Mga Makabagong Pamamaraan sa Pangangalagang Medikal at Humanitarian
Ang mga di-pangkaraniwang konteksto ay kadalasang nangangailangan ng mga di-pangkaraniwang pamamaraan. Ito’y maaaring nangunguluhugan ng paglilikha ng bagong teknolohiya, pag-aangkop ng mga dati nang teknolohiya, o di kaya nama’y paghahanap ng mga bago at mas mabuting paraan ng paggawa. Anuman ang sundin, hindi nagbabago ang layunin: ang pagpapadali sa ginagawa ng Doctors Without Borders upang makasagip ng buhay at maibsan ang paghihirap ng mga tao.
Pinakahuling ulat
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, milyon-milyong tao ang naaapektuhan ng mga kalamidad, mga sakit at mga alitan. Ang mga unang tumutugon na nakikipagtulungan sa mga komunidad na ito ay kadalasang kinakailangang magtrabaho sa malalaking lugar, ngunit kulang sila ng kinakailangang datos para sa mahusay at epektibong pagtugon. Sa pamamagitan ng MapSwipe, ang mga team ng Doctors Without Borders sa South Sudan ay kumakatha ng accessibility model upang matantiya ang tagal ng paglalakbay mula sa mga barangay papunta sa mga serbisyong tulad ng health sites at water points sa Lankien.
Gamit ang iyong mobile phone, maaari kang makatulong sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tukuyin kung saan makikita ang mga kritikal na imprastruktura at populasyon bago pa man mangyari ang krisis.
Mga makabagong kasangkapan at programa
Sa Doctors Without Borders, ang kabaguhan ay nasa aming kultura. Lagi kaming naghahanap ng mga paraan upang gawing simple at paunlarin ang aming mga ginagamit na kasangkapan at proseso upang maabot ang mga pasyente at matiyak ang kanilang access sa pangangalagang medikal, kahit na maraming mga hamon at kumplikasyon sa maraming lugar kung saan kami nagtatrabaho.
Ang Super Versatile Airdrop System (SVAS)
Noong simula ng taong ito, ang ICRC at Doctors Without Borders ay nagtulungan upang masubukan ang Super Versatile Airdrop System (SVAS) na nilikha ng Humanitarian Pilots Initiative (HPI), isang Swiss NGO na nagsasagawa ng humanitarian rescue operations.
Upang mapalakas ang kapasidad na ito sa emergency humanitarian response, ang ICRC Air Operations ay gumagamit ng mga makabagong solusyon nang may suporta ng ICRC Innovation Facilitation Team. "Gusto naming subukan ang kaligtasan ng sistema, katumpakan, tibay, pagiging sulit, at ang pagkaangkop nito sa aming partikular na mga pangangailangan at pamantayan sa mga operational humanitarian context," sabi ni Laurent Camisa, ang ICRC Air Operations Manager na nakilahok sa koordinasyon at pagpapatupad ng mga pagsubok.
Sa loob ng tatlong araw, 38 na payloads na may 2,412.9 kilos ng mga bilihin ang hinati-hati sa ilang paglipad at pinakawalan sa isang airstrip sa Athi River, tatlumpung kilometro sa timog silangan ng kabisera ng Kenya. Kasama sa pagsubok ang "26 hot passes", mga paglipad na katumbas ng "live runs," na nakadadagdag ng 85 na minutos sa "on task" flight time.
The project is testing the Super Versatile Airdrop System (SVAS), a modular concept that is compatible with various airplanes.
— MSF in Southeast Asia (@MSF_seAsia) April 14, 2023
As such, the flexible airdrop solution allows us to use aircraft🛩️that are already in operation.#Innovation https://t.co/lyOgroo8fG
Epidemiology gamit ang smartphone
Noong Agosto 2017, isa sa pinakamalaking modernong paglikas ay naganap nang tumakas ang 700,000 na tao mula sa kahindik-hindik na karahasan sa Myanmar. Ngayon, halos isang milyong Rohingya refugee na ang nakatira sa mga pansamantalang pamayanan sa timog-silangang Bangladesh. Nagsidatingan rin dito ang mga pandaigdigang organisasyon, nagtayo ng mga health centre, at lumikha ng mga distribution point.
Pero gaano kakilala ng mga organisasyong nagbibigay ng relief ang mga refugee?
“Noong Hulyo 2018, nagsagawa kami ng epidemiological surveys sa dalawang refugee camp sa Cox’s Bazar, Bangladesh. Layunin naming malaman ang kanilang mga birth at death rate, ang antas ng malnutrisyon, at kung ano ang mga pangunahing sakit sa komunidad,” paliwanag ni María Simón, emergency coordinator ng Doctors Without Borders sa Bangladesh. “Gusto rin naming malaman kung ginagamit ng mga tao ang aming pasilidad pangkalusugan, at ano ang dahilan kung hindi.”
Gamit ang isang smartphone app, nagawa ng mga team ng Doctors Without Borders na maging sentralisado ang mga datos habang bumibisita sa mga kabahayan sa mga kampo. Ang mga napag-alaman sa survey ang nagtulak sa aming mga team na magbukas ng bagong mobile clinic sa isang malaking pamayanan kung saan mahirap ang access sa pangangalagang pangkalusugan dahil sa liblib na lokasyon, at sa kondisyon ng lugar lalo na kapag tag-ulan.
Ang mga ambulansiyang may tatlong gulong ay sumasagip ng mga buhay
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ang mga sasakyang tatlo lang ang gulong ay isa sa pinakamurang paraan ng paglakbay. Sa Gwoza, isang bayan sa hilagang-silangang Nigeria, ang mga sasakyang ito na tinatawag nilang keke napeps, ay hindi lang pampublikong transportasyon, kundi mga instrumento rin sa pagsagip ng buhay. Kada buwan, may mga 260 na pasyenteng dinadala sa mga ospital sakay ng keke napeps, na ginagamit ng Doctors Without Borders bilang mga pansamantalang ambulansiya. Ang paggamit nito ay isa ring paraan upang makaiwas sa pagpigil sa pagbiyahe sa isang bayang kontrolado ng hukbong Nigerian matapos ang ilang taon ng alitan.
Sa Gwoza, ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng mga emergency consultation, pangangalaga para sa nutrisyon at inpatient care, at mga serbisyo para sa sexual reproductive health. Patuloy kaming nagbibigay ng serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan sa labing-dalawa pang lugar sa mga estado ng Borno at Yobe.
Telemedicine: "Dalhin ang mga pinakamahusay na gamot sa pinakamahihirap na pasyente sa buong mundo."
Ang telemedicine ay nakatutulong sa mga medical team na nasa mga liblib na lugar upang kumonsulta ng mga dalubhasa kapag mayroon silang hahawakang mga kaso na wala sa kanilang karanasan o kapasidad upang gamutin. Dahil wala silang access sa advanced diagnostic tools o sa kagalingan ng mga dalubhasa, ang mga medical worker sa mga lugar na tulad ng Kimbi ay kadalasang may limitadong abilidad upang maintindihan ang mga mas kumplikadong sintomas ng kanilang mga pasyente kaya’t maaaring hindi sila makapagbigay ng pangangalagang makakasagip ng buhay. Para sa Canadian na doktor na si Dr. Raghu Venugopal, makatutulong ang telemedicine sa aspetong iyon.
Ito ay nakita niya noong nagtatrabaho siya para sa Doctors Without Borders sa Democratic Republic of Congo. “May isang babae doon na nakararanas ng matinding pananakit ng tiyan,” sabi niya. Hindi halos makagalaw ang babae sa tindi ng sakit, ngunit hindi malinaw kung ano ang sanhi nito, kaya’t nagsagawa siya ng ilang ultrasound. Limitado ang kapasidad ng Kimbi Hospital, at ang makagamit ng isang ultrasound machine ay hindi pangkaraniwan sa pasilidad na iyon. Nakita ni Dr. Venugopal mula sa mga imaheng lumabas sa ultrasound na ang babae ay may hindi maipaliwanag na mga nodules sa kanyang atay, pero hindi niya matukoy kung ano ang ipinapahiwatig noon. Wala ring ibang kuwalipikadong espesyalista sa ospital, o maging sa buong rehiyon. Inasikaso ng team ang uploading ng mga image file sa Doctors Without Borders telemedicine platform, kung saan maaari itong makita ng mga boluntaryong espesyalista na makakapagbigay ng kanilang opinyon bilang mga dalubhasa. Isang radiologist mula sa US ang nakapagsabing hindi kritikal ang sitwasyon para sa kalusugan ng pasyente. “Ito ay magandang halimbawa ng paggamit ng telemedicine,” sabi ni Dr. Venugopal.
Drones: Isang makatutulong na humanitarian tool
Drone. Marinig lang nila ang salitang ito ay nangingilabot na ang mga humanitarian. Ngunit kahit pangit ang kanilang reputasyon, ang mga ‘Unmanned Aerial Vehicles’ (UAVs) ay nagagamit na ngayon upang makasagip ng buhay. Para sa Doctors Without Borders, ang mga drone ay naging mga game-changer.
Nakakalikha ng mga mapang naglalaman ng impormasyon na pinagyaman ng Geographic Information System (GIS) technology, ang mga drone ay maraming gamit. Maaari itong gamitin sa pagpapaplano ng layout ng isang malaking kampo; sa pagtukoy ng lokasyon ng mga borehole sa isang cholera outbreak; o sundan ang narating na ng mga bakuna matapos itong ilabas.
Sa distrito ng Nsanje sa Southern Malawi, gumamit ang aming team ng maliit na drone upang magsagawa ng aerial mapping ng Makhanga — isang 60-square-kilometre na lugar na hindi lubos na natulungan noong nakaranas ito ng matinding pagbaha noong 2015. Kakaunti lang ang mga detalyadong mapa ng Makhanga, at nais ng aming mga emergency team na maging handa para sa darating na tag-ulan.
Hypothermia ng mga bagong panganak
Ang hypothermia ay isa sa mga pangunahing sanhi ng neonatal morbidity at mortality sa mga bansang low- at middle-income. Ito’y totoo kahit sa mga lugar na may mas mainit na klima. Ang karaniwang ginagawang paggamit ng incubator ay hindi naaangkop para sa lugar na kakaunti ang pinagkukunan ng yaman. Mahal ang mga incubator; nangangailangan ito ng maaasahang daloy ng kuryente; at kailangan ng pagsasanay sa paggamit nito, paglilinis at pagpapanatili.
Ginagamit ng Doctors Without Borders ang aming kagalingan sa neonatal treatment at sa problem analysis upang linawin ang mga kakulangan ng mga kasalukuyang ginagamit na equipment at practice. Pinag-aaralan din namin ang mga iba’t ibang hamong dala ng konteksto. Sa ganitong paraan, maaari naming matukoy kung ano ang pinakamakatotohanang solusyon.
Si Ali Nabil – ay isang araw pa lang noong kinuha ang larawang ito sa Maternity Department ng Haydan Hospital. © Mohammed Almahdi/MSF
"May mga mas malapit na ospital sa may Hammam al-Alil, pero pinili naming pumunta rito. Kung dito’y makakakuha ng mas mabuting pangangalaga, dadayuhin ko ito.Ito ang aking unang panganganak sa ospital." sabi ni Zeina*, ina ng apat na anak. © Maya Abu Ata/MSF
*Pinalitan ang kanyang pangalan