Burkina Faso: Matinding krisis na humanitarian para sa mga taga-Djibo, ang pamumuhay nang may blockade
Nakapila ang mga inang naghihintay sa pamamahagi ng BP-5 na biskwit, isang nutritional supplement para sa mga malnourished na bata. Burkina Faso, April 2023. © MSF/Nisma Leboul
Ang Burkina Faso ay nakararanas ng isang walang katulad na humanitarian crisis. 1.99 milyong tao ang napilitang lisanin ang kanilang mga tirahan upang matakasan ang karahasang inihasik ng mga grupong jihadist (OCHA, 31 Marso 2023). Ang bayan ng Djibo sa hilaga ay mag-iisang taon nang may blockade na ipinapatupad ng mga armadong grupong hindi bahagi ng pamahalaan. Ang mga nakatira rito’y walang access sa mga pagkain at anumang tulong. Ang pagkilos ng mga tao ay pinipigilan, kung kaya’t lubhang apektado ang kanilang access sa mga pangunahing serbisyo. Sila’y nabubuhay nang salat sa pagkain, tubig, kuryente, at limitado rin ang kanilang komunikasyon sa mga taga-ibang lugar.
Ang mga nagaganap na labanan sa pagitan ng mga puwersa ng Burkinabe defence and security at ng mga non-state armed group ang nagtulak sa laksa-laksang mga tao upang maglakbay at maghanap ng bagong matitirhan. Sa 300,000 na nakatira rito, halos 270,000 (269,894 ayon sa National Council for Emergency Relief and Rehabilitation: CONASUR) ay nawalan ng tirahan sa kanilang sariling bansa, at kalahati sa mga ito ay mga batang nakatira sa mga kampo o sa piling ng mga host family.
Dahil sa sila’y naiipit ng nangyayaring alitan, ang mga kondisyon ng pamumuhay ay mabilis na lumalala at nabubuhay lang ang komunidad sa tulong ng humanitarian assistance. Walang-wala silang mapagkukunan ng pagkain, kahit asin. Kaya naman ang ilan sa kanila ay kumakain na lang ng dahon.
Galing si Safi sa Yalanga, isang barangay na 100 kilometro ang layo mula sa Djibo. Noong pinatay ng mga arrmadong grupo ang kanyang asawa, pinasya niyang tumakas kasama ang kanyang buong pamilya. Ngayon, araw-araw siyang umaasa sa tulong ng World Food Programme. Minsa’y tumutulong siya sa mga gawaing bahay ng iba, upang kumita ng kahit kaunti.
"Medyo mabuti-buti na ngayon," sabi niya noong Marso 21, nang dumating sa Djibo ang isang convoy ng mga sasakyang may dalang mga pagkain at iba pang mga pangangailangan, apat na buwan matapos ang huling paghatid ng mga supply dito.Mahalagang bigyang-pansin na kahit paano’y may positibong pagbabago, kahit na kritikal pa rin ang epekto ng pinagsamang krisis sa pagkain at sa seguridad.
Ang nakakaalarmang krisis sa pagkain at nutrisyon
Dahil sa blockade, mahirap makapasok sa Djibo. At dahil dito’y may nakakaalarmang krisis sa pagkain at nutrisyon sa lugar. Mahirap sukatin ang epekto nito. Dahil kulang ang impormasyon tungkol sa antas ng nutrisyon ng mga tao, nahihirapan ang mga tumutugon sa pagbibigay ng angkop na pagtulong.
Mula noong naglabas ng mga unang babala noong Oktubre 2022, may ilang organisasyong kumikilos na ngunit hindi pa rin sapat ang tulong na kanilang naibibigay. Ang mga gawaing kaugnay ng nutrisyon na ipinatupad nitong mga nakaraang linggo ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga malnourished na bata, ngunit ang kakulangan ng pagkain para sa darating na buwan ay isa pa ring alalahanin.
Noong Abril 8 at 9, namahagi ang mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ng 57 tonelada ng mga BP-5 na biskwit sa 12,456 na bata, edad anim na buwan hanggang limang taon. Ito’y katumbas ng kanilang pagkain sa loob ng isang buwan. Ang BP-5 ay ginagamit bilang nutritional supplement upang hadlangan ang malnutrisyon sa mga bata (ito’y isang fortified na biskwit na may mataas na energy value dahil sa mga sangkap nitong cereals, cooked wheat flour, fat, vegetable oil, asukal, soya protein, bitamina, at minerals). Ang pamamahagi nito ay pansamantalang nakatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng malaking bahagi ng populasyon.
Ang team ng Doctors Without Borders ay naghatid ng mga kahon ng BP-5, isang biskwit na nagsisilbing nutritional supplement para sa malnourished na bata. Burkina Faso, April 2023. © MSF/Nisma Leboul
Pagtugon sa mga pangangailangan
Ang access sa pangangalagang pangkalusugan ay lubhang naapektuhan ng blockade: karamihan sa mga medical staff ay umalis na kung kaya’t mahirap nang makakuha ng mga gamot at nauwi sa pagsasara ng ilang pasilidad. Ang mga natitirang pasilidad na bukas pa ay may napakaliit na kapasidad lamang, kaya’t limitado ang pagtugong naibibigay sa isang lubos na mahinang populasyon. “Nabubuhay kami nang puno ng paghihirap,” sabi ng isang pinuno ng komunidad.
Mula pa noong 2018 ay nakikipagtulungan na ang Doctors Without Borders sa Ministry of Health ng bansa. Sinusuportahan namin ang Djibo Medical Centre na mayroong surgical unit, dalawang advanced health posts at tatlong community health sites.
Sa nabanggit na medical centre, ang pangangalaga sa pasyente ay ibinibigay nang libre. Ang mga pasyente at ang kanilang mga kapamilya ay pinapakain nang tatlong beses sa isang araw.
At salamat sa solar panels na ipinakabit ng Doctors Without Borders, ang surgery at emergency care unit ay tumatakbo nang maayos.
Mga pasyenteng naghihintay ng kanilang mga reseta sa Advanced Health post. Burkina Faso, April 2023. © MSF/Nisma Leboul
Ang Doctors Without Borders ay nagtatrabaho rin para sa rehabilitasyon ng water points at building boreholes, upang mapadali ang pagkuha ng mga tao ng tubig na maiinom at maiwasan ang maaaring mangyaring masama sa mga kababaihang malayo ang nilalakad para lang kumuha ng tubig.
Paliwanag ni Hamadoum Moussa, health promotion supervisor, "Bukod sa mga ginagawa ng Doctors Without Borders para sa Djibo, sinusuportahan din nila kami. Huwag ninyong kakalimutan na ang sitwasyong ito ay may epekto rin sa amin at sa aming mga pamilya.”
Sa gitna ng blockade ay naipasok ang food supplies para sa aming mga team na tila walang kapaguran sa pagtatrabaho. Sa kabila ng napakahirap na konteksto, nananaig ang diwa ng pagkakaisa sa siyudad, at maging sa aming mga team na tumutugon sa dumadaming pangangailangan ng komunidad.
Kumukuha ang mga babae ng tubig mula sa water point na inayos ng Doctors Without Borders sa Djibo. Burkina Faso, April 2023. © MSF/Nisma Leboul