Skip to main content

    Ang Walang Patid na Pagtulong ng Doctors Without Borders sa mga Rohingya

    Ilang dekada nang tumutugon ang Doctors Without Borders sa krisis ng mga Rohingya refugee. Nagsimula kaming tumugon sa Bangladesh noong 1985, at mula noon, pinalawak na namin ang aming suportang medikal at humanitarian para sa mga Rohingya na kinailangang tumakas papunta sa ibang bansa sa rehiyon, upang magkaroon ng holistic approach sa krisis.

    Sa kasalukuyan, may mga proyekto kami sa Bangladesh, Myanmar, at Malaysia, kung saan wala kaming kapaguran sa paghahatid ng pangunahing pangangalagang medikal sa mga Rohingya sa panahong kailangang-kailangan nila ng tulong.

    Bangladesh
    Malaysia
    Myanmar

    Bilang pagtugon sa pagdami ng mga Rohingya mula Agosto 2017, pinalawak pa ng Doctors Without Borders ang mga proyekto nito upang maibigay ang mga pangangailangang pangkalusugan, agaran man o pangmatagalan. Sa tulong ng aming team ng mahigit 2000 na staff, nagbibigay kami ng mga specialized healthcare service upang tugunan ang napakaraming klase ng pangangailangang pangkalusugan ng mahigit isang milyong mga Rohingya refugee na nakatira sa mga kampo. Kasabay pa nito ang dumaraming pasyente mula sa mga dati nang nakatira roon.

    Kabilang sa aming mga komprehensibong serbisyo ang pangkalahatang pangangalagang pangkalusugan, ang paggamot ng mga kondisyon tulad ng scabies, respiratory tract infections, at water-borne diseases o mga sakit na dala ng tubig. Nagbibigay din kami ng mga espesyal na pangangalaga para sa mga talamak na sakit tulad ng diabetes at altapresyon, emergency services para sa mga pasyenteng may trauma, at komprehensibong pangangalagang pangkalusugan para sa mga kababaihan, kabilang rito ang suporta para sa mga survivor ng gender-based violence (SGBV) at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan. Dagdag pa rito, may mga proyekto kami para sa pagpapabuti ng mga pasilidad para sa water and sanitation sa loob ng mga kampo.
     

    Bangladesh, mula 2017 hanggang Marso 2023

     

    Upang mapunan ang mga puwang sa access sa pangangalagang pangkalusugan, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng serbisyong medikal sa mga refugee at asylum seeker sa isang nakatayong klinika sa Butterworth, Penang at mga mobile clinic sa mga liblib na lugar tulad ng Penang at Kedah, at pati na rin sa mga detention center.  

    Malaysia, mula 2017 hanggang Marso 2023

     

    Nagbibigay ang Doctors without Borders ng medical assistance sa mga Rohingya na nakatira pa rin sa Myanmar, kabilang rito ang mga nakatira sa kampo sa Central Rakhine at sa mga barangay sa hilaga. Nagbibigay din kami ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa mga etniko sa Rakhine na nawalan din ng tirahan dahil sa mga tunggalian at ngayo’y nakatira sa internal displaced persons camps.

    Myanmar, mula 2017 hanggang Marso 2023

     

    Ano ang mga hamong hinaharap ng Doctors Without Borders?

    Ang Rohingya refugee crisis ay naging isang kahila-hilakbot na sitwasyong humanitarian. Bagama’t ang mga pagsusumikap ng mga Doctors Without Borders ay nakatulong sa pagbibigay ng pangangalagang medikal, marami pa ring mabibigat na hamon sa aming pagtugon. Kabilang sa mga hamong ito ay ang mga sumusunod: 

    Ang mga Kondisyon sa mga Siksikang Refugee Camp

    Maraming matinding hamon na hinaharap sa mga refugee camp sa Cox's Bazar dahil sa limitadong imprastruktura na nakaaapekto sa pangangalagang pangkalusugan, sanitasyon, at mga kinakailangang serbisyo ng mga tao. Ayon sa isang MSF survey na ginawa noong 2023, nabawasan ang pagpapanatili ng wash infrastructure, at 49% lang ng mga tao ang may access sa mapagkukunan ng regular na supply ng tubig. Ang pagbawas sa mga rasyon ng sabon ay nagdulot din ng pagdami ng mga kaso ng scabies – mahigit 70,000 na pasyente ang ginamot para rito ng Doctors Without Borders noong unang kalahati ng 2023. Ayon sa ulat ng WHO, kumalat ang sakit sa 40% ng komunidad at umabot ng 70% sa mga sub-camp. Ang pagbibigay ng gamot sa marami ay nakasalalay sa mabisang water and sanitation intervention.

    Hamon din ang mismong pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan. Kinakailangan ng mga pasyenteng maglakbay nang malayo, kahit na sila’y nasaktan o may sakit. Dagdag na pahirap pa ang mga checkpoint, na naging sanhi ng pagkaantala at panliligalig.

    Ang Pagkasagad ng mga Imprastruktura para sa Pangangalagang Pangkalusugan

    Ang kasalukuyang imprastruktura para sa pangangalagang pangkalusugan ay nasasagad dahil sa malaking bilang ng mga refugee na pumapasok sa bansa. Dala-dala nila ang mga hamon gaya ng mga nakahahawang sakit, na lalong mahirap harapin dahil sa limitadong mapagkukunang-yaman.

    Ang mga sakit na hindi nakahahawa o non-communicable diseases (NCDs) ay nagiging alalahanin. Mahigit 140,000 na pasyenteng may NCD ang kumonsulta sa Doctors Without Borders sa Cox's Bazar mula 2017 hanggang Oktubre 2022. Mula 2021, ang mga konsultasyong para sa NCD ay umakyat sa 58,000, at nanatiling mataas noong 2022 sa bilang na 62,000.

    Bukod pa rito, ang aming mga camp emergency room ay regular na nagsasagawa ng paggamot ng mga malala nang kaso ng mga talamak na sakit, na nangangailangan ng pagpapanatag at tuloy-tuloy na paggamot. Mapanghamon din ang mga buwanang pagsangguni sa secondary care, dahil ang mga pasyente’y kailangang pumunta sa isang ospital na anim na oras ang layo sapagka’t kulang ang kapasidad ng mga malalapit na pasilidad.


    Ang mga Panganib na dala ng mga Disease Outbreak

    Ang mga kondisyon ng pamumuhay sa loob ng siksikang mga refugee camp ay nakadadagdag sa panganib ng pagkalat ng mga sakit. Ang mga masisikip na tirahan ay nakadadagdag sa hirap ng pagharap at pagpigil sa paglaganap ng mga nakahahawang sakit.

    Sa konteksto ng pandemya, gaya ng nangyayari ngayon sa COVID-19, mahalagang bigyang-pansin ang mga kondisyon ng siksikang pamumuhay. Ang ganitong klase ng kapaligiran ay nakatutulong sa mabilis na pagkalat ng virus, kung kaya’t kinakailangan ng mga pinahusay na hakbang para sa pagpigil at pagkontrol ng sakit.

    Ang mga Hamon sa Kalusugang Pangkaisipan

    Kumplikado ang mga hamon sa kalusugang pangkaisipan ng mga taong nawalan ng tirahan, at kinakailangan nito ng holistic healthcare approach. Iba’t ibang suliranin gaya ng kakulangan ng oportunidad sa hanapbuhay, pagkabagabag ukol sa kinabukasan, mahihirap na kondisyon ng pamumuhay, mga balakid sa pagkuha ng mga pangunahing pangangailangan, at ang lumalalang karahasan at kawalan ng seguridad ang nakadadagdag sa pinsala sa kalusugang pangkaisipan ng mga Rohingya refugee.

    Dumadagdag pa rito ang trauma sanhi ng pagtakas mula sa karahasan sa Myanmar. Nakita rin ng Doctors Without Borders ang pagdami ng mga refugee na nagdurusa sa pagkabalisa at matinding pagkalungkot. Maraming mga refugee ang nakaramdam ng mga sintomas gaya ng sakit ng ulo, sakit ng tiyan, at kapaguran, na kadalasa’y iniuugnay sa stress.

    Mula 2021, ang bilang ng mga nagtatangkang magpakamatay na ginagamot sa mga ospital ng Doctors Without Borders sa Bangladesh ay dumoble, isang indikasyon ng pangangailangan para sa focused mental health support and intervention. Ang pagbibigay-pansin sa iba’t ibang hamong kaugnay ng kalusugang pangkaisipan ay mahalaga upang makapagbigay ng komprehensibong pangangalaga sa panahon ng krisis.

    Kakulangan ng Pondo

    Ang kakulangan ng pera ay nagpapalala pa sa sitwasyong hinaharap ng Doctors Without Borders. Ang limitadong pondo at mapagkukunang-yaman ay mga sagabal upang madagdagan ang mga binibigay na serbisyong medikal at matugunan nang sapat ang mga pangangailangan ayon sa mga hinihingi ng krisis.

    Mga Diplomatiko at Pampulitikang Hamon

    Bukod sa mga alalahaning humanitarian, ang krisis sa mga Rohingya ay may kaakibat na mga diplomatiko at pampulitikang hamon. Ang pagharap sa mga maseselang pulitikal na isyu at ang pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng aming mga team ay nangangailangan ng pag-iingat at sensitibong pamamaraan.

    Ang mga Mapapanatiling Solusyon para sa isang Tumatagal na Krisis

    Bilang isang tumatagal na krisis, ang sitwasyon ng mga Rohingya ay nangangailangan hindi lang ng mga kagyat na relief effort kundi pati na rin ng mga mapapanatili at pangmatagalang solusyon para sa pangangalagang pangkalusugan. Mahalagang mabalanse ang mga kagyat na pagtugon at ang mga estratehiya para sa pangmatagalan.

    Sa harap ng iba’t ibang hamon, naninindigan pa rin ang Doctors Without Borders na patuloy ang aming pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga emergency medical care, pagbibigay ng atensyon sa mga suliranin ng pampublikong kalusugan, at pagsulong sa mga karapatan ng mga Rohingyang nawalan ng tahanan. Binibigyang-diin ng aming trabaho ang kritikal na kahalagahan ng pagbibigay ng atensyon sa mas malawak na social, economic, at political factors na lalo pang nagpapahaba sa krisis.