Skip to main content

    Ang pagbibigay ng suportang medikal at sanitasyon matapos ang mapanirang mga baha sa Bangladesh

    BDG flooding

    Dahil sa mga biglaang pagbaha sa Noakhali, ang mga bahay, mga pananim at mga kalsada ay napinsala. Isang bakuran sa isang barangay sa Noakhali ay nakalubog sa baha. Setyembre 2024.  ©Farah Tanjee/MSF

    “Bagama’t ang aming tahanan ay nakaligtas sa mga pagbaha, ang aming paligid ay nakalubog sa tubig, kung kaya’t hindi ligtas inumin ang tubig mula sa pinagkukunan namin,” sabi ni Javed, ang ama ni Salman.

    Gaya ng iba, walang magawa ang pamilya ni Salman kundi uminom na lang ng kontaminadong tubig, na naging sanhi ng malawakang outbreak ng diarrhoea o pagtatae. Sa kabila ng kanilang pagsusumikap na gamutin si Salman sa bahay gamit ang mga over-the-counter na gamot mula sa doktor sa barangay, lumala ang kanyang kondisyon at nag-udyok sa kanyang mga magulang na kumuha ng kagyat na atensyong medikal mula sa ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders/ Médecins Sans Frontières (MSF).

    Salman

    Si Salman, sa edad na 14 na buwan lamang, ay nagdurusa mula sa acute watery diarrhoea pagkatapos ng pagbaha sa distrito ng Noakhali. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa Noakhali General Hospital upang ipagamot. Setyembre  2024.  ©Farah Tanjee/MSF

    Ang pinakamalalang pagbaha sa loob ng dalawang dekada sa Noakhali

    Simula noong huling bahagi ng Agosto, ang Noakhali at Feni ay nahaharap na sa mga biglaang pagbaha na dulot ng walang patid na pagbagsak ng monsoon rain. Ang kasalukuyang mga pagbaha ay maaaring isa sa pinakamapangwasak sa Noakhali nitong nakaraang dalawang dekada.

    “Habang umaakyat ang tubig-baha, alam kong kailangan kong makauwi, anuman ang panganib,” sabi ni Humayun Ahmed Rifat, na taga- barangay Kabilpur sa Noakhali. “Hindi ko makayang isipin ang pagdurusa ng aking pamilya at ang pagkawala ng kanilang mga kagamitan. Dali-dali naming sinubukang masagip ang anumang makaya namin.”

    Si Rifat ay humangos mula sa Chittagong patungo sa kanyang barangay upang suportahan ang kanyang pamilya. Kinailangan ng kanyang ina at nakababatang kapatid na babae na panatiliing ligtas ang kanilang mga sarili habang ang tubig ay dumaluyong papasok sa kanilang tirahan.

    Winasak ng tubig-baha ang mga tahanan, bukirin, at mga imprastruktura. Nalubog ang mga kalsada, kaya’t hindi mapuntahan ang mga komunidad at nahadlangan ang mga relief effort. Malawakan ang pagkawasak, libo-libong tao ang nawalan ng tirahan at nagsusumikap na mabuhay.

    “Hindi lang ang aking kabuhayan ang tinangay ng baha, winasak din nito ang aking pag-asa,” sabi ni Javed. “Malaki ang halagang ibinuhos ko sa aking palaisdaan at mga palayan, at nakita ko itong tinangay lang ng walang humpay na pagbaha. Nawala sa akin ang lahat. Ang laki ng halagang nawala sa akin ay nakapanghihina, ngunit hindi lang naman ako ang nakaranas nito.”

    flooding

    Dahil sa mga biglaang pagbaha sa Noakhali, ang mga kalsada ay nawasak at nalubog sa tubig-baha. Namamangka ang mga tao upang makarating sa kanilang mga dapat puntahan. Setyembre 2024.  ©Farah Tanjee/MSF

    Ang mga isyu ng kalusugan matapos ang pagbaha at ang marupok na water and sanitation system

    Ang tubig-baha ay nagdadala ng mga sakit na tulad ng diarrhoea at mga impeksyon sa balat. Ang kakulangan ng mapagkukunan ng malinis na inuming tubig at ng mga sanitation facility ay nagpalala sa krisis ng pampublikong kalusugan. Ang mga bata, nakatatanda, at mga kababaihan ang pinakananganganib sa sitwasyong ito.

    Bilang tugon sa mga pagbaha, naglunsad ang mga team ng Doctors Without Borders ng isang emergency response sa Noakhali sa pagitan ng simula ng Setyembre at simula ng Oktubre. Binigyang-tuon nila ang resulta ng kanilang pagtatasa na tumutukoy sa pangangailangan para sa mga serbisyong medikal at water sanitation.

    Si Jasmine, na nagdadalang tao at mula sa Laxminarayanpur, Maijdee, ay napilitang tumakas mula sa kanyang binahang tirahan ilang oras lang matapos ang pag-akyat ng baha.

    “Kinailangan kong humangos papunta sa shelter kasama ang aking tatlong taong gulang na anak na lalaki,” sabi niya. “Napakabilis ng pagtaas ng tubig; wala kaming panahong mag-empake.”

    “Pagbalik namin sa aming tirahan, kinailangan kong harapin ang mga hamong kaakibat ng pagtira sa isang bahay na nababad sa tubig-baha. Sapagkat ako’y nagdadalang tao, ginawa ko ang lahat upang makapag-ingat, ngunit naapektuhan pa rin ng kontaminadong tubig ang aking kalusugan,” sabi ni Jasmine. “Nagdurusa ako dahil sa diarrhoea, at ilang beses na akong napipilitang gumamit ng baradong inidoro.”

    Dinala si Jasmine ng kanyang kapatid na lalaki sa Noakhali General Hospital, kung saan siya’y ipinasok dahil sa kanyang lumalalang kondisyon.

    Ang in-patient department ng ospital, na may 250 na kama, ay napuspos dahil sa dami ng mga pasyenteng may acute watery diarrhoea.  Ang mga hospital staff, pati na rin ang medical team ng Doctors Without Borders na sumusuporta sa mga paediatric at adult ward, ay nagsumikap na matugunan ang parami nang paraming nangangailangan. Ang mga pasyente ay hile-hilera na dahil sa dami ng mga dumadating na may sakit. 

    “Sa sobrang siksikan ng ospital, halos wala nang malakaran,” sabi ni Pankaj Paul, ang deputy medical coordinator ng Doctors Without Borders sa Bangladesh. “Ang hygiene at ang kalinisan ay mga pangunahing alalahanin dahil sa malaking bilang ng mga pasyente at ng kanilang mga tagapangalaga. Sobra-sobra sa kanilang kapasidad ang tinanggap ng pasilidad.” 

    “Noong sinimulan namin ang aming pagtugon, una naming pinagtuunan ang paggamot. Subalit hindi nagtagal at aming napagtanto na maraming mga pasyente ang maaari nang pauwiin matapos silang obserbahan sa loob lamang ng maikling panahon,” sabi ni Paul. “Upang maayos ang daloy ng mga pasyente at matiyak ang de-kalidad na pangangalaga, nagpatupad kami ng isang sistema ng triage, na nagbigay-daan sa amin upang magamit nang mabuti kung anuman ang mayroon kami.”

    flash flood

    Upang matiyak ang pagkakaroon ng mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig, nagsagawa ang team ng disinfection at pagkumpuni ng mga sirang tube well sa mga distrito ng Noakhali at Feni, habang ginagawan din ng disinfection ang mga tangke ng tubig sa ospital upang mapigilan ang pagkalat ng mga sakit. Setyembre 2024.  ©Farah Tanjee/MSF

    flashflood

    Upang matiyak ang pagkakaroon ng mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig, nagsagawa ang team ng disinfection at pagkumpuni ng mga sirang tube well sa mga distrito ng Noakhali at Feni, habang ginagawan din ng disinfection ang mga tangke ng tubig sa ospital upang mapigilan ang pagkalat ng mga sakit. Nagsagawa din ang team ng training tungkol sa pag-disinfect ng tubig at pag-ayos ng nasirang tubewells, at namigay ng kagamitan para sa mga gawaing ito. Setyembre 2024.  ©Farah Tanjee/MSF

    hosp

    Ang Doctors Without Borders medical team sa Sadar Hospital sa Noakhali. Ang Sadar Hospital ay may 250 na kama. Sa ospital ay nagkokontulta ang mga pasyenteng may acute watery diarrhea o  pagtatae. Para maayos ang daloy ng pasyente at siguraduhin ang kalidad ng pag-aalaga, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng triage sa ospital admissions. Setyembre 2024.  ©Farah Tanjee/MSF

    nurse medication

    Isang Doctors Without Borders nurse ang nagbibigay ng gamot at hinahanda ang pasyenteng may acute watery diarrhea para sa saline injection. Itong larawan ay kinuha sa adult diarrhea ward sa Noakhali General Hospital pagkatapos ng mga baha floods sa Noakhali. Setyembre 2024.  ©Farah Tanjee/MSF.

    Sa pagitan ng Setyembre 5 at Oktubre 4, ginamot ng mga Doctors Without Borders teams ang 1,946 na pasyente na may acute watery diarrhea. Bilang karagdagan, 154 na health promotion sessions ang isinagawa sa ospital, at nagtayo kami ng isang diarrhea emergency ward. Nag-recruit din kami ng 24 na tagapaglinis para ipatupad ang tamang mga hakbang sa kalinisan.

    Upang matiyak ang access sa ligtas na inuming tubig, ang team ay nagdidisimpekta at nag-ayos ng mga sirang tubo sa mga distrito ng Noakhali at Feni, habang nagdidisimpekta rin sa mga tangke ng tubig sa ospital upang maiwasan ang pagkalat ng mga sakit.

    Sa tulong ng isang lokal na non-governmental organization o NGO, namahagi ang Doctors Without Borders ng 1,000 na kit na may mga lamang gaya ng mga kulambo, mga flashlight, sabon, detergent powder, mga lampin, mga toothbrush, toothpaste, at mga sanitary napkin, sa limang kinaroroonan ng Kabirhat upazila (administrative division). Sa Feni, pinagtuunan ng Doctors Without Borders ang water and sanitation, at ang disinfection at pagkukumpuni ng mga tube well. Binigyan din ng pagsasanay ng water and sanitation team ukol sa disinfection at pagkukumpuni ang 45 na team ng mga boluntaryo sa 45 na barangay sa iba’t ibang bahagi ng Noakhali at Feni.

    “Noong kasisimula pa lamang ng aming emergency response, may mahigit 500 na pasyente kada linggo sa Noakhali General Hospital, ngunit nang matapos na namin ang aming proyekto, bumaba na ang bilang sa 300,” sabi ni Niladri Chakma, ang emergency project coordinator ng Doctors Without Borders sa Bangladesh. “Nang ipinasa na namin ang proyekto sa Ministry of Health, tiwala kami na ang aming mga ginawa para sa ospital, gaya ng pagpapatupad ng sistema ng triage, ay mauuwi sa mas mahusay na access sa pangangalagang pangkalusugan.”

    Bagama’t winakasan na ng Doctors Without Borders ang aming emergency intervention noong Oktubre 4, handa pa rin kaming tumulong sa mga pambansang awtoridad at sa mga lokal na opisyal ng Bangladesh kapag may mga natural na kalamidad, habang patuloy ang aming mga pagkilos sa Cox’s Bazar at sa Dhaka.

    Categories