Skip to main content

    Nabigong pagtugon sa COVID-19 sa Brazil, patungo sa isang humanitarian catastrophe

    MSF supports Emergency Care Units (known locally as UPAs) in Porto Velho, Rondônia state’s capital

    Sinusuportahan ng MSF ang Emergency Care Units, o ang tinatawag na UPA, sa Porto Velho, kabisera ng estado ng Rondônia. Labis na puspos na ang sistemang kalusugan bilang resulta ng COVID-19. Ang mga UPA, kadalasang pinamamahalaan lamang ang pagpapapanatag ng mga pasyente bago sila mailipat sa ibang mga pasilidad. Pero sa ngayon sila na rin ang nag-aalaga ng mas kumplikadong mga pasyente, na di nila likas na kayang alagaan. © Diego Baravelli

    Nitong nakaraang linggo, sa Brazil naitala ang labing-isang porsiyento ng COVID-19 infections at 26.2 percent ng mga kamatayang dulot ng COVID-19 sa buong mundo. Noong ika-8 ng Abril, 4,249 ang namatay sa Brazil dahil sa COVID-19 sa loob lamang ng 24 oras. Kasabay nito’y may naitala ring  86,652 na mga bagong kaso ng COVID-19. Ang mga nakababahalang datos na ito’y malinaw na ebidensiya ng kakulangan ng namamahala as bansa na pangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga mamamayan at protektahan ang mga Brazlian, lalo na ang mga pinaka-walang kalaban-laban,  mula sa virus.
     
    “Ang usapin ng pampublikong kalusugan ay nababahiran ng pulitika sa Brazil," paliwanag ni Dr. Christos Christou, International President ng MSF. “Dahil dito, ang mga polisiyang nakabatay sa siyensiya ay nakakabit sa mga opinyong politikal, sa halip na sa pangangailangang maprotektahan ang mga indibidwal at ang kanilang mga komunidad mula sa COVID-19.” 
     
    "Tumatanggi ang pamahalaang pederal ng Brazil na ipatupad ang mga hakbang na may kaugnayan sa pampublikong kalusugan at napatunayan nang epektibo sa maraming lugar. Pinapaubaya na lang nila ang lahat sa mga medical staff upang mapangalagaan ang mga may sakit at hinahayaan silang maghanap ng sariling solusyon sa mga suliraning tulad ng kakulangan ng kama sa ospital," patuloy ni Dr. Christou. “Kaya naman mistulang permanente nang nagluluksa ang buong bansa, at nauwi na ang lahat sa muntikang pagbagsak ng kanilang sistemang pangkalusugan."
     
    “Ang pagtugon sa COVID-19 sa Brazil ay kinakailangang simulan sa komunidad, hindi sa ICU.” Ito ang pahayag ni Meinie Nicolai, MSF General Director. “Hindi sapat na ang mga medical supplies tulad ng oxygen, sedatives, at PPE ay makarating kung saan ito kinakailangan. Ang pagsusuot ng masks, physical distancing, istriktong pagpapatupad ng mga gawaing pangkalinisan, at ang paghihigpit sa hindi kinakailangang paglalakbay at aktibidad ay kailangang isulong at ipatupad sa bawat komunidad ayon sa kanilang lokal na epidemiological situation.”  

    “Kung kinakailangan, dapat baguhin ang mga patnubay sa paggamot ng mga kaso ng COVID-19 ayon sa mga nalaman mula sa mga pinakabagong pagsasaliksik. Dapat ding gawing madali ang makapagpa-rapid antigen test ang sino mang may kailangan nito.  Sa pamamagitan ng mga ito’y mapapadali  ang pangangalaga sa pasyente at pagkontrol ng outbreak,” dagdag ni Nicolai. 

    Noong isang linggo, puno ang mga intensive care units (ICU) ng 21 sa 27 na mga kabisera ng Brazil.  Sa ibang mga ospital, nagkukulang na sa oxygen na kailangan para sa mga pasyenteng malubha o kritikal, at mga sedatives, na ginagamit naman kapag may kritikal ang kondisyon na nangangailangan na ng intubation.  Kaya naman nasaksihan ng MSF kung paanong ang ibang pasyente, na dapat sana ay may tsansang mabuhay pa, ay iniiwan na lang nang di nabibigyan ng karampatang lunas.

    “Ang nakababahalang sitwasyon na unang nasaksihan ng MSF sa rehiyon ng Amazonas ay naging realidad na sa karamihan ng mga lugar sa Brazil,” sabi ni Pierre Van Heddegem, ang Emergency Coordinator para sa pagtugon ng MSF sa COVID-19 sa Brazil. “Ang kakulangan ng pagpaplano at pakikipag-ugnayan sa pagitan ng federal health authorities at ng kanilang mga katumbas sa mga siyudad at munisipyo ay may mabibigat na kahihinatnan.”
      
    “Bukod sa namamatay ang mga pasyente nang di nakakakuha ng pangangalagang  pangkalusugan, pagod na pagod ang medical staff at nakakaranas sila ng matinding  psychological at emotional trauma dahil sa mga kondisyon sa pagtatrabaho,” paliwanag ni Van Heddegem. 

    Isa pang limitasyon ang kakulangan ng mga lokal na health professionals. Gayunpaman, ang mga dayuhang health staff, at maging mga Brazilian na ang mga kwalipikasyon, tulad ng lisensiya, ay kinuha o para sa ibang bansa, ay hindi pinapayagang magtrabaho sa Brazil.   

    Ang pagkalat ng sakit at pagdami ng mga namamatay sa Brazil ay lalong lumalala dahil sa dami ng maling impormasyong pinagpapasa-pasahan sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang paggamit ng mask,  physical distancing at paghihigpit sa paglalakbay at mga hindi mahalagang aktibidad ay iniiwasan at nilalagyan ng politikal na kulay. Dagdag pa rito, may mga pulitiko na isinusulong ang hydroxychloroquine (gamot sa malaria) at  ivermectin (gamot na kontra-parasitiko) bilang lunas sa COVID-19, at nirereseta rin ng ilang doktor bilang pampigil at panggamot ng COVID-19. 

    Noong 2009, nabakunahan ang 92 milyong Brazilian kontra H1N1 (swine flu) sa loob lang ng tatlong buwan. Ngunit hindi ganito ang nangyayari sa pagbabakuna laban sa COVID-19. Sa kasalukuyan, mga labing-isang porsyento pa lang ng mga tao ang nabakunahan, at di lahat ay nakakuha na ng mahigit isang dosis. Ibig sabihin, milyon-milyong buhay sa loob ng Brazil, at maging sa labas nito, ang nanganganib sa mahigit 90 variants ng virus na kasalukuyang umiikot sa bansa, pati na rin sa iba pang bagong variants na maaaring sumulpot.  

    “Nasaksihan ng mga kinauukulan sa Brazil ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 nitong nakaraang taon,” sabi ni  Dr Christou. “Ang kanilang pagtangging gamitin ang mga patakaran para sa pampublikong kalusugan—na napatunayan naman na—ang nagtutulak sa mga tao sa hukay.Kailangang maging kagyat ang pagtugon sa Brazil, nakabatay sa siyensiya, at maayos ang pagtutulungan upang mapigilan ang mga kamatayang maaari namang maiwasan, at upang di tuluyang gumuho ang dating prestihiyosong sistemang pangkalusugan ng Brazil.”