Pilipinas: Limang taon ng pangangalagang medikal para sa mga survivor ng pagkubkob sa Marawi
Si Johaniya H. Daud, nars sa NCD, na may kasamang pasyente at ang dalawa nitong anak. Nagbigay ang Doctors Without Borders ng libreng gamot at konsultasyon sa mga klinika sa Rorogagus at sa dalawa pang IDP shelter sa siyudad ng Marawi sa Pilipinas. Oktubre 2022 © MSF/Regina Layug Rosero
Limang taon na ang nakalilipas mula ng pagkubkob sa Marawi na nauwi sa pagkawala ng tirahan ng 98 % ng populasyon nito. Mula pa noong nagsimula ang alitan, ang Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagbigay na ng pangangalaga sa mga tao sa Marawi, at ginawa naming angkop ang aming mga gawain ayon sa mga nagbabagong pangangailangan ng mga komunidad.
Noong Disyembre 2022, matapos ang acute at post-emergency phase ng aming pagtugong medikal, ipinasya ng Doctors Without Borders na isara na ang aming proyekto at ihabilin na ang aming mga gawain sa mga lokal na taong kumikilos para sa kalusugan.
Ngayong patapos na ang aming mga gawain, nagbabalik-tanaw ang mga pasyente at staff sa limang taon ng proyekto para sa Marawi.
Ang buhay sa ilalim ng deka-dekadang alitan at ng pagkubkob ng Marawi
Sa timog na bahagi ng Pilipinas naroon ang Mindanao, isang malaking islang may kasaysayan na mahigit limampung taon nang sinisira ng mga alitan. Ang mga tunggalian sa pagitan ng mga armadong grupo at ng hukbong sandatahan ng Pilipinas ay kalimitang nauuwi sa karahasan. Ang siyudad ng Marawi ay nasa probinsiya ng Lanao del Sur sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM). Ang rehiyong ito’y matagal nang naghihirap—taglay nito ang pinakamahinang health at economic indicators sa bansa.
Ground Zero, Marawi City
Marawi City, Pilipinas. Oktubre 2022. © MSF/Regina Layug Rosero
Marawi City, Pilipinas. Oktubre 2022. © MSF/Regina Layug Rosero
Marawi City, Pilipinas. Hulyo 2022. © MSF/Ely Sok
Noong Mayo 2017, kinubkob ang Marawi ng dalawang grupong konektado sa Islamic na estado. Nauwi ito sa pakikipagtunggali nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Umabot ng limang buwan ang kanilang labanan, at napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan ang mahigit sa 350,000 na residente ng Marawi at ng mga kalapit nitong munisipalidad. Dahil sa mga labanang ito’y nawasak ang sentro ng siyudad. "Ang sentro ng siyudad ng Marawi, na tinawag na Ground Zero, ay hawig sa mga larawang lumalabas sa balita mula sa Mariupol o Mosul," sabi ni Aurélien Sigwalt, head of mission ng Doctors Without Borders sa Pilipinas.
- Rasmia Magompara, isang pasyente
Ibinahagi ng pasyenteng si Rasmia Maonara Magompara, 56 na taong gulang: "Bago naganap ang pagkubkob sa Marawi, mayroon kaming kainan at car wash sa Banggolo Plaza, at kumikita kami ng PhP30,000 hanggang 40,000 kada buwan. Gumuho ang lahat noong pagkubkob. Ngayon, may hardin ako, at mayroon uli akong binuksang kainan. Ang mga iyon ang pinagkakakitaan namin. Nagsisikap ang aming pamilya upang maitaguyod ang aming kabuhayan."
Ginagamot si Rasmia ng Doctors Without Borders para sa hypertension at diabetes, at regular siyang pumupunta sa klinika ng Doctors Without Borders sa Sagonsongan. Marawi City, Pilipinas. Oktubre 2022 © MSF/Regina Layug Rosero
Pagsuporta sa mga nawalan ng tirahan sa gitna ng pagkubkob
Noong Hulyo 2017, naglunsad ang Doctors Without Borders ng proyekto upang matulungan ang mga taong napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan dahil sa mga armadong labanan sa kanilang paligid. Nagbigay ang Doctors Without Borders ng suporta sa water and sanitation, at ng psychological first aid para sa 11,000 na taong nakatira sa mga evacuation centre sa Marawi at sa rehiyong nakapalibot dito.
Si Dr. Natasha Reyes ang emergency response support manager noong panahong iyon. "Ang unang bahagi ng pagtugon ng Doctors Without Borders ay ang pagtiyak na ang mga tao ay makakakuha ng malinis at libreng tubig," sabi niya. "Namahagi kami ng mga jerrycan at water purification tablet, nag-ayos ng mga tubo at inidoro, naglagay ng mga shower, at nagtayo ng mga reservoir upang ang mga komunidad ay makakapag-imbak ng tubig."
"Ang isa pa naming prayoridad ay ang pagbibigay ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Nag-organisa kami ng psychosocial activities para sa mga bata. Naapektuhan din sila ng stress na nararamdaman ng kanilang mga magulang. Gumamit kami ng play therapy bilang paraan upang muli nilang maramdaman na sila’y mga bata pa. Nagdaos din kami ng mga one-on-one session para sa matatanda at bata na nangangailangan nito."
Mula observer, naging health promoter
Si Amelia Pandapatan ay isa sa mga nawalan ng tirahan at nakatanggap ng suporta mula sa Doctors Without Borders noong 2017. “Nakita ko ang Doctors Without Borders na pumupunta sa mga shelter, nagsasagawa ng programa para sa kalusugang pangkaisipan, at namimigay ng mga hygiene kit,” kuwento niya.
Si Amelia Pandapatan ay isa sa mga nawalan ng tirahan at nakatanggap ng suporta mula sa Doctors Without Borders noong 2017. Marawi City, Pilipinas. Oktubre 2022 © MSF/Regina Layug Rosero
Nang nalaman niyang tumatanggap ng mga aplikante ang Doctors Without Borders, nag-apply agad siya bilang health promoter. Binalikan nila ang mga hamon na hinarap nila noong 2017: "Noong una, maliit na grupo lang ang aming medical team sa maliit na local staff. Mayroon lang kaming isang doktor, isang parmasyutiko, dalawang nars at isang health promoter. Nagawa namin ang aming pang-araw-araw na aktibidad sa klinika, ngunit hindi ito naging madali. Tumutulong ang mga health promoter sa registration ng mga pasyente, sinusuri namin ang kanilang mga vital sign. Naging tagapagsalin din ako kapag nag-uusap ang doktor at ang pasyente."
Kung isasaalang-alang natin ang kasaysayan ng rehiyon sa pagkakaroon ng mahinang health indicators, ang trabaho ng isang health promoter ay kritikal. Ito naman ang maipagmamalaki ng Pandapatan. "Bilang mga health promoter, naghahatid kami ng edukasyong pangkalusugan sa aming mga pasyente at sa komunidad. Iyan ang isa sa aming mga tagumpay, na makitang kaya na ng aming mga pasyenteng pangalagaan ang kanilang sariling kalusugan."
Mga naantalang buhay, at ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga tao pagkatapos ng alitan
Unti-unti, naging mapanatag na ang sitwasyon sa Marawi. Ang mga taong nawalan ng tirahan ay nakalipat na mula sa mga tolda patungo sa mga evacuation centre at sa mga pansamantalang masisilungan. Ang mga huling pamilya ay lumipat na sa mga shelter noong Enero 2020. Dahil sa mga hamon sa muling pagtatag ng siyudad, marami sa mga residente ng Marawi ang hindi nakabalik sa sentro ng siyudad, at sa halip ay nanatili sila sa mga shelter hanggang ngayon. Marami ang hindi binigyan ng permiso upang makabalik sa kanilang mga tirahan, habang ang iba naman ay hindi makapagtayo o makapagpaayos ng kanilang bahay dahil sa kakulangan ng pera.
Sa 39 na pasilidad pangkalusugan sa Marawi at sa mga lugar na nakapalibot dito, 15 na ang tumatakbo noong 2020; ang iba ay nawasak na o di kaya’y hindi na kayang magbukas muli. Sinuportahan ng Doctors Without Borders ang rehabilitasyon ng mga pasilidad at klinika ng Marawi Rural Health Unit (RHU) at City Health Office (CHO), pati na rin ang mga klinika ng tatlong shelters sa siyudad.
Noong 2018, nagsimula ang Doctors Without Borders na magtrabaho sa mga klinika sa tatlong transitory shelter, pati na rin sa pangunahing CHO, kung saan sila’y nagbibigay ng libreng konsultasyon at libreng gamot para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan.
Ipinagbibigay-alam ni Sarah Ambor, isang health promotion supervisor, na ang mga pasyente ay hindi maaaring pumasok sa klinika nang walang suot na mask. Habang naghihintay ang mga pasyenteng makapasok sa klinika, tinuturuan niya ang mga ito ng tamang paghuhugas ng kamay. Oktubre 2022. © MSF/Regina Layug Rosero
Kinakapanayam ni Michelle Lovely Carl, Nurse Team Supervisor, ang mga pasyente bilang bahagi ng proseso ng triage sa health station ng shelter sa Rorogagus. Marawi City, Pilipinas. Oktubre 2022. © MSF/Regina Layug Rosero
Sa pagbaba ng emergency needs, ang mga isyung pangkalusugan na dati na nilang problema ay muling lumitaw. Ang hypertension at diabetes ay dalawa sa sampung pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa rehiyon ng Lanao del Sur. Ito ang dahilan kaya nagsimula ang Doctors Without Borders ng programang nakatuon sa mga sakit na hindi nakakahawa noong 2019.
Dagdag sa pagbibigay ng mga konsultasyon at gamot, ang mga Doctors Without Borders health promotion staff ay nagdadaos din ng mga education session, kung saan matututunan ng mga pasyente ang tungkol sa mga sakit na hindi nakakahawa at kung ano ang puwede nilang gawin upang mapanatili ang kanilang kalusugan. “Noong nagsimula ang Doctors Without Borders na magtrabaho sa klinika sa shelter ng Rorogagus, ako at ang aking asawa ay nagpapasalamat na malapit ang klinika sa amin at nakatanggap kami ng libreng gamot,” sabi ng pasyenteng si Said Abdullah, 76 na taong gulang. “Sinunod namin ang mga payo sa amin. Nag-eehersisyo na ako at iniiwasan ko na ang mga pagkaing bawal sa mga may high blood pressure. Ngayo’y mas mabuti na ang pakiramdam ko. Nawala na ang araw-araw na pagkahilo.”
Sa pagitan ng 2018 at 2022, ang mga Doctors Without Borders team ay nagsagawa ng 30,000 primary healthcare consultations at mahigit 10,000 non-communicable disease consultations sa Marawi.
Si Said Abdullah, 76 na taong gulang, ay kabilang sa Doctors Without Borders non-communicable diseases (NCD) program sa klinika ng Rorogagus sa Marawi City mula noong Enero 2021. Mayroon siyang hypertension. Marawi City, Pilipinas. Oktubre 2022 © MSF/Regina Layug Rosero
Paghahabilin ng mga medical activities sa mga lokal na health personnel
"Limang taon pagkatapos ng pagkubkob, tapos na ang mga acute at post-emergency phase. Kaya na ng mga awtoridad pangkalusugan ng Marawi na gamutin ang mga pasyenteng may mga sakit na hindi nakahahawa, at makapagbigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan sa mga tao sa Marawi," ayon kay Sigwalt. Dahil sa napipintong pagsara ng proyekto, nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa Marawi CHO upang pagyamanin ang lokal na kapasidad sa pagsusuporta ng pangangailangang pangkalusugan. Nagbigay din sila ng mga gamot na makakatulong sa patuloy na pangangalaga ng mga pasyente.
Ang mga pasyenteng kabilang sa non-communicable disease program ng Doctors Without Borders ay unti-unti nang inililipat sa CHO nitong mga nakaraang buwan. Paliwanag ni Sarah Ambor, Doctors Without Borders health promotion supervisor, "Kada buwan ay nakikipagpulong kami sa CHO upang magbigay ng mga update tungkol sa mga pasyente, ang kanilang mga gamot at ang kanilang mga pangangailangan upang patuloy silang makatanggap ng pangangalaga."
Noong 2021 at 2022, nagpatupad ang Doctors Without Borders ng mentorship program para sa 67 RHU staff members sa probinsya ng Lanao del Sur upang maturuan sila ng technical skills at mabigyan ng kaalaman ukol sa paggamot ng mga non-communicable disease.
Limang taon pagkalipas ng pagkubkob, iniinda pa rin ng siyudad ng Marawi ang mga sugat na idinulot nito. Maraming mga istruktura ang nananatiling wasak sa ‘Ground Zero’. Simple lang ang hiling ng pasyenteng si Said Abdullah: "Sana hindi na mangyari uli iyon, sana magkaroon na ng kapayaaan sa Marawi."
Nananatili ang Doctors Without Borders sa Pilipinas. Nagpapatakbo kami ng programa para sa tuberculosis sa Manila, at patuloy naming tatasahin ang mga pangangailangan ng ibang organisasyong pangkalusugan sa bansa ngayong 2023.