Ang Dahon ng Taro: Isang simbolo ng karanasan ng mga Rohingya
Noong Agosto 25, 2017, isang kampanya ng nakapuntiryang karahasan ang inilunsad ng militar ng Myanmar laban sa mga Rohingya sa estado ng Rakhine. Hindi ito ang unang kampanya laban sa mga Rohingya, ngunit ito ang pinakamalaki, at naging sanhi ng paglikas ng mahigit sa 700,000 na Rohingya.
Walong taon matapos ang maramihang paglikas ng mga Rohingya, mahigit 1.2 milyong tao ang nananatiling walang permanenteng tirahan sa Cox’s Bazar sa Bangladesh, at di makaalis sa mga kampo. Kabilang rito ang mahigit sa 150,000 na Rohingyang dumating mula noong Enero 2024, matapos ang panibagong labanan sa pagitan ng mga armadong grupo sa Myanmar. Halos lahat ng pangangailangan nila, pati pagkain ay nakasalalay sa pakaunti nang pakaunting humanitarian assistance mula sa Bangladesh. Sila rin ay di pinahihintulutang kumuha ng pormal na trabaho. Ilang henerasyon ng mga bata ang hindi nakakakuha ng edukasyon. Samantala, ang mga kondisyon ng pamumuhay sa mga kampo ay lumalala, mayroong may mga lagnat na di maipaliwanag, outbreak ng hepatitis C, at kakulangan ng pagkain at tubig. Nahaharap sila sa isang kinabukasang walang pag-asang magkaroon ng buhay sa labas ng mga kampo.
Ang paglalahad ng kuwento ukol sa kawalan ng estado ng mga Rohingya sa isang bagong paraan
“Kung hindi namin ipagpapatuloy ang paggawa ng mga likhang-kamay, maglalaho ang aming kultura—at mawawalan kami ng koneksyon sa Arakan,” sabi ng isang Rohingyang alagad ng sining.
Ang dahon ng taro ay galing sa kasabihan na "Hoñsu Fathar Faaní" na kapag isinalin ay, “kahit ang tubig ay walang iniiwang marka sa isang dahon ng taro”. Ang tubig na nasa ibabaw ng dahon ng taro ay tila nakalutang, at kapag umihip ang hangin, gugulong lang ito nang walang naiiwang marka. Sinasalamin nito ang pakiramdam ng paglutang, nang walang lupang matatapakan, ang kawalan ng kinabibilangan, at ang pagiging nasa gitna ng mga bansang tinatanggihan sila.
Sa tulong ng Doctors Without Borders, ang mga komunidad ng mga Rohingya at ang mga alagad ng sining sa Cox’s Bazar ay lumikha ng mga likhang-kamay kung saan itinatampok ang simbolo ng dahon ng taro. Sa pamamagitan nito, ang mga Rohingya ay nag-iiwan ng bakas sa pagsasanay, pagpapalakas, at pagpasa ng kanilang mga kultura at tradisyon. Nilalabanan nila ang pagkabura kahit na sila’y ‘walang estado’ at pinagkakaitan ng mga pangunahing karapatan. Ang mga malikhaing sining na ito ay hindi lang mga maipagmamalaking pagpapahayag ng kultura, ito rin ay paraan ng pagligtas sa kanilang mga buhay at mga gawing nagpapakita ng kanilang paglaban.
Sa isang lugar kung saan ang mga tao ay pinagkakaitan ng nasyonalidad, pagkilos at maging ng pangangalagang medikal, ang simpleng paghubog ng luwad, paghabi ng kawayan, o pagsasalaysay ng isang kuwento ay nagiging isang akto ng paglaban at dignidad. Sinasabi nito na, nandito pa rin kami. Nakakadama pa rin kami. May kabuluhan pa rin kami.Ruhul Amin
- Ang Ipinapahayag ng Dahon ng Taro
Ang dahon ng taro ay isang simbolong kumakatawan sa karanasan ng kawalan ng estado ng mga Rohingya. Ito ay hango sa isang kasabihan,“Honsu-fathar Phani”, na tungkol sa kung paanong ang tubig ay tila nakalutang lang sa ibabaw ng dahon ng taro, at kapag ito’y hinangin ay gugulong lang ito palayo nang walang naiiwang marka.

Ganito ang pakiramdam ng kawalan ng estado. Ang kasaysayan naming mga Rohingya ay binubura na sa Arakan, at saan man kami mapunta ay mahirap para sa amin ang kumuha ng mga dokumento, isabuhay ang aming kultura, at itaguyod ang aming buhay at kinabukasan. Tulad ng tubig sa isang dahon ng taro, kami’y palutang-lutang nang walang lupang tatapakan, kung kaya’t nanganganib kaming mawala. Para sa mga Rohingya, ang pag-iral ay isa sa mga paraan ng paglaban. Kailangang ipagpatuloy namin ang aming pamumuhay, ilahad ang aming mga kuwento, at dugtungan ang aming mga ipapamana (Meeras).
Ang paglutang na ito ay nagdudulot ng maraming problema, lalo na sa mga Rohingyang di makaalis sa kampo ng mga refugee sa Kutapalong. Hindi kami mapalagay, nakatira kami sa limbo sa pagitan ng mga bansang ayaw sa amin. Mahirap makakuha ng edukasyon, ng pangangalagang pangkalusugan, at ng mga oportunidad para sa kinabukasan. Ito’y nangangahulugang ang aming mga anak ay nasa kalye at gumagawa ng mga maling desisyon gaya ng pagpili ng karahasan sa halip na pagtulong sa komunidad. May ilang mga kalalakihan ang bumabaling sa pagsusugal sa pag-asang makahahanap sila ng paraang makaalpas. Nararamdaman ng mga kababaihan na hindi ligtas ang maglakad nang mag-isa. At pinag-aagawan namin ang kakaunting mapagkukunang-yaman sa pamamagitan ng pagbebenta ng tubig o pagkontrol ng pagkuha ng mga pangangailangan sa loob ng kampo. Tuwing pinalilipat kami ng mga awtoridad sa ibang masisilungan at wala kaming karapatang tumanggi, napapahiya kami sa pagmamakaawa o paghingi ng pahintulot. Walong taon na kaming lumulutang, ang iba sa amin ay mas matagal pa. Sa paglipas ng panahon, nawawalan kami ng pag-asa at nagsisimula na naming isipin na ang mamuhay sa kampo ay aming tadhana, o na walang destinasyon ang aming paglalakbay, ito ay puno lamang ng pagdadaanang pagdurusa.

Sa kabila nito, marami sa amin ang nakahahanap ng lakas upang mag-iwan ng mga palatandaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng aming kultura, pagtuturo sa aming mga anak, pag-aaral sa mga online university, pagtatrabaho para sa aming kinabukasan, at paghahanap ng mga daan palabas sa kampo. Muli naming binubuhay ang aming wika, dala-dala namin ang Arakan sa aming mga puso, hinahanap namin ang mga bagay na maaari naming kontrolin, ipagpatuloy ang pagtataguyod ng aming mga karapatan, at lumikha ng mga iba’t ibang kuwento tungkol sa amin.
Sa pamamagitan ng dahon ng taro ay ibinabahagi namin ang mga kuwentong ito sa pandaigdigang komunidad upang matulungan ang ibang mga taong maintindihan ang karanasan ng kawalan ng estado at upang igiit sa mga pamahalaan na magsagawa ng positibong pagbabago. Ngunit ang simbolong ito ay para sa amin din, tinutulungan kami nitong ipagpatuloy ang aming pamana. Ang lahat ng makikita ritong mga likhang-kamay ay bahagi ng kultura ng mga Rohingya. Kung hindi namin ito laging gagawin, mawawala ang aming kultura at ang aming koneksyon sa aming lupang tinubuan. Sa Arakan, gumagawa kami ng mga lambat at mga kasangkapan para sa pagsasaka na mula sa kawayan dahil sa pangangailangan. Sa kampo ay hindi na namin ito ginagawa, dahil wala namang paggagamitan. Ang proyektong ito ay nakatutulong sa aming muling lumikha at ipasa ang mga kasanayang ito sa aming mga anak. Ipinapaalala nito sa amin ang kahulugan ng pagiging Rohingya.

Umaasa kaming balang araw, ang mga patak ng tubig ay makahahanap ng kanlungan. Gusto naming makabalik sa aming tahanan o di kaya’y makahanap ng ibang lugar na matitirhan kung saan maaari kaming mamuhay nang may kaligtasan, dignidad at mga karapatan. Kung hindi ito posible, wala nang saysay na bigyan pa kami ng pagkain o masisilungan. Kami ba’y mananatili sa kampong ito sa susunod na 50 na taon? Tulungan n’yo kaming makahanap ng daan palabas, hindi namin kayang gawin ito nang mag-isa
Ang pahayag ukol sa dahon ng taro ay tinipon mula sa mga panayam sa mga alagad ng sining na Rohingya at sa mga miyembro ng kanilang komunidad noong ginagawa nila ang mga likhang-kamay. Gamit ang simbolo ng dahon ng taro, kinakatawan nito ang mga karanasan ng mga Rohingya sa sapilitang pag-alis nila sa kanilang mga tirahan at kawalan ng estado.
Mga likhang-sining na binigyang inspirasyon ng dahon ng taro at ang mga gumawa nito
Honsu Fathar sa cane glass. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF
Natutong maghabi si Nurul noong 1991 bilang isang refugee sa Moricha, Bangladesh. Muli niya itong ginawa noong nakabalik siya sa Myanmar — ngunit siya’y pinaalis noong 2017. “Marunong rin ang aking amang maghabi, kaya’t sinubukan kong matuto mula sa kanya. Gumagawa siya noon ng mga kinomisyon na likhang-sining. Gusto ko sanang ipagpatuloy iyon.”
Ang kanyang mga likha ay isang mensahe para sa mundo: “Wala kaming tinatapakang lupa, ngunit sa tulong ng iba ay mapapanatili naming buhay ang aming kultura — at balang araw, magiging malaya rin kami. Kung hindi kami makababalik sa aming lupang tinubuan, unti-unting maglalaho ang aming kultura. Kung wala ang sining, hindi ganap ang aming pagiging Rohingya. Kapag pumatak ang tubig sa isang dahon ng taro, umaasa kaming mag-iiwan ito ng bakas. Ito ang aming bakas — lalo na kapag kami’y makabalik.”
Honsu Fathar sa tela. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF
Natutong maghabi si Senu sa isang programang bokasyonal sa Myanmar noong siya’y 23 na taong gulang. Sanay siyang gumawa ng mga lungis, bandana, punda, at sapin sa kama. Ang kanyang mga binuburda ay nagdadala ng mga alaala ng kanilang kultura at tahimik na pagtutol.
“Hindi sumagi sa aming isipan na paaalisin kami ng mga pamahalaan ng Rakhine at Burma. Ang dahon ng taro ang aming dokumento, at kami ang tubig. Naiwan ang dahon sa Myanmar, at gaya ng tubig, napilitan kaming dumaloy sa ibang lugar. Kapag ipinakita namin ito sa mundo, baka manatili ang aming bakas.”
Honsu Fathar sa ceramics. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF
Si Kali (nasa kanan) ay natutong gumawa ng palayok mula sa kanyang ama, samantalang si Bishi Bala (nasa kaliwa) naman ay tinuruan ng kanyang mga biyenan pagkatapos silang ikasal. Ipinagpapatuloy nila ngayon ang isang gawang-kamay na ipinasa na sa ilang henerasyon. Mula sa palayok hanggang sa mga hugis ng hayop, mula sa mga pitsel hanggang sa mga laruan, hinuhubog nila ang luwad kasama ang mga alaala at kahulugan.
“Nakatira kami sa ilalim ng mga trapal. Wala kaming sariling lupa, wala kaming bansa,” sabi nila. “Wala rin kaming estado. Ngunit sa aming pagtutulungan, pati na rin ng mga taong mula sa ibang lugar, nakalilikha kami ng mga bagay na nagdudulot ng saya. Ito ang aming nagustuhan sa proyektong ito.”
Honsu Fathar sa lambat. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF
Ang pagkamausisa ni Nuru ang nagtulak sa kanya upang pag-aralan ang iba’t ibang ginagawa ng mga tao sa paligid niya — mga magsasaka, mga gumagawa ng kagamitan, mga manghahabi. “Nagpaturo ako sa kanila. Ang aking lolo at loIa ay gumagawa ng iba’t ibang klase ng mga kagamitan para sa pagsasaka. Dahil wala akong kuya, kinailangan kong matutong gawin ang lahat, pati pag-aararo. Ang aking asawa naman, na refugee noong 1992, ang nagturo sa akin kung paanong gumawa ng mga bangko. At patuloy pa rin akong natututo.”
Nakikita niya ngayon na ang ganitong mga gawain ay mahalaga para sa pangangalaga ng kultura. “Kung hindi natin ito ipapasa sa ating mga anak, maglalaho ito — at kasama nito ang ating pagkakakilanlan bilang mga Rohingya. Ganito ko napapanatiling buhay ang aking lolo’t lola. Sa ganitong paraan ako mag-iiwan ng bakas. Tulad ng tubig sa isang dahon ng taro, walang maiiwan doon kung hindi tayo magsisikap. Kapag nawala ang ating kultura, maglalaho tayo.”
Honsu Fathar sa kahoy. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF
Nagsimulang umukit si Kolim ng kahoy sa edad na 10 sa Arakan. Natuto siya mula sa isang kakilala nilang karpentero. “Ginawa namin ito dahil sa pangangailangan, upang makabili ng pagkain para sa aming mga pamilya. Marami ang bumibili ng aking mga muwebles, marami rin akong ginagawang mga kuna para sa mga sanggol”. Sa pamamagitan ng pag-ukit ng taro, ibinabahagi ni Kolim ang isang mensahe: “Ang aming buhay ay mistulang tubig na nasa dahon ng taro, wala kaming tinatayuang lupa. Sa pagpapakita ng mga likha namin sa mundo, mag-iiwan kami ng palatandaan na hindi maaaring itapon.”
Honsu Fathar sa photography. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF
Nagsimula si Sahat sa pagkuha ng mga larawan sa Myanmar noong 2014, at ang una niyang mga kinunan ay mga football game. Ngunit pagkatapos mapuwersa ng karahasan ng militar na tumakas mula sa Bangladesh noong 2017, sinimulan na niyang idokumento ang buhay sa mga kampo ng refugee — hindi lang upang magpatotoo bilang mga saksi, ngunit upang maipadama sa mundo ang kanilang pinagdadaanan.
Isang premyadong photojournalist, si Sahat ngayon ay nagpapatakbo ng Rohingyatographer, isang pangdaigdigang plataporma na nagpapalakas sa mga boses ng mga Rohingya sa pamamagitan ng mga larawan.
“Ang dahon ng taro sa aking larawan ay nagpapakita sa mundo na ang krisis namin ay patuloy pa rin at narito pa rin kami. Kahit sapat naman ang laki ng mundo para sa ating lahat, tinatrato kaming parang tubig sa isang dahon ng taro: hindi kami binibigyan ng lugar kung saan kami makapagpapahinga. Gusto kong malaman ng mundo na ang mga Rohingya ay mga disenteng tao. Buhay kami. Nararapat din kaming magkaroon ng kapayapaan, karunungan, at dignidad — gaya ng ibang tao.”
Suportahan kami
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.