Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Pinakamataas na antas ng pagsalakay sa mga medikal na pangangalaga sa gitna ng mga armadong labanan, naitala habang binabalewala ng mga estado ang kanilang obligasyong protektahan ang mga sibilyan

    Inside damaged hospital

    Ospital sa lungsod ng Vysokopilla, Kherson Oblast. Ukraine, 2023 © Colin Delfosse

    Ang ulat, na pinamagatang “Medical Care in the Crosshairs”, ay ibinatay sa mga datos mula sa mga umiiral na pandaigdigang database at sa mga karanasan ng Doctors Without Borders sa mga armadong labanan. Noong 2025, ang Surveillance System for Attacks on Health Care (SSA) ng World Health Organisation ay nag-ulat ng kabuuang bilang na 1,348 na pagsalakay sa mga medikal na pasilidad na naging sanhi ng kamatayan ng 1,981 na tao. Ito’y naging tanda ng kapansin-pansing pagdami ng namamatay na medical personnel at mga pasyente sa mga conflict zone, na dumoble mula sa bilang na 944 noong 2024. Ang Sudan ang pinakanaapektuhang bansa, kung saan 1,620 na tao ang pinaslang. Kasunod nito ang Myanmar na may 148 na pinaslang, 125 naman sa Palestine, 41 sa Syria, at sa Ukraine naman ay 19 na tao ang pinaslang. 

    Ang karahasan laban sa mga medikal at humanitarian na pangangalaga ay nauuwi sa pagsasara ng mga mahahalagang serbisyong medikal at sa paglisan ng mga organisasyong humanitarian, at nagiging dahilan ng pagkawala ng access sa pangangalagang pangkalusugan ng mga komunidad na kadalasa’y walang alternatibong mapagkukunan. Ang mga taong nakatira sa mga lugar na mayroong mga labanan ay naaapektuhan na ng karahasan, at ang pagkawala ng pangangalagang medikal ay ginagawang mas lalong mahirap tiisin ang kanilang mga buhay.
    Raquel González, MSF Spain coordinator

    Pagbabago ng salaysay: mga ‘kamalian’, naging ‘pagkawala ng proteksyon’ 

    Binibigyang-diin ng ulat ng Doctors Without Borders ang nakababahalang pagkawala ng respeto ng mga nagdidigmaang partido para sa IHL. Ito ay parehong makikita sa mga istatistikal na datos at sa mga pahayag na ginawa ng mga miyembro ng pamahalaan, mga opisyal ng militar, at iba pang mga sangkot sa mga armadong labanan.  

    “Binago ng mga partidong nagdidigmaan ang salaysay mula sa ‘nagkamaling pagsalakay’ tungo sa pagbibigay-katwiran na ang mga medikal na pasilidad at ang mga humanitarian personnel ay “nawalan ng proteksyon” sa ilalim ng IHL. Ang pagbabagong ito ay kadalasang sumasalamin sa pag-uuna sa pangangailangan ng militar sa halip na sa obligasyon nito na protektahan ang mga sibilyan at bawasan ang maaaring makasama sa kanilang kapakanan”, sabi ni Erik Laan, isang dalubhasa sa adbokasiya ng Doctors Without Borders. 

    Sa ilang pagkakataon, ang mga pagsalakay ay maaaring maging resulta ng maling interpretasyon ng IHL, o pagsasamantala sa mga hindi malinaw na bahagi ng batas ng kasunduan at batas ng kaugalian. Kaya naman, ang pasanin ng responsibilidad ay nalipat: sa halip na agad silang tingnan bilang mga sibilyan na dapat maprotektahan, kinakailangang patunayan ng mga komunidad at mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan na hindi sila dapat puntiryahin ng mga militar. 

    “Ang mga pangunahing obligasyon ng mga nagdidigmaang partido, gaya ng paglalaan ng sapat na panahon sa pagbibigay ng babala bago ang isang pagsalakay, ay kadalasang ibinabalewala na,” paliwanag ni Laan. “Ang ganitong pagsasawalang-bahala ay nakapipigil sa mga medikal na pasilidad sa pagtugon sa mga alegasyon ng pagkawala ng proteksyon o ng hindi nila paglikas sa mga pasyente.”

    MSF convoy attacked in Gaza

    Noong Nobyembre 20, 2023, limang sasakyan ng Doctors Without Borders na nakaparada sa harap ng aming klinika sa Gaza City ang winasak ng mga puwersang Israeli. Winasak din ang klinika at isang bahagi ng gusali ang nilamon ng apoy ng ilang oras. Palestine, 2023 © MSF

    Mga estado ang pinakaresponsable para sa mga karamihan sa mga pagsalakay noong 2024 

    Noong 2024, ang pinakahuling datos mula sa Safeguarding Health in Conflict Coalition ay nagdokumento ng 3,623 na insidenteng pumuntirya sa pangangalagang pangkalusugan,15% ang higit nito sa bilang noong 2023 at 62% naman ang lamang nito sa bilang noong 2022. Noong 2024, tinatayang 81% ng mga insidente ng karahasan laban sa pangangalagang pangkalusugan ay iniuugnay sa mga pangkat ng estado. 

    “Ang pagkakasangkot ng mga estado sa armadong labanan ay nagdudulot ng mga partikular na hamon sa pagprotekta sa pangangalagang medikal, dahil ang mga state group ay mas malamang kaysa mga non-state na grupo na magsasagawa ng mga pagsalakay mula sa himpapawid at gumamit ng mga pampasabog lalo na sa mga lugar na maraming tao,” sabi ni Raquel González, ang coordinator ng Doctors Without Borders sa Spain.

    “Ang karahasan laban sa pangangalagang medikal at humanitarian ay nauuwi sa pagsasara ng mga mahahalagang serbisyong medikal at sa paglisan ng mga organisasyong humanitarian, at nagiging dahilan ng pagkawala ng access sa pangangalagang pangkalusugan ng mga komunidad na kadalasa’y walang alternatibong mapagkukunan. Ang mga taong nakatira sa mga lugar na mayroong mga labanan ay naaapektuhan na ng karahasan, at ang pagkawala ng pangangalagang medikal ay ginagawang mas lalong mahirap tiisin ang kanilang mga buhay.” 

    Ang mga staff na kinuha sa mismong lugar ay partikular na naapektuhan ng mga pagsalakay na ito. Ayon sa Aid Worker Security Database, sa pagitan ng 2021 at 2025, 1,241 na lokal na staff ang pinatay, 1,006 ang sinaktan, at 604 ang dinukot sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kumakatawan sila sa 98% ng kabuuang bilang ng mga aid worker na pinaslang, 96% ng mga nasaktan, at 94% ng mga dinukot.

    Damaged hospital in Ethiopia

    Isang kuwartong napinsala sa health post sa Adiftaw, isang barangay sa Tigray, isang rehiyon na apektado ng hidwaan sa Ethiopia. Ethiopia, 2021 © Igor Barbero/MSF

    Pagpapaigting ng paggalang sa IHL 

    Noong Oktubre 3, 2015, nakaranas ang Doctors Without Borders ng isa sa mga pinakanakamamatay na pagsalakay sa aming mga staff, mga pasyente at mga pasilidad nang binomba ng United States AC-130 gunship ang trauma centre ng Kunduz sa Afghanistan. 42 na tao ang namatay sa pagsalakay, kabilang rito ang 14 na staff ng Doctors Without Borders. Pagkalipas ng pitong buwan pagkatapos ng pagtaguyod ng adbokasiya ng sektor na humanitarian, inilabas ng UN Security Council ang Resolution 2286 para sa proteksyon ng mga medikal na pasilidad at staff, na nananawagan para sa pagwakas ng kawalan ng parusa sa mga dapat umako ng responsibilidad at rumespeto sa IHL. Mahigit sampung taon na ang nakalipas, ang pangangalagang medikal at pagkilos humanitarian sa gitna ng mga armadong labanan ay patuloy na tinutuligsa – ngayon, higit kailanman. 

    “Ang resolusyong ito ay nakita bilang sulyap ng pag-asa dahil ito ang unang pagkakataong ang mga ganitong alalahanin ay tinugunan sa isang desisyong dapat tuparin,” sabi ni Laan. “Subali’t anim lamang sa 15 na miyembro noon ng Security Council na nagpatupad ng Resolution 2286 ang nagpatibay ng lahat ng Additional Protocols to the Geneva Conventions, na nagpabuti ng proteksyon sa mga biktima ng mga armadong labanan.” 

    Ang mga sariling batas ng isang bansa at ang paggawa nito, na isinasama ang mga pandaigdigang obligasyong legal, ay may ginagampanang mahalagang papel sa kontekstong ito. Ang pambansang lehislasyon, kung hindi bubuuin nang maingat at may kaukulang konsiderasyon sa IHL, ay maaaring magpahina sa mga obligasyon ng bansa para sa IHL—partikular na ang karapatan para sa pangangalagang medikal ng lahat, kabilang ang mga itinuturing na “kaaway na panig.”  

    “Ang mga estado ay dapat umayon sa pandaigdigang batas, at dapat tiyakin ng lahat ng mga nagdidigmaang partido na mayroong mga mekanismong militar para sa proteksyon ng pangangalagang medikal, at pigilan ang paggamit ng mga pasilidad medikal para sa mga militar na layunin, at isama ang pagprotekta sa mga medical mission sa doktrinang militar at paggawa ng mga desisyon,” sabi ni Laan. 

    “Ang mga estado ay dapat panagutin kapag hindi sila umaayon sa mga batas. Dapat silang tumanggap ng mga walang kinikilingang misyon sa pagsusuri ng katotohanan, magsagawa ng sariling imbestigasyon at magbahagi ng kanilang mga napag-alaman nang walang itinatago. Mahalaga ang mga mekanismong ito upang maitaguyod ang katotohanan at makatulong sa pagtiyak na may mananagutan at sa pagsugpo sa namamayaning kultura ng kawalan ng parusa.” 


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.