Burkina Faso: Pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa isang rehiyong winasak ng karahasan
Pumunta si Mariam at ang kanyang anak sa mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Sirfou, isang nayon sa Hilagang rehiyon ng Burkina Faso. "Ang anak ko, may sakit. Pareho kaming may sakit, at ang libreng mga serbisyo ay isang ginhawa," sabi ni Mariam. Mula nang tumakas sila sa kanilang bayan, nahihirapan si Mariam na makahanap ng pangangalagang pangkalusugan, dahil sa kawalan ng mga serbisyo o dahil sa mga hadlang sa pananalapi. Ito ang unang pagpunta ni Mariam sa mobile clinic ng Doctors Without Borders. Pebrero 2021 © Noelie Sawadogo/MSF
Sa hilagang rehiyon ng Burkina Faso namamalagi ngayon ang mahigit sa 100,000 tao na kinailangang lumikas mula sa ibang bahagi ng bansa upang makaiwas sa paulit-ulit na karahasan. Mula pa noong Enero 2021, ang Doctors Without Borders mobile teams ay nagbibigay ng suporta para sa pangangalagang pangkalusugan ng mga tao sa mga barangay ng Sirfou, Todiame, Rounga and Ouindigui, kung saan nakatira ang libo-libong tao, kahit na ang access sa pangangalagang pangkalusugan at ibang pangunahing serbisyo sa mga lugar na ito ay limitado.
“Wala nang natira sa amin, mula noong tumakas kami sa kaguluhan. Ni wala kaming pambayad para sa pagpapagamot,” sabi ni Zallé Ramata, isang babaeng nakatira sa barangay ng Sirfou. Ngayong araw na ito, dinala ni Zallè ang kanyang dalawang anak upang makatanggap ng libreng tulong medikal mula sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF). Ang mga teams ng MSF ay regular na bumibisita sa lugar na ito mula pa noong Enero 2021. “Masama ang pakiramdam ng mga anak ko. Buong gabi silang sumusuka, hanggang ngayong umaga,” sabi niya.
Si Mariam at ang kanyang anak sa mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Sirfou, isang nayon sa hilagang rehiyon ng Burkina Faso. Pebrero 2021 © Noelie Sawadogo/MSF
Binuksan ang mga mobile clinics na ito ng Doctors Without Borders sa bayan ng Titao, upang makapagbigay ng libreng pangangalagang pangkalusugan sa isang lugar kung saan libo-libong tao ang pansamantalang namamalagi, matapos silang tumakas sa karahasan sa kanilang lugar. Ang karahasan ay maaaring sa pagitan ng armadong grupo at militar, o sa pagitan ng mga komunidad.
Sa 23 health centres sa distrito ng Titao, 15 ang hindi gumagamit ng buong kapasidad nila, at tatlo ang napilitang magsara dahil sa mga sagupaan sa lugar. Ito’y nakadadagdag sa hirap ng kanilang paggalaw. Dahil sa malalayong distansiya at kakulangan ng transportasyon, halos imposible nang makamit nila ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa distrito ng Titao. Regular na binibisita ng Doctors Without Borders mobile teams ang Sirfou at ang mga katabing barangay ng Todiame, Rounga at Ouindigui.
Ang barangay na ito ay ilang kilometro ang layo mula sa pinakamalapit na health centre. Ang Sirfou halimbawa, kung nasaan tayo ngayong araw na ito, ay pitong kilometro ang layo mula sa pinakamalapit na health centre. Ang karamihan sa mga displaced persons ay walang transportasyon o pera para makarating doon. Ang aming pangunahing layunin ay makapagbigay ng serbisyo kaugnay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga displaced people at host communities na walang access sa mga ito at lubos nang naghihirap dahil sa laganap na karahasan.Monique Diarra, nars
Pebrero 2021 © Noelie Sawadogo/MSF
Linggo-linggo, isang Doctors Without Borders team na binubuo ng limang tao ay naglalakbay ng ilang dosenang kilometro upang makarating sa mga barangay. Dahil sa sira-sira ang mga daan, mas madali ang paglalakbay kapag tagtuyot, pero nagiging mas mahaba ang biyahe at mas mahirap kapag tag-ulan na. Ang talamak na kakulangan ng seguridad sa rehiyon ay nakakadagdag sa kahirapan sa paggalaw; inabot ng ilang buwan bago ang mga kondisyon ay nagpahintulot na sa mga teams ng Doctors Without Borders na lisanin ang bayan ng Titao at makarating sa mga barangay sa labas nito.
“Nagbibigay kami ng pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan na may kasamang paggamot para sa mga karaniwang sakit tulad ng malaria, diarrhoea at respiratory infections. Kamakailan lang, nagsimula na rin kaming magbigay ng lunas para sa mga talamak na sakit, at ng suporta para sa kalusugan ng kaisipan,” sabi ni Diarra.
Mula Enero hanggang Marso 2021, nakapagbigay ang Doctors Without Borders ng mahigit 1,600 medical consultations sa lugar kung saan may 15,000 na tao.
Mga tauhan ng Doctors Without Borders sa isang borehole na kakatapos lang ng rehabilitasyon, sa bayan ng Titao, sa hilagang rehiyon ng Burkina Faso. Pebrero 2021 © Noelie Sawadogo/MSF
Sa pagtatapos ng 2020, marami sa mga displaced na nakatira sa Titao ay nagdesisyong bumalik sa kanilang pinanggalingan ngunit sarado ang kanilang mga local health centres.
Sa pagdating ng tag-ulan, kasagsagan na naman ng malaria, ang inaalala ng Doctors Without Borders teams ay ang pagdami ng mga pangangailangan ng mga tao sa liblib na lugar kung saan kaunti ang mga serbisyong makakamit nila. Ang panganib ng malaria ay mas mataas kapag ganitong panahon dahil nangingitlog ang mga lamok sa tubig na naiipon at hindi dumadaloy.
Ang mga babae at mga batang ito ay nagbubuhos ng malinis na tubig sa kanilang mga jerry can, sa isang borehole na kakatapos lang ng rehabilitasyon, sa bayan ng Titao, sa hilagang rehiyon ng Burkina Faso. Ang kakulangan ng malinis na tubig ay maaaring maging sanhi ng iba't ibang mga impeksyong parasitiko at iba pang mga sakit na dala ng tubig tulad ng cholera at pagtatae. Pebrero 2021 © Noelie Sawadogo/MSF
“Ang aming lugar na pinagtatrabahuhan sa Titao ay isang pansamantalang solusyon na inilunsad namin ngayong taon upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga tao na kamakailan lang ay naging displaced,” sabi ni Dr Diallo Alpha Amadou, ang Doctors Without Borders medical coordinator sa Burkina Faso. Ang Doctors Without Borders teams ay sumusuporta rin sa limang pasilidad pangkalusugan sa distrito ng Titao upang tulungang makabalik ang kanilang kapasidad.
“Kapag ang mga health centres na ito ay handa nang tumanggap ng mga pasyente muli, ililipat na namin ang aming mobile clinics sa ibang barangay,” sabi ni Dr Alpha. Sinusuportahan din ng Doctors Without Borders medical teams ang mga local health authorities sa pamamagitan ng pagbabakuna laban sa mga karaniwang sakit.
Samantala, inaayos naman ng mga Doctors Without Borders logistics teams ang mga lumang boreholes o gumagawa ng mga bago para madagdagan ang access sa malinis na tubig. Dahil sa mga hindi magandang kondisyon ng pamumuhay at kakulangan ng malinis na tubig, ang mga sakit ay madaling kumalat.
“Marami kaming natatanggap na mga pasyenteng may mga sakit na nakuha nila sa pag-inom ng maruming tubig. Sa maraming lugar sa hilagang rehiyon, tulad ng ibang lugar sa bansa kung saan nakatira ang mga displaced, isang malaking hamon pa rin ang access sa malinis na tubig. Ang kakulangan ng water access points at ang hindi magandang kalidad ng tubig ay mga sanhi ng iba’t ibang parasitic infections at iba pang sakit na mga nakukuha mula sa maduming tubig tulad ng cholera at diarrhoea,” sabi ni Dr Alpha.