Yemen: Hindi lang mga numero—ang nakababahalang pagdami ng kaso ng tigdas sa bansa
Ginagamot sa Al Thawrah Hospital isolation center sa Al Bayda ang isang batang babae na isang taong gulang pa lang para sa tigdas. Yemen, Hunyo 2023. © Aljunaid/MSF
Nitong nakaraang tatlong taon, nagkaroon ng nakababahalang pagtaas ng bilang ng mga batang ipinasok sa mga ospital ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Yemen para sa tigdas. Noong unang kalahati ng 2023, ang bilang ng mga pasyenteng tinanggap sa mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Bordera ay umabot sa 4,000, halos triple ng bilang nito noong buong 2022. Ang nakikita natin ay maliit na bahagi lamang ng mga malalaking suliraning dulot ng halos siyam na taon ng alitan at ng krisis sa ekonomiya na pinagdadaanan ng bansa.
Noong 2022, nagbigay kami ng babala ukol sa tumataas na bilang ng mga batang malnourished sa Yemen – isang kondisyon na nakapagpapalala ng ibang sakit. Pinahihina ng malnutrisyon ang immune system, kung kaya’t ang mga bata, lalo na ang mga hindi bakunado, ay nalalagay sa panganib mula sa nakamamatay na epekto ng tigdas.
Ang mga kondisyong ito ay maaaring mapigilan, at dahil hindi magawa ito, makikita nating kulang na kulang talaga ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan dito sa Yemen, at naghihirap ang mga tao. Ang mga ito ay mayroong makabuluhang epekto sa buhay ng mga taong tulad ni Aisha, at ng kanyang anak na si Abdullah, tatlong taong gulang.
“Hirap na hirap si Abdullah dahil sa kanyang masakit na lalamunan, mataas na lagnat, at namumulang mata. Tapos, may mapupulang pantal na lumitaw sa kanyang katawan. Sabi ng doktor sa klinika, tigdas daw iyon na may kasamang kumplikasyon, at kailangan siyang ipa-ospital. Bakunado naman si Abdullah, pero hindi kumpleto ang kanyang mga bakuna. Mahirap kasing magpabalik-balik sa klinika. Wala kaming sasakyan at mahal naman ang umupa. Kaya’t hindi namin nakumpleto ang kanyang mga bakuna.”Aisha, nanay ng pasyente
Limitadong access sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan at regular na pagpapabakuna
Ang tigdas ay isang viral infection na lubhang nakahahawa—madali itong kumalat sa mga komunidad na siksikan sa dami ng tao. Ang mga batang wala pang limang taong gulang ang madalas na naaapektuhan nito, at pinakananganganib ang mga batang may iba pang kondisyon o sakit. Bagama’t ito’y nakamamatay, napipigilan naman ito ng bakuna.
Dahil sa kahirapan na pinalalala ng mararahas na alitan, lubhang mahirap para sa mga taong nasa liblib na lugar na gumastos para sa gasolina o transportasyon upang madala ang kanilang mga anak sa ospital. Dagdag pa rito ang kakulangan ng mga kampanya para sa pagbabakuna at ang kawalan ng abot-kaya at mga gumaganang pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa bansa. Kaya naman napipilitan ang mga taong maglakbay nang malayo upang makakuha ng kinakailangang paggamot.
Sa loob ng isolation unit sa Mocha trauma hospital, isang ina ng isang pasyenteng sampung buwan pa lamang. Yemen, Agosto 2023. © Athmar Mohammed/MSF
Ang resulta nito’y dumadating ang mga pasyente sa mga ospital na suportado ng Doctors Without Borders nang may mga kumplikasyon, gaya ng advanced-stage measles, na maaari naman sanang maiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna o kung naagapan agad ito ng maagang paggamot.
Bagama’t mahirap matukoy ang lahat ng mga kailangang bigyang pansin kaugnay ng mga hamong hinaharap ng Yemen sa pakikibaka nito sa tigdas at iba pang mga sakit, malinaw na malaki ang kinalaman ng kakulangan sa regular na pagbabakuna at ng limitadong access sa mga pasilidad para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Ang malala pa rito’y nakita namin ang pagdami ng mga kaso ngayong taong ito sa aming mga klinika.
Noong 2020, bumaba sa 77 ang bilang ng mga pasyenteng may tigdas sa aming mga klinika mula 731 noong 2019. Ito’y maaaring resulta ng malawakang kampanya para sa pagbabakuna na aming isinagawa noong 2019. Subali’t ang mga limitadong aktibidad para sa pagbabakuna sa mga sumunod na taon, pati na rin ang mga hamon sa pagkuha ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan ay sumalungat sa aming mga nagawa kung kaya’t noong 2021, muling umakyat ang bilang ng mga pasyenteng may tigdas sa 762. Ang dramatikong pagtaas ng bilang nitong taong ito ay hindi maitatatwa – naging halos triple ang bilang ng mga kaso at umabot sa 4,000, kung kaya’t nahihirapan na ang mga pasilidad medikal, na dati nang nasasagad ang kapasidad. Ang pinag-uusapan dito ay hindi lang mga numero, kundi mga buhay ng mga bata.Isaac Alcalde, head of mission sa Yemen
Sa kasamaang palad, ang nakapupuspos na pagtaas ng bilang ng mga may tigdas ay hindi lang makikita sa iisang lugar. Nasaksihan ng aming mga medical team ang nakapanlulumong epekto ng pagkalat ng sakit na ito sa mga governorate ng Amran, Sa’ada, Hajjah, Ibb, Hodeida, Taiz, Marib at Shabwah.
Binibigyang-pansin din ng mga ahensya ng United Nations ang nakagugulat na pagkalat ng mga sakit sa Yemen, mga sakit na mapipigilan naman ng pagbabakuna. Dagdag pa nila,nagtala na ng mahigit 22,000 na kaso ng tigdas sa bansa noong 2022, kabilang rito ang 161 na namatay. Noong Abril lang ng taong ito, nagkaroon na ng 16,114 na kaso. Umaakyat din ang bilang ng mga kaso ng diphtheria at pertussis (whooping cough), at kasabay nito ang pagdami ng mga namamatay sa bawat sakit na nabanggit.
Ang pagpapalaki ng kapasidad ng mga isolation ward
Sa ilang mga health centre na aming sinusuportahan, inaangkop na namin ang aming mga aktibidad upang matugunan ang mga dumaraming pangangailangan. Isang halimbawa ang governorate ng Al Bayda kung saan mula noong sinimulan namin ang aming pagtugon sa tigdas ay nakagamot na kami ng 1,784 na kaso mula kalagitnaan ng Pebrero hanggang Hunyo 2023.
Halos 52% ng mga kaso ang may kasamang kumplikasyon, at 12% lamang ng mga pasyente ang nabakunahan bago sila naospital, isang pagpapatunay na naman ng kakulangan sa pagbabakuna.
Ang kakulangan sa pagbabakuna ay maaaring dulot ng mga hadlang, gaya ng pagbabawal sa mga humanitarian import, ang mababang bilang ng mga pasilidad pangkalusugan na nagbabakuna, at ang kawalan ng edukasyong pangkalusugan ukol sa papel na ginagampanan ng bakuna upang protektahan ang mga tao laban sa mga sakit na gaya ng tigdas.
Pinalaki na ng aming mga team ang measles isolation unit sa Abs Hospital upang makapagbigay- serbisyo sa mas maraming pasyente. Sa Al Qanawis Mother and Child Hospital, sa governorate ng Al Hudayda, mahigit kalahati sa mga pasyenteng tinanggap sa paediatric ward pagkatapos nitong magbukas noong Mayo 2023 ay mga batang may tigdas.
Naglilibot ang mga miyembro ng medical team ng Doctors Without Borders sa isolation unit ng Mocha trauma hospital sa panahon ng measles outbreak.
Ang medical team ng Doctors Without Borders sa measles isolation ward nung nagkaron ng measles outbreak. Sinimulan ang isolation unit sa Mocha trauma hospital. Yemen, Agosto 2023. © Athmar Mohammed/MSF
Dahil sa umakyat din ang bilang ng mga kaso sa Mocha, nakita rin ng governorate ng Taiz ang pangangailangang magbukas ng bagong isolation ward para lamang sa may tigdas noong Abril 2023. Sa Khamer at Haydan, 35% at 41% (ayon sa pagkakabanggit) ng mga pasyenteng tinanggap sa kanilang mga paediatric unit ay may tigdas. Ang magkakapareho sa magkakaibang lugar na ito ay ang pagdami ng mga kaso, at ang nakababahalang kakulangan ng pagbabakuna.
Panawagan sa mga awtoridad at mga sangkot sa kalusugan: dagdagan ang kanilang pagtugon
Dahil lubhang nakahahawa ang tigdas, at maaaring nakamamatay rin, ang mga hakbang tulad ng pagbubukod ay ang susi sa pagpigil ng pagkalat nito. Sa iba’t ibang governorate ng Yemen kung saan ginagamot na ng Doctors Without Borders ang mga may tigdas, may mga nakausap kaming mga magulang na may kaalaman na tungkol sa mga sintomas ng sakit na ito at nagsusumikap na protektahan ang kanilang mga anak, pati na rin ang ibang mga bata sa kanilang komunidad.
Ganito ang kaso ni Layal at ng kanyang kapatid na lalaki na si Hussein. Dinala ang magkapatid ng kanilang ina sa Ra’ada Hospital sa Al Bayda.
“Noong una, nakikisalamuha pa si Layal sa mga kamag-anak namin. Pero noong nagsimula na siyang kakitaan ng mga sintomas gaya ng lagnat at mga pantal, ibinukod ko na ang kanyang kapatid,“ sabi ng ina nina Layal at Hussein.
“Sa kasamaang-palad, nahawa na siya at nagsimula nang kakitaan din ng sintomas. Salamat sa Diyos, maaga ko silang nadala sa ospital, kaya’t naagapan sila’t gumaling. Alam kong mabilis kumalat ang tigdas, at maaari ring maapektuhan ang ibang mga bata sa komunidad kaya nag-aalala ako noong una.”
Isang bata ang napag-alamang may severe acute malnutrition nang siya’y sumailalim sa mga konsultasyong isinasagawa ng aming team sa mobile clinic sa Qarn Al Asad sa Rada’a, sa governorate ng Al Bayda. Ang mga batang malnourished ay mas madaling mahawa sa tigdas. Yemen, Hunyo 2023. © Aljunaid/MSF
Upang maresolba ang krisis na ito, kailangan ng komprehensibo at organisadong pagtugon. Upang maprotektahan ang mga batang Yemeni mula sa panganib ng tigdas, mahalagang magpatibay ng mga hakbang upang pigilan Ito, isangkot ang mga miyembro ng komunidad, at paunlarin ang pangangasiwa sa mga kaso. Kailangang tiyakin ng mga awtoridad, kasama ng mga kumikilos para sa mga gawaing humanitarian at pangkalusugan sa Yemen, ang pagkakaroon ng bakuna sa mga istrukturang pangkalusugan, ang pagpapabuti ng access at kapasidad ng mga pasilidad para sa pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, pagpapatibay ng mga daan sa pagsangguni, at pagpapaunlad ng kamalayan ng komunidad ukol sa kalusugan.
Unang nagtrabaho ang Doctors Without Borders sa Yemen noong 1986, at mula noong 2007 ay tuloy-tuloy ang pagkilos ng organisasyon sa bansang ito.Nagtatrabaho ang aming mga team sa 11 na ospital at nagbibigay ng suporta sa 16 na pasilidad pangkalusugan sa 13 na governorate. Noong 2022, tumanggap kami ng mahigit sa 108,000 na tao para sa inpatient care, nagsagawa ng mahigit sa 71,000 outpatient consultations at mahigit sa 36,000 surgical interventions, at tumulong sa mahigit 35,000 na panganganak.