang bubuhatin yung pinagtataguan namin. Kaya kami, tulong tulong sa pagtali ng mga lubid para doon ang lahat ng tao humawak.

    Lahat ng tao nag iyakan, may nawawala daw. Ni-rescue namin. Basang-basa kami. Yung iba nabagsakan ng puno, pero nagtutulungan kami. May isa, siguro manganganak na siya. Takot kami kasi wala naman doon sa amin na expert sa pagpaanak.

    Ang baha, ang dagat, hanggang tatlong metro ang inabot doon sa evacuation center. Sabi ko, Lord, maawa ka, sana naman iligtas mo pa rin kami. Bahala na kung mawala yung ari-arian namin, mga kabahayan namin, basta wala lang namamatay sa amin. Kaya nga kahit ganun ang nangyari, pasalamat pa rin ako sa Panginoon kasi walang namatay. Pero naiyak talaga ako kasi yung anak ko’ng isa nahiwalay sa amin. Gusto ko, kung mamamatay kami, sama sama kami lahat.

    Kinabukasan, pagtingin ko sa barrio, parang ghost town. Sira lahat, lalo na yung health center at saka yung school namin. Talagang nilipad talaga ng bagyo. Ni isang bubong wala talagang natira, kahit yung dingding wala talaga.

    Dito sa Sugbay meron kaming 172 na family. Magsasaka ang iba, nagtatanim ng kamoteng kahoy, niyog. Pero ngayon, ang aming kabukiran, wala na. Paano na ang magsasaka? Umpisa na naman. Ang puno ng niyog, ten years bago ka maka-harvest. Bibilang na naman kami ng ten years bago kami maka-harvest.

    Ang iba, katulad ng asawa ko, dagat talaga ang hanapbuhay. Paano na kami maghahanap buhay kung wala kaming sasakyan sa dagat? Wala na yung lambat namin, pati yung fish cage. Walang naisalba. Wala kaming magamit sa dagat. Yung sasakyan, di pa bayad yung loan. Ngayon hindi ko alam kung paano namin yun mababayaran. Kahit isang sasakyan na pandagat, at lambat, kahit papano malaking tulong na yun.

    Nagpapasalamat pa rin ako, na kahit ganon, meron pa ring mga konting tulong na dumating: bigas, de lata, hygiene kit. 

    Pero sana matulungan kami na maayos yung mga facility namin, lalo na yung health center at yung tulay.

    Salamat sa Lord walang namatay dito. Walang nawala, kahit nagkasakit wala talaga.

    Pero ang mga kapitbahay ko na matanda, naawa talaga ako. Kanina merong isang ginang na matanda na, natumba siya kasi sobrang dulas ng daanan. Laging ganito ang nangyayari pag palaging ulan nang ulan.

    Pero babangon pa rin kami. Kakayanin pa rin kahit mahirap. Wag mawalan ng pag-asa.

    Brgy. Cagutsan, Surigao City January 2022 Copyright: Regina Layug Rosero/MSF

    Pagkatapos ng Bagyong Odette, karamihan ng bahay ay naiwang sira, parang yero at kahoy na lang na nakakalat. Ang mga bahay na may semento, kahit nakatayo pa rin, nasira naman ang bubong, kisame at mga bintana. Brgy. Cagutsan, Surigao City, Pilipinas, 23 Enero 2022. © Regina Layug Rosero/MSF

    “Isang malaking hamon ang pagpasok sa karamihan sa mga lugar dito.”

    Si Dr Chenery Ann Lim ay ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders para sa pagtugon sa bagyong Rai.

    Isang malaking hamon ang pagpasok sa karamihan sa mga lugar dito. Ito’y hindi lang dahil sa mga kahirapang dulot ng masamang panahon. Kailangan namin ng bangka para makatawid sa mga iba’t ibang isla. Minsan, hindi kayang pumasok ng mga malalaking bangka dahil masyadong maliliit ang mga isla. Kaya naman kailangan naming umupa ng mas maliit na bangka.

    Kapag pumupunta kami sa mga isla, kadalasa‘y kami ang kauna-unahang medical team na makikita ng mga taga-roon. Marami sa kanila ang may upper respiratory tract infection. May ilan din kaming nakitang may gastroenteritis, at may ibang nangangailangan ng mga  maintenance drug. Kasabay ng pagkawala ng kanilang mga tahanan ay nawala rin ang kanilang mga gamot. Napakahirap nito para sa kanila, kaya’t naman nagbibigay kami ng libreng serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan at ng mga libreng gamot.

    Nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng mga mobile clinic at namamahagi ng mga hygiene kit. Habang kami’y tumitingin ng mga pasyente, tinitingnan din namin kung may malnourished na mga bata.

    Nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng mga mobile clinic at namamahagi ng mga hygiene kit. Habang kami’y tumitingin ng mga pasyente, tinitingnan din namin kung may malnourished na mga bata.

    Brgy. Bilabid, Surigao City January 2022. Copyright: Regina Layug Rosero/MSF

    Batang naglalakad mula sa Bilabid Elementary School. Ang kalye ay puno ng kahoy at yero mula sa mga bahay na nasira ng Bagyong Odette. Brgy. Bilabid, Surigao City, Pilipinas, 26 Enero 2022. © Regina Layug Rosero/MSF

    “Para bang lahat sila’y maaanod at matatangay sa gitna ng dagat”

    Si Jonathan Pillejera ay isang Doctors Without Borders logistician

    Noong bagong dating kami dito, nakita namin kung paano sinalanta ng bagyo ang buong isla. Pagdaong pa lang aming bangka, nakita na agad namin ang mga natumbang puno, ang mga nawasak na bahay, at ang mga kalsadang puno ng nagkalat na basura. Umuulan pa noon at mahirap humanap ng mga bangkang maglalakbay mula Surigao papuntang Dinagat. Iilang commercial vessels lang ang bumibiyahe, at lahat ng mga ito ay puno na.

    Ang mga kalsada sa Dinagat ay may dalisdis kaya’t bumababa ang tubig hanggang sa nakalubog na sa tubig ang mga kalsada sa paanan ng mga burol. Kahit ang mga bao-bao (mga sasakyang tatlo ang gulong) ay hindi makadaan. May mga kalsadang di pa natatanggalan ng mga labing iniwan ng bagyo.

    Bumisita kami sa iba’t ibang barangay upang matingnan ang kanilang mga pasilidad pangkalusugan. Halos lahat ay nawasak, at wala nang magamit, lalo na sa mga lugar na nasa tabing dagat. Ang isa sa mga nagtamo ng pinakamalalang pinsala ay ang Basilisa, kung saan mahigit 50 porsyento ng mga bahay ang nawasak. Samantala, sa barangay Boa ng Cagdianao, na napasok lamang pagkatapos ng mahigit isang linggo, wasak ang lahat ng bahay. Wala nang natira para sa mga tao roon.

    Sa lahat ng aming ginagawa, tinitiyak naming kami’y nakikipag-ugnayan sa mga opisyales ng lokal na pamahalaan at ng mga provincial health office.

    Nang bumisita naman kami sa Laguna, umiyak ang barangay captain habang kausap namin. Hindi niya sukat akalaing mangyayari ang ganoon, na halos nalimas ang barangay ng mga bahay. Sabi rin niya, parang lululunin na sila ng mga  alon na apat na metro ang taas. Ang evacuation centre nila ay nasa ibabaw ng bundok, kaya’t kitang kita nila kung paanong pinaghahampas ng malalakas na hangin at pinagbabayo ng malalaking alon ang kanilang mga bahay. Pakiramdam nila, para bang lahat sila’y maaanod at matatangay sa gitna ng dagat. 

     

    *Barangay is the smallest administrative unit of government in the Philippines.

    Dinagat District Hospital Copyright: Regina Layug Rosero/MSF

    Maraming nasira sa Dinagat District Hospital. Dahil nilipad ang bubong ng Bagyong Odette, nasira ng ulan at hangin ang mga operating rooms, ang botika, at karamihan ng gamit at supplies. Dinagat District Hospital, Pilipinas, 24 Enero 2022. © Regina Layug Rosero/MSF

    Categories