Skip to main content

    Pakistan: Tumutugon sa emergency sa sariling tahanan

    outreach counsellor doctors without borders emergency response in pakistan. © MFS

    Si Akeela, na isang outreach counsellor ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) mula pa noong 2020, ay nanirahan sa nayon ng Mir Gul Hassan Manju Shori Barun Naseerabad. Ang nayong ito ay humigit-kumulang mga limang  kilometro ang layo mula sa Dera Murad Jamali (DMJ) sa Balochistan,  mga lugar na nagtamo ng pinakamalaking pinsala mula sa hagupit ng monsoon rains at sa matinding pagbaha na nag-iwan sa ikatlong bahagi ng Pakistan na lubog sa tubig. Matapos na mawalan siya ng tirahan, tumulong si Akeela sa pagtugon sa emergency bilang frontliner. Pakistan, Setyembre 2022. © MSF

    Noong Hunyo at Hulyo, normal lamang ang bagsak ng ulan, at maayos naman ang aming pamumuhay sa araw-araw. Pag Sabado at Linggo, binibisita ko ang aking pamilya sa aming nayon na may layong 4 hanggang 5 kilometro mula sa Dera Murad Jamali kung saan kami nagtatrabaho ng mga kasama ko sa  Doctors Without Borders outreach team. Dati’y binibisita namin ang mga komunidad at tumutulong sa pag-angat ng kmalayan tungkol sa kalusugan ng nanay at ng kanyang anak, pati na rin ang tungkol sa iba’t ibang karamdaman. Ngunit pagsapit ng buwan ng Agosto, nakapagtatakang walang humpay ang pag-ulan. At noong nagsimula nang dumaloy ang tubig papunta sa aming nayon noong Agosto 17, pinalikas na kami agad-agad.

    Nagmamadaling  nilisan ng aking mga magulang at mga nakababatang kapatid  ang aming nayon. Buti na lang, may bahay ang tito ko sa Dera Murad Jamali, at doon sila pumunta. Naiwan ang isa kong kapatid na lalaki at isang kapatid na babae  upang asikasuhin ang aming mga alagang baka at kambing. Dadalhin sana nila ang mga hayop sa mas mataas na lugar, ngunit nang makita nilang nilalamon na ng tubig ang nayon, tumakbo na sila. Umakyat sila sa ibabaw ng bubong ng isang bahay, at mula roon, nasaksihan nila ang pagtaas ng tubig. Nakita nila kung paanong tinangay ng tubig ang aming mga hayop, bahay, at mga pananim.  Umabot ang tubig sa lalim na 8 hanggang 9 na talampakan. Nakadudurog ng puso na makita ang aming bahay at nayon na lubog sa tubig.

    A view of Akeela's hous in village Mir Gul Hassan Manjhoo Shoori which is currently underwater due to floods

    Ang tirahan  nina Akeela sa nayon ng Mr Gul Hassan Manjhoo Shoori  na kasalukuyang lubog sa baha. Pakistan, Setyembre 2022. © MSF

    Noong una, nagpaalam muna ako na liliban ako sa trabaho ng isang linggo upang makatulong ako sa aking pamilya. Pero nakita ko kung gaano karaming tao ang nangangailangan ng tulong. Kaya’t noong tinawagan ako ng Doctors Without Borders at humingi sila ng suporta para sa emergency response, hindi ko na napigilan ang sarili ko at napa-oo ako. Dalawang araw pa lang ang nakalilipas ay nagsasagawa na ako ng pagtatasa ng mga nayong naapektuhan ng pagbaha.

    Pinuntahan namin maging ang mga liblib na lugar, kung saan ang mga pamilya’y nakatira lang sa labas, nang wala kahit anong masisilungan. May mga nakita rin akong ilan na nakasilong sa ilalim ng dalawang katreng kahoy na nilagyan ng plastik. Nasa tabi lang sila ng kalsada dahil lubog pa rin ang kanilang mga bahay sa baha. Wala silang tahanan, walang sapat na pagkain, at walang malinis na tubig upang inumin. Samantala, patuloy pa rin ang manaka-nakang pag-ulan. 

    Matapos ang aming pagtatasa, bumuo ng mga emergency team at ako’y napunta sa Team B. Ang una naming binisitang nayon ay ang Rabi Pull at ang Uch Power Plant Camp kung saan nagtayo kami ng mobile clinic at nagbigay ng malinis na inuming tubig. Ang tubig ay galing sa Doctors Without Borders gravity-fed water treatment plant sa Dera Murad Jamali, Balochistan. Isa ito sa iilang water treatment plants sa rehiyon. Sa aming mga mobile clinic, may mga pasyente kaming may mga respiratory infection, diarrhea o pagtatae, malaria, at impeksyon sa balat. Iniinom at ginagamit ng mga tao ang tubig-baha kahit na ito’y kontaminado, kaya’t may mga sakit na kumakalat. Nagsasagawa ang aming mga doktor ng mga check-up, nagbibigay ng mga gamot, at nagsasangguni ng mga nagdadalantao at  iba pang mga nangangailangan ng pangangalaga ng espesyalista sa isang pasilidad ng Doctors Without Borders sa District Headquarters Hospital sa Dera Murad Jamali. 

    Namahagi na rin kami ng 236 na hygiene kit sa mga tao malapit sa Uch Power Plant kung saan kasalukuyang namamalagi ang mga nawalan ng tirahan. Nakapagbigay na rin kami ng 70,000 na litro ng malinis na inuming tubig, at ng konsultasyong medikal para sa humigit-kumulang 2,575 na pasyente sa iba’t ibang lugar sa Naseerabad, Jaffarabad at Dera Murad Jamali, sa probinsiya ng Balochistan.

    outreach activity in pakistan. © MSF

    Ang emergency team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng suporta sa mga apektadong komunidad sa pamamagitan ng mga outreach activities. Pakistan, Setyembre 2022. © MSF

    Sa aming pagtugon, nagtayo rin kami ng mobile clinic sa aking nayong naapektuhan din ng mga pagbaha, ang Mir Gul Hassan Manju Shori Barun Naseerabad, na kilala rin sa tawag na ‘tanki wala’. Habang papalapit kami roon, nakaramdam ako ng pagiging kuntento. Alam na alam ng aking mga kanayon ang aking trabaho sa Doctors Without Borders, dahil pumunta na rin kami dito noon para magdaos ng mga outreach activities. Bahagi ako ng Doctors Without Borders emergency team na nagbibigay ng suporta sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong, at ang mismong komunidad ko ay isa sa mga ito.   Ang mga bahay sa buong nayon, pati na rin ang amin, ay nakalubog pa rin sa tubig. Aabutin pa ng mga isang buwan bago ito matuyo nang mabuti.

    Sa isa sa aming mga kampong medikal sa gilid ng tubig-baha, may mga pamilya kaming natanaw sa kabilang pampang. Nalaman kong isa sa mga pamilyang naroon ay may tatlong batang inaapoy ng lagnat.  Nasaksihan ko kung paanong ang mga magulang, noong nakita ang aming kampong medikal, ay tumawid sa tubig-baha upang mabigyang-lunas ang  kanilang mga anak. Ngunit marami sa mga  taong nakatira sa mga liblib na  nayon ang naghihintay pa rin sa pagdating ng tulong. Ramdam ko ang kanilang pagdurusa dahil iniwan nila ang kanilang mga tirahanat tumira sa mga kampo nang walang suportang natatanggap. At dahil sa naputol ang ugnayan nila sa mga siyudad, di sila madaling abutan  ng tulong. 

    Ito ang mga nagpapaalala sa amin kung bakit patuloy ang aming mga mobile clinic at ang aming  pamamahagi ng malinis na inuming tubig sa mga apektadong pamilya.

    Categories