Baha sa Pakistan: Kwento ni Shahid
Nagsasagawa ang Doctors Without Borders medical team ng konsultasyon para sa mga naapektuhan ng pagbaha sa distrito ng Dera Murad Jamali, sa Silangang Balochistan. Pakistan, September 2022. © MSF
Si Shahid Abdullah ay ang emergency field coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Balochistan, Pakistan. Inilarawan niya ang sitwasyon sa mismong mga lugar na apektado ng pagbaha.
"Nakaupo ang mga tao sa tabi ng kalsada, at makikita mo na marami sa kanila ay nakatanggap na ng tulong. Meron silang mga gamit, tulad ng mga kulambo, hygiene pack at pagkain. Sa kabilang banda, meron ding malayo ang kinaroroonan sa main road o pangunahing kalsada. Dahil sa mahirap silang puntahan, hindi sila natutulungan. May natagpuan kaming grupo na wala pang natatanggap ng tulong mula noong nagsimula ang pagbaha. Ang Doctors Without Borders ang unang nakarating sa kanila. Inalagaan sila ng aming team at tinulungan sila sa mga problemang pangkalusugan na kanilang nararanasan.
"Ang tubig na hindi dumadaloy ay nagiging sanhi ng sakit, at mukhang hindi bubuti ang sitwasyon. Ang mga pasyente nami’y may mga sakit na dala ng maruming tubig, gaya ng diarrhea, malaria, mga sakit sa balat at impeksiyon sa mata.
Isang barangay sa Dera Murad Jamali kung saan di dumadaloy ang tubig-baha, at kung saan ang mga tao ay nasa gilid na ng mga daan ng binahang silangang Balochistan. Pakistan, September 2022. © MSF
"Maraming matitinding hamon dito. Nariyan ang hirap na pagdadaanan sa pagkuha ng mga gamot at mga taong makakatulong, gaya ng mga doktor at nars. At sa maraming lugar, mahirap puntahan ang mga tao. Gayunpaman, sinusubukan naming makatulong sa abot ng aming makakaya.
"Masakit sa kalooban ang makita ang napakaraming bahay na gawa sa putik na inanod ng tubig. Naglaho na ang mga ito. Sa maraming mga lugar, napakataas ng tubig kung kaya’t walang magawa ang mga tao kundi ang hintaying humupa ang baha. Kung kaya nama’y may mga lumulusong at naglalakad sa tubig, o di kaya’y lumalangoy. Pero karamihan sa kanila’y walang magawa kundi hintaying bumaba ang tubig o kaya’y abangan kung mayroong dadating na saklolo.
"Mga kalahating oras hanggang isang oras sa labas ng siyudad ay makakakita ka ng maraming naipong tubig. May mga lugar na ilang metro pa rin ang lalim ng tubig. Dito sa siyudad, kita pa rin ang mga dinaanan ng tubig, sa mga gusali man o sa lupain.
Maraming tao ang nawalan ng lahat ng mayroon sila. At dahil sa tabi lang ng kalsada sila namamalagi ngayon,wala silang paraang makakuha ng malinis na tubig o makagamit ng malinis na palikuran. Pinakamahirap ito para sa mga babae dahil marami silang kailangang gawin. Hirap din ang mga taong protektahan ang kanilang mga sarili mula sa temperatura ngayon—umaabot ito ng hanggang 50 degrees. Ang ginagawa ng ilan sa mga nakaupo sa gilid ng kalsada ay pinagpapatong-patong ang mga kamang hinabi, tapos ay gagamit sila ng kapirasong tela o plastik bilang pananggalang sa init ng araw.Shahid Abdullah - Emergency Field Coord.
"Sa ospital, marami kaming nakikitang mga sanggol na ipinanganak na malnourished. Ganito na rin naman sila noong bago magbaha, ngunit maaaring palalain ang kanilang kondisyon ng kasalukuyang sitwasyon. Hirap na ang mga tao kahit dati pa man,kaya ramdam na ramdam nila ang mga dagok ngayon.
"Matindi ang kanilang mga pangangailangan, masaya kaming naririto kami upang makatulong."