Papua New Guinea: Ang pagpapatibay ng pangangalaga sa kanser sa buong paglalakbay ng pasyente sa Morobe
Isang palliative care ward sa ANGAU Memorial Provincial Hospital, sa probinsya ng Morobe. Sinusuri ng mga bagong nars ang mga pasyente bilang bahagi ng pinangungunahan ng Doctors Without Borders na on-the-job training upang patatagin ang mga serbisyong kaugnay ng palliative care. Ito'y ginagawa nila sa pakikipagtulungan sa ospital. Papua New Guinea, 2026. © MSF
Habang ang bansa ay nahaharap sa maraming alalahanin sa larangan ng pampublikong kalusugan, tulad ng limitadong access dahil sa bulubunduking lupain, hindi sapat na imprastruktura, kakulangan ng pagpopondo, at mababang antas ng kamalayan ukol sa kalusugan, namumukod-tangi ang kanser dahil sa mabilis nitong paglala, sa tindi ng epekto nito, at sa kakulangan ng makukuhang paggamot na maaaring pagpilian ng mga pasyente, partikular na sa mga rural at liblib na lugar, kung saan nakatira ang karamihan sa populasyon.
"Ang malalaking hindi pagkakapantay-pantay sa makukuhang pangangalagang pangkalusugan, ang kakulangan ng kamalayan ukol sa kalusugan, at ang mga paniniwalang batay sa kanilang kultura ay nagpapalala sa sitwasyon. Ngayon, ang malalayong agwat sa indibidwal na kayamanan at health resources ay nangangahulugang maliit na bahagi lamang ng populasyon ang makatatanggap ng maagang paggamot," sabi ni Robert Keango, ang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa PNG.
"Madalas, ang desisyong magpagamot ay nakasalalay sa kagustuhan ng pamilya na isantabi ang mga paniniwalang iniuugnay ang karamdaman sa kulam, at sa kanilang kakayahang tustusan ang gastos sa paglalakbay papunta sa mga pasilidad pangkalusugan. Pagdating nila roon, karaniwang humaharap ang mga pasyente sa kakulangan ng mga espesyalista at limitadong mga opsyon ng pagsusuri at paggamot. Sa huli, karamihan sa mga pasyente ay humihingi ng tulong medika nang huli na," pagpapatuloy ni Robert.
Noong 2022, 7,200 na mga tao ang tinatantiyang namatay sanhi ng kanser, at tinatayang pagdating ng 2030, maaaring magkaroon ng 16,506 na mga bagong kaso ng kanser sa PNG kada taon. Ang mga pagtatayang ito mula sa International Agency for Research on Cancer (IARC) at GLOBOCAN na pinaniniwalaang higit na mababa kaysa sa actual burden, sapagka’t maraming mga kaso ang hindi natutukoy o naiuulat.
"Para sa maraming tao sa PNG, ang pagtanggap sa isang diagnosis ng kanser ay kadalasang nangangahulugan ng matinding pagdurusa, kawalan ng katiyakan, at pagharap sa sistemang pangkalusugan na nahihirapang tugunan ang mga lumalaking pangangailangan,” paliwanag ni Ivo Juliao, ang Cancer Initiative Coordinator ng Doctors Without Borders sa probinsya ng Morobe.
May ilang mga pangunahing hamon sa sitwasyong ito. Bukod sa huli nang nagpapatingin ang mga pasyente, limitado ang kapasidad ng sistemang pangkalusugan sa pagbibigay ng napapanahon at angkop na diagnosis at paggamot. Limitado rin ang mga maaaring sumailalim sa mga operasyon, sa chemotherapy, at sa radiotherapy. Nananatiling lubhang limitado ang pangangalaga sa kanser: dalawang pasilidad pangkalusugan lamang sa buong bansa ang nakapagbibigay ng mga partikular na serbisyo, at mayroon pa ring mga malalaking agwat sa makukuhang komprehensibong pangangalaga.
“Noong natukoy na may breast cancer ako, nasa advanced stage na ang sakit, kaya’t kinailangan kong ipatanggal ang dalawa kong suso,” sabi ng isang pasyenteng tinanggap sa palliative care ward ng ANGAU Memorial Provincial Hospital sa Lae, sa probinsya ng Morobe, ang pangalawang pinakamalaking lungsod sa PNG.
Ang palliative care ay hindi lang pangangasiwa sa mga sintomas ng malapit nang mamatay. Ito ay tungkol sa pagpapaunlad ng kalidad ng buhay, pagpapagaan ng pagdurusa, at pagpapanumbalik ng dignidad ng mga pasyente.Owen Mgawi, Nursing Activity Manager
Pagtugon sa kritikal na kakulangan sa pangangalaga ng kanser
Ang ANGAU Hospital ay ang tanging Cancer Referral Center sa bansa. Tinatayang 80 hanggang 90% ng mga pasyente rito na natukoy na may kanser ay nangangailangan na ng end-of-life care, dahil dumarating sila nang malala na ang kanilang kondisyon. Dahil napakalimitado ng mga serbisyong kaugnay ng palliative care sa PNG, maraming mga pasyente ang nakararanas ng matagal at hindi kinakailangang tiisin na pisikal na sakit, hirap sa paghinga, pagduduwal, pagkabalisa, takot, at pagkawala ng dignidad sa pinakamahinang yugto ng kanilang buhay. Ang mga pamilya nila ay nagsisikap na mapangalagaan sila kahit na wala naman silang kaalaman o mga kasangkapan upang makapagbigay ng ginhawa. Sa kontekstong ito, ang pangangailangan para sa palliative care ay kagyat at malalim.
“Ang palliative care ay hindi lang pangangasiwa sa mga sintomas ng malapit nang mamatay. Ito ay tungkol sa pagpapaunlad ng kalidad ng buhay, pagpapagaan ng pagdurusa, at pagpapanumbalik ng dignidad ng mga pasyente at ng kanilang mga pamilya mula noong kanilang natanggap ang diagnosis,” sabi ni Owen Mgawi, ang Nursing Activity Manager ng Doctors Without Borders sa Morobe.
Upang mapunan ang mga puwang na ito, sinimulan ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ang Morobe Cancer Initiative noong Setyembre 2025 sa pakikipagtulungan sa mga lokal na awtoridad ng kalusugan.
“Ang pangmatagalang inisyatibang ito, na nakabase sa ANGAU Memorial Provincial Hospital, ay naglalayong patatagin ang pagpapatuloy ng pangangalaga ng kanser sa probinsya ng Morobe sa pamamagitan ng pagsuporta sa mapananatiling pag-unlad ng sistemang pangkalusugan. Sinisikap din nitong gawing mahalagang bahagi ang palliative care ng pangangasiwa ng kanser sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga pasyente ng mapagkukunan ng libre at komprehensibong mga serbisyo,” dagdag ni Ivo.
Sinusuri ni Sister Abel, ang nurse manager ng palliative care ward ng ANGAU Memorial Provincial Hospital, ang isang pasyente sa tulong ng isang bagong nars. Papua New Guinea, 2026. © MSF
Isang pangunahing pinagtutuunan ay ang pagpapalakas ng kapasidad ng mga nars.
“Ang mga nars ang pinakamatagal na nakakasalamuha ng mga pasyente. Sila ang unang nakakapansin kung may nararamdaman ang pasyente na sakit, pighati, o mga pagbabago sa kanilang kondisyon. Ang kanilang abilidad na matasa ang mga sintomas,makapagbigay ng ginhawa, magpahayag nang malinaw, at magbigay ng suportang ispiritwal ay sentro ng de-kalidad na palliative care,” dagdag ni Owen.
Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng mga pagsasanay na teoretikal at on-the-job ukol sa mga prinsipyo ng palliative care, pagtatasa ng mga sintomas, pangangalaga sa mga sugat, at suportang psychosocial at ispiritwal. Sa mga pagsasanay na ito, ang mga nars ay tinuturuan kung paanong gumamit ng mga pain assessment tool, na nagbibigay sa kanila ng kakayahang matukoy ang antas ng sakit na nararamdaman ng mga pasyente at tugunan ito ng ligtas na paggamot. Tinutulungan din ng Doctors Without Borders ang mga nars sa pagtuturo sa mga pamilya kung paano pangasiwaan ang pag-inom ng gamot sa tahanan, bawasan ang takot sa paggamit ng mga gamot, at maiwasan ang maling paggamit ng mga ito.
Dagdag pa sa clinical training, tinutulungan din ng Doctors Without Borders ang mga nars na matukoy ang mga emosyonal, social, at ispiritwal na pangangailangan ng kanilang mga pasyente at iugnay sila sa mga social worker o iba pang mga serbisyong pangsuporta.
“Kapag ang mga tao’y nagkakasakit nang malubha, may ibang nakararamdam na ang kanilang sakit ay tila parusa, o senyales na inabandona na sila ng Diyos,”paliwanag ni Owen. “Ang pagkilala sa mga ganitong emosyon at ang pag-uugnay ng mga pasyente sa mga makapagbibigay ng tamang suporta ay mahalagang bahagi ng palliative care.”
Ang cancer ward ng ANGAU Memorial Provincial Hospital sa probinsya ng Morobe. Papua New Guinea, 2026. © MSF
Sa ANGAU Hospital, may pagbabago sa kapaligiran ng palliative care unit: mas bukas ang mga pasyente, at ayon sa mga nars, nakapagbibigay na sila ng pangangalagang may higit na pagmamalasakit at kalinawan. Madalas na inilalarawan ni Sister Abel, isang nurse manager, ang sitwasyon bilang “ang kagalingan ng mahika ng MSF”.
Ang pagpapatibay ng mga kakayahan ng mga nars ay hindi lamang nagbibigay ng agarang ginhawa sa mga pasyente, ito rin ay nagtatatag ng pangmatagalang kapasidad ng sistemang pangkalusugan ng probinsya. Ang pagbabago ay hindi lamang pinatatakbo ng mga medikal na kagamitan o gamot, kundi pati na rin ng kaalaman, mga kakayahan, at presensya ng tao.
Mananatiling isang malaking hamon ang kanser sa PNG sa mga darating na taon, ngunit hindi kailangang magpatuloy ang pagdurusa. Bagama’t ang sakit, takot, at pag-iisa ay hindi maiiwasan para sa mga pasyenteng may kanser, layunin ng proyektong ito na matiyak na ang pangangalaga ay madaling maabot at ang ginhawa ay posibleng makamtan, sa pamamagitan ng paglalapit ng mga serbisyo sa mga pasyente at komunidad.