Pagkakaisa sa krisis: Isang kuwento ng staff mula sa pagtugon sa lindol sa Myanmar
Si Jessa Pontevedra ay naagsilbing Medical Coordinator sa Myanmar.
Noong Marso 28, isang 7.7- magnitude na lindol ang yumanig sa Central Myanmar. Mula sa epicentre sa lungsod ng Sagaing, ang pagyanig ay nadama sa Thailand, Bangladesh, China at Laos. Ang aming mga team na nasa bansa na ay agad na naglakbay patungo sa mga apektadong lugar sa Sagaing, Mandalay, Naypyitaw at sa mga estado ng Southern Shan upang pag-aralan ang mga uunahing pangangailangan, habang ang aming mga emergency team ay naghahanda upang makarating sa Myanmar sa lalong madaling panahon.
Isa sa kanila si Jessa Pontevedra, isang Pilipinong emergency coordinator na nakabase sa Timog Silangang Asya. Ibinahagi niya ang kanyang mga karanasan noong unang linggo ng pagtugon ng Doctors Without Borders sa emergency sa Myanmar.
Lumapag kami sa Yangon noong hatinggabi ng Abril 1, at dumiretso agad sa opisina ng Doctors Without Borders para sa mga briefing. Pagdating ng umaga, pagkatapos magpahinga ng ilang oras, sinimulan na namin ang 6.5 na oras ng paglalakbay sa highway papuntang Naypyitaw. Layunin naming matulungan ang team na nagpunta na roon noong Marso 30.
Noong mga 100 na kilometro na kami mula sa lungsod, tumambad sa amin ang idinulot ng paglindol – bitak-bitak ang kalsada, isang malinaw na paalala ng naabot ng sakuna. Dumating kami sa kabisera ng Myanmar, isang lungsod na mahusay ang pagkakadisenyo, at tumuloy sa isang otel kung saan ang ilang mga pamilyang nawalan ng tirahan na may kakayahan pang gumastos ay pansamantalang namamalagi.
Kinagabihan, nakipagpulong kami sa ibang mga miyembro ng emergency team upang itakda ang aming mga layunin para sa mga darating na araw. Bilang medical coordinator, responsibilidad kong pag-aralan ang sitwasyong pangkalusugan, at gumawa ng pagtatasa ng kondisyon ng mga pasilidad medikal at ng mga kagyat na pangangailangan ng mga naapektuhang tao.
Isang maternity ward sa loob ng museo para sa mga alahas
Bago naganap ang lindol, ipinagmamalaki ng Naypyidaw ang kanilang mga pangunahing institusyong medikal: isang ospital na may 1,000 na kama, tatlong ospital – paediatric, orthopaedic, at maternity—na may tig-500 na kama, at iba pa. Subali’t ang lahat ng mga malalaking ospital na ito ay hindi mapatakbo ayon sa kanilang buong kapasidad, dahil sa pinsala sa mga istruktura ng mga pasilidad, at ito’y nangyayari sa isang lungsod na tahanan para sa 1.1 milyong tao.
Isa sa mga di malilimutang halimbawa ng pakikibagay ay ang paggamit ng isang museo para sa mga alahas bilang maternity hospital. Ang mga pasyente, staff, at ang ilang mga kagamitan ay inilipat mula sa ospital sa isang hindi okupado at pribadong museo para sa mga alahas. Ang lugar ay hindi nagalaw ng paglindol. Malugod na pinapasok ng may-ari, na gustong gustong makatulong, ang mga galing sa maternity hospital sa kanyang gusali at compound. Ang museong ito, na dapat ay isang tourist attraction para sa mga may-kaya, ay naging isang lugar para sa emergency healthcare. Sa loob ng mga mararangyang silid, nakahilera ang mga kamang inihanda para sa mga nagdadalang taong manganganak na.
Ang metal detector sa may pasukan ay nagsisilbing triage point, at ang mga mesa sa loob ay ginagamit para sa mga konsultasyon bago at pagkatapos manganak. Ang ibang mga silid ay ginawang mga emergency ward, at nakapagsagawa na ng mga C-section sa silid na ginawang operating theatre. Ang mga staff na nawalan din ng tirahan ay nagtayo ng mga tolda sa loob ng compound upang matulog doon, ganoon din ang ginawa ng mga pamilya ng mga pasyente. Sa likod ng compound, isang gusaling mukhang istasyon ng tren ang ginamit bilang opisina ng administrasyon. Isang bahagi nito ang ginawang kusina para sa staff.
Ang express road na nag-uugnay ng Mandalay at Sagaing ay nabiyak dahil sa paglindol noong Marso 28, 2025. May mga bahagi itong di na magagamit. Myanmar, Abril 2025 © MSF
Marami akong nakitang patunay ng pagkakaisa at dedikasyon
Doon, nakilala ko ang superintendent ng ospital, na naglaan ng panahon para kausapin kami sa gitna ng mapanghamong sitwasyon. Bagama’t napakarami ng kailangang asikasuhin, nakangiti pa rin siya. Magkasama ang mga staff at ang mga pamilya ng mga pasyente sa masisilungan, pinaghahatian nila ang mga pagkain, ibinibigay nila ang mga donasyon sa mga nangangailangan, sinusuportahan nila ang isa’t isa…kumikilos bilang isang malaking komunidad. Nagsusumikap ang lahat sa abot ng kanilang makakaya…nang sama-sama.
Ang kanilang paediatric hospital, isang pasilidad na may 500 na kama, ay inilipat sa kabilang bahagi ng lungsod, at ito’y tumatakbo ngayon bilang isang township hospital na may 32 na kama ngunit walang operating theatre. Kapag sinuri natin ang mga pangangailangan ng komunidad –ang panganganak ng mga nagdadalang tao, ang mga batang nagkakasakit kahit sa gitna ng natural na sakuna –ang ginawang pagbabago sa ospital (mula sa 500 na kama ay ginawang 32 na kama) ay hindi tugma sa pangangailangan.
Ang pag-usap namin ng superintendent sa pasilidad na ito ay talagang nakaantig sa aking damdamin. Ang mga healthcare professional ay napakatapat sa kanilang trabaho, ginagawa nila ang abot ng kanilang makakaya. Ang pagtutulungan at pakikiisa sa komunidad ay malapit sa aking karanasan bilang Southeast Asian, ito ay malaking bahagi ng aming kultura. Nagsasama-sama ang mga tao sa panahon ng pangangailangan. Pinahahalagahan din nila ang tulong ng Doctors Without Borders sa emergency na ito.
Maraming taong walang tahanan sa isang urban space
Pagkalipas ng limang araw, nilisan ko na ang Naypyidaw. Sa lumang highway kami dumaan, sa halip na sa express road. Noong malapit na kami sa lungsod ng Mandalay, nakita namin ang pansamantalang tirahan ng mga tao na gawa lang sa mga plastic sheeting. Nasa isang tabi lang ng kalsada ang sinisilungan ng tingin ko ay mga 1,000 na tao. Sa kabila nito ay ang mga labi ng mga gumuhong gusali. Noong mga sumunod na araw, nang nilibot namin ang siyudad upang matasa ang mga ospital, nakita namin ang mga magkakaparehong pinsala: mga gumuhong bahay at mga nabulabog na komunidad. Marami sa mga apektadong tao ay malapit sa panganib. Wala silang paraang makakuha ng tubig at sanitasyon, mga pangunahing kinakailangan upang mapanatili ang kanilang dignidad.
Sa Mandalay, ang mga pamilyang piniling manatiling malapit sa kanilang mga napinsala o gumuhong bahay ay naroon lang sa may bakod nila o sa may bakuran, o kaya’y sa kalye sa tapat ng tirahan nila. May iba sa kanilang nangangahas pang pumasok muli sa kanilang napinsalang tirahan, at inilalagay ang kanilang mga sarili sa panganib ng karagdagang pinsala para lang makagamit ng mga pangunahing pasilidad gaya ng palikuran. Ang ilang bahagi ng mga ospital ay gumagana at nakakapagbigay-lunas naman ang staff sa mga nagtamo ng pinsala – subali’t kadalasa’y nagagawa lang nila ito sa labas, kung saan hindi sapat ang nakukuha nilang proteksyon sa mga pansamantalang masisilungan na gawa lang sa tarpaulin.
Habang isinasagawa ang mga pagtatasang ito, ang aming mga team ay nagbigay rin ng mga pangunahing konsultasyong pangkalusugan at psychological first aid para sa mga naapektuhang komunidad. Nakipagtulungan din kami sa mga lokal na organisasyon upang mamahagi ng mga non-food item gaya ng mga hygiene kit. Ang aming mga logistics team ay walang pagod na nagtatrabaho upang maibalik ang mga pasilidad para sa supply ng tubig at para sa sanitasyon. Nagtayo sila ng mga palikuran sa mga monasteryo kung saan namamalagi ang maraming pamilyang nawalan ng tirahan.
Binibigyan ng isang miyembro ng aming staff ng gamot para sa gout ang isang pasyente sa mobile clinic sa loob ng isang monasteryo kung saan pansamantalang namamalagi ang mga pamilyang nawasak o lubhang napinsala ang mga tirahan noong lumindol. Myanmar, Abril 2025 © MSF
Mga mapanghamong pananaw na hinaharap ng mga komunidad nang may katatagan
Paparating na ang tag-ulan, at dumarami ang mga hamon. Ang sitwasyon ay maaaring lalong maging delikado. Kung libo-libo ang maiiwang walang tirahan sa mga urban area, at posibleng maharap sa panganib ng mga disease outbreak, ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan ay magiging lubhang mapanghamon.
Bilang isang public health professional, malalim ang naging epekto ng nasaksihan ko sa Naypyitaw ngunit ang pagkawasak ng Mandalay ang pumukaw sa aking kalooban bilang humanitarian.
Sa ngayon, ang mga komunidad ay nakahahanap ng mga paraan para suportahan ang isa’t isa. Naaalala ko ang isang mag-asawang namamalagi rin sa otel sa Naypyidaw, na nakilala ko noong lumabas ako para tumakbo. Sila rin ay nag-eehersisyo. Kaarawan ng lalaki noong araw na iyon, ngunit dahil sa sitwasyon, hindi sila magdiriwang sa pamamagitan ng isang salu-salo. “Nawalan din kami ng tirahan”, sabi niya, “ngunit mas mapalad kami nang kaunti, kaya gusto naman naming makatulong rin.” At ginawa nila iyon sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain, tubig, at mga non-food item sa isa sa pinakanaapektuhang kapitbahayan ng Naypyidaw.
Lagi ko ring isinasaisip ang isang doktor na nakilala ko. Siya’y mula sa isang di gaanong naapektuhang bayan, at hinikayat niya ang kanyang mga kasamahan sa larangan ng pangangalagang pangkalusugan na magtayo ng isang libreng klinika. Nakatanggap sila ng mga donasyon mula sa mga kakilala nila sa ibang bansa – mga pagkain, mga non-food item, at marami pang iba. Buhay na buhay ang pagtutulungan dito sa Myanmar, ngunit gaano katagal kaya itong mapapanatili?
Ang aming mga emergency team ay patuloy na nagtatrabaho nang halos walang pahinga, tinatasa at inaasahan na ang mga pangangailangan ng mga tao, sinusuportahan ang mga relief effort saan man maaaring gawin ito nang nakikipagtulungan ang komunidad. Matatagalan pa bago makabangon ang mga taong naapektuhan ng napakalakas na lindol na ito. Saan man sila tumira, kakailanganin nila ng makasagip-buhay na tulong na humanitarian.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.