Syria: Labing-isang taon ng digmaan sa isang Syrian hospital ng Doctors Without Borders
Isinasagawa ng nursing team ang mga huling medical procedure bago alisin ang bata mula sa operating room pagkatapos ng operasyon. Syria, Oktubre 2023. © Abdulrahman Sadeq
Noong 2012, isang taon matapos ang digmaan sa Syria, nagbukas ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng isang burn care unit sa Atmeh, sa probinsiya ng Idlib sa hilagang kanlurang Syria. Sa ngayon, ito lang ang pasilidad na gumagamot ng mga pasyenteng biktina ng sunog sa hilagang kanlurang Syria—kung saan nakatira ang mahigit sa 4.5 milyong tao, na ang karamihan ay displaced. Si Abdel Malik Araour, ang nurse supervisor ng Doctors Without Borders, ay nagtatrabaho na sa klinika mula pa noong ito’y kakabukas lamang. Kamakailan lang ay sumali si Dr. Moheeb sa team upang buuin ang programa para sa reconstructive surgery. Dito, pinag-usapan nila ang kanilang mga nagawa sa klinika, ang mga malalaking puwang na nanatili sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan, at ang mga hindi katanggap-tanggap na kondisyon ng pamumuhay na tiniis ng ilang milyong tao sa loob ng ilang taon
“Wala tayong katuwang sa malaking komunidad na ito upang alagaan ang mga nagdurusa dahil sa mga pagsunog.”
Hindi madaling sundan si Dr. Moheeb habang siya’y naglilibot sa inpatient department (IPD). Hindi siya tumitigil sa pagtingin sa mga pasyenteng karamihan ay mga bata na may malubhang pinsala dala ng pagkasunog. Tinatanong niya ang bawat pasyente o ang kanilang mga kamag-anak: “Anong nangyari sa’yo? Paano ka nasunog? Taga-saan ka? Nakatira ka ba sa bahay o sa kampo?” Pagkatapos ay ipapaliwanag na niya ang mga gagawing medical procedure, upang maintindihan ng mga pasyente at ng kanilang mga tagapangalaga ang paggamot na gagawin—tulad ng kanyang dating ginagawa bilang propesor sa Unibersidad ng Aleppo, bago ang digmaan.
“Dito sa rehiyong ito, sampung taon kaming walang kuryente,” sabi ni Dr. Moheeb. “Bumalik lang ito noong nakaraang taon. Marami sa mga bata ang walang alam tungkol sa kuryente. Isa ito sa mga dahilan kung bakit madali silang naging biktima ng pagkasunog.” Pero ayon kay Dr. Moheeb, ang pangunahing problema ay ang bad fuel. “Ang mumurahing gasolina na mayroon tayo ay purong fuel. Marami itong lamang gas at madaling sumabog. Ito ang dahilan ng pagkasunog ng karamihan sa mga kababaihan at mga bata. Kailangan nating mamamahagi ng kaalaman tungkol dito.”
Ang mga pamilya ngayon ay mas malaki kaysa sa mga pamilya bago ang digmaan. Karamihan sa mga tao ay nakatira sa mga tolda o sa iba pang mga pansamantalang masisilungan. Kadalasan, ang mga bata ay nasa bahay lang dahil hindi naman sila pumapasok sa mga paaralan. Maraming mga bata ang nababalisa dahil sa ilang taong trauma mula sa digmaan, at ito’y napukaw muli ng mga paglindol noong Pebrero 2023 kung kailan libo-libong tao mula sa Syria at Turkiye ang namatay at nawalan ng tirahan. Nakita ng mga team ng Doctors Without Borders na mga aksidente sa bahay ang pinakapangunahing dahilan ng pagkasunog at karamihan sa mga aksidenteng ito ay nangyayari sa mga bata. Sila’y nabubuhusan ng kumukulong tubig o kaya sila’y nagiging biktima ng pagsabog ng mga heating system.
Ang pasukan patungo sa burns unit sa bayan ng Atmeh sa hilagang kanlurang Syria. Syria, Oktubre 2023. © Abdulrahman Sadeq
Ang mga pinsalang ito ay iniuugnay sa mahihirap na kondisyon ng pamumuhay na resulta ng mahigit sa labindalawang taong digmaan. Mas malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng sunog sa mga tolda dahil ang materyales nito’y madaling umapoy at napakaraming mga tao ang pinagkakasya sa maliit na espasyo. Kapag may mangyari, ang buong pamilya ay nagdurusa sa pagkasunog, at anim o pitong pasyente ang isusugod sa ospital para sa agarang paggamot.
Ang Doctors Without Borders at iba pang mga NGO ay nagsasagawa ng fire risk awareness sessions sa mga kampo ng refugee sa rehiyon. Pero dalawang milyong tao ang nakatira sa 1,532 na kampo at sa mga impormal na pamayanan sa Northwestern Syria— kaya’t hindi kayang abutin ng mga team ang lahat ng mga tao. At habang ang pag-angat ng kamalayan ay maaaring makatulong sa pagpigil sa ilang aksidente, hindi nito pinabubuti ang kondisyon ng pamumuhay. “Kailangan nating hikayatin ang mga awtoridad upang bigyan ng atensyon ang problema at bumili ng fuel na mas maganda ang kalidad,” sabi ni Dr. Moheeb. Ngunit ito ay mahirap magawa dahil ang murang fuel ay sa Northwestern Syria rin lang nanggagaling, kung saan walang mga refinery. Ang mga fuel na mas maganda ang kalidad ay mahal at inaangkat pa mula sa ibang bansa. Sa kasalukuyang sitwasyon ng ekonomiya, hindi posible para sa Northwestern Syria ang mag-angkat.
Ang pondo para sa Northwestern Syria ay nabawasan matapos ang pansamantalang pag-akyat nito dahil sa paglindol, kaya’t maliit lang ang pag-asa na mapabuti ang kalidad ng kanilang fuel at ang mga kondisyon ng kanilang pamumuhay.
Pagkatapos ng paglindol, pinalaki ang burn unit upang ito’y makatanggap ng mas maraming pasyente, sapagkat ito lang ang tanging lugar kung saan maaaring gamutin ang mga may burn injury sa Northwestern Syria.
Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay kadalasang binubuo ng isang network ng mga pasilidad. Ang mga pasilidad medikal ay dapat tumugon sa magkakaibang pangangailangan. Pero sa Northwestern Syria, na mahigit isang dekada nang nagdurusa dahil sa digmaan, ang sistemang pangkalusugan ay masyadong mahina para tumayong mag-isa. Nakasalalay ito sa suporta ng Turkiye para sa iba’t ibang klase ng specialized care, kasama na rito ang para sa mga matinding pagkasunog.
Bago ang mga paglindol noong Pebrero 2023, ang Doctors Without Borders burn unit ay gumagamot sa mga batang nasunugan ng mga 20% ng kanilang body surface, at ang mga nakatatandang nasunugan ng mga 40% ng kanilang body surface. Ang mga pasyenteng nasunugan ng mas malaking bahagi ng kanilang katawan ay isinasangguni sa Turkiye, sa pamamagitan ng opisina ng Bab al-Hawa para sa mga medical referral. Sa pamamagitan nito, nakatatanggap sila ng pangangalaga mula sa Turkish health network, na mas maunlad at mas komprehensibo kaysa sa makukuha nila mula sa Northwestern Syria.
Malaki ang pinsalang naidulot ng paglindol sa sistemang pangkalusugan ng Turkiye. Ang Bab al-Hawa cross-border referral office ay isinara nang halos dalawang buwan.
“Ang pagsara ng border crossing ng Bab al-Hawa pagkatapos ng lindol ay naging malaking hamon para sa amin,” sabi ni Abdel Malik Araour, ang nurse activity manager, na nagtatrabaho na sa burn care unit mula pa noong ito’y binuksan.
Nagsimula kaming tumanggap ng mga pasyenteng nasunugan ng may mas malalaking bahagi ng kanilang katawan (hanggang 55%), at karamihan sa kanila ay mga bata. Mas de-likado para sa mga bata ang pagkasunog kaysa sa mga nakatatanda. Ang buhay ng isang bata ay nasa panganib kapag ang kanyang pagkasunog ay umaabot sa mahigit 40%, samantalang para sa mga nakatatanda, maaari pa silang lumampas dito. Walang ibang pasilidad medikal kung saan namin maaaring isangguni ang mga pasyente. Wala ring ibang ospital bukod sa Doctors Without Borders para sa mga burn patient sa Northwestern Syria. Kaya’t wala kaming magawa kundi maghanap ng solusyon para sa kanila. Tungkulin namin ang tanggapin sila at alagaan, kahit na hindi sila naaayon sa aming criteria. Sa ganitong paraan namin sinusubukang dagdagan namin ang aming kapasidad.Abdel Malik Araour
Bago ang Marso 2023, ang Idlib surgical hospital ay may maliit na ward na para lamang sa mga burn patient. Ngunit kinailangan nitong magsara pagdating ng katapusan ng Marso, dahil tumigil ang pagdating ng pondo mula sa iba’t ibang bansa. Mula noon, ang lahat ng mga burn patient sa Northwestern Syria ay sa Doctors Without Borders na humihingi ng pangangalaga.
Pagkatapos ng paglindol, ang mga team ng Doctors Without Borders ay pinakilos upang paunlarin ang pasilidad na ito at iangkop ang kanilang pangangalaga upang madagdagan ang kanilang kapasidad. Nakapagdagdag sila ng labindalawang bagong kama, at umakyat ang kapasidad nila mula labingpito hanggang dalawampu’t siyam na kama. Dagdag pa rito, nagbukas sila ng mga advanced point para makalabas ang mga tao mula sa ospital at makatanggap sila ng follow-up care, tulad ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, dressing at physiotherapy, nang mas malapit sa kanilang tahanan. Dahil dito, nadagdagan ang bilang ng emergency care at surgery patients na kanilang maaalagaan. Pinababa rin nito ang bilang ng mga pasyenteng tumitigil sa kanilang paggamot dahil hindi nila kaya ang gastos sa pagbiyahe para sa follow up care.
Ang pagtanggap ng mga malalang burn patients ay may dalang pang hamon, dahil ang ilan sa kanila ay maaaring dumating sa puntong kailangan silang ipasok sa Intensive Care Unit (ICU).
Ang kritikal na kakulangan ng mga kama sa intensive care units (ICU) sa Northwestern Syria
Mataas ang posibilidad ng impeksyon para sa mga burn patient. Madali silang magkaroon ng mataas na lagnat at matinding problema sa respiratory system—mga sintomas ng sepsis. Kapag nangyari ito, kailangan nila ng atensyon at espesyal na pangangalaga. Kung mayroong nasunugan ng mahigit 40% ng kanilang katawan, ang respiratory system ang nagdurusa. Kadalasan, kakailanganin ng pasyente ng intubation, na maaari lang gawin sa isang ICU na may tamang kagamitan at kung saan ang mga pasyente ay masusing sinusubaybayan. Ang Doctors Without Borders Burn Unit ay walang ICU. Ipinaliwanag ni Mohamed Darwish, ang direktor ng ospital, ang mga ginagawa ng team upang makahanap ng mga solusyon para sa mga pasyente nang tumigil ang pagsangguni sa ibang mga pasilidad sa Turkiye pagkatapos ng paglindol.
“Una, marami kaming tinawagang ospital, at hiningi naming tanggapin nila ang mga pasyenteng kailangan ng pangangalaga sa isang ICU. Ngunit dahil katatapos lang ng lindol, lahat sila’y tumanggi, maliban sa isang pediatric hospital. Ang pangamba ng mga ospital ay magpapasa ng mga impeksyon ang mga burn patient sa ibang mga pasyente. Ngunit ang pediatric hospital ay pumayag na makipag-ugnayan sa amin at tumanggap ng mga batang pasyente sa kanilang ICU. Kaya lang, dalawa lang ang kama nila sa intensive care. Sa kalaunan, tinanggap na rin ng Idlib Hospital ang ilan sa aming mga pasyente.”
Kapag ang isang pasyente ay tinanggap sa ICU sa ibang pasilidad, ang medical team ng Doctors Without Borders ay patuloy na nagbibigay ng pangangalaga para sa kanilang mga pinsala. Si Majid, limang taong gulang, ay nasunugan ng 45% ng kanyang katawan. Pagkatapos siyang operahan, isinangguni siya ng Doctors Without Borders sa Idlib Hospital, habang sinusubaybayan siya ng aming operation theatre team. Kasabay nito, sinusubukan nilang matanggap siya para sa follow up care sa Turkiye. Pagkatapos ng isang buwan, nang nagbukas muli ang cross-border referral system para sa isa o dalawang kaso kada linggo, siya’y tinanggap na.
“Sa pagkakaalam namin, nasa Turkiye pa rin siya at nasa napakahirap na sitwasyon. Mayroon pa rin siyang mga problema sa respiratory system. Minsa’y nakakadurog ng puso,” sabi ni Hiba Birawe, na siyang nangangasiwa ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan na binibigay sa mga pasyente at sa kanilang mga tagapangalaga. Siya rin ay nakikipag-ugnayan sa pamilya ni Majid araw-araw.
- Kapag ang mga pasyenteng tila milagro ay nagbibigay ng lakas para magpatuloy ang lahat
May isang pasyenteng hindi makalimutan ng buong team ng Doctors Without Borders bilang milagro. Siya ay itinuturing nilang liwanag sa gitna ng mapanghamong dilim. Ang pangalan niya ay Tuqa. Sampung taong gulang pa lang siya at nasunog ang 45% ng kanyang katawan. Ang pinsala sa kanyang katawan ay mas malala kaysa pangkaraniwan. Nabuhusan siya ng kumukulong tubig sa kanilang bahay. Ibinahagi ni Abdel Malik ang kanyang kuwento.
“Isang buwan siya sa ospital namin. Pagkatapos noon, isinangguni namin siya sa pediatric hospital kung saan pinasok siya sa ICU. Labinlimang araw siya roon, naka-intubate. Binigyan namin ang pediatric hospital ng mga kinakailangan niyang gamot. Nagpadala rin kami ng isang surgeon, isang anesthetist na doktor, mga nars na magpapalit ng kanyang dressing, at mga medical material para suportahan ang medical team ng ospital. Nang pinalabas na siya mula sa ICU, bumalik ang pasyente sa Burn Unit kung saan siya ooperahan. Gumawa kami ng mga maliliit na skin graft para sa kanyang buong katawan, upang maiwasan ang pagpepeklat at impeksyon. Ginawa namin ang bawat hakbang nang may pag-iingat. Hindi kami puwedeng gumawa lang ng mga dressing, dahil uumbok ang kanyang balat at magiging peklat."
“Ngayon, nakalabas na si Tuqa mula sa dalawang ospital at bumuti na ang kanyang pakiramdam. Isa itong nakamamanghang tagumpay! Sa kabuuan, mahigit dalawang buwan siyang nasa mga ospital. Ngayon, magaling na siya, naglalakad at nagsasalita. Pumupunta lang siya sa aming pasilidad medikal kapag kailangan ng follow-up care. Nangyari ito noong Abril, nang ang referral system sa Turkiye ay hinahadlangan pa.”
Labing-isang taon ng presensya ng Doctors Without Borders sa Atmeh, sa isang lugar na napapaligiran ng lupain
Dahil sa matinding alitan, walong taong napigilan ang international staff ng Doctors Without Borders na pumunta sa Northwestern Syria mula 2014 hanggang 2022. Pinapatakbo ng Syrian team ng Doctors Without Borders ang pasilidad nang sila-sila lang, nang may suporta lang mula sa ibang lugar. Sinusuportahan nila ang kanilang komunidad at sila ang unang tumugon sa emergency noong lumindol. Nagpadala sila ng staff, binuksan ang mga warehouse at pinapunta ang mga ambulansya sa mga apektadong lugar noong mga unang oras ng kalamidad.
“Mula 2014, nakabukod na kami mula sa ibang bahagi ng mundo dahil sa digmaan, ngunit pagkatapos ng lindol, nabisita kami ng aming mga kasamahan dahil niluwagan na ang paghihigpit sa pagpasok sa Northwestern Syria”, sabi ni Abdel Malik Araour.
Para sa Doctors Without Borders at sa ibang mga organisasyon, ang pagkakaroon ng access sa Northwestern Syria pagkatapos ng paglindol at ang ilang pagtatasa at pagbibisita mula noon ay nagbigay-daan sa panibagong pagkagising ng kamalayan tungkol sa sitwasyon ng mga tao roon. Pagkatapos ng labindalawang taong digmaan at ng isang dekada ng pagsalalay sa humanitarian support, ang pagsara ng referral system sa Türkiye ay nangahulugang libo-libong pasyente sa rehiyon ang walang access sa makasagip-buhay na pangangalaga. Ang NWS health system ay mahina at umaasa pa rin sa aid.
Tungkol naman sa Atmeh, ito rin ay naging oportunidad upang kilalanin ang mga nakamamanghang karanasan at ang dedikasyon ng Doctors Without Borders Syrian team nitong mga nakaraang taon.
Ang team para sa kalusugang pangkaisipan sa burn unit ay nagsasagawa ng mga aktibidad upang malibang ang isang pitong taong gulang na pasyente. Sinisikap nilang masanay siyang muli sa kanyang kapaligiran pagkatapos mapaso ang kanyang mga kamay habang naglalaro sila ng kanyang kapatid na lalaki sa tabi ng diesel sa kanilang tahanan sa Northwestern Syria. Syria, Oktubre 2023. © Abdulrahman Sadeq
Nananawagan ang Doctors Without Borders para suportahan ang pagsulong ng specialized care sa loob ng Northwestern Syria
Ang pagbibigay ng de-kalidad na pangangalaga para sa mga burn patient ay nangangailangan ng malalawak na karanasan, matagal na pamamalagi sa ospital, at malaking pera. Kaya naman, naging mahirap para sa ibang mga ospital na mapanatili ang mga ganitong aktibidad sa panahon kung kailan hindi tiyak at binabawasan ang pondo.
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa mas maraming organisasyong pangkalusugan na suportahan ang pagsulong ng specialized at mapapanatiling pangangalaga sa Northwestern Syria upang mapanatili ang access sa makasagip-buhay na pangangalaga sa komunidad na ito na humaharap sa mga epekto ng mahigit labindalawang taon ng digmaan.
Ano ang nasa hinaharap para sa mga burn victim sa Northwestern Syria?
Patuloy ang pagsuporta ng Doctors Without Borders sa mga burn victim sa Northwestern Syria. Nagpapatayo ngayon ang Doctors Without Borders ng mas malaki at mas pinabuting pasilidad malapit sa kasalukuyang burns care unit. Magiging handa itong tumanggap ng mga pasyente at pumalit sa lumang pasilidad sa loob ng isang taon, tanda ng aming pangako na magbigay na de-kalidad at multidisciplinary care at magkaroon ng kapasidad na magbigay ng follow-up treatment sa mga pasyente.
“Sa loob ng bagong burns unit, mayroong operating theatre na para lang sa reconstructive surgery,” masiglang pagkukuwento ni Dr. Moheeb. “Makapagsasagawa na kami ng mga operasyon na imposibleng makuha sa buong rehiyon ng Northwestern Syria sa ngayon”.