Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Ceasefire sa Gaza: Dapat dumaloy na agad ang humanitarian aid

    a view of Gaza

    Ang mga binombang gusali, at ang mga tolda kung saan sumisilong ang mga tao. Gaza, Palestine, 2025 © MSF

    Ang inanunsiyong pagsisimula ng ceasefire sa Gaza ay nagdala ng pinakahihintay na pakiramdam ng kaginhawaan sa mga pagod na pagod, gutom, at nagdadalamhating mga Palestino, at sa lahat ng mga pamilya ng mga dinukot at ginawang hostage— ngunit nangyari lamang ito pagkatapos ng mahigit dalawang taon, kung kailan mahigit 67,000 na buhay na ang nawala.

    Habang lubos na pinahahalagahan namin ang ceasefire, hindi ito sapat upang magwakas ang kahila-hilakbot na pagdurusa ng mga tao—ang mga nakatira sa Gaza ay naiwang lumalaban upang mabuhay sa gitna ng mga labi ng kanilang mga gumuhong tirahan, at nahaharap sa matitinding pangangailangang medikal, sikolohikal, at materyal.

    “Ang aming mga kasamahan at ang mga tao sa paligid namin ay nakararamdam ng pag-asa, ng matinding pag-asa. Umaasa silang magwawakas na ang bangungot at makakamit na ang kapayapaan, makababangon na sila mula sa pisikal at pangkaisipang trauma. Ngunit marami pa ring hinaharap na walang katiyakan, tulad ng kung ano ang mga susunod na hakbang,” sabi ni Jacob Granger, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza.

    Kailangang igalang at panatiliin ang ceasefire, dahil ito lang ang  magbibigay-daan sa pagpapaabot ng pangangalagang naaayon sa laki ng pangangailangan — isang bagay na naging imposible noong nagaganap pa ang pagkubkob at mga pagbobomba. Sa pangmatagalan, umaasa kaming makikita namin kung paanong ang ceasefire ay mauuwi sa mga pagsisikap na muling itaguyod ang Strip, kabilang rito ang pagpapanumbalik ng nasirang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan.

    Kagyat na pagtugon pa rin ang kinakailangan sa Gaza para sa mga medical equipment, mga gamot, pagkain, tubig, fuel, at sapat na pansamantalang tirahan para sa dalawang milyong taong haharap sa paparating na taglamig nang walang masisilungan.

    Ang ceasefire na ito ay dapat sabayan ng agaran, malaki, at mapapanatiling pagpaparami ng aid na makapapasok at maihahatid sa iba’t ibang bahagi ng Strip, pati sa hilaga. Inuudyukan namin ang mga awtoridad na Israeli na pahintulutan ang pagpasok ng sapat at di-hahadlangang daloy ng tulong na humanitarian at bigyan ng awtorisasyon ang mga paglilikas na medikal ng mga pasyenteng nangangailangan ng kagyat na pangangalaga ng mga espesyalista. Kasabay nito’y dapat ibalik ang koordinasyong humanitarian sa ilalim ng  pangangasiwa ng UN, upang magarantiyahan ang ligtas at walang kinikilingang pamamahagi ng aid sa mga nangangailangan, nasaan man sila sa Gaza Strip.



    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories