Northeast Syria: Nauubusan ang mga ospital ng pondo at medical supplies sa pagtama ng ikalawang bugso ng COVID sa rehiyon
Isang batang babae sa Al-Hol Camp, Eastern Al-Hasakah Governorate, Northeastern Syria, Marso 2020. © Ricardo Garcia Vilanova
Pangalawang bugso na ng COVID-19 sa Northeast Syria. Noong ika-26 ng Abril, mayroon nang mahigit sa 15,000 kumpirmadong kaso—kasama roon ang hindi bababa sa 960 health workers—at 640 na ang namamatay. Ito ay ayon sa ulat ng pandaigdigang medical organisation na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).
Ang tunay na bilang ng mga tao na apektado ng COVID-19 ay pinaniniwalaang higit na mataas kaysa unang iniulat dahil sa kakulangan nila ng access sa testing at sa pangangalagang pangkalusugan. Isang taon mula nang iniulat ang unang kaso ng coronavirus sa rehiyon, ang pagtugon ay mahina pa rin at kulang na kulang sa pondo, habang ang mga plano para sa pagbabakuna ng health workers at ng buong populasyon ay wala pang kalinawan.
Mabilis na kumakalat sa buong Northeast Syria ang kasalukuyang outbreak ng COVID-19. Sa dalawang ospital para sa COVID-19 na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa rehiyon, sa Hassakeh at Raqqa, nakita ng medical teams ang biglang pagdami ng mga kumpirmadong kaso nitong nakaraang buwan, kasama na ang mga health workers. Batay sa PCR test positivity rate na 47%, malinaw na maraming kaso ang hindi na nakikilala at nabibilang dahil sa limitadong kapasidad para sa testing sa rehiyon.
Ayon kay Doctors Without Borders Medical Emergency Manager na si Crystal Van Leeuwen, maraming pagkukulang.
Nakakagulat na kahit isang taon na ang outbreak, ang rehiyon ng Northeast Syria ay wala pa ring sapat na supplies para sa pakikibaka sa COVID-19. Malinaw na kulang sila sa laboratory testing, hindi sapat ang kapasidad ng mga ospital para sa dami ng mga pasyente, walang sapat na oxygen upang suportahan ang mga nangangailangan nito, at limitado ang kanilang mga personal protective equipment (PPE) para sa health workers.Crystal Van Leeuwen
Ang tanging laboratoryo sa rehiyon na maaaring magsagawa ng test para sa COVID-19 ay nasa Qamishli. Sa ngayon, ito ay kasalukuyang nakararanas ng kritikal na kakulangan ng supplies. Dalawang linggo mula ngayon, wala nang PCR testing na posibleng gawin sa rehiyon kung walang dadating na bagong supplies. Mula noong nagsimula ang pandemya, apat na beses nang nagbigay ang Doctors Without Borders ng mga testing supplies sa laboratoryo sa Qamishili upang mapigilan ang napipintong pagkaubos ng stocks at tiyaking tuloy-tuloy ang PCR testing.
“Dahil walang UN cross border mechanism na nakatalaga para sa Northeast Syria, ito’y naglilikha ng mga hamon upang makarating ang mga supplies sa Northeast mula sa mga organisasyong nasa Damascus, tulad ng WHO, kung kaya’t ang rehiyong ito ay hindi napagsisilbihan ngayong may outbreak,” sabi ni Van Leeuwen.
Al-Hol Camp, Eastern Al-Hasakah Governorate, Northeastern Syria, Marso 2020. © Ricardo Garcia Vilanova
Dalawa o higit pang COVID-19 treatment centres sa Hassakeh at Raqqa ang tumigil na ang operasyon dahil sa kakulangan ng pondo at medical supplies, na iniuugnay sa kakulangan ng matagalang pagpaplano ng mga humanitarian organisations at sa mga hamon sa supply lines. Marami sa mga ospital na walang nakukuhang suporta ay humihiling ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng oxygen, antibiotics at PPE upang makaya nila ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19.
Habang maraming frontline health workers sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nakatanggap na ng kanilang unang injection upang maprotektahan sila mula sa COVID-19, ang mga plano para sa pagbabakuna sa Northeast Syria ay tila nakalimutan na, sa gitna ng malalabong pangako at mga hindi sapat na pagpaplano. Ayon sa mga awtoridad, sila’y pinangakuan ng 20,000 lang na bakuna para sa isang lugar na may limang milyong tao at hindi malinaw kung dadating talaga ang mga iyon.
Dahil sa wala naman talagang ipinapangako at wala ring malinaw na plano, kami ay nag-aalala na walang pagbabakunang magaganap sa rehiyon sa lalong madaling panahon. Ang nakalaang bakuna at iba pang kinakailangang supplies ay hindi pantay-pantay sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Pinapakita nito na muli, may negatibong epekto sa humanitarian aid response sa Northeast Syria ang pulitika sa rehiyon at ang kawalan ng UN cross-border mechanism.Crystal Van Leeuwen
Maraming tao sa Northeast Syria ang nakararanas na ng limitadong access sa serbisyong pangkalusugan, tubig at sanitation. Dahil dito, sila’y maituturing na vulnerable, o nasa panganib mula sa pangalawang bugso ng pandemya. Sa mga COVID-19 treatment facilities na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, patuloy ang pagtaas ng mortality rate habang ang pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan ay nagiging mas mahirap. Dahil mahigit sa 70% ng mga pasyente na nasa ospital ay nangangailangan ng oxygen, hindi nila nakakayang tugunan ang pangangailangang ito.
“Ang pagtugon sa COVID-19 sa Northeast Syria ay hindi sapat, at patuloy ang pagdami ng mga taong namamatay dahil sa sakit na ito,” sabi ni Van Leeuwen. “Mahalagang magkaroon ng karagdagang tulong mula sa mga health at humanitarian organisations at kinakailangan din ng mga donors na handang suportahan ang mga organisasyong t umutulong sa iba’t ibang yugto ng pandemyang ito. Dahil hindi pa natin makita ang katapusan ng COVID-19 sa Syria, ang pagbibigay ng bakuna at pagpaplano para sa pangmatagalan ay kailangang gawin upang pigilan ang paghihirap na puwede namang maiwasan, at nang hindi na makaranas ng biglaang kakulangan ng supplies para sa COVID-19 prevention, testing at treatment.”