Skip to main content

    Ang militarisasyon ng mga hangganan at ang pagpapatalsik ng marami ay nagdulot ng mas maraming panganib para sa mga asylum seekers at migrante

    MSF staff walk on the train tracks at the Higueras station in Veracruz

    Ang mga tauhan ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay naglalakad sa mga track ng tren sa istasyon ng Higueras sa Veracruz. Naghahanap sila ng mga migrante na nangangailangan ng pansin sa medikal, sikolohikal at panlipunan. Sa lugar na iyon sila ay madalas mabiktima ng pangingikil ng mga guardiya, at nakakaranas ng karahasan sa mga kamay ng mga kriminal na grupo sa gabi. © Yesika Ocampo/MSF

    Nasaksihan ng Doctors Without Borders ang mga paulit-ulit na paglusob at di-makatwirang pansamantalang pagkapiit sa timog na hangganan ng Mexico. Nakita rin nila ang mga asylum seekers na pinuwersa ng US na bumalik sa Mexico sa ilalim ng kautusang Title 42. Ang kautusang ito ay ginamit upang pahintulutan ang mga maramihang pagpapatalsik na kunwari’y para sa pampublikong pangkalusugan kaugnay ng pandemyang dulot ng COVID-19. Epektibo ito sa pagharang ng karapatan ng mga taong magpakupkop sa US.

    Muli nating nakikita ang pagtayo ng physical, bureaucratic, at security walls upang harangan ang asylum at pigilan ang malayang pagkilos ng mga taong tumatakas sa karahasan sa kanilang bansang sinilangan. Kitang-kita ito sa hilaga at timog na hangganan ng Mexico. Habang ang US ay agad na hinaharangan at pinapatalsik ang bagong dating en masse, ang Mexico naman ay nanlulupig ng mga migrante at kinukulong sila en masse.
    Antonino Caradonna, project coordinator

    Paulit-ulit na tinuligsa ng Doctors Without Borders teams na nasa timog na hangganan ng  Mexico  ang mga biglaang paglusob at di-makatwirang pag-aaresto sa mga lugar na malapit sa healthcare post ng organisasyon at kung saan maraming migrante at asylum seekers. Nagkaroon na ng ilang insidente sa Coatzacoalcos, sa timog na estado ng Veracruz, isang railway hub na kalimita’y ginagamit ng mga tao sa kanilang paglalakbay. 

    “Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng mga raid sa Coatzacoalcos, at mga 50 na migrante ang di-makatwirang ikinulong. Kabilang dito ang mga pamilyang may mga bata,” kuwento ni Caradonna. “Natutulog sila malapit sa shelter dahil hindi sila binigyan ng matutuluyan. Ang sabi, dahil sa pandemya raw.” Marami sa mga shelters sa Mexico ang nagsara na o nagbawas ng kapasidad dahil sa pandemya. 

    Ang pagkilos ng mga pulis malapit sa shelters o sa mga lugar kung saan ang migrante ay nakatatanggap ng tulong medikal at humanitarian assistance “ay nagtutulak sa mga taong mas lalo pang magtago, at maglakbay sa mas delikadong ruta, kung saan mas malapit sila sa panganib ng organisadong krimen at extortion,” paliwanag ni Caradonna. “Kailangan naming batikusin ang matinding kakulangan ng proteksyon para sa mga taong ito.”  

     

    Nanganganib: Mga naghahanap ng asylum at mga migrante

    Ang mga pagpapatotoo na kinolekta ng Doctors Without Borders sa lugar na ito ay nagpapatunay ng pagdami ng mga raid at pag-aaresto sa timog na hangganan ng Mexico, na nagdudulot ng panganib sa kalusugan ng kanilang isip at katawan. 

    "Mas maraming inaarestong kababaihan, dahil di sila makatakbo masyado, lalo na pag may bitbit na bata"

    Ako ay 21 taong gulang, taga-Honduras, sa Tegucigalpa. Sa aming bansa, wala kang makukuhang trabaho.  Ang marami rito ay mga gang. Ito ang dahilan kaya nagpasya kaming mangibang-bansa, upang magkaroon ng mas magandang buhay.

    Pupunta ako sa US,  o kahit saang pinakamalayong lugar na maaaring marating.  Kung makakarating ako sa US, e di sa US. Kung hindi naman, dito na lang ako sa Mexico mamamalagi at aasikasuhin ang  mga papeles ko. Sabi nila, maganda raw ang siyudad ng Mexico, at baka puwedeng doon muna ako nang panandalian. Dito lang kami sa tren hanggang sa pinakamalayong lugar na posible, at sa kagustuhan ng Diyos, sana’y makarating ako sa aking destinasyon. Apatnapung minuto kaming hinahabol ng mga opisyales ng immigration. Kailangan naming tumakbo, di kami maaaring magpahuli. Habang tumatakas, nasaktan ako nung sumabit ang braso ko sa alambre ng isang bakod. Buti na lang , nakaalpas ako at nagpatuloy ang paglalakbay namin papunta sa hilaga. Sa mga burol at kalsada lang kami nagpapahinga, kasi wala pa kaming nakikitang masisilungan o tirahan para sa mga migrante. Kaya naman di pa kami nakakapapahinga nang maayos.

    Mga 400 kaming nasa burol, pero nang nagsagawa ng raid, mga 200 ang nahuli, at mas kaunti  na kami ngayon kaysa noong nasa tren pa kami . Doo’y kalahati sa amin ay mga babae, at kalahati lalaki. Ngayon, kakaunti na lang ang babae dahil marami sa kanila ang nadakip.  Mas madali silang hulihin, lalo na kapag may bitbit na bata, dahil di sila makatakbo nang malayo o matulin. Samantalang ang mga lalaki, basta-bastang  tatakbo na lang ‘yan,  papunta sa kahit saan.

    - Levi Josué Hernández Ramos

    "Habang natutulog ang anak ko, binabantayan ko siya."

    Ako ay 29 taong gulang, at dati akong  nagtatrabaho sa bukid. Tatlo ang anak ko, edad  15, 11 at 8. Sa kasalukuyan ay naglalakbay ako kasama ang aking 11 taong gulang na anak, isang kasama namin sa parokya, at ang kanyang sanggol.  Ang dalawa ko pang anak ay nasa nanay ko, na nasa Honduras.

    Dahil sa mga bagyo sa Honduras,  nawalan kami ng bahay, nawala ang lahat sa akin. Tumira ako sa kalsada. Gusto kong pumunta sa New York,  kasi nandoon ang kapatid ko. 20 araw na ang nakalipas mula noong dumating ako sa Mexico. Natulog kami sa mga burol, sa  kalye, at tiniis namin ang gutom at mga gabing di kami makatulog, dahil wala kaming pera.  Ang nahanap lang naming shelter ay sa Salto de Agua. Dalawang gabi lang kami doon, at mula roon ay nagpatuloy kami sa paglalakad.  Kung saan kami abutan ng gabi’y doon kami natutulog.

    Sarado ang shelter dito (Casa del Migrante Diócesis de Coatzacoalcos). Binigyan nila kami ng pagkain at kape, pero di na kami maaaring matulog sa loob. Kahapon,  nakiusap akong payagan nila akong hilamusan ang anak ko. Ang totoo niyan, dalawang araw na kaming walang ligo.  Pinapasok nila ako at ang dalawang bata, ang anak ko at ang anak ng kasama ko.Pagkatapos kong hilamusan ang mga bata’y pinaalis na kami.

    Nakakakain naman kami, salamat sa kabutihang-loob ng ibang tao

    Kinuha nila ang kakarampot na perang dala namin mula sa Guatemala. Sa bawat checkpoint, hiningan kami ng 150 hanggang 200 quetzals at pinagbantaan ng deportation, dahil wala akong pasaporte at authorization.

    Natatakot akong mamalagi sa  kalye dahil kahit ano’y puwedeng mangyari . Natatakot ako na may kukuha ng anak ko mula sa akin. Hindi ako gaanong nakakatulog, dahil habang natutulog ang anak ko, binabantayan ko siya.

    Natatakot akong pupuwersahin nila akong bumalik sa aking bansa. Mahirap ang sitwasyon doon. Kung may trabaho lang ako doon, hindi ko ipagsasapalaran ang anak ko, at di ko rin iiwan ang iba ko pang mga anak.

    Naglilibot kami‘t humihingi kami ng tubig, pinupuno namin ang aming mga bote, at may mga nagbibigay ng pambili ng pagkain. Lagi kaming gumagamit ng face mask at sanitizing gel, at pinagsisikapan kong dumistansiya sa  mga tao. 

    Tensyonado ang anak ko. Tinanong niya ako, “Nay, bakit di pa tayo umalis dito?” Pero kailangan pa naming maghintay para  sumakay.  May kakaalis lang na tren, pero ayokong sumakay doon kasi marami nang nakasakay. Kahit palampasin pa namin ang sampung tren, gagawin ko para sa kaligtasan ng anak ko.

    Nalulungkot ako na kailangan kong ipagsapalaran ang anak ko sa paglalakbay na ito, nang di ko man lang siya nabibigyan ng kung ano ang mayroon ang ibang bata. Ang pinaka-inaalala ko ay ang kanyang kaligtasan, at ang kawalan namin ng pambili ng pagkain. Dito ako lubos na nasasaktan. Medyo naapektuhan na ang kanyang kalusugan. Minsan, pag may nagbibigay sa amin ng pagkain, sasabihin ko sa kanya, “Kainin mong lahat iyan, mahal kong anak.” At sasagot siya, “Pag di ka kumain, di rin ako kakain.” Kaya sasabihin ko na lang na di ako gutom kahit gutom naman talaga ako, pero pag di ako kumain, sasabihin niya na di rin siya gutom.

    Kung bibigyan ako ng Diyos ng oportunidad na makapunta roon, maiiba ang kinabukasan ko. Pangarap kong magpatayo ng bahay para sa mga anak ko, at ihanda sila para sa buhay sa pamamagitan ng kanilang edukasyon,  siya at ang kanyang mga kapatid na naiwan sa Honduras.
    Ang magkaroon ng maayos na trabaho, kahit ano pa man iyon, at nang matulungan ko ang aking pamilya. Ang makarating kami sa paroroonan upang may  matutulugan ang anak ko at makapagpahinga kami sa isang ligtas na lugar.

    Kimberly, ng Copán Ruinas, Honduras

    "Walang shelters, pero pinapatuloy kami ng mga residente sa kanilang mga tahanan."

    Walong araw na ako sa kalsada. Pagdating namin dito (sa Coatzacoalcos), nilabhan namin ang aming mga damit, naghilamos, at nagbayad para sa wi-fi upang ipaalam sa aming mga kamag-anak na nasa mabuti kaming kalagayan sa ngayon. Pinananatili namin ang pakikipag-ugnayan sa kanila para di sila mag-alala at alam nilang ligtas kami. Maayos naman ang takbo ng lahat, salamat sa Diyos. Medyo pagod lang ako sa haba ng nilalakad. Marami pa raw ang parating na mga tao. Mga 500 kami nang umalis sa Chontalpa, pero marami ang nahuli nang hinabol kami sa El Limonar. Dumaan kami sa mga burol at nakatakas kami, sa awa ng Diyos. Pero marami na ang sumuko sa pangarap nilang makarating sa US. Gumuho na ang pangarap nila dahil pinabalik sila sa kanilang bansa. Mas maraming nahuling mga babaeng may kasamang mga bata dahil nakasakay sila sa tren  at mahirap para sa kanilang tumalon at tumakas papunta sa burol. Maraming pamilyang may mga kasamang mga bata— mga ama at ina, kasama ang kanilang mga anak.

    Napakahirap ng sitwasyon sa amin, kaya kami nagpunta sa ibang bansa. Marami na raw natulungan si Biden, marami na siyang nabigyan ng oportunidad na mga pamilya at mga kababayan ko, kaya’t susubukan din naming pumunta doon.

    Hindi kami napagnakawan. Ang mga masasabing nagnanakaw ngayon ay ang mga pulis ng Mexico dahil kinukuha nila ang kakaunting pera na meron kami, at kailangan namin para mabuhay.  Kapag nahuli ka nila, kailangan mo silang bayaran para makapagpatuloy ka. Walang shelters, pero may mga mapagmalasakit na tao na pinapatuloy kami sa kanilang mga tahanan nang walang reklamo. PInapahalagahan namin ito dahil hindi na kami kailangang makipagsapalaran sa pagtulog sa mga burol. Magpapahinga  kami ngayon sa Coatzacoalcos upang makaipon ng lakas. Ang gusto namin ay tuloy-tuloy lang ang aming pagsulong.  

    Roger Ramos, isang 39 taong gulang na lalaki mula sa kagawaran ni Francisco Morazán sa Honduras

    Seeking asylum – and a better life

    The freight train that crosses Mexico, known as La Bestia

    Ang freight train na tumatawid sa Mexico, na kilala bilang La Bestia, ay ang karaniwang paraan ng transportasyon para sa mga migrante upang maabot ang hilagang hangganan. © Yesika Ocampo/MSF

    Migrants who arrive in the City of Coatzacoalcos sleep outside the Casa del Migrante Diocesis of Coatzacoalcos

    Ang mga migrante na nakarating sa Lungsod ng Coatzacoalcos ay natutulog sa labas ng Casa del Migrante Diocesis ng Coatzacoalcos sapagkat tinatanggihan nila ang silungan ng gabi. © Yesika Ocampo/MSF

    Roger Ramos, 39-year-old man from Honduras

    Si Roger Ramos ay 39 taong gulang, mula sa Honduras, sa departamentong Francisco Morazán. “Walang shelters, pero may mga mapagmalasakit na tao na pinapatuloy kami sa kanilang mga tahanan nang walang reklamo. Pinapahalagahan namin ito dahil hindi na kami kailangang makipagsapalaran sa pagtulog sa mga burol." © Yesika Ocampo/MSF

    Kimberly, traveling with her 11-year-old son

    Si Kimberly ay nagtrabaho sa bukid. Siya ay naglalakbay kasama ang kanyang 11-taong-gulang na anak na lalaki. Kailangan niyang iwan ang iba pa niyang mga anak sa Honduras. Nais niyang pumunta sa NY at maghanap ng trabaho, dahil sa mga bagyo nawala ang kanyang bahay at pinagmulan ng trabaho. Naglalakbay siya ng 20 araw, tiniis niya ang gutom at kawalan ng tulog. Kailangan niyang matulog sa kalsada kasama ang kanyang anak dahil hindi madaling maghanap ng mga kanlungan.© Yesika Ocampo/MSF

    Levi Josué Hernández Ramos, 21, from Honduras, from Tegucigalpa

    Levi Josué Hernández Ramos, 21, mula sa Honduras, sa Tegucigalpa. "Sa aming bansa walang trabaho at at maraming mga gang. Iyon ang dahilan kung bakit kami nagpasya na mangibang-bayan, upang maghanap ng mas mabuting buhay. Doon hinabol nila kami ( ng mga ahente sa imigrasyon). Medyo nasaktan ang aking mga braso sa bakod, pero nakatakas ako. Nanatili kami sa mga bundok at sa mga riles ng tren dahil wala kaming nahanap na kanlungan at hindi kami nakapagpahinga ng maayos. " © Yesika Ocampo/MSF

    Sa hilagang hangganan ng Mexico, nasasaksihan njg Doctors Without Borders teams ang pagdami ng maramihang pagpapatalsik mula sa US ng asylum seekers at migrante sa ilalim ng kautusang Title 42. Ibinabalik ang mga migrante sa Mexico nang di dumadaan sa tamang proseso, at ang kanilang destinasyon ay mga di nila kilala at kalimita’y mapanganib na siyudad sa hilagang hangganan. Sa Reynosa, Nuevo Laredo , at Ciudad Juárez, ang Doctors Without Borders teams ay nagbigay ng tulong medikal sa daan-daang pamilyang pinatapon, sa mga lugar kung saan di sila makaalis, at ngayon sila’y naghihintay na mabigyan ng proteksyon.

    “Nagsalaysay ang aming mga teams tungkol sa di makataong pagtrato na natatanggap ng mga migrante sa mga detention centre sa US, ang epekto nito sa kanilang kalusugan, at ang stress na dulot nito sa kanila,“ ito ang sabi ni Geaninna Ramos, Doctors Without Borders medical adviser. “Sila ay ipinapatapon sa mga siyudad sa border ng Mexico, nang walang impormasyon kung nasaan sila at kung ano ang susunod nilang gagawin. Marami sa mga kababaihan ang may mga bitbit na bata,  at di sila pinapakain o binibigyan ng pagtratong may dignidad habang sila’y nakakulong. Hindi rin ipinapatupad ang mga patnubay upang maiwasan ang COVID-19.  May isang 4 na taong gulang na batang babae ang dumating mula sa  Ciudad Juárez na dehydrated, dahil di man lang siya pinainom ng tubig habang nakakulong sila sa isang selda sa United States.” 

    Sa Reynosa ako dumaan papasok sa US, pero dito nila ako ibinalik sa Nuevo Laredo. Wala akong paraan para magkaroon ng komunikasyon sa ibang tao. Hindi mabuti ang pagtrato sa amin ng mga opisyal ng immigration. Pag nagtanong ka ng kahit ano, sisigawan ka nila at itutulak. Upang kapkapan ang mga menor de edad, itutulak sila sa tabi ng bus nang nakataas ang kanilang mga kamay. Naalala ko ang anak kong lalaki, at ayokong isipin na ganoon din sila karahas sa kanya. Masama ang pagtrato nila sa amin. May tinatakasan kami at wala kaming intensyong manakit ng kapwa, pero hindi yata naiintindihan ng lahat iyon.
    María, naglalakbay kasama ang anak
    MSF has witnessed both repeated raids and arbitrary arrests on Mexico's southern border.

    Nasaksihan ng MSF ang mga paulit-ulit na paglusob at di-makatwirang pansamantalang pagkapiit sa timog na hangganan ng Mexico. © Yesika Ocampo/MSF

    Ang kakulangan ng proteksyon para sa asylum seekers at migrante, ang kakulangan ng sapat na humanitarian assistance para sa kanila,ang hindi pagsama sa kanila sa mga pag-iingat bunsod ng COVID-19, ang pagturing sa kanilang mga napilitang tumakas mula sa kanilang mga tahanan bilang mga kriminal, ang paglalagay sa kanila sa sitwasyon kung saan maaari silang maging biktima ng kidnapping, extortion at trafficking—ang lahat ng ito’y di mga bagong problema.

    “Nakita na namin ang ganitong mga nakapapahamak na migration policies,” sabi ni Caradonna. “Alam naming di ito nakakakapigil sa mga migrante, sa halip ay tinutulak lang sila nito  para magtago at tumahak ng mga landas na mas mapanganib, sa mga lugar kung saan mas nalalantad sila sa organisadong krimen, napapalapit sa human traffickers at nailalagay sa panganib ang kanilang buhay.”

    Tulad ng sinabi ng isang tagapagsalita para sa administrasyon ng Estados Unidos noong simula ng buwan, ang pagdagdag ng seguridad sa rehiyon ay para pigilan ang mga migrante: “Ang layunin namin ay gawing mas mahirap ang kanilang pagbiyahe, gawing mas mahirap tumawid sa mga hangganan.” 

    “Kailangan nating maging malinaw, at tingnan nang mabuti ang mga patakarang ito,” sabi ni  Caradonna. “Kapag ginagawang mas mahirap ang paglalakbay ng mga migrante, ang ibig sabihin noon ay ginagawa itong mas nakamamatay.” 

    Nananawagang muli ang Doctors Without Borders sa mga bansang US, Mexico at sa iba pang pamahalaan sa rehiyon na wakasan na ang mga mapang-aping migration facilities. Dapat magarantiyahan ang mga asylum seekers at migrante na sila’y mabibigyan ng proteksyon at sapat na humanitarian assistance ayon sa mga pambansang at pandaigdigang batas at pamantayan. Sa konteksto ng pandemya, dapat magsumikap ang mga pamahalaang protektahan ang mga migrante mula sa virus sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na matitirhan at ligtas na mga lugar.
     

    Ang mga idineporta sa ilalim ng Title 42 na pumasok sa Reynosa ay ibinabalik sa Ciudad Juárez at Nuevo Laredo. Sa Ciudad Juárez, sinusundan sila ng mga human traffickers upang kidnapin sila at kikilan ng pera. Sa Nuevo Laredo naman, ang mga walang lugar na pamamalagian ay lantad sa malimit na pamamaril. Ayaw lumabas ng mga migranteng tinutulungan namin sa mga shelter dahil halos araw-araw, may nagbabarilan.
    Ivanna Servín, sikolohista
    Categories