Syria: Dapat pigilan ang pagkakabukod ng hilagang kanluran mula sa humanitarian aid
Isang kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan sa governorate ng Idlib, sa hilagang kanlurang Syria. May mga bagong dating na pamilya sa kampo dahil sa lindol kamakailan. Northwest Syria, Mayo 2023. © Abdul Razzak Al-Shami /MSF
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa United Nations Security Council (UNSC) na ipanumbalik ang cross-border resolution (UNSCR 2672) para sa paghahatid ng mga humanitarian aid sa hilagang kanlurang Syria. Ang pagtitiyak ng pagdami, pagpapalawak, at pagpapanatili ng humanitarian access sa lahat ng posibleng paraan at daan ay kritikal, upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng makasagip-buhay na pagtulong sa mga taga-hilagang kanlurang Syria.
“Ang nalalapit na botohan sa Hulyo 10 ay isang kritikal na kaganapan para sa hilagang kanlurang Syria. Nakasisira ng loob ang makita na nadadamay sa mga politikal na negosasyon ang pagkamit ng mga tao ng humanitarian aid,” sabi ni Sebastien Gay, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Syria. “Ang kabiguan sa pagtitiyak ng regular at mapapanatiling paraan ng paghahatid ng tulong ay nagdadala ng panganib sa buhay at kalusugan ng mga tao.”
Ang lindol na yumanig sa hilagang kanlurang Syria noong Pebrero 6 ng taong ito ay naglantad sa dati ng kahila-hilakbot na sitwasyong humanitarian at sa kakulangan ng humanitarian access sa rehiyon. Ang lindol ay kritikal sa pagtatawag-pansin sa mga kahinaan at kakulangan ng pagtugong humanitarian, dahil hindi ito akma sa saklaw at bigat ng mga pangangailangan.
“Sa loob ng mga tatlong araw matapos ang mga paglindol, walang dumadating na karagdagang humanitarian aid sa hilagang kanlurang Syria mula sa ibang bansa, kung kaya’t ang mga tao ay walang masisilungan, naiiwan silang lantad sa napakababang temperatura, at kulang sa tamang pangangalagang pangkalusugan,” sabi ni Gay. “Ang pagkaantala ng pagdating ng makasagip-buhay na pagtulong ay nagbigay-diin sa pagkakabukod ng hilagang kanlurang Syria.”
Mapa ng mga crossing point o tawiran para sa paghahatid ng humanitarian aid sa hilagang kanlurang Syria.
Gaya ng ibang organisasyon, ilang ulit nang nagbigay ng babala ang Doctors Without Borders na ang pagiging limitado ng lagusan kung saan maaaring dumaan ang humanitarian aid ay maaaring makasagabal sa pagtugon sa mga emergency. Ang kalamidad kamakailan lang ay nagbibigay ng hindi maipagkakailang ebidensya sa pangangailangang pag-iba-ibahin ang aid channels habang tinitiyak na matagal magagamit ang mga ito. Kung ang mga tao ay mayroon lamang access, marami sa mga kamatayan dahil sa paglindol ay maaari sanang napigilan.
Batay sa karanasan kamakailan, ang kabiguan sa muling pagpapatupad ng cross-border resolution at sa pagkakaroon ng mapapanatiling access sa humanitarian aid sa hilagang kanlurang Syria ay nagiging sanhi ng mga pinsala sa katawan at isipan ng mga tao. Nitong mga nakaraang taon, may mga sagabal na lubhang nakakaapekto sa mekanismong cross-border. Kabilang rito ang pagbawas sa mga awtorisadong crossing points (mula sa apat, naging isa na lang), at sa pag-ikli ng bisa ng renewal (mula sa isang taon, ito’y naging anim na buwan).
Kung hindi muling ipapatupad ang resolusyon, malilimitahan ang kapasidad ng Doctors Without Borders at ng ibang organisasyon sa kanilang pagbibigay na makasagip-buhay na tulong sa mga tao sa hilagang kanlurang Syria. Bagama’t may mga nagsusumikap na makahanap ng alternatibong solusyon, ang cross-border humanitarian channel na sinusubaybayan ng UN ay nananatiling pinakamaaasahan at pinakamatipid na magagamit ng Doctors Without Borders. Upang mapanatili ang dami ng natutulungan ng aming mga aktibidad medikal at makapaghatid ng napakaraming pangangailangang medikal at humanitarian, ang pagpapanatili ng aming supply chain ay mahalaga.
Dagdag pa rito, ang kasalukuyang anim na buwang bisa ng cross-border mechanism ay hindi nakatutulong upang maging handa para sa anumang emergency ang mga pandaigdigan at lokal na organisasyon at grupo, at pumipigil sa pagpapatupad ng mga proyektong mapapanatili nang mas mahabang panahon dahil nakaugnay ang pag-ikot ng pondo sa mekanismong ito. Nasaksihan ng Doctors Without Borders ang negatibong epekto ng kakulangan ng pondo sa mahahalagang pasilidad medikal. Upang matiyak ang pagiging handa para sa emergency, ang hindi nawawalang banta ng di muling pagsakatuparan ng resolusyon ang tumutulak sa mga organisasyong humanitarian na mag-imbak ng mga sobra-sobrang supplies, kung kaya’t marami sa mga ito ang nasasayang.
Mahalagang manatiling bukas para sa humanitarian convoys ang Bab Al-Salama at Al-Rai crossing points, na binuksan pagkatapos ng paglindol, at hindi sakop ng resolusyon ng UN Security Council. Subalit ang pagpapahaba ng panahong bukas ang mga ito ay di dapat gamiting dahilan upang hindi na muling ipatupad ang UNSC Resolution, sapagkat ang Bab Al-Hawa pa rinang pinakamaaasahan, pinakamatipid, at pinakanagagamit na crossing point.
Ang crossline, na mekanismo para sa paghahatid ng humanitarian aid mula sa mga lugar na kontrolado ng pamahalaan sa hilagang kanlurang Syria, ay maaaring makatulong ngunit hindi ito maaaring maging kapalit ng cross-border mechanism. Ang mga diskusyon ukol sa mga humanitarian aid channel ay dapat nakatuon sa praktikal na pagpapatupad ng mga ito: kung alin ang ligtas, mahusay at napapanahon.
Muling idinidiin ng Doctors Without Borders ang panawagan nito sa UN Security Council na ipanumbalik ang cross-border mechanism. “Kailangan talagang matiyak ang pagkakaroon ng independiente at walang kinikilingang humanitarian access sa hilagang kanlurang Syria,” sabi ni Gay. “Kailangan itong maging malaya mula sa kahit anong politikal na panghihimasok dahil milyon-milyong buhay ang nakasalalay rito”.