Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Lebanon: Mga lumalaking pangangailangan sa gitna ng kawalan ng katiyakan isang taon matapos umigting ang digmaan

    MSF nurse taking vital signs

    Kinukuha ng mga nars sa mga mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Nabatieh ang mga vital sign ng isang miyembro ng komunidad.  Lebanon 2025 © Maryam Srour/MSF

    “Bumalik ako upang ayusin ang mga napinsala sa bahay ko,” sabi ni Abdel Karim, ang mga salita niya’y halos di na marinig, tila nalulunod ng ugong ng isang drone ng mga Israeli. “Ngunit kung di ka naman ligtas at hindi mo kayang bumili kahit ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng mga gamot, paano ka makakapagsimulang muli?” 

    Isang taon na ang nakalipas mula noong pinaigting ng Israel ang pakikidigma nito sa Lebanon, ngunit hindi pa rin nagwawakas ang krisis na humanitarian sa bansa. Sa kabila ng kasunduan para sa isang ceasefire noong Nobyembre 2024, ang mga pagsalakay ng mga Israeli ay isang pang-araw-araw na realidad na humahadlang sa paggaling ng mga tao, at nagdudulot ng mga paghihigpit sa kanila upang makakakuha ng pangangalaga. Inookupa pa rin ng mga puwersang Israeli ang ilang mga lugar sa timog na hangganan, kung kaya’t maraming mga residente ang di makabalik. Nag-iwan ito ng mahigit sa 82,000 na mga taong nawalan ng tirahan

    Dito, walang araw na nakalilipas nang hindi muling nararanasan ng mga tao ang pagkawasak. Ang ugong ng mga drone, ang patuloy na pagsakop sa mga lupain, at ang walang humpay na mga airstrike ay nagpapalalim sa pagdurusa ng mga tao.
    Tharwat Saraeb, Psychologist

    Pag-angat sa mga gumuho 

    Bumalik si Abdel Karim sa kanyang bayan sa distrito ng Bint Jbeil sa governorate ng Nabatiyeh – isa sa mga pinakanapinsalang lugar. Sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) mobile clinic dito, nakatatanggap siya ng mga gamot para sa mga matagal na niyang sakit. Libo-libong mga pamilya sa iba’t ibang bahagi ng Lebanon ang hirap na hirap makakuha ng pangangalagang pangkalusugan sa kanilang pagsisikap na muling itaguyod ang kanilang mga buhay sa gitna ng, o pagkatapos ng mga bangungot ng pagpapaalis sa kanilang tinitirhan, pagkawala, at kawalan ng katiyakan. 

    Sa timog ng Lebanon, winasak ng digmaan ang mga imprastruktura, kabilang rito ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Sa kasagsagan ng digmaan, nilisan ng mga tao ang walong ospital, na karamihan ay nasa timog, habang 21, o mga 13% ng kabuuang bilang ng mga ospital sa bansa, ay napinsala, nagbawas sa kanilang mga ibinibigay na serbisyo o di kaya’y napilitang magsara. 133 na pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan ang nagsara na rin, at sa Nabatieh lamang, ang kapasidad ng kanilang ospital ay bumaba ng 40%. Ngayon, maraming mga napinsalang pasilidad na nananatiling nakasara, at marami ang nangangailangan ng rehabilitasyon. 

    Matapos lumala ang digmaan, ang Doctors Without Borders ay nagsagawa ng mga bagong aktibidad sa mga pinakanapinsalang governorate – ang Nabatieh, sa timog, at Baalbek-Hermel, habang pinanatili nito ang kanilang presensya at mga ibinibigay na serbisyo sa Beirut, Bekaa at sa hilaga. Sa mga governorate sa timog, kung saan ang mga serbisyong makukuha ay hindi abot-kaya ng karamihan sa mga bumabalik, nagpatakbo ang Doctors Without Borders ng mga mobile clinic upang matiyak na ang mga komunidad ay may mapagkukunan ng mga mahahalagang serbisyo para sa mga medikal na pangangailangan at para sa kalusugang pangkaisipan. Isinasaayos din at sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang tatlong sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan upang maibalik ang pagbibigay ng mga serbisyo sa mga lugar na binabalikan.

    Rubble in Lebanon

    Maraming gusali ang nanatiling wasak sa timog na bahagi ng Lebanon, isang taon pagkatapos lumala ang pakikidigma ng mga Israeli sa bansa. Aita ash-Shaab, Lebanon, Aug 2025 © Maryam Srour/MSF

    Mabigat na pasanin  

    “Ang mga digmaan ay nag-iiwan ng matinding kapinsalaan sa mga komunidad na tuwirang naapektuhan,” sabi ni Tharwat Saraeb, isang sikolohista na nagtatrabaho sa mobile clinic ng Doctors Without Borders sa governorate ng Nabatieh. “Dito, walang araw na nakalilipas nang hindi muling nararanasan ng mga tao ang pagkawasak. Ang ugong ng mga drone, ang patuloy na pagsakop sa mga lupain, at ang walang humpay na mga airstrike ay nagpapalalim sa pagdurusa ng mga tao.” 

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay patuloy na nakasasaksi ng mga kabayarang buhay ng paglala ng karahasan at ng pangmatagalang epekto ng digmaan na hindi pa rin ganap na nagwawakas. Maraming mga pasyente ang nabubuhay sa takot at kawalan ng katiyakan, marami sa kanila ang hindi makabangong muli. Malalalim din ang mga pangangailangan para sa kalusugang pangkaisipan, habang ang mga bata at nakatatanda ay nakararanas ng stress, pagkabalisa, at palagiang takot. 

    “Hinihimatay ang aking anak tuwing nakaririnig siya ng tunog ng kahit anong strike, kahit na malayo ito,” sabi ni Samira, isang pasyente ng mobile clinic ng Doctors Without Borders. “May sarili siyang anak, at lahat kami ay nanginginig sa takot – lubha kaming naapektuhan." 

    MSF staff with patient

    Binisita ni Samira Hamze, 69, ang isang mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Nabatieh para sa paggamot ng kanyang dati nang sakit. “Nasa Zawtar lang ako nang tumindi ang mga labanan," sabi ni Samira, "Tumakas kami sa gitna ng umaatikabong pagbobomba, at sinundan kami ng mga airstrike sa aming pagdaan. Noong araw na iyon, gumugol kami ng halos 12 na oras sa kalsada. Umalis kami nang wala kaming dala kundi ang aming mga anak at apo – nagsitakbuhan kami para sa aming mga buhay." Lebanon 2025 © Maryam Srour/MSF

    Isang magkasamang paghihirap 

    Winasak ng digmaan ang ilang mga pamilyang Lebanese, mga refugee at mga migrante. Ang Lebanon ay tahanan para sa mahigit isang milyong refugee na Syrian, daan-daang libong mga Palestino, at maraming mga migranteng namumuhay sa gitna ng mga mapanganib na kondisyon. Ang mga komunidad na ito ay hindi isinama sa mga tinulungan ng maraming relief effort noong may mga labanan, sa kabila ng kanilang pagharap sa parehong mga kagyat na pangangailangan para sa pagkain, masisilungan at pangangalagang pangkalusugan. Isang taon pagkalipas noon, ang pangangailangan ng mga refugee at mga migrante ay isinawalang-bahala. Ang kanilang mapagkukunan ng ikalawang antas ng pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga organisasyong humanitarian ay nanganganib din. 

    Sa pagtatapos ng 2025, ang UN Refugee Agency at ang International Organization for Migration ay titigil sa pagsaklaw ng pangalawang antas ng pangangalagang pangkalusugan, habang ang UNRWA at UNICEF ay nahaharap sa walang katulad na pagbabawas sa pondo. Ang matitinding pagputol sa mga pondo para sa programang humanitarian ay nag-iiwan ng hindi natutugunang malalaking pangangailangan, lumilikha ng mga bagong kahinaan at nagpapalalim sa mga dati nang naroon. 

    Para sa mga taong tulad ni Abdel Karim at Samira, ang muling pagtataguyod sa kanilang mga buhay ay nananatiling isang mabigat na pagsubok. Naninindigan ang mga team ng Doctors Without Borders sa pagbibigay ng mga serbisyo kung saan sila kinakailangan, at tinitiyak nila na ang mga komunidad ay hindi naiiwang walang mapagkukunan ng kinakailangang pangangalagang pangkalusugan. Gayunpaman, ang tunay na pagbangon ay nagiging posible lamang kung ang mga tao ay nabubuhay nang walang takot at maaari nilang makuha ang mga mahahalagang serbisyong medikal, kalusugang pangkaisipan at mga mahahalagang serbisyo na kagyat nilang kinakailangan para sila’y makabangong muli. 

    MSF in Lebanon

    Ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa Lebanon bago, habang, at pagkatapos ng pag-igting ng pakikidigma ng mga Israeli noong Setyembre 2024. © MSF

    Doctors Without Borders sa Lebanon

    Sa kasalukuyan, ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho sa pitong governorate sa iba’t ibang bahagi ng Lebanon. Sa Beirut, nagpapatakbo kami ng dalawang klinika sa Bourj Hammoud at Bourj El-Barajneh. Sa Baalbek-Hermel, nagpapatakbo rin kami ng dalawang klinika sa Hermel at Arsal, at ng tatlong mobile clinic. Sa timog na bahagi ng Lebanon naman, tatlong mobile clinic ang pinangangasiwaan namin sa Nabatieh at sinusuportahan namin ang tatlong sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa timog. Sa hilaga, sinusuportahan namin ang limang sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa Tripoli. Sa Bekaa at Akkar, nagpapatakbo kami ng isang mobile clinic sa bawat governorate

    Mula Setyembre 23, 2024, hanggang Setyembre 1, 2025, nagsagawa ng o nagbigay ng suporta ang Doctors Without Borders sa:

    • 175,338 na medikal konsultasyon
    • 14,179 indibidwal na konsultasyon para sa kalusugang pangkaisipan
    • 12,433 konsultasyon ng mga grupo para sa kalusugang pangkaisipan

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories