Skip to main content

    Mga sagupaan, dumadagdag sa medical emergencies ng Yemen

    Operating theatre at MSF’s trauma centre in Mocha.

    Ang operating theatre sa MSF trauma centre sa Mocha, sa Red Sea Coast, rehiyon ng Yemen. Dito isinasagawa ng mga surgeons ang pagsagip sa buhay ng mga nasaktan sa labanan, mga biktima ng aksidente sa daan, o di kaya nama’y mga nagdadalang-tao na kinailangang mapaanak agad. Mula noong Nobyembre 2020, ang karamihan sa mga pasyente ay mga sibilyang nasa gitna ng digmaan. © Hareth Mohammed/MSF 

    “Sa aming trauma centre sa Mocha, nagbibigay-serbisyo kami sa lahat ng nangangailangan ng emergency surgery—ang mga nasaktan sa digmaan, mga biktima ng aksidente sa daan, at mga nagdadalang-tao na nangangailangan ng emergency surgical delivery,” paliwanag ni  Raphael Veicht, Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) Head of Mission. “Ang pagpatay at pananakit ng mga sibilyan ay di lamang paglabag sa International Humanitarian Law. Higit pa ito roon. Kabilang sa mga pasyente namin ay mga bata, mga nagdadalang-tao, mga nagpapasusong ina, at mga kalalakihang nagtatrabaho sa isang pabrika na natamaan ng shelling. Walang katwirang maaaring ibigay para maisip nating tama ito.”  

    Finance at aid 

    Kapag narinig natin ang salitang “aid," ang larawan na agad nating naiisip ay isang duktor na may pasyenteng ginagamot. Pero ito’y  higit pa roon. Ang aid ay ang eroplanong nagdala ng duktor sa bansa;   ang mga bank transfer ng pambayad sa mga katuwang ng duktor sa bansa; at ang barko na nagdadala ng  mga gamot at mga kasangkapang medikal.  

    Isa sa mga taong bahagi ng malaking larawang ito ay si Melvin Kaibigan, isang Filipino field worker ng  Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). Dalawang taon siya sa Yemen, kung saan siya ay nagsilbing Finance Coordinator, o FinCo. 

    “Pag nagtatrabaho sa MSF, ang karaniwang iniisip ng mga  tao ay yung mga nag-aral ng medisina. Di nila naiisip na meron ding mga tungkuling  pang-administrasyon at pinansiyal. Sa kahit anong MSF mission, ang finance coordinator ang tagapangalaga ng mission treasury. Ibig sabihin, kami ang may hawak ng pondo, ng pera na gagamitin sa bawat proyekto. Kailangan naming siguraduhin na sapat ang pera para sa lahat ng kailangang gawin, na kaya naming magbukas ng mga ospital, na kaya naming magpasuweldo, at bayaran ang lahat ng gastusin.” 

    Mahalaga ang papel na ginagampanan ng FinCo sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). “Sinusuportahan namin ang mga gawain sa pamamagitan ng aming financial analyses, na aming binibigay sa pinuno ng misyon. Ipinagbibigay-alam din namin kung may isyu o problema, at ito’y nakatutulong sa kanilang pagdedesisyon, lalo na sa pagpaplano ng budget, at sa pagsimula ng bagong gawain.” 

    Pagsuporta sa mga gawain 

    Bilang FinCo, alam ni Melvin ang mga detalye ng mga ginagawa ng MSF sa Yemen, at ikinuwento niya ang mga sitwasyong tinutugunan ng MSF sa Yemen.  

    “Sa Kilo, Yemen, nagtatag ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ng operating theatre,  at inayos ang  intensive care unit, emergency department at ang hospitalization service ng isa sa mga pangunahing ospital sa lugar. Nakagawa ang MSF ng 80 surgical procedures kada linggo, at umabot ang kabuuang bilang nito sa mahigit apat na libo sa loob ng isang taon. Tumanggap din kami ng mahigit sa 6,000 emergency consultations, at halos kalahati no’n ay sa trauma.”  

    Fatima sits on the bed next to her 18-month-old son Ishaq

    Nakaupo si Fatima sa tabi ng kanyang anak na si Ishaq, na sa edad na 18 months old ay ginagamot sa isa sa mga MSF cholera treatment centres sa Kilo, southern lbb governorate. © MSF 

    Bago pa man lumitaw ang COVID-19, kinailangan na ng Yemen ng tulong dahil sa paglaganap ng mga sakit na tulad ng cholera at diphtheria. “Mula pa noong Abril 2017, tumutugon na kami sa epidemya ng cholera. Nagtayo ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ng treatment centres, at nag-organisa ng mga aktibidad na makakaangat ng kamalayan ukol sa mga sakit na ito. Mahigit sa 4,000 na pasyente ang tinanggap namin sa Kilo cholera treatment centres. Ang mga pasyenteng may diptheria naman ay binigyang lunas sa dalawang specialized treatment units. Sa lungsod ng Ibb, isang bagong emergency service ang binuksan sa Al-Nasr hospital. Gumawa rin ng ambulance referral system para sa ibang ospital o para sa mga pasyenteng kailangang operahan. Noong 2018, mahigit sa 8,600 emergencies ang tinugunan ng MSF. Sa pagtatapos ng taong iyon, sinuportahan ng MSF ang emergency rooms at mga operating theatres sa mga ospital sa Al-Udayn at Far Al-Hudayn, na nasa kanayunan.” 

    A member of the HP team at the cholera treatment centre in Ibb, Yemen

    Ang pangambang madapuan ng COVID-19, ang takot na mahawa at pagkatapos ay makahawa ng mga mahal nila sa buhay ang pumipigil sa mga taong lumabas sa kanilang mga tahanan at pumunta sa ospital, kahit kinakailangan. Hinihintay pa ng mga taong maging malubha ang sakit nila bago sila makumbinsing pumunta sa mga pagamutan. “Bilang miyembro ng health promotion team sa cholera treatment centre dito sa Ibb, ginagawa namin ang aming makakaya para makapagbigay sa mga pasyente ng kaalaman ukol sa cholera, watery diarrhea, mga sintomas, tamang sterilization methods, at ang kahalagahan ng regular na paghugas ng kamay, gamit ang sabon at tubig. Narito kami sa cholera centre  upang magsilbi sa pasyente, at mapangalagaan ang kanilang kalusugan,” sabi ni Ali Al-Nusaif, miyembro ng HP team sa cholera treatment centre sa Ibb, Yemen. © MSF

    Ang matinding sagupaan sa Hudaydah ang pinakahuling emergency sa Yemen. Ikinuwento ni Melvin ang nangyari pagkatapos suriin ng exploratory missions ang sitwasyon. "Sinimulan ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagbibigay ng emergency care at pagdaos ng trauma activities. Ang pangkat ng MSF ay nagtrabaho sa Al-Salakhanah Hospital, kung saan pinangasiwaan nila ang emergency department, ang operating room, at ang emergency unit. Sinusuportahan din ng MSF ang blood bank at sterilization unit, at nagbigay din kami ng medical equipment."

    An ER doctor is examining a patient injured during a road traffic accident

    Yemen, Hodeidah, Al Salakhana hospital, April 2019: Sinusuri ng ER doctor na si Dr. Lupita Noria Garcia ang isang pasyenteng naaksidente sa daan. © Agnes Varratine-Leca/MSF

    Ang mga finance coordinator na gaya ni Melvin ay kinakailangang makapagtrabaho, makakuha ng visa, makapag-ayos ng mga transaksyon sa mga bangko, at makapagpasuweldo ng mga tauhan sa mga lugar na tulad ng Yemen, upang ang mga organisasyong tulad ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay makapagpatuloy sa kanilang pagtugon sa medical emergencies sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

    Melvin Kaibigan
    Finance coordinator

    Melvin Kaibigan worked as Finance Coordinator in Yemen for two years. 

    Categories