Skip to main content

    Saan ka dadalhin ng iyong puso?

    Francisco Raul Salvador

    Pebrero. Buwan ng pag-ibig, ng mga tumitibok na puso. Ito ay laging nagpapaalala sa akin upang pagnilay-nilayan ang pacemaker na nasa dibdib ko. Inilagay ito noong 2013, dalawang buwan bago dumating ang supertyphoon na pinangalanang “Yolanda”—ang trahedyang nagtulak sa aking bumalik sa pagbibigay ng serbisyong humanitarian— at hindi na ito pansamantala lamang.

    Ipinanganak akong may pusong kakaiba ang ritmo sa pagtibok. Sa isang minuto, nakaka-55 na pintig lang ito, mas mababa ng lima kung ikukumpara sa normal. Gayunpaman, hindi naman ito naging problema hanggang noong taon na magiging 55 taong gulang na ako. Kababalik ko pa lang sa Pilipinas mula sa India, kung saan nagtrabaho ako para sa una kong misyon sa Doctors Without Borders. Habang naghihintay sa susunod kong misyon, nagtrabaho muna ako bilang hospital administrator ng Metropolitan Medical Center. 

    Isang araw, naglalakad ako sa pasilyo ng ospital nang bigla akong nawalan ng malay. Ang pinakamalala ay noong nangyari ito habang ako’y nagmamaneho ng sasakyan namin sa kahabaan ng EDSA, lulan ang buong pamilya. Buti na lang at nakauwi kami nang ligtas noong araw na iyon.

    Napag-alaman na ako ay may arrhythmia, o di regular na pagtibok ng puso. Ang implikasyon nito’y nanganganib akong makaranas ng stroke; hindi tumitibok ang puso ko nang tama upang matiyak na may sapat na dugong dumadaloy sa aking utak. Dahil dito, pumayag akong malagyan ng pacemaker implant noong Setyembre 2013.

    Surgical ward of the MSF hospital in Guiuan. 2023. Florian Lems/MSF

    Isa sa mga inflatable hospital na itinayo ng Doctors Without Borders sa Guiuan, Samar, bilang bahagi ng tugon sa Typhoon Haiyan (Yolanda).

    Kada linggo noon, ang Doctors Without Borders tented hospital sa Silangang Samar ay nakatatanggap ng 60 hanggang 70 na pasyente, 20 hanggang 30 maternity admissions, at nagsasagawa ng humigit-kumulang 10 surgeries. Pilipinas, 2013. © Florian Lems/MSF

    Mahigit dalawang buwan pa lang akong nagpapalakas muli nang dumating ang bagyong Yolanda sa bansa. Sa tindi ng trahedyang ito, naisip kong ito na marahil ang pagkakataon para subukan ang aking pinalakas na puso. 

    Sumama ako sa medical mission ng aming ospital, at pumunta kami sa Aklan noong Nobyembre 26. Noong natapos iyon, bumalik ako sa Maynila nang mabigat sa loob ko. Pakiramdam ko, marami pa akong kailangang gawin bilang sukli sa kapalaran ko: buhay pa ako, salamat sa aparato sa dibdib ko na tinitiyak ang patuloy na pagtibok ng puso ko. Kaming mga may kakayahang tumulong ay dapat tumayo sa malaking puwang na iniwan ng sakunang ito, upang mapigilan ang pagdami ng mga binabawian ng buhay. 

    Sa kagustuhan kong bumalik sa Visayas, naghain ako ng leave of absence sa pinagtatrabahuhan kong ospital. Noong Disyembre 4, muli akong sumama sa Doctors Without Borders. Lulan ng isang helicopter, lumupad kami patungong Silangang Samar. 

    Kada linggo noon, ang Doctors Without Borders tented hospital sa Silangang Samar ay nakatatanggap ng 60 hanggang 70 na pasyente, 20 hanggang 30 maternity admissions, at nagsasagawa ng humigit-kumulang 10 surgeries. Sa outpatient clinic ng tented hospital nama’y nakakapagdaos ng mga 110 na konsultasyon sa bawat araw. Bukod sa pagtingin sa mga pasyente, tumulong rin ako sa pamamagitan ng pagpunta sa iba’t ibang bayan sa isla bilang miyembro ng assessment team na gagawa ng mga rekomandasyon sa aming misyon ng pagtugon.

    Noong 2022, kasama din si Doc Raul sa tugon ng Doctors Without Borders sa Typhoon Rai (local name Odette) sa Pilipinas.

    Hindi naging mabait as amin ang panahon, at damang-dama namin ito kahit sa ilang oras lamang ng pahinga pagkatapos ng isang nakakapagod na araw. Mahapdi sa balat ang init sa loob ng aming mga tinutulugang tolda, samantalang sa labas naman nito’y laging malamig at may hamog. Inubo ako, ngunit nagawa ko pa ring tapusin ang dalawang linggo ko sa misyon dahil talagang ganado ako sa pagtulong. Sa aking pananaw, ang mga inaalala natin araw-araw ay magaan lang kung ikukumpara sa pinagdadaanan ng mga survivor. 

    Umaapaw ang saya sa puso ko kapag nakakasaksi ako ng mga taong nakakakuha ng tulong. Kaya’t sumunod ako sa pintig nito, at dinala ako nito sa larangan ng medical humanitarian work. Noong 2014, pumunta ako sa South Sudan para sa response mission ng Doctors Without Borders sa malaria outbreak. Malala ang sitwasyon doon. Sa taong iyon, mahigit 170,000 na pasyenteng may malaria ang ginamot ng Doctors Without Borders doon-–higit pa sa triple ng bilang noong 2013. Sa misyon namin sa Gogrial, araw-araw ay nakakatanggap kami ng mga batang may high-grade malaria fever. Ang pinakamasakit sa akin ay ang makita ang mga batang kinokombulsyon. Ginawa namin ang lahat sa abot ng aming makakaya. 

    Hindi naging mabuti para sa puso ko ang misyon na iyon, sa di literal at sa literal na kahulugan nito. Pagkatapos ng anim na buwan, kinailangang ayusin ang pacemaker ko dahil sa sira sa baterya nito. Gayunpaman, hindi ito nakapigil sa aking pumunta sa Silangang Ukraine, na winawasak ng armadong labanan noong 2015. Dito, hindi kami mapupuntahan ng pasyente, kailangan naming ipaabot ang aming tulong.  

    Maraming mga sibilyan ang di makalikas dahil sa matinding labanan sa paligid nila, at ang mga medikal na pasilidad ay pinupuntirya ng mga lumulusob. Karamihan sa aming mga pasyente ay mga may sakit o sugatang matatanda na boluntaryong nagpaiwan sa kanilang mga tahanan, at kinumbinsi ang kanilang mga pamilya na masyado na silang mahina upang makatakas pa, at na mamamatay na rin lang naman daw sila. Isang matandang lalaki ang nagsabi sa akin na ayaw niyang maging pabigat sa kanyang mga anak at apo. Naantig ang damdamin ko sa kinuwento niya, ngunit kasabay nito ay pinatatag din nito ang aking puso upang huwag matakot, pagtuunan lang ang misyon, at ipadama sa aming mga pasyente na mahalaga ang bawat pintig ng kanilang mga puso sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mahusay na pangangalagang pangkalusugan.

    Noong taong iyon, nagsagawa ang mga team ng Doctors Without Borders ng 159,900 basic healthcare consultations at 12,000 mental health consultations, sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health ng Ukraine. 

    Sa tingin ko, inihanda ako ng karanasang iyon para sa isa pang conflict area mission sa Yemen noong taon ding iyon. At masaya akong nakasama ako sa misyon na iyon, dahil doon ako nagkaroon ng isang di ko malilimutang karanasan. Isang babae ang dinala sa aming emergency room dahil sa matinding pananakit ng tiyan. Habang sinusuri ko siya, bigla niyang hinalikan ang kamay ko. Nang tinanong ko ang kasamahan namin kung ano ang ibig sabihin noon, ito raw ay pagpapakita ng respeto at pasasalamat. Sa aming mga misyon, laging isang hamon ang komunikasyon dahil sa pagkakaiba ng aming mga wika, at dahil kadalasa’y may matinding sakit na  nararamdaman ang pasyente sa mga sandaling kaharap namin sila. Kaya’t malaking bagay sa akin ang ginawa niya—nakahanap siya ng paraang magpasalamat nang higit pa sa anumang kataga. 

    Dr. Francisco Raul Salvador is one of MSF’s seasoned field workers.

    Nitong nakaraang buwan, binisita ko ang aking alma mater, ang University of the East Memorial Medical Center College of Medicine, para magbigay ng career talk, at doo’y ibinahagi ko ang kuwento ko bilang isang field worker ng Doctors Without Borders. Nang makita ko na ang ilan sa kanila’y tila interesado, umapaw ang pag-asa sa puso ko na sana, sila rin ay susunod sa ipinipintig ng kanilang mga puso. Siguro, pag nakinig talaga tayo sa sinasabi ng puso natin, magkakaroon ng saysay ang ating mga buhay. At ang pagpapanatili ng pagtibok ng puso ng ibang mga tao ay, sa aking paniniwala, tunay na makabuluhan.  

    Unang inilathala sa Philippine Daily Inquirer noong 16 Pebrero 2019  

    Categories