Haiti: Itinala sa isang ulat ng MSF ang nakaaalarmang pagdami ng kaso ng karahasang sekswal sa Port-au-Prince
Sa tanggapan ng Doctors Without Borders, inilarawan isang babaeng edad 51sa mga staff ng ilang beses n siya'y nakaranas nd sekswal na karahasan. Nung isang beses, siya's binugbog nung dinakip siya at ang kaniyang pamilya ng isang grupo ng mga armadong lalake. Nakabagybayad siya ng tubos para sa kanyang pamilya, ngunit namatay ang kanyang ma dahil sa mga sugat na natamo sa kanilang pagkabihag. Haiti, 2025 © MSF
Port-au-Prince, Enero 28, 2026 – Dumami ang mga kaso ng sexual and gender-based violence (SGBV) sa kabisera ng Haiti mula noong 2021 at ito’y ginagamit sa sistematikong paraan upang takutin ang mga tao lalo na ang mga kababaihan, ayon sa isang ulat na inilabas ngayong araw na ito ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Nangyayari ang krisis na ito habang ang mga imprastruktura, mga serbisyong pampubliko, at mga kondisyon ng pamumuhay ay lumalala nang husto sa gitna ng laganap na karahasan at kawalan ng seguridad.
Ang ulat ng Doctors Without Borders, na pinamagatang “Sexual and gender-based violence in Port-au-Prince, Haiti, (Karahasang sekswal at karahasang batay sa kasarian sa Port-au-Prince, Haiti)” ay base sa 10 na taong datos na medikal at mga patotoong kinolekta sa Pran Men'm Clinic ng Doctors Without Borders. Mula noong buksan ng Doctors Without Borders ang klinikang ito noong 2015, ito’y nakapagbigay ng komprehensibong pangangalagang medikal at psychosocial sa halos 17,000 na tao, 98% sa kanila ay mga kababaihan.
“Ang bilang ng mga survivor ng SGBV na nakatatanggap ng pangangalaga mula sa klinika ay halos naging triple na – mula 95 kada buwan noong 2021, ito’y naging 250 na sa bawat buwan ng 2025,” sabi ni Diana Manilla Arroyo, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Haiti. “Ipinapakita nito kung paano nakaapekto ang pagputok ng karahasan sa Haiti nitong mga nakalipas na taon sa mga kababaihan ng Port-au-Prince.”
Ipinakita sa ulat na walang kababaihang ligtas, anuman ang kanilang edad. Marami sa mga survivor ay mga nawalan ng tirahan kung kaya’t sila’y mas lalong nalantad sa karahasan. Halos isa sa bawat limang survivor na ginamot sa Pran Men'm ang nakaranas ng mahigit isang insidente ng SGBV.
Ibinahagi ng isang 41-taong-gulang na babae ang kanyang karanasan sa sexual violence at pagpapaalis sa mga staff ng Doctors Without Borders sa tanggapan ng organisasyon. Nang sakupin ng isang armadong grupo ang kanyang kapitbahayan, tumakas siya patungo sa isang kampo ng mga pinaalisan upang matiyak ang kaligtasan ng kanyang mga anak. Kalaunan ay bumalik siya sa bahay upang kunin ang mga mahahalagang bagay, kung saan siya ay sinalakay ng isang grupo ng mga armadong lalaki. Itinataguyod niya ang higit na suporta para sa mga kababaihan at batang babae na naninirahan sa mga kampo ng mga pinaalisan, kung saan mahirap ang mga kondisyon, pati na rin ang suportang sosyoekonomiko para sa mga nakaligtas sa sexual violence. Haiti, 2025 © MSF
Nagkaroon din ng nakagugulat na pagtindi ng antas ng karahasan. Sa mga survivor na nakatanggap ng pangangalaga sa Pran Men'm mula noong 2022, 57% ang nag-ulat na sila’y sinaktan ng mga miyembro ng armadong grupo, kadalasa’y nasa konteksto ng pagsalakay ng isang grupo na nagtulung-tulungan sa paggawa ng krimen. Mahigit 100 na mga pasyente ang nag-ulat na sila’y sinalakay ng 10 o higit pang mga masasamang loob nang sabay-sabay.
“Binugbog nila ako at binasag ang aking mga ngipin..." sabi ng isang 53 na taong gulang na survivor sa ulat. "Tatlong kabataang lalaki na puwedeng mga anak ko na... noong tumanggi akong makipagtalik sa kanila, hinampas nila ako at ako’y natumba. Habang ako’y nagsisikap bumangon, sinipa nila ako sa likod, na masakit pa rin matapos ang ilang buwan. Pagkatapos nila akong halayin, ginahasa rin nila ang aking anak... at binugbog ang aking asawa.”
Binibigyang-diin ng ulat na ito ang mga palagiang pagkukulang sa mga serbisyong makukuha ng mga survivor. Kadalasan, hindi maisangguni ng Doctors Without Borders ang mga pasyente nito para sa mga kinakailangang non-medical assistance—tulad ng mga ligtas na masisilungan, mga lugar kung saan sila maaaring lumipat, o suportang pangkabuhayan—na lubhang mahalaga para sa maraming mga survivor. Binibigyang-diin ng sitwasyong ito ang kagyat na pangangailangan upang palakasin at panatiliin ang pagpopondo para sa mga serbisyong pamproteksyon.
Sa harapan, isang 27-taong-gulang na survivor, ina ng dalawa – isang anim na taong gulang na batang lalaki at isang walong buwang gulang na sanggol – ang nagtapat sa isang staff ng Doctors Without Borders. Matapos mapatay ang kanyang asawa sa isang armadong pag-atake sa kanilang barangay, siya ay dumanas ng sekswal na karahasan. Pagkatapos ay tumakas siya kasama ang kanyang mga anak patungo sa isang kampo ng mga nawalan ng tirahan. Haiti, 2025 © MSF
Ang mga survivor ay nahaharap sa maraming hadlang—gaya ng pangamba sa stigma, mga kahirapang pinansyal, kawalan ng seguridad, at kakulangan ng impormasyon—na nakapipigil sa kanilang makakuha ng napapanahong pangangalaga, na sa kasamaang palad ay mayroong mga medikal na kahihinatnan. Mula 2022, isa sa bawat tatlong survivor na nagpatingin sa Pran Men’m ay dumating sa klinika mga tatlong araw pagkatapos nilang maranasan ang karahasan. Kung mas matagal pa rito, hindi na posibleng mapigilan ang pagkahawa mula sa HIV. 59% ng aming mga pasyente ay hindi nakakukuha ng pangangalaga sa loob ng limang araw, na siyang kailangan upang hindi sila magdalang-tao nang hindi ayon sa kanilang kagustuhan.
Ang ulat na ito ay nananawagan para sa kagyat at koordinadong pagkilos ng mga awtoridad ng Haiti, mga service provider, mga donor, mga ahensya ng United Nations, at mga kumikilos para sa seguridad na pabor sa isang tugon na nakasentro sa survivor at nakatuon sa pangmatagalang paggaling.
"Nananawagan kami para sa pinalawak na access sa libreng komprehensibong pangangalagang medikal at psychosocial, na makakamit lamang sa pamamagitan ng mapapanatiling pagdagdag sa pondo para sa mga serbisyong pangsuporta," sabi ni Manilla Arroyo. “Kasinghalaga nito, nananawagan kami para sa maliwanag at walang pag-aalinlangang pagkilala sa kalikasan ng sekswal na karahasan at ang sadyang paggamit nito ng mga armadong grupo bilang kasangkapan sa pagkontrol at pagsupil ng mga kababaihan. Ito ang mga hamong dapat tugunan upang mabigyang-lakas ang mga survivor na muling mabawi ang kontrol sa kanilang mga sariling katawan at buhay."
Susuportahan mo ba ang aming gawain?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.