Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Somalia: Mga kakulangan sa pagpopondo at mga balakid sa pagkuha ng mga serbisyo, nagpapahina sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga kababaihan at mga bata

    Patients lining up at pharmacy

    Nakapila ang mga ina sa may bintana ng botika sa loob ng sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Bay Regional Hospital sa Baidoa upang kumuha ng mga gamot para sa kanilang mga anak. Ang napapanahong pagkuha ng paggamot ay mahalaga sa kanilang paggaling. Somalia 2025 © Hareth Mohammed/MSF

    Sampung araw pa lang pagkatapos niyang magsilang ng kambal sa kanilang tahanan sa distrito ng Diinsoor, nagsimulang makaranas si Aisha* ng labis na pagdurugo na maaari niyang ikamatay. Nangamba ang kanyang pamilya sa maaaring kahinatnan niya. Ang ospital kung saan ligtas niyang naipanganak ang mga nauna niyang supling ay nagsara na. Dahil limitado ang makukuhang pangangalagang pangkalusugan sa kanilang komunidad, nagmamadaling nangutang ang kanyang asawa at nagmaneho ng limang oras sa gabi patungo sa sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Bay Regional Hospital sa Baidoa, isa sa iilang mga pasilidad na nagbibigay ng libre at de-kalidad na maternal at paediatric care. Mabilis na kumilos ang mga medical team upang pigilan ang labis niyang pagdurugo, at nagtagumpay silang mailayo siya sa panganib.

    Dahil limitado ang mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan, ang mga pasyenteng dumadating sa mga ospital ay nakararanas na ng mga kumplikasyon na maaaring mauwi sa pagkamatay ng ina o ng bagong panganak na sanggol, mga kamatayang maaari namang mapigilan. Ang kawalan ng seguridad, ang kakulangan ng mga serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan, at ang maraming mga hamon sa lohistika ay nakadadagdag sa mga balakid sa pagkuha ng napapanahong pangangalaga. Ang mga nakasanayang gawi ayon sa kanilang kultura, tulad ng pangangailangan ng pahintulot ng lalaki (halimbawa, ang asawa ng pasyente) upang magpa-opera ang isang babae ay nakadadagdag sa kritikal na pagkaantala sa mga sitwasyon kung saan mahalaga ang agarang pagkilos. Bukod pa rito, ang mga gawi sa paghahanap ng pangangalagang pangkalusugan ay may mga kaakibat na malalaking hamon.

    Ang mga naranasan ni Aisha* ay pangkaraniwan na sa buong estado ng Somalia sa timog kanluran, kung saan ang mga kababaihan at mga bata ay madalas na kinakailangang maglakbay ng daan-daang mga kilometro upang makakuha ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal. Ang mga walang pinansiyal na kakayahang maglakbay ay nahaharap sa posibleng malagim na kahihinatnan.

    Si Hawa, isang 18-taong gulang na ina ng dalawa, ay unang nanganak sa edad na 16 sa bahay, at sa tulong lang ng kanyang mga kamag-anak. “Walang malapit na ospital o doktor sa amin,” paliwanag niya. Pagkatapos ng kanyang ikalawang panganganak, nakaranas siya ng mga seryosong kumplikasyon tulad ng pagmamanas at sakit sa puso. Determinado siyang naglakbay papuntang Baidoa upang magpagamot. Ngayo’y nagpapagaling na siya, at nagpapahayag ng pag-asa para sa hinaharap:  “Sana’y magkaroon kami ng ospital sa lugar namin, at ng mga doktor na kaya kaming puntahan.”

    Mother and child in hospital

    Hawak ng isang ina ang kanyang malnourished na anak, na nakakakain lamang pag ginamitan ng syringe. Dito sa sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Bay Regional Hospital, maraming mga bata ang dumadating nang nasa kritikal na kondisyon dahil sa pagkaantala ng pagkuha ng pangangalaga. Somalia 2025 © Hareth Mohammed/MSF

    Maraming mga salik ang nakahahadlang sa pagkuha ng pangangalaga. Ang kahirapan, kawalan ng seguridad, distansiya, at mga balakid na dulot ng kultura ay lahat nakaaantala sa paggamot. Si Hassan, isang 28 na taong gulang na ama mula sa barangay ng Afurow, ay malungkot na nawalan ng asawa nang nanganak ang babae sa kanilang tirahan dahil sa kawalan ng pasilidad pangkalusugan at mga bihasang birth attendant sa kanilang lugar. Hirap na hinarap ni Hassan nang mag-isa  ang pangangalaga sa kanyang bagong panganak na anak na lalaki. Hindi nagtagal at naging kritikal ang kondisyon ng sanggol. “Nagtae siya at sumuka. Ang mga gamot mula sa mga lokal na botika ay hindi nakatulong,” tanda ni Hassan. Pagkalipas ng dalawang buwan ng patuloy na paglala ng kondisyon ng kanyang anak, nalaman ni Hassan ang tungkol sa mga libreng serbisyong ibinibigay ng Doctors Without Borders sa Baidoa. “Nangutang ako ng mga $130 at naglakbay ng 150 na kilometro upang makarating sa Baidoa Hospital,” paliwanag niya. Ang nagsimula bilang isang desperadong sitwasyon ay naging kuwento ng pag-asa, ngayong nakatatanggap na ang kanyang anak ng kinakailangang paggamot at nutrisyon.

    Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang Bay Regional Hospital mula pa noong 2017, sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency obstetric, neonatal, paediatric, at pangangalangang nutrisyon. Noong 2024 lamang, nakagamot ang Doctors Without Borders ng mahigit sa 14,000 na mga batang may malnutrisyon, nagsagawa ng mahigit 38,000 na mga paediatric consultation, tumulong sa mahigit 2,800 na pagpapaanak, at nagsagawa ng humigit-kumulang 35,000 na mga reproductive health consultation – ang lahat ng ito ay ibinigay nang libre. Ngunit sa kabila ng mga pagsisikap na ito, ang sitwasyon sa rehiyon kaugnay ng kalusugan ng mga ina at ng kanilang mga anak ay nananatiling kritikal, lalo na dahil sa mga pagbawas sa pondo kamakailan lang.

    Ang pagsuspinde ng pondo ng USAID ay naging sanhi ng pagsara ng hindi bababa sa 37 na pasilidad kaugnay ng kalusugan at nutrisyon sa mga rural at urban na lugar sa paligid ng Baidoa. Dahil dito, ang bilang ng mga pasyente sa mga natitirang pasilidad gaya ng Bay Regional Hospital ay lubhang dumarami, kung kaya’t napupuspos ang isang dati nang mahinang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan.

    Mula Enero hanggang Hunyo 2025, ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders sa Bay Regional Hospital ang 11,894 na mga malnourished na bata. Ang bilang na ito’y 76% ang itinaas kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Ang makahulugang pagdami ng mga pasyenteng tinatanggap dahil sa malnutrisyon, pati na rin ang mga kaso ng kumplikasyon kaugnay ng maternal health, ay nagbibigay-diin sa kagyat na pangangailangan ng mapapanatiling pondo para maibalik at mapalawak ang mga mahahalagang serbisyo, lalo na para sa mga napapabayaang rural na komunidad.

    Women entering hospital

    Papunta ang mga kababaihan sa maternity triage ng sinusuportahan ng Doctors Without Borders na Bay Regional Hospital sa Baidoa. Ang ospital na ito ay nagsisilbing pangunahing referral center para sa maternal care sa Southwest State, Somalia. 2025 © Hareth Mohammed/MSF

    Kadalasan ay ipinagpapaliban ng mga pamilya ang pagkuha ng atensyong medikal hangga’t hindi pa malala ang kanilang kondisyon. Malimit silang umaasa sa mga tradisyonal na manggagamot. Ang mga maling akala tungkol sa pagbabakuna, halimbawa, ang paniniwalang may kinalaman ito sa pagiging baog o pagkakaroon ng iba pang sakit, ay nakadadagdag sa mga limitasyon sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan. Ang patuloy na pagbibigay ng kaalaman, at ang pakikipag-ugnayan sa komunidad ay mahalaga upang makuha ang tiwala ng mga tao sa mga serbisyong medikal, at himukin ang kanilang napapanahong pagkuha ng pangangalaga.

    “Ang pagkamatay ng mga ina at ng mga bagong panganak na sanggol ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga nagdadalang tao ay makakakuha ng napapanahong pangangalaga malapit sa kanilang tirahan. Madalas, dumarating sa amin ang mga pasyente na nasa kritikal na kondisyon na, dahil walang malapit na mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan,” sabi ni Dr. Pitchou Kayembe, Doctors Without Borders Head of Program sa Somalia.

    Binigyang-diin ni Dr. Kayembe na bagama’t patuloy ang paghahatid ng Doctors Without Borders ng makasagip-buhay na pangangalaga, ang isang mas malawak na sistemikong pagsuporta ay napakahalaga: “Ang laki ng pangangailangan ay humihingi ng pananatiliing pangmatagalang pamumuhunan at estratehikong suporta sa buong Somalia. Inuudyukan namin ang mga donor at mga katuwang na humanitarian na bigyang-prayoridad ang pagpapalawak ng mga pangunahin at emergency maternal and paediatric healthcare, lalo na sa mga liblib na lugar.”

    Sa loob ng mga ward ng Bay Regional Hospital, pinangangasiwaan ng mga bihasa ang paghinga ng mga bagong silang sa kauna-unahang pagkakataon, unti-unti nang nagiging malusog ang mga malnourished na bata, at lumuluwag na ang kalooban ng mga kabadong ina dahil nakahanap na sila ng pag-asa. Paghihinuha ni Dr. Kayembe, “Ito’y hindi lang tungkol sa pagtugon sa mga agarang krisis. Ito’y tungkol sa pagtiyak na malalampasan ito ng mga pamilya, makababangon sila at maitataguyod nilang muli ang kanilang mga buhay umpisa sa pagkakaroon ng marangal at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan para sa lahat.”

    Doctors Without Borders sa Somalia

    Mahigit apat na dekada nang nagbibigay ang mga Doctors Without Bordersteam ng pangangalagang medical at humanitarian sa mga Somali sa iba’t ibang bahagi ng Horn of Africa. Sa Somalia, patuloy ang pagtugon ng Doctors Without Borders sa mga pangangailangang medikal ng mga taong nawalan ng tirahan dahil sa kalasukuyang hidwaan at sa mga sukdulang sakuna na dulot ng klima. Patuloy ang pagbibigay ng Doctors Without Borders ng suporta sa mga pasilidad ng Ministry of Health. Bahagi ng aming trabaho ay nakatuon sa pagbubuo ng kapasidad at pagsasagawa ng natatanging pagsasanay ng staff ukol sa pangangalagang pangkalusugan, pagpapabuti ng kalidad ng pangangalagang pangkalusugan, rehabilitasyon ng mga ospital, pagpapabuti ng mga serbisyo para sa tubig, sanitasyon at kalinisan, at ang pagsasagawa ng mga sesyon para sa edukasyong pangkalusugan upang matiyak ang pag-iwas at pagpigil sa impeksyon sa mga pasilidad pangkalusugan. Sa kasalukuyan, ang Doctors Without Borders ay nagpapatakbo ng mga medikal na aktibidad sa dalawang lugar: sa Baidoa, Bay Region (Southwest State), at sa Galkayo North (Puntland State) at Galkayo South (Galmudug State). 

    *Ang mga pangalan ng mga pasyente ay pinalitan para maprotektahan ang kanilang pagiging pribado.


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.