Skip to main content

    Pakistan: Flood emergency, matagal pa bago matapos

    A view of huts submerged in rainwater at a village near Khipro, Sanghar, Sindh province, Pakistan.

    Mga kubong lubog sa tubig-baha sa isang barangay malapit sa Khipro, Sanghar, sa probinsiya ng Sindh. Pakistan, November 2022. © Asim Hafeez for MSF

    Noong Hunyo pa nagsimula ang matinding pagbaha sa bansa, ngunit hanggang ngayo’y maituturing pa ring isang emergency ang sitwasyon, kung saan may mga pangangailangang humanitarian na kailangang matugunan. Hindi sapat ang mga kasalukuyang ginagawa. Sa mga lugar na pinakanasalanta, ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, pangangalagang pangkalusugan at ligtas na inuming tubig ay hindi naibibigay sa mga tao. 

    Ang emergency response ng Doctors Without Borders sa Sindh at Silangang Balochistan 

    Sa Sindh at silangang Balochistan, nakita ng mga Doctors Without Borders team ang mataas na bilang ng mga taong nangangailangan ng lunas para sa malaria. Kahit na mas malamig na ang panahon at inaasahang bababa ang bilang ng mga nagkakaroon ng sakit na ito, patuloy pa rin ang pagtala ng 50% na malaria positivity rate noong Disyembre sa mga pasyenteng sinuri namin sa aming mga mobile medical clinic. Mula Oktubre ay nakapaggamot kami ng mahigit sa 42,000 na pasyente. 

    Nagdulot ng pinsala ang pagbaha sa mga malalawak na taniman at sa mga alagang hayop, na siyang mga pangunahing pinagkakitaan ng karamihan. Ang aming mga mobile medical clinic sa hilagang Sindh at silangang Balochistan naman ay nabahala sa dami ng mga batang may acute malnutrition. Mula noong nagsimula kaming magtrabaho sa mga rehiyong ito, nakapagsagawa na ang aming mga mobile medical clinic ng screening para sa malnutrisyon sa 28,313 na bata. Sa mga ito, 23% (6,489) ang may severe acute malnutrition at 31% (8,738) naman ang may moderate acute malnutrition. Sila’y bumubuo ng mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga batang nagpapatingin sa aming mga klinika. 

    "Nasa emergency phase pa rin tayo"

    "Ilang buwan na tayong tumutugon sa sitwasyong ito, ngunit hanggang ngayon sa mga tolda at makeshift shelter pa rin nakatira ang mga tao sa Sindh at silangang Balochistan. Ngayong mga buwan ng taglamig, mas lalong malalagay sa panganib ang mga tao. Bagama’t ang pinagtutuunan na ngayon ay ang pagbangon at muling pagtataguyod, walang pinaigting na humanitarian response para sa mga pangunahin at kagyat na pangangailangan ng mga tao. Noong Disyembre, patuloy pa rin ang pagdami ng mga pasyenteng may malaria, acute malnutrition, at mga impeksiyon sa balat. Dapat tandaan ng mga organisasyong humanitarian at mga ahensiya ng gobyerno na sangkot sa pagtugon na ang sitwasyon ay kritikal pa rin," sabi ni Edward Taylor, ang Doctors Without Borders Emergency Coordinator sa hilagang Sindh at silangang Balochistan. 

    Sa mga lugar kung saan kami kumikilos, hindi pa rin bumababa ang tubig, kaya’t marami pa rin ang mga emergency medical at humanitarian needs. Kailangang-kailangan ng mga tao ng pagkain, ligtas na inuming tubig, pangangalagang pangkalusugan at masisilungan. Nasa emergency phase pa rin tayo.
    Edward Taylor, Emergency Coordinator

    Ang mga Doctors Without Borders emergency team ay nagpapatakbo ng mga mobile clinic at mga malaria team na bibisita sa mahigit 50 na lugar kada linggo sa mga distrito ng Dadu, Jacobabad, at Shahadat Kot ng Sindh at sa mga distrito ng Jaffarabad, Naseerabad, Sohbatpur, Jhal Magsi, at Usta Mohammed sa silangang Balochistan. Nakapagbigay na kami ng pangunahing pangalagang medikal para sa 92,000 na tao. Karamihan sa mga ito’y may sakit sa balat, malaria, impeksiyon sa respiratory tract, o di kaya’y diarrhoea. 

    Pagbabalik sa mga nawasak na tirahan at mga kontaminadong mapagkukunan ng tubig 

    Ang mga bumabalik sa kanilang mga tirahan ay sinasalubong ng mga wasak na bahay at lupain, na napapaligiran pa rin ng tubig na hindi dumadaloy. Ang nakapanlulumong pagkawala ng kanilang mga tahanan at ari-arian ay nakakaapekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao, at pati na rin sa kanilang kabuhayan. Ang mga Doctors Without Borders team ay nagbibigay ng psychological first aid at mga group counselling session upang masuportahan ang mga tao sa hirap na pinagdadaanan nila.

    Samantala, hinaharap naman ng mga naiwan sa mga kampo at mga informal shelter ang papalapit na banta ng tagalamig. Patuloy ang Doctors Without Borders sa pag-aangkop ng mga pinamamahaging non-food items para sa panahon, gaya ng karagdagang kumot ngayong tag-lamig. Nitong nakaraang dalawang linggo, 6,000 na kabahayan ang nakatanggap ng relief package.

    MSF staff nurse is conducting a rapid malaria test of his eldest daughter. Our mobile clinic teams have treated more than 9,500 patients in Eastern Balochistan.

    Nagsasagawa ang nars ng Doctors Without Borders ng  rapid malaria test sa kanyang panganay na babae. Ang aming mga mobile clinic team ay nakagamot na ng mahigit sa 9,500 na pasyente sa silangang Balochistan. 

    Sa Sindh at sa silangang Balochistan, nakita ng marami sa mga dating nakatira sa mga barangay na maaari nang mapuntahan ngayon na ang kanilang mga dating pinagkukunan ng tubig ay kontaminado pa rin, at kakailanganin nilang pumunta sa malayong lugar para makakuha ng maiinom na tubig. Nasira ang kanilang mga pananim, di na mapakikinabangan ang kanilang mga naka-imbak na pagkain, namatay ang kanilang mga inaalagaang hayop, at ang mga bukid ay di handa para sa susunod na pagtatanim, kung kaya’t tumataas ang posibilidad ng food insecurity. Ang mga Doctors Without Borders team ay nagbibigay ng ligtas na inuming tubig sa mga komunidad, at umabot na ng dalawampung milyong litro ng tubig ang naipamahagi nito. Tumulong rin kami sa pamamahagi ng 15,973 hygiene kits sa mga pamilya sa mga liblib na binahang lugar.

    "Ang pagtiyak ng sapat na pagkain, tubig, sanitation, pangangalagang pangkalusugan at masisilungan ay dapat bigyang halaga at unahin sa mga pandaigdigan at pambansang pagtugon sa mapaminsalang pagbaha sa Pakistan," patuloy ni Taylor. "Marami sa mga tao sa mga apektadong lugar ay may mga kagyat na pangangailangang hindi makapaghihintay."