Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Iran: Sa kabila ng ceasefire, ang mga mapagkukunan ng kinakailangang pangangalagang medikal ay nananatiling marupok

    flag

    © iAko M. Randrianarivelo/Mira Photo

    Bago mag-umpisa ang digmaan, ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng mga aktibidad sa mga probinsya ng South Tehran, Mashhad, at Kerman. Nakatuon sila sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan para sa mga taong humaharap sa mga hamon sa pagkuha ng mga serbisyong pangkalusugan, partikular na ang mga refugee na Afghan. 

    Sa kasagsagan ng karahasan, habang pinauulanan ng bomba ang South Tehran, kinailangan ng Doctors Without Borders na pansamantalang suspindiihn ang mga aktibidad nito sa klinika roon. Ngayon, muling binuksan ang klinikang ito, at nakatanggap ang Doctors Without Borders ng awtorisasyon na patakbuhin ang klinika bilang advanced medical post, na maaaring tumanggap ng mga sugatan at kung kinakailangan, patatagin ang kalagayan ng mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon. Pinalawak din nito ang mga serbisyo upang masilbihan ang lahat ng mga Iranian, at dumoble ang bilang ng mga konsultasyon simula noong ceasefire. Umaabot sa mga 250 na pasyente ang ginagamot sa klinika araw-araw. 

    “Ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan ay isa sa mga unang serbisyong naaantala kapag may mga emergency, kahit na ito pa rin ay isa sa pinakamahalaga,” sabi ni Grigor Simonyan, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Iran. “Kailangan pa rin ng mga tao ng paggamot para sa mga pangkaraniwang sakit at sa mga talamak na kondisyon tulad ng diabetes at altapresyon. At, dahil sa trauma na dala ng digmaan, marami ang mangangailangan ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan.” 

    Ang pangunahing pangangalagang pangkalusugan ay isa sa mga unang serbisyong naaantala kapag may mga emergency, kahit na ito pa rin ay isa sa pinakamahalaga
    Grigor Simonyan, Head of Mission

    Upang palawakin pa ang pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, plano ng Doctors Without Borders na magbukas ng isa pang klinika sa South Tehran.

    Sa mga klinika ng Doctors Without Borders sa lungsod ng Kerman, sa timog silangang bahagi ng bansa, humigit-kumulang 150 na pasyente ang nagpapatingin kada araw. Binibigyan din sila ng kinakailangang pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Tinatayang 200,000 na mga Afghan refugee ang nakatira sa may labas ng lungsod, at ang Doctors Without Borders ang tanging organisasyong medikal na nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa kanila. 

    Sa Mashhad, sa Northeastern Iran, malapit sa hangganan nito at ng Afghanistan, patuloy ang Doctors Without Borders sa pagbibigay ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan, pati na rin ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa mahigit 160 na mga pasyente kada araw sa klinika sa distrito ng Golshahr, kung saan nakatira ang karamihan sa mga refugee na Afghan. 

    Sa lahat ng mga lugar na ito, nagsasagawa ang Doctors Without Borders ng mga aktibidad medikal. Kabilang rito ang sexual at reproductive healthcare, screening at paggamot para sa mga nakahahawang sakit tulad ng hepatitis C, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, mga pamamaraan upang makayanan ang mga talamak na sakit, at pagsangguni sa mga epesyalisadong pasilidad pangkalusugan. 

    Isang sistemang pangkalusugan na sumasailalim sa matinding panggigipit 

    Bagama't ang mga bahagi ng sistemang pangkalusugan ay patuloy pa ring pinaiiral, ang digmaan ay nagdulot ng matinding pasanin para sa mga serbisyong pangkalusugan ng Iran kung saan ang mga ospital, klinika at mga ambulansya ay napinsala.

    Pagdating ng Abril 15, 24 na pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan ng Iran ang naitala na ng World Health Organization. Ito’y nagdulot ng hirap sa sistemang pangkalusugan at sa mga tumutugong humanitarian.

    “Ang Iran ay umaasa rin sa mga lokal na gamot, at ang kanilang produksyon nito ay lubhang naapektuhan dahil sa digmaan,” sabi ni Simonyan. “Parami nang parami ang mga taong naapektuhan ng kakulangan ng mga mapagkukunan ng kinakailangang gamot.” 

    Bilang tugon, nagbigay ang Doctors Without Borders ng mga donasyon tulad ng mga gamot at supplies — tulad ng mga paediatric care kit at mga trauma care kit— na ngayo’y ipinamamahagi at ginagamit ng Iranian Red Crescent Society. Dagdag pa rito, nagbigay ang Doctors Without Borders ng mga mahahalagang kagamitan gaya ng mga kumot, unan, at mga hygiene kit, na ipinamahagi rin sa tulong ng Iranian Red Crescent Society, upang masuportahan ang mga taong apektado ng krisis. 

    Ngayong palapit na ang ikatlong buwan ng krisis, nananatiling handa ang MSF na gawing angkop at palakihin ang mga aktibidad nito sa pagtugon sa mga nagbabagong pangangailangang medikal, sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad. 

    “Patuloy na binabayaran ng mga sibilyan ang mataas na sinisingil ng digmaan,” sabi ni Simonyan. “Ang ganap na respeto at ang proteksyon ng mga pasilidad medikal at mga health worker ay mahalaga upang matiyak na ang mga tao ay makakakuha ng pangangalaga kailan man at saan man nila ito kailanganin.” 

    Categories