Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa
    The remains of a bed frame in a room on eastern wing of the main Outpatient Department building of Kunduz hospital. Afghanistan, 2015.

    Ang Kunduz, pagkalipas ng sampung taon

    Sampung taon pagkalipas ng pagsalakay sa Kunduz Hospital, patuloy pa rin ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng pangangalaga para sa trauma sa isang marupok na sistemang pangkalusugan habang pinararangalan ang mga nasawi nilang kasamahan. 
     

    Sampung taon mula noong sinalakay ang Kunduz 

    Sampung taon na ang nakaraan mula noong gabi ng Oktubre 3, 2015, kung kailan sa loob ng mahigit isang oras, ang Kunduz trauma centre ay pinaulanan ng matitindi at matatagal na mga airstrike ng US. Ang pinakapangunahing gusali ng ospital, kung saan naroon ang intensive care unit, mga emergency room, laboratoryo, x-ray, outpatient department, at mga ward para sa kalusugang pangkaisipan at physiotherapy ay paulit-uit na pinatamaan at nasapul.  

    Noong naapula na ang apoy, wala nang alikabok, at nakipag-ugnayan na sa mga nakaligtas, napag-alamang 42 na tao ang nasawi. Kabilang rito ang 24 na pasyente, 14 na staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), at 4 na mga tagapangalaga ng mga pasyente. May mga pasyenteng nasunog sa mismong kinahihigaan nilang mga kama, may mga taong napugutan ng ulo o naputulan ng mga kamay o paa, may mga binaril habang sinusubukan nilang tumakas mula sa nag-aapoy na gusali. Hanggang ngayon, ito ang maituturing na pinakanakamamatay na pagsalakay sa isa sa aming mga pasilidad. 

    Photos of MSF colleagues killed in the Kunduz hospital attack in Afghanistan

    In memoriam: Abdul Maqsood, Abdul Salam, Mohibullah, Naseer Ahmad, Mohammad Ehsan Osmani, Lal Mohammad, Najibullah, Shafiqullah, Aminullah Bajawri, Abdul Satar Zaheer, Ziaurahman, Abdul Nasir, Zabiullah, at Tahseel. Nawa’y manatili ka at ang iba pang mga nasawi noong araw na iyon na buhay sa aming mga alaala.  

    Si Dr. Sayed Hamed Hashemy, na nagtatrabaho bilang isang surgeon sa isa sa mga operating theatre noong gabing iyon, ay bumisita sa ospital dalawang linggo matapos itong bombahin. Inilarawan niya ang kanyang nakita: “Sunog ang lahat,” sabi niya. “May mga butas sa kisame at sa mga dingding ng operating theatre kung saan ako nagtatrabaho noong gabing iyon. Nagkalat ang mga pira-pirasong oxygen bottle at ang nawasak na operating table. Tila tumigil sa pag-andar ang oras: makikita mo ang sandaling tumigil ang lahat.”  

    Lumobo at nabakbak ang pintura mula sa mga dingding dahil sa init ng apoy, may mga nabaluktot na piraso ng bakal na nagkalat kasama ng mga labi sa sahig, at kita na ang langit dahil sa mga natanggal na bahagi ng bubong. Itinigil na ng Doctors Without Borders ang mga medikal na aktibidad nito sa Northeast Afghanistan. 

    Ano ang mga napinsala?

    Nagsimula ang proyekto ng Doctors Without Borders sa Kunduz noong Agosto 2011 bilang ospital na may 55 na kama. Nagbigay kami ng kagyat na pangangalagang surgical at mga kasunod na paggamot para sa mga taong nagtamo ng pinsala mula sa mga pagbomba, mga shrapnel, at mga tama ng baril dahil sa mga labanan. Bago nagbukas ang ospital, ang mga tao sa rehiyon na nagdurusa dahil sa mga malubhang pinsala ay napipilitang gawin ang mga matatagal at mapanganib na paglalakbay patungong Kabul o Pakistan, o pumunta sa mga napakamahal na pribadong klinika. Noong tumatakbo na ito, mabilis na lumaki ang kapasidad ng pasilidad na ito sa 70 na kama, at naging 92 na ang mga kama rito pagdating ng 2015. Ang Kunduz Hospital ang tanging specialised trauma centre sa Northern Afghanistan noong panahong iyon.  

    Noong Setyembre 2015, tumindi ang mga labanan sa Kunduz nang lusubin ng mga puwersang Taliban ang lungsod at sakupin ito, ngunit nawala rin sa kanilang mga kamay ang kontrol dito pagkatapos ng ilang linggo. Ang ospital ay nasa frontline at dinagsa ng mga sugatan kaya’t nagdagdag kami ng mga kama at ginawa itong 110, hanggang naging 150. Noong katapusan ng buwang iyon, sa sobrang dami ng mga pasyente, sinusuri namin sila sa mga opisina, ginagamot sa mga examination room, at pinatatatag ang kanilang kondisyon habang sila’y nakahiga sa mga kutsong nakalatag sa sahig. Noong panahong ito, nanatiling bukas ang trauma centre, kahit na palipat-lipat ang kontrol ng lungsod.  

    “Ipinagmamalaki naming ginagamot namin ang lahat – babae o lalaki, bata man o matanda – ano pa man ang kanilang etnisidad o pulitikal na kaalyado,” sabi ni Dr. Esmatullah Esmat, na nakaligtas mula sa pagsalakay at ngayo’y nagtatrabaho bilang deputy project medical adviser ng Kunduz trauma centre.  

    Pagkatapos ng pagsalakay, matindi ang pinsalang tinamo ng ospital kaya’t hindi na ito gumagana. Malaki ang naibawas nito sa makukuhang emergency healthcare ng libo-libong tao sa panahong lubos nila itong kinakailangan. Mahigit isang taon bago ang Doctors Without Borders ay nakapagbigay muli ng pangangalagang medikal sa lungsod ng Kunduz, at lalong mas matagal upang simulang muli ang trauma care. Samantala, nagsikap ang Kunduz regional hospital na punan ang mga kakulangan.

    Patuloy ang Doctors Without Borders sa pagsuporta sa District Advanced Post (DAP) ng distrito ng Chahardara (isa pang distrito ng Kunduz), na dating nasa teritoryong kontrolado ng oposisyon. Nagbigay ng agarang pangangalaga ang mga nars sa mga pasyenteng nagtamo ng pinsala o nasugatan, ngunit hindi na posibleng isangguni sila sa Kunduz trauma centre. Tanging pangunahing pangangalaga lamang ang maibibigay sa kanila, at naputol ang isang makasasagip ng kanilang buhay.  

    Ano ang kasunod nito?

    Bilang isang organisasyon, kinailangan ng Doctors Without Borders na maintindihan ang nangyari at iproseso ang pagkawala ng mga pasyente, mga kaibigan, at mga kasamahan sa trabaho. Nangyari ang pagsalakay sa kabila ng pagbahagi ng Doctors Without Borders ng mga GPS coordinate ng ospital sa US Department of Defense, sa Afghan Ministry of Interior and Defense, at sa US Army sa Kabul. Pagkatapos ng lahat, sa kabila ng mga diskusyon kasama ang US at mga awtoridad na Afghan, ang Doctors Without Borders ay hindi nakatitiyak na ang isang malaya at walang kinikilingang imbestigasyon ay maaaring maggawa ng mga sangkot na partido. Dahil dito, hiningi naming gumawa ng isa pang imbestigasyon ang International Humanitarian Fact-Finding Commission. Subali’t dahil hindi ito pinayagan ng mga pamahalaan ng US at ng Afghanistan, hindi ito natuloy. Noong Nobyembre 2015, naglabas kami ng aming sariling panloob na pagsusuri.  

    Noong Enero 2017, nagpasya ang Doctors Without Borders na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng isang bagong trauma hospital sa ibang bahagi ng lungsod. Noong nakuha na ang pagtatayuang lupa at nalinis na sa mga landmine, nagsimula na ang konstruksyon noong huling bahagi ng 2018. Kahanay nito, nagbukas ng maliit na outpatient clinic ang Doctors Without Borders noong Hulyo 2017 sa Kunduz para sa mga taong may hindi malulubhang sugat at mga pinsala. Ngunit sa kasamaang palad, ito ay nagsara noong Abril 2020 sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 at hindi na nagbukas muli.  

    Nang tumindi ang mga labanan sa Kunduz noong 2021, ang mga team ng Doctors Without Borders na naghihintay pang matapos ang kanilang pasilidad ay nagtayo ng pansamantalang trauma unit na may 25 na kama sa kanilang opisina upang magamot ang mga nasugatan dahil sa digmaan. Sa wakas, noong Agosto 16, 2021, inilipat ng Doctors Without Borders ang lahat ng mga pasyenteng nasa pansamantalang trauma unit sa bagong Kunduz trauma centre. Ayon sa isa sa mga medic na nagtatrabaho roon noong mga panahong iyon: “Kasabay ng aming pagtatrabahong medikal ang isinasagawang konstruksyon, ang bilis ng paggawa at pagsasaayos ng construction team ay kamangha-mangha.”  

    Pagkatapos ng mga labanan at kalmado na ang buong lungsod, nagbago na rin ang mga pangangailangan ng mga pasyente. Sa halip na mga tama ng baril o pagsabog ng bomba, nagkaroon ng mas maraming aksidente sa daan dahil pakiramdam ng mga tao’y ligtas na silang kumilos. Patuloy ang mga pagbabagong ito; noong 2023, sinimulan ang isang antimicrobial resistance stewardship programme at noong 2025 naman, ay nagkaroon ng mga aktibidad kaugnay ng pangangalaga sa pagkasunog. 

    Ipinagpapatuloy namin ang aming suporta sa Kunduz, pagkatapos ng sampung taon

    Every morning, MSF medical staff assess the condition of the patients in the inpatient departments in Kunduz hospital, Afghansitan.

    Tuwing umaga, tinatasa ng Doctors Without Borders medical staff ang mga kondisyon ng mga pasyente sa inpatient department ng Kunduz Hospital. Afghanistan, 2025. © Alexandre Marcou/MSF

    Medical staff check on the condition of a patient

    “Anim na linggo na siyang nasa ospital,” paliwanag ng ama ni Buhanadin, isang binatang 17 na taong gulang. “Nahulog siya mula sa puno, at malubha ang natamo niyang sugat.” Sumailalim si Buhanadin sa ilang operasyon kung saan ang balat mula sa ibang bahagi ng kanyang katawan ay inilagay sa kanyang mga binti at kinabitan ng mga external fixator upang hindi ito magalaw. Unti-unti na siyang nagsisimulang makalakad. Afghanistan, 2025. © Alexandre Marcou/MSF

    A physiotherapist assisting a patient during treatment

    Si Faizullah ay isang drayber ng minibus mula sa probinsya ng Takhar. Isang gabi, naaksidente siya sa daan at nagtamo siya ng seryosong pinsala. Hindi niya kayang bayaran ang paggamot sa kanilang probinsya kaya’t pumunta siya sa trauma centre ng Doctors Without Borders sa Kunduz upang makatanggap ng libreng paggamot para sa kanyang naapektuhang kaliwang binti. Pumupunta siya sa centre kada linggo para sa kanyang mga medical follow up at physiotherapy session. Afghanistan, 2025. © Alexandre Marcou/MSF

    The main entrance of the MSF Kunduz Trauma Centre.

    Ito ang pasukan ng Doctors Without Borders Kunduz Trauma Centre. Anim na taon pagkatapos ng nakamamatay na pagsalakay, nagbukas ang Doctors Without Borders ng pasilidad na isang kilometro ang layo mula sa dati. Karamihan sa mga ginagamot dito ngayon ay mga trauma injury sa daan. Bagama’t tapos na ang digmaan at bumuti na ang seguridad sa lugar, dumarating pa rin ang mga pasyenteng nagtamo ng pinsala dahil sa mga paminsan-minsang labanan, mga pagputok ng baril, mga hindi sumabog na ordnance at iba pang mga marahas na trauma. Mula Enero hanggang Hulyo 2025, nakatanggap ang pasilidad ng 12,431 na emergency admissions. Afghanistan, 2025. © Alexandre Marcou/MSF

    Ang Kunduz trauma centre sa kasalukuyan  

    “Malubha ang natamong pinsala ng aking anak, kaya’t hindi na akong umasang gagaling pa siya. Maski ang atay niya ay gutay-gutay,” sabi ni Fatima, ina ng isang pasyenteng tinanggap sa trauma centre ng Doctors Without Borders sa Kunduz noong Hulyo 2025. “Ginawa ng ospital ang lahat ng kanilang makakaya upang tulungan siyang gumaling, at inalagaan siya araw man o gabi. Nagpapasalamat ako na mayroong ganitong ospital.” 

    Ang bagong Kunduz trauma centre ay nasa isang bansang bagama’t wala na sa gitna ng digmaan ay nahaharap pa rin sa maraming mga hamon. Tampok sa centre ang isang emergency room, intensive care unit, mga inpatient at outpatient department, mga operating theatre, at lugar para sa physiotherapy.  

    Ang trauma centre ay may 79 na kama at nagbibigay ng komprehensibong pangangalaga sa mga pasyenteng may mga traumatikong pinsala dahil sa pagkabagsak, mga aksidente sa daan, hindi sumabog na ordnance, at iba pa. Sa pagitan ng Enero at Hunyo 2025, 10,253 na pasyente ang aming sinuri sa emergency room ng aming pasilidad at 3,197 na operasyon ang aming ginawa.  

    Ang lungsod ng Kunduz ngayon ay nagbago na mula sa Kunduz noong 2015, tulad ng pagbabago ng mga traumatikong pinsala. Ngunit may isang bagay na kailanman ay hindi nagbabago, at ito ay ang paggamot ng Doctors Without Borders sa mga pasyente ayon sa kanilang mga pangangailangang medikal. Hindi namin tinitingnan ang mga pagkakaibang nakabatay sa lahi, kasarian, etnisidad, relihiyon, o pulitikal na kaalyado.
    Emilie Buyle, Project Coordinator

    Ang mga pagsalakay sa mga pasilidad pangkalusugan at mga healthcare worker 

    Sampung taon na mula noong nakamamatay na pagsalakay sa Kunduz Trauma Centre sa Afghanistan. Ang mga ospital, at ang mga medikal at mga humanitarian worker, ay patuloy na pinupuntirya at pinagbabantaan sa mga lugar na mayroong mga hidwaan.  

    Ang nangyari sa Kunduz ay ang pinakanakamamatay na pagsalakay sa kasaysayan ng Doctors Without Borders, at ito’y isinagawa ng militar ng Estados Unidos. Mula noon, nakapagdokumento kami ng pagdami ng mga estadong responsable para sa mga malaking pagsalakay tulad ng pagwasak ng mga ospital, bukod pa sa mga armadong grupo na hindi saklaw ng estado. Nakikita ito sa Palestine (partikular na ang pagsalakay ng Israel), sa Haiti (ng mga gang at ng mga pulis ng Haiti), sa Ukraine (ng militar na Ruso), at sa Sudan (ng mga puwersa ng estado at ng walang kaugnayan sa estado). Ang mga dating bihirang pangyayari ay nagiging pangkaraniwan. Ang mga medikal na pasilidad at mga healthcare worker ay di dapat maging target kailanman. 


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.