Ethiopia: Inilabas ng Doctors Without Borders ang mga napag-alaman sa panloob na pagsisiyasat ng pagpaslang ng tatlong staff ng MSF sa Tigray noong 2021
Ang kotseng sinakyan nina María, Tedros at Yohannes, sa larawang kuha ng aming search team noong Hunyo 25, 2021. Ethiopia, 2021. © MSF
Nairobi / Madrid, Hulyo 15, 2025 — Inilathala na ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang mga napag-alaman sa panloob na pagsisiyasat sa brutal na pagpaslang sa ng tatlong miyembro ng aming staff — sina María Hernández Matas, Tedros Gebremariam Gebremichael, at Yohannes Halefom Reda — sa Central Tigray, Ethiopia, noong Hunyo 24, 2021.
Kinumpirma ng pagsisiyasat na ang pagsalakay ay sinadya at nakapuntirya sa pagpaslang sa tatlong kilala bilang mga aid worker. Inilantad din nito na may convoy ng Ethiopian National Defense Forces (ENDF) sa lugar na pinangyarihan ng insidente noong mga oras ding iyon, sa mismong kalsada kung saan pinaslang ang mga tauhan ng Doctors Without Borders.
Sina María, Tedros, at Yohannes ay nagtatrabaho noon para sa Doctors Without Borders upang makapagbigay ng pangangalagang medikal sa Tigray, isang rehiyong apektado ng mga labanan. Noong Hunyo 24, 2021, sakay ng isang kotseng may malinaw na marka ng Doctors Without Borders, papunta sila noon sa isang barangay malapit sa bayan ng Abi Adi sa Central Tigray upang magsangguni ng mga pasyenteng nasugatan sa mga labanan. Sa kanilang paglalakbay, hinarang ang kanilang sasakyan, at sila’y pinatay.
Kaliwa, papunta sa kanan: Sina Maria, Yohannes, at Tedros. Si Maria Hernandez, 35, ay taga-Madrid, Spain. Nagsimula siyang magtrabaho para sa Doctors Without Borders noong 2015 sa Central African Republic. Mula noo’y nakapagtrabaho na rin siya sa Yemen, Mexico at Nigeria. Si Yohannes Halefom Reda, 31, ay isang coordination assistant na taga-Ethiopia. Naging bahagi siya ng Doctors Without Borders noong Pebrero 2021. Si Tedros Gebremariam Gebremichael, 31, na taga- Ethiopia rin, ay drayber ng Doctors Without Borders mula noong Mayo 2021.
Apat na taon na ang nakalipas, ngunit wala pa ring makuhang kapani-paniwalang paliwanag ukol sa pangyayari ang Doctors Without Borders sa kabila ng kanilang mga pagsisikap na makipag-ugnayan sa Federal Democratic Republic of Ethiopia (FDRE) at sa Tigray People’s Liberation Front (TPLF). Ang mga puwersa ng dalawang partido ay parehong nasa mas malawak na lugar ng labanan noong nangyari ang insidente.
"Sa kabila ng paulit-ulit na pahayag mula sa mga awtoridad ng Ethiopia na sila’y nagsasagawa ng imbestigasyon, apat na taon na ang nakalipas at wala pa ring nakukuhang kasagutan ang Doctors Without Borders o ang mga pamilya ng mga biktima. Ipinagpapalagay lang namin na walang sapat na pulitikal na determinasyon upang ibahagi ang mga napag-alaman sa isang natapos na imbestigasyon,” sabi ni Paula Gil, ang Presidente ng Doctors Without Borders sa Spain.
“Sa kawalan ng kahit anong opisyal na pahayag, mayroon kaming obligasyong moral sa aming mga staff at sa mga pamilya ng mga pinaslang na aming kasamahan na gawing bukas sa publiko ang aming mga napag-alaman – isang kinakailangang hakbang upang mabigyang liwanag ang isang brutal na pagpaslang na hindi dapat isawalang-bahala o ilibing sa limot,” sabi ni Gil.
Pagkatapos ng insidente, agad na naglunsad ang Doctors Without Borders ng panloob na pagsisiyasat – na karaniwan nitong ginagawa pagkatapos ng isang kritikal na insidenteng kaugnay ng seguridad. Kinumpirma ng mga ebidensya na ang pagsalakay sa team ng Doctors Without Borders ay sinadya at nakapuntirya. Ang lahat ng mga biktima – na nakasuot ng puting vest na may logo ng Doctors Without Borders at nakasakay sa isang kotse kung saan kitang-kita ang logo at bandila ng Doctors Without Borders— ay binaril nang ilang beses sa malapitan habang nakaharap sa pumapatay sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay nakita sa layong hanggang 400 na metro mula sa kanilang sasakyan, na sinunog at tinadtad ng bala.
Inilantad din ng panloob na pagsisiyasat ng Doctors Without Borders na mayroong isang mahabang convoy ng ENDF na naglalakbay patungo sa timog, sa kalsada kung saan pinatay ang mga staff ng Doctors Without Borders sa araw na iyon. Ito ay pinatunayan din ng iba’t ibang mapagkukunan ng impormasyon ng publiko, gaya ng mga ulat ng media at open-source satellite imagery, pati na rin ng ilang mga saksing sibilyan.
Bukod sa pagkumpirma na naroon ang ENDF sa lugar, kailangan pa ring linawin kung gaano kalalim ang kanilang pagkakasangkot at kung ano ang kanilang ginawa sa pagsalakay. Nakatanggap ang Doctors Without Borders ng mga nakababahalang pahayag mula sa mga saksi — pati ang mga sibilyang naglalakbay kasama ang ENDF convoy sa iba’t ibang kapasidad — na tuwirang idinadawit ang mga sundalo ng ENDF sa pagsalakay. Ayon sa ulat ng isang saksi, narinig niyang rinadyo ng isang commander ng ENDF ang mga kautusang “barilin” ang isang papalapit na puting kotse at na “sila’y tanggalin na.”
Mula 2021, nagkaroon na ng mahigit sa 20 na pagpupulong ang Doctors Without Borders at ang mga mataas na opisyal ng pamahalaan ng Ethiopia. Ilang ulit na ring pormal na humingi ang organisasyon ng isang kapani-paniwala at walang itinatagong imbestigasyon, at na ang mga napag-alaman mula rito ay ibahagi sa publiko.
“Nitong nakaraang apat na taon, ginawa namin ang lahat ng aming makakaya upang makipagtulungan sa mga awtoridad ng Ethiopia, pati ang pagbahagi namin nang ilang beses mula Nobyembre 2021 hanggang Oktubre 2023 ng aming mga napag-alaman sa panloob na pagsisiyasat, kasama ang mga pangsuportang materyales sa Ministry of Justice,” sabi ni Gil.
“Ipinapakita ng pagsisiyasat ng Doctors Without Borders na posible noon –at hanggang ngayon – na malaman ang totoong nangyari. Dahil dito, at dahil sa napatunayang impormasyon na may ENDF na nasa lugar noong nangyari ang pagsalakay, hindi katanggap-tanggap na ang mga awtoridad ng Ethiopia ay laging nabibigo sa pagsasagawa ng isang kapani-paniwalang imbestigasyon at sa pagbabahagi ng kanilang napag-alaman,” sabi ni Gil.

Pagsiyasat ng Doctors Without Borders ang pagpaslang sa tatlong miyembro ng aming staff noong Hunyo 24, 2021 sa Tigray
Ang pagsasapubliko ng panloob na pagsisiyasat ng Doctors Without Borders ay hindi lang dahil sa obligasyong moral. Ito rin ay upang humingi sa mga pamahalaan ng proteksyon para sa mga humanitarian worker at mga pasilidad medikal, at upang ang mga may kagagawan ng mga pagsalakay sa mga humanitarian at medical staff ay panagutin. Ang mga pagsalakay sa humanitarian personnel ay dumarami sa buong mundo, habang lumalala ang pagpapabaya ng mga estado sa kanilang tungkuling imbestigahan at usigin ang mga lumalabag sa international humanitarian law, at ang pandaigdigang komunidad ay patuloy na umiiwas sa pagtingin.
Ang brutal na pagpaslang kay María, Tedros, at Yohannes ay kumakatawan sa mga panganib na hinaharap ng mga humanitarian worker. Kung walang imbestigasyong isasagawa ukol sa isang kapansin-pansing pagsalakay, ito ay maaaring maging mapanganib na pamamarisan sa Ethiopia at pinagtitibay nito ang nakaaalarmang pagwawalang-sala sa mga sumasalakay sa pangangalagang pangkalusugan sa buong daigdig.
“Nagbuwis ng buhay sina María, Tedros, at Yohannes habang sila’y tumutulong sa mga taong nasa krisis. Hindi sila mawawala sa aming isipan. Ang pagpatay sa kanila ay hindi dapat mabaon sa limot, o salubungin na lang ng katahimikan. Umaasa ang Doctors Without Borders na sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan tungkol sa nangyari sa kanila, makatutulong kami sa paglikha ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga humanitarian – hindi lang sa Ethiopia, kundi pati na rin sa ibang mga lugar ng tunggalian sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” sabi ni Gil.