“Tumatakas kami para di nila kami mapatay, pero kahit iyon ay di mahalaga. Di ko maprotektahan ang aming mga anak.”
Nasaksihan ng Doctors Without Borders ang paulit-ulit na pagsalakay at di-makatwirang pag-aresto sa timog ng Mexico. © Yesika Ocampo/MSF
Si Maria, 33 taong gulang, ay galing sa Guatemala. Tulad ng marami pang iba, sinisikap nilang mag-asawa na makahanap ng mas mabuting buhay para sa kanilang pamilya.
Pumunta sila sa bahay namin at tinangkang kunin ang anak kong babae. Ang anak ko namang lalaki ay dinakip din at pinagsabihang kailangang makipagtulungan sa kanila ang ama niya. Sinabihan din kaming papatayin nila ang mga anak ko. Nagpasya kaming mangibang-bansa para sa kaligtasan ng aming mga anak.Umalis kaming apat upang baybayin ang Mexico. Hindi naging madali ang pinagdaanan namin. Nandoon iyong natulog kami sa sahig. Napakahirap, pero ang nasa isip namin, konting tiis lang ngayon, para sa mas mabuting buhay bukas.
Naglakad kami papunta sa timog na hangganan ng Mexico, at mula roon ay sumakay kami ng bus papuntang Mexico City. Nang sumunod na araw, nag-bus kami patungong Monterrey at Reynosa, kung saan sinunggaban ng mga ahente ng immigration ang aking asawa at anak na lalaki. Hinayaan lang kami ng anak kong babae, kaya’t ipinagpatuloy ko ang biyahe, habang ang asawa ko’y dinala sa Monterrey. Tumuloy ako dahil kung hindi, paano na lang ang anak kong babae? Pagkalipas ng tatlong araw, tumawid kami ng ilog papasok sa Estados Unidos.
Sa mga nagdaang buwan, tumaas ang bilang ng pamilya na may mga bata at mga walang kasama na menor de edad na dumadating sa southern border ng Mexico. © Yesika Ocampo/MSF
Sobrang hirap sumakay sa balsa pag gabi, at walang liwanag. Naglakad kami sa mga burol,sumakay sa balsa pagdating sa ilog, at nang nasa kabilang pampang na kami, sa US, naglakad uli kami. PInigilan kami ng mga nagrorondang opisyales.Tinapatan kami ng mga flashlight at pinaghiwa-hiwalay kami ayon sa edad ng aming mga kasamang bata. Ang anak ko ay apat na taong gulang. Isinakay nila ako sa bus, at pagkatapos ng isang oras, binigyan nila ako ng tubig at konting biskwit. Ang mga bata ay sinuri ng isang duktor. Kinunan kami ng fingerprints, at ng larawan. Pagkatapos ay inilagay kami sa malaking tolda na may mga maliliit na kuwartong may mga banig. Nang ako na ang bibigyan ng banig, sinabihan akong kailangan kong maghintay.
May dumating na pulis na may dalang larawan ko. Ililipat daw niya kami sa ibang centre kung saan mas mabilis daw mapoproseso ang mga papeles namin. Isa na namang bus. Dinala nila kami sa isang lugar na mukhang istasyon ng pulis na may selda. Magkakasama ang mga babae at mga bata. Sa sahig kami natulog. Binigyan ang mga bata ng juice, pero hindi sila nakakain dahil ang binigay lang ay mga gulay na masama na ang amoy. Pinatikim ko sa anak ko, pero nagsususuka siya kaya’t di ko na pinakain sa kanya. Kung patuloy siyang susuka ay maaaring makaranas siya ng dehydration. Isang beses lang kami puwedeng magpalit ng damit. Ang mga natirang damit ay kinumpiska at tinapon. Maski ang mga damit ng mga bata ay kinuha, kahit na malamig sa selda.
Ang mga malalaking pagsalakay at di-makatwirang pag-aresto ay tumaas sa mga lugar kung saan maraming mga migrante, pati na rin sa may mga Doctors Without Borders medical care points, lalo na sa Coatzacoalcos (Veracruz), isang tawiran sa riles na madalas ginagamit ng mga bumabiyahe. © Yesika Ocampo/MSF
Pinasakay kami sa isang bus nang alas-tres ng madaling araw. Nakakabahala iyon. Sinabi naming di pa napoproseso ang mga papeles namin, wala naman silang tinanong, di nila kami kinunan ng pahayag o tinanong man lang kung saan sa US kami pupunta. At napagtanto ko noon kung saan kami dadalhin, sabay nakita ko mula sa bus ang isang opisyal na naka-itim at ang bandila ng Mexico.
Nilapitan namin siya, at tinanong niya kami: “Anong ginagawa ninyo rito? Bakit ako pinadadalhan ng mga Hondurans?” Sabi ko, taga-Guatemala ako, at sinagot niya na, “Hindi ‘yan mahalaga. Di kayo Mexicano, at di ko alam kung bakit kayo pinadala rito.” Nagsimulang umiyak ang isang babae,at sinabihan siya ng lalaki, “Ayaw sa inyo ng Estados Unidos. Kung pinababalik kayo, iyon ay dahil di nila gustong nandoon kayo.”
Dinala nila kami sa migration centre. Sinabi ko sa kanilang di ko alam ang gagawin ko. Wala akong kahit ano, wala akong pera, wala akong mobile phone. Sa Reynosa ako dumaan papasok sa US, pero dito nila ako ibinalik sa Nuevo Laredo. Wala akong paraan para magkaroon ng komunikasyon sa ibang maaaring makatulong. Mga dalawampu kaming nanay doon, kasama ang aming mga anak. Dalawang bus ang dumating para dalhin kami sa shelter, at marami sa amin ang pumayag, dahil may mga anak kaming iba-iba ang edad. Mayroon pang may dalang sanggol.
Sa shelter ng munisipyo, nakatanggap kami ng tulong. Nakontak ko ang aking pamilya. Sabi ng asawa ko, may masakit sa kanya, at sinabihan siya ng duktor na kailangan niyang magpa-opera. Wala kaming pambayad sa operasyon. Siya ang tumitingin sa anak naming lalaki, kaya’t pag may nangyari sa kanya, ang anak nami’y maiiwang mag-isa sa shelter.
Naniniwala ka sa mga kuwento na tatlong araw lang ang biyahe, at magiliw kang sasalubungin ng US immigration, pero di ito totoo. Nakakaisip ka ng kinabukasan kung saan ligtas ang iyong mga anak at ika’y may hanapbuhay. Iba ang pagkakaintindi namin sa sinabi ng presidente ng Estados Unidos na 100 araw. Di namin naintindihan na 100 araw lang siyang di magpapatupad ng deportation. Akala namin, sa 100 araw na iyon, makakapasok kami sa bansa, pero di pala ganoon. At dahil sa maling akala, maraming mga tao ang nagpapunta sa kanilang mga anak, kahit walang kasama. Nakita ko habang tumatawid sa ilog na maraming batang walang kasama.
Si Maria, 33 taong gulang, ay tumakas kasama ang asawa at dalawang anak, dahil sa banta ng mga gang. Tumawid sila ng Guatemala at Mexico. Nang makarating sila sa hilagang hangganan, sa lungsod ng Reynosa, pinigilan ng mga immigration agents ang kanyang asawa at ang kanilang 12-taong-gulang na anak na lalaki. Sa kabila nito, nagpasya siyang tumawid ng ilog kasama ang kanyang 4 na taong gulang na babae. Sila'y inaresto ng Border Patrol at dinala sa isang detention center. Kinabukasan ay ibinalik siya sa Nuevo Laredo, isa sa mga pinaka-mapanganib na lungsod sa hilagang hangganan ng Mexico, kung saan ang mga migrante ay nasisikatan ng organisadong krimen. © Yesika Ocampo/MSF
Sa migration centres, may mga portable toilets, planggana at sabon, pero di nila tinitingnan ang mga nanay. Walang sandali na natingnan kami ng duktor, di rin kinuha ang aming temperatura, at di kami binigyan ng face mask. Hindi nila kami sinabihang idistansiya ang aming sarili sa isa’t isa sa siksikang selda. Sa bawat selda ay may 50 babae at ang kanilang mga anak. Mahigit 100 tao iyon sa isang espasyo, nakalatag ang mga banig nang magkakatabi. Dito sa Mexico, may dumating na mga duktor, pero kinuha lang nila ang taas at timbang namin, at inalam ang blood type namin,pero di kami talagang sumailalim sa medical check-up.
Ang asawa ko ay nasa isang shelter sa Guadalupe, Nuevo León. Ngayon, ang hinihintay namin ay ang makabalik sa aming bansa upang mabigyan siya ng lunas, dahil dito’y wala kaming access sa kahit ano. Illegal kami rito, kaya wala kaming natatanggap na tulong. Natatakot kaming bumalik sa Guatemala, alam kong ang nangyari sa amin ay patuloy na mangyayari. Babalik kami at aasang magkakaroon ng resolusyon ang aming sitwasyon, upang maging ligtas ang aming mga anak. Dito kasi, di ko nararamdamang ligtas kami.
Pakiramdam ko, nabigo ako. Lahat ng pinagdaanan namin ay mahirap. Pero iniisip ko na pansamantala lamang ang lahat nang iyon at mapoprotektahan ko na ang aking mga anak. Ngayon, alam ko nang di ko magagawa iyon.Hindi ko rin sila mapoprotektahan dito, kung di kami bibigyan ng pagkakataon ng US na ilahad ang aming kaso, malamang ay babalik ako sa aking bansa. At pakiramdam ko, iyon ay parang paglangoy nang pasalungat sa agos.
Maraming babaeng nag-iisip na dahil nasa US ang kanilang mga asawa’y magkakasama-sama uli sila. May mga naghahanap ng trabaho. May mga tulad naming tumatakas dahil papatayin kami.Pero ang lahat ng iyon ay di mahalaga kasi di ka naman pakikinggan. Walang oportunidad na maglahad ka ng iyong kaso. Kahit na may ebidensiya ka, di ka bibigyan ng pagkakataon. Walang daan para makatawid, sarado ang mga hangganan.
Hindi mabuti ang pagtrato sa amin ng mga immigration agents. Pag nagtanong ka ng kahit ano, sisigawan ka nila at itutulak. Upang kapkapan ang mga menor de edad, itutulak sila sa tabi ng bus nang nakataas ang kanilang mga kamay. Naalala ko ang anak kong lalaki, at ayokong isipin na ganoon din sila karahas sa kanya. Masama ang pagtrato nila sa amin. Bilang mga migrante, wala kaming gustong saktan, gusto lang naming mabago ang aming mga buhay sa iba’t ibang kadahilanan. May tinatakasan kami at wala kaming intensyong manakit ng kapwa, pero hindi yata naiintindihan ng lahat iyon.
Sa konteksto ng pandemya, ang humanitarian assistance sa mga migrante at asylum seekers ay hindi sapat dahil ang mga shelter para sa populasyon na in transit ay kailangang pansamantalang magsara o bawasan ang kanilang kakayahan. Ang mga babae, lalake at bata ay natutulog sa ilalim ng mga tulay, nahantad sa sakit, pagsalakay ng pulisya at krimen. © Yesika Ocampo/MSF