Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Ukraine: Walang patid at walang pinipiling pagbobomba, dapat nang tigilan

    Debris lies in a street following a bombardment by Russian forces in Kyiv.

    Nagkalat ang mga debris sa kalye matapos ang pagbobomba ng mga puwersang Ruso sa Kyiv. Ukraine, 24 Abril 2025. © MSF

    Sa pagsalakay sa Kyiv kagabi, isang missile ang tumama sa isang gusaling tirahan. Hanggang ngayon, sinusuyod pa ng mga emergency service ang mga labi sa paghahanap ng mga survivor. Labindalawang tao ang kumpirmadong napatay, at mahigit 70 ang nasugatan—kabilang rito ang anim na bata. Marami sa kanila ang nananatili sa ospital, dahil sa mga natamong pinsala na maaari nilang ikamatay.

    Nasa Kyiv ang mga coordination office ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Ukraine. Sa siyudad na ito nagtatrabaho at nakatira ang mga team ng Doctors Without Borders.

    Ang aming mga staff—gaya ng milyon-milyong mga residente ng Ukraine—ay nahaharap sa halos gabi-gabing pagbobomba. Kagabi, kinailangan ng ilan sa aming mga kasamahan na palipasin ang gabi sa mga metro station, habang ang iba naman ay walang magawa kundi panatiliing gising ang kanilang mga anak at magkubli sa kanilang mga tahanan, habang niyayanig ng mga pagsabog ang kanilang kapaligiran. Walang ligtas sa Ukraine, ang mga tao ay pagod na pagod na at marami ang saklot ng pangamba.
    Thomas Marchese, Programme Director
    A bus attacked by a drone in the Maranets region, Ukraine on April 23

    Isang bus na sinalakay ng isang drone sa rehiyon ng Marhanets noong gabi ng Abril 23. Ukraine, 24 Abril 2025. © MSF

    Ang pinakahuling pagsalakay sa Kyiv ay pagpapatuloy ng pagbobomba sa Ukraine: ang pagsalakay sa mga gusaling tirahan, mga ospital, at mga paaralan ay ginagawa araw-araw. Noong Abril 5, tumugon ang mga Doctors Without Borders ambulance team sa isang pagsalakay sa Kryvyi Rih, kung saan 20 na tao ang napatay, kabilang rito ang siyam na mga bata. Isang survivor na isinangguni ng Doctors Without Borders paramedics ay pitong taong gulang lamang; nagdurusa siya mula sa isang bali sa balakang, haemorrhagic shock at mga sugat na sanhi ng shrapnel.

    Noong Abril 23, tinamaan ng isang drone ng mga puwersang Ruso ang isang bus sa Marhanets, sa rehiyon ng Dnipro. Ayon sa ulat, siyam na tao ang napatay at 50 ang nasugatan sa pagsalakay na ito. Sinuportahan ng mga Doctors Without Borders ambulance team ang Ministry of Health sa paggamot sa napakaraming sugatan, kabilang rito ang mga pasyenteng nakaranas ng malubhang pagkawala ng dugo at nagtamo ng mga sugat na sanhi ng shrapnel.

    May mga 2,000 na mga pasilidad medikal ang napinsala o nawasak simula noong lumala ang digmaan sa Ukraine noong 2022. Nitong mga nakaraang buwan, ang mga ospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nakaranas ng mga insidente ng mga matinding karahasan na nagdulot ng pagkasawi ng marami. Ang mga ospital mismo ay pinupuntirya, lalo na sa mga lugar na malapit sa frontline, kung saan ang sistemang pangkalusugan ay napupuspos na.

    MSF team responding to the mass casualties from the Maranets bus bombing

    Isang team ng Doctors Without Borders habang sila’y nagbibigay ng atensyong medikal sa mga naging biktima ng pagbobomba ng bus sa Marhanets. Ukraine, 24 Abril 2025. ©MSF

    Malala ang mga pagsalakay na dinaranas ng mga tao. Nakita namin sa aming mga mobile clinic ang pagdami ng mga kaso ng mga atake sa puso o kaya’y stroke—mga kondisyong maiuugnay sa mahabang karanasan ng stress. Sa Ukraine, walang bahagi ng araw-araw na pamumuhay ang hindi naaapektuhan ng digmaan. Maaari kang mapatay habang nasa daan ka lang, bumibili ng tinapay, o hinahatid ang mga anak mo sa paaralan. Walang mga babala, walang ligtas na lugar—ilang segundo lang ang pagitan ng normal na buhay at karanasan ng matinding karahasan. Hindi dapat ginagawang target ang mga sibilyan.
    Thomas Marchese, Programme Director

    Ang mga paramedical team ng Doctors Without Borders ay kasalukuyang sumusuporta sa mga emergency response sa mga rehiyon ng Sumy, Dnipropetrovsk, Kharkiv, Kherson, at Mykolaiv, habang ang aming mga surgical team ay patuloy sa pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa mga ospital na malapit sa mga lugar ng labanan. Patuloy rin ang pagbibigay namin ng rehabilitation care, kabilang rito ang physiotherapy at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan sa Cherkasy at Odesa, habang sa Vinnytsia naman, ang mental health team ay nagbibigay-lunas para sa post traumatic stress syndrome na sanhi ng digmaan. Sa mga pasilidad medikal ng Ukraine, may isang bagay na hindi nagbabago: ang walang tigil na pagdating ng mga sugatan.

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.


    Categories