Afghanistan: Ang buhay pagkatapos ng mga lindol sa Herat
Kita sa dinadaanan ng dalawang babae at ng isang bata ang mganawasak na bahay sa Cha Hak Village, sa distrito ng Injil, sa probinsiya ng Herat. Gumuho ang lahat ng bahay sa Cha Hak. Afghanistan, 2023. © Paul Odongo/MSF
Sa Herat Regional Hospital, kung saan ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagpapatakbo ng mga regular na aktibidad sa paediatric department, nagbigay ang Doctors Without Borders ng mass casualty kits at nagtayo ng sampung tolda sa hospital compound para sa mga sugatan at sa kanilang mga tagapangalaga. Noong mga unang araw, may mga 540 na sugatang ginamot sa ospital, na sinundan ng 126 pagkatapos ng lindol noong Miyerkules, Oktubre 11, at 167 pa pagkaraan ng lindol noong Linggo, Oktubre 15. Ayon sa mga opisyal, ang mga nasawi ay tinatantiyang umabot sa dalawang libo pero hindi pa rin talagang malinaw ang tunay na bilang.
Karamihan sa mga pasyente ay may banayad hanggang katamtamang pinsala, at ang suporta para sa kalusugang pangkaisipan ay isa pa ring pangunahing pangangailangan. Maraming mga tao ang nawalan ng mga mahal sa buhay, mga bahay at ari-arian, at minsa’y sila na lang ang natitirang buhay sa kanilang barangay. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay bumibisita sa pinakaapektadong lugar sa labas ng siyudad gaya ng distrito ng Zinda Jan upang matasa ang mga pangangailangang medikal.
Ibinahagi sa atin ng ilang mga earthquake survivor ang kanilang mga kuwento.
Rabieh Jamali
Ang barangay ni Rabieh Jamali na Seya Hab, sa distrito ng Zinda Jan, ay nawasak dahil sa paglindol. Siya ngayo’y nasa hospital compound kasama ang kanyang ama, si Gul Mohamed, at ang ibang mga buhay pang miyembro ng kanyang pamilya. Nagtamo si Rabieh ng mga pinsala sa kanyang binti, ulo at likod. Limang araw na ang kanyang pamilya sa ospital pero kahit na pinahintulutan na silang umalis, pinili nilang mamalagi roon.
"Noong unang paglindol, kakakain lang namin ng tanghalian, at lumabas ang aking asawa at anak. Bigla kaming nakarinig ng malakas na ingay, at nakaramdam kami ng pag-uga. Nawalan ako ng malay. Nang magising ako, tinatanggal ang mga ladrilyong bumagsak sa katawan namin ng mga kasama ko. Anim na lang kaming natira sa kuwarto; namatay ang aking tatlong taong gulang na anak na babae."
"Isinakay kami sa helicopter at dinala kami sa isang military hospital kung saan kami natulog ng isang gabi bago kami dinala rito sa [Herat Regional Hospital]. Ang aking pitong taong gulang na anak na lalaki, si Amaleh, ay nasa masamang kalagayan, at nag-aalala ako para sa kanya. Tinanggap siya sa isa sa mga ward dito at binibisita siya ng tatay ko. Natanggal ang karamihan sa kanyang ngipin, nasira ang kanyang ilong, at ang kanyang ulo ay nagtamo ng malubhang pinsala.
"Pinapauwi na kami ng ospital pero ano pa ang babalikan namin? Wala na kaming ari-arian. Lahat ng bahay sa aming barangay ay nawasak. May mga pumupunta rito sa tolda at binibigyan kami ng mga tasa, mga lalagyan ng tubig at mga kumot. Ang kailangan namin ay isang tolda o bahay."
Hassan Mirzai and Shamaeil
Si Hassan Mirzai at ang kanyang asawang si Shamaeil, 25, ay galing sa barangay ng Naieb Rafi sa distrito ng Zinda Jan. Sila ay nasa tolda ng ospital kasama ang kanilang anak na babae na dalawang taong gulang pa lang, at ang nanay ni Hassan. Nasa trabaho si Hassan noong lumindol noong Oktubre 7, at nagiba ang kanilang bahay. Nasaktan si Shamaeil noong nabagsakan siya ng pader ng kanilang bahay, nabali ang kanyang binti at napuruhan ang kanyang likod. Buntis siya noon at malapit nang manganak, ngunit dahil sa pangyayaring ito’y nakunan siya.
"Ang anak kong babae ay natabunan ng mga durog na bato ngunit salamat na lang at hindi siya nasaktan. Pareho kaming di makagalaw. Nang hinila kami mula sa mga labi ng gumuhong bahay, dinudugo na ako at nawalan ako ng malay. Sinabi na lang sa akin pagkatapos na dinala kami rito ng isang helicopter," sabi ni Shamaeil.
"Noong nagkamalay uli ako, nasa loob na ako ng maternity ward. Sinubukan kong maalala kung anong nangyari. Una, inisip ko na tanging ang bahay ko lang ang nawasak, pero sinabi sa akin ng nanay ko at ng iba naming kamag-anak na ang buong barangay ay napinsala. Nalaman ko rin na nakunan ako."
"Maraming tao ang namatay dahil sa lindol: ang tito ko, pamangkin, mga kapitbahay at napakaraming kamag-anak na hindi ko na mabilang. Namatayan din kami ng mga alagang hayop," pagpapatuloy niya.
"Noong dumating ang helicopter, isinakay nito ang aking asawa at ang anak naming babae, at sumunod na lang ako lulan ng ambulansya. Nalaman ko na dinala sila sa toldang ito. Hindi pa kami sinasabihan kung kailan sila maaaring palabasin sa ospital, pero wala rin naman kaming mauuwian," sabi ni Hassan.
"Sa ngayon, natutulog ang aking asawa sa loob ng tolda kasama ang isa pang miyembro ng aming pamilya, at ang anak naming babae. Sa labas ako natutulog."
"Kailangan namin ng mga kumot, mga karpet, isang tolda at isang bahay. Sa pagdating ng taglamig, kailangan namin ng gas o pugon para gawin ang aming mga tahanan na ligtas at komportable."
Farhah Din Malik and Madina*
Nagtatrabaho si Farhah Din sa Iran nang natanggap niya ang balita tungkol sa lindol mula sa kanyang kapatid na lalaki, at agad-agad siyang umuwi para makasama ang kanyang pamilya. Dalawang araw siyang naglakbay. Ngayon, nasa tolda siya ng Doctors Without Borders kasama ang kanyang labing-dalawang taong gulang na kapatid na babae, ang asawa niyang si Madina, ang asawa ng kanyang kapatid na lalaki, at isa pang kamag-anak.
"Kararating ko lang kahapon [Miyerkules, Oktubre 10], at ngayo’y apat ang inaalagaan ko. Nagtrabaho ako sa Iran nitong nakaraang siyam na buwan bilang guwardiya. Noong Sabado, Oktubre 7, kagigising ko lang pagkatapos ng aking night shift at naghihilamos bago magdasal nang nakatanggap ako ng tawag mula sa aking kapatid. Umiiyak siya, pinapauwi ako dahil marami raw ang nawala sa aming pamilya. Noong tinanong ko kung sino, nagsimula siyang magbilang, animo’y naglilista: ang nanay ko, ang anak kong siyam na buwan pa lang, ang kapatid kong babae, at ang kanyang anak na tatlong taong gulang. Sinabi niya sa akin na ang buong barangay ay nawasak. 'Pakibilisan ang pagpunta rito,' sabi niya. Naiyak ako."
"Naghanap ako ng taxi na magdadala sa akin sa Tehran kung saan sasakay ako ng bus papuntang Afghanistan. Inabot ako ng dalawang araw bago makarating rito. Dumating ako ng mga 11 pm at dumiretso ako sa barangay namin. Wala akong nakita kundi mga labi ng mga gumuho. Doon ako nagpalipas ng gabi at pumunta ako sa ospital noong kinaumagahan."
"Noong dumating ako sa ospital, pumunta ako sa registration desk, binigay ko ang pangalan ng aking pamilya at dito ako pinapunta. Nakita ko ang kapatid ko, nagyakapan kami at nag-iyakan. Tapos, pinuntahan ko na ang aking asawa at kapatid," sabi ni Farhah.
"Nasa bahay kami noong lumindol. Bumagsak ang aming kisame at nadaganan kami. Ang anak kong siyam na buwan pa lang ay nasa kanyang duyan, at namatay siya sa ilalim ng mga durog na bato," sabi ni Madina.
"May mga tahi ako sa aking ulo at masakit ang likod ko. Dinala ako rito sakay ng helicopter. Ngayong araw na ito, kinuha nila ang aking pangalan at sabi’y gusto na nila akong palabasin, ngunit di ko alam kung saan kami pupunta."
"Ang pinakakailangan namin ngayon ay isang bahay na matitirhan. Sobrang lamig sa aming lugar kapag taglamig at hindi makatutulong ang isang tolda."
Sangin
Si Sangin ay mula sa barangay ng Naieb Rafi sa distrito ng Zinda Jan. Nabali ang kanyang braso at napilay ang kanyang balikat. Bago ang lindol ay nakatakda na siyang ikasal at nag-iipon na para sa pag-iisang dibdib nila ng kanyang kasintahan. Namatay ang apat niyang kapatid na babae dahil sa lindol.
"Mga bandang 11:30 am nang umihip ang isang malakas na hangin at nayanig ang lupa. Bumagsak ang buong barangay. Iilan lang ang nabuhay, at pinag-iisipan ko pa kung suwerte ba ako at isa ako sa kanila.
"Nagtatrabaho ako sa labas ng umagang iyon, at umuwi ako para mananghalian kasabay ng aking ina at apat na kapatid. Nang papaalis na ako, lumindol na. Gusto kong tumakbo palabas pero hindi ako makagalaw dahil nabagsakan ako ng isang pader. Narinig ako ng mga kapatid ko ngunit nang sinubukan nilang tumakbo, bumagsak naman sa kanila ang kisame.
"Sumigaw ako. May mga taong dumating at hinila nila ako palabas. Patay na ang mga kapatid ko noong nahila sila mula sa mga labi. Nawalan ako ng malay at nang magising ako, nasa ospital na ako nang may benda sa aking kamay at may nakakabit na suwero. Doon ko lang napagtanto kung ano talaga ang nangyari. Naririnig ko pa ang pagyanig sa aking isipan.
"Bukod sa mga kapatid ko, nawalan din ako ng dalawang tito at isang tita. Ang aking mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay – lahat sila’y nawalan ng mga mahal sa buhay. Kahit sinong makausap mo, tiyak na nawalan ng mga miyembro ng pamilya. Isa lang sa mga kapatid ko ang buhay pa dahil nasa siyudad siya ng Herat noong naganap ang trahedya.
"Pakiramdam ko, nag-iisa ako. Nawala ang lahat ng pinakamalapit kong kapamilya. Hindi ko alam ang gagawin ko. Kailangan ko ng pera upang mabuhay, kailangan kong magpakasal, at kailangan ko ring magpatayo ng bahay. Matinding kalungkutan ang nararamdaman ko. Ang nanay ko ay nasa isa sa mga ward, pero hindi ko alam kung alin. Ang tatay ko naman ay nasa Iran noong lumindol, ngunit hindi ko pa siya nakikita hanggang ngayon. Hindi ko alam kung nasaan siya.
"Hindi pa ako sinasabihan kung kailan ako puwedeng lumabas, pero kahit na payagan nila ako, wala naman akong mauuwian. Sabi ng isang kaibigan ko, binigyan daw sila ng mga tolda. Pero hindi ko kayang magtrabaho at kailangan ko ng suporta. Kailangan ko ng matitirhan at ng makakain.
"Ang nakikita ko lang sa ngayon ay ang pagkawasak na idinulot ng lindol. Kahit anong pagsusumikap ko, hindi ko ito maalis sa aking isipan."
Abdul Salaam
Si Abdul Salaam ay mula sa barangay ng Sanjaib sa distrito ng Injil. Ikinuwento niya ang nangyari sa kanila pagkatapos ng pangalawang lindol.
"Winasak ng unang lindol noong Sabado ang lahat-lahat sa kalapit naming mga barangay at naging sanhi iyon ng pagkamatay ng maraming tao. Buti na lang at kami’y ligtas noong panahong iyon. Ngunit pagdating ng pangalawang lindol, nawasak din ang lahat ng tirahan namin. Buti na lang walang namatay sa aming barangay dahil sa labas kami lahat natulog noong gabing iyon. May ilan na nasaktan, tulad ng kapatid ko na nabalian ng binti. Ginagamot siya ngayon sa siyudad ng Herat."
"Nawala sa amin lahat at wala na kaming ikabubuhay pa. Nawala ang aming mga alagang hayop, ang aming mga ari-arian, at ang aming tahanan. Nagsusumikap kaming mabawi kung ano ang makakaya namin."
*Binago ang mga pangalan
Will you support our emergency response work?
Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.