Malaysia: Nandito ang mga Rohingya refugee, nananahan sa ilalim ng mga anino
Sumisilip si Anuar Begum Abdul Malik, 42, sa may pinto ng kanyang tahanan sa Georgetown, Penang. Si Anuar at ang kanyang pamilya ay dating nakatira sa estado ng Rakhine sa Myanmar. Noong 2015, tumakas sila patungong Malaysia, at nanirahan sa estado ng Kelantan. © Kit Chan
Nitong nakaraang tatlumpung taon, ang mga Rohingya ay pumunta sa Malaysia nang may dalang pag-asa at mga pangarap ng panibago at ligtas na buhay. Ngunit, ang karamihan sa mga nakapaglakbay ay naging marginalized at walang legal na katayuan. Dahil hindi sila makapagtrabaho ng legal, kadalasa’y nilalamon sila ng black-market economy ng Malaysia, kung saan sila’y nanganganib na maging biktima ng exploitation, debt bondage, at mga delikadong trabaho. Ang simpleng paglalakad sa kalye o paghahanap ng pangangalagang medikal ay maaaring mauwi sa kanilang pagkaaresto o di kaya nama’y pagdala sa kanila sa mga detention centre.
Matapos pagkaitan ng pagkamamamayan sa Myanmar, ang mga Rohingya refugee ay nagsilikas sa iba’t ibang bansa tulad ng Malaysia. Ngayo’y mayroon nang mahigit sa 100,000 na Rohingya sa Malaysia. Ngunit hinahamon ng kanilang sistemang legal ang mga Rohingya, lalo pa’t hindi pumirma ang Malaysia sa 1951 Convention Relating to the Status of Refugees at sa 1967 Protocol nito.
Sa ngayon, walang pormal na mekanismong lehislatibo o kaya’y regulatory mechanism ang Malaysia upang maprotektahan ang mga asylum seeker at refugee. Ang mga refugee sa Malaysia ay walang legal na katayuan kaya’t maaari silang masupil at abusuhin. Maraming mga Rohingya sa Malaysia ang nakaranas na ng panliligalig, pangingikil at pagkakakulong.
Ano ang buhay ng mga Rohingya na nasa Malaysia? Ano ang kanilang pinagdadaanan araw-araw sa gitna ng krisis na ilang dekada na nilang tinitiis?
Alalahanin ang mga Rohingya. Alalahanin ang kanilang kalagayan.
Isang pamilyang Rohingya sa loob ng sira-sirang gusali kung saan sila nakatira, sa distrito ng Puchong malapit sa Kuala Lumpur. Abril 26, 2019, © Arnaud Finistre
Si Rashida, 22 taong gulang, ay ipinanganak sa estado ng Rakhine sa Myanmar. Sa edad na 15 noong 2012 ay tumakas siya mula sa Myanmar nang mag-isa at naghanap ng matitirhan sa Bangladesh. Mula roon ay bumiyahe siya ng walong araw papuntang Thailand, lulan ng barkong may 500 pasahero. Sa tulong ng mga smuggler, nakarating siya sa hangganan ng Malaysia nang naglalakad lamang. Tatlo’t kalahating buwan siyang nanatili sa isang detention centre sa Penang. Ngayo’y nakapangasawa na siya ng isang Rohingya na ipinanganak sa Malaysia at nagtatrabaho sa isang cleaning company sa Penang. Abril 17, 2019 © Arnaud Finistre
Habang nagtatrabaho ang mga kalalakihan, nagsasama-sama ang mga kababaihan at kabataang Rohingya para magpalipas ng oras. Penang, Abril 17, 2019, © Arnaud Finistre
Kasama ni Nur, 27 taong gulang (nasa kanan), sa container van na ito ang pitong kasamahan niyang nagtatrabaho para sa isang malaking construction site. Si Muhammad (nasa kaliwa) ay isa sa mga kasama ni Nur. Kabilang sila sa mga nagtatayo ng condominium na may daan-daang units sa distrito ng Bayan Lepas sa Penang, Malaysia. Kadalasan, sa ganitong mga construction site nagtatrabaho ang mga Rohingya kung saan napupunta sa kanila ang mga trabahong walang gustong kumuha o napakadelikado. Tulad din ng ibang mga manggagawa, sa mismong site sila nakatira, magkakasama sa pinakasimpleng matitirhan. Abril 22, 2019, © Arnaud Finistre
Si Sadek, 26 taong gulang, ay dumating mula sa Myanmar noong 2012. Halos tatlong taon na siyang nagbebenta ng mga prutas sa palengke ng Klang. Tulad niya, ang amo niya ay isang Rohingya. Nagtatrabaho siya mula alas tres ng umaga hanggang tanghali, anim na araw sa isang linggo. Klang, Kuala Lumpur. Abril 27, 2019, © Arnaud Finistre
Si Mohamed T., 56 taong gulang, ay nakatayo sa harap ng maliit na tirahan kung saan kasama niya ang anak na babae, ang asawa nito at ang kanilang mga anak. Nagtatrabaho siya ng mahigit labindalawang oras sa isang araw, pitong araw kada linggo sa isang maliit na taniman malapit sa Banding. Tumakas siya mula sa Myanmar noong 2012 matapos usigin ang kanyang pamilya. Bago ito’y walang karanasan si Mohamed sa pagtrabaho sa taniman, pero wala naman daw siyang pagpipilian. “Mas mabuti na ito kaysa wala,” sabi niya. Ang nakababahala lang para sa kanya ay ang madalas na alitan ng mga trabahador na Rohingya at Indian sa taniman. Hindi raw mabuti ang pakikitungo sa kanila ng mga Indian, at may ilang Rohingya nang ninakawan at pinagbantaan. Banding, Kuala Lumpur. Abril 27, 2019, © Arnaud Finistre
Larawan ng isang Rohingyang nagtatrabaho sa isang maliit na taniman sa Banding, Kuala Lumpur. Isa sa mga hanapbuhay na maaaring pasukin ng mga Rohingya sa Malaysia ay ang magtrabaho sa maliliit na taniman. Sa Banding, isang siyudad na 30 minuto ang layo mula sa Kuala Lumpur, may mahigit 150 na Rohingyang nagtatrabaho sa bukid pitong araw sa isang linggo. Pinapatira sila ng kanilang mga among Malaysian sa mga pansamantalang tirahan, kung saan walang mapagkukunan ng tubig. Kinukuha sila bilang mga trabahador dahil pumapayag sila sa mababang sahod, madali silang disiplinahin at wala silang gaanong mga karapatan. Kadalasa’y labindalawang oras silang nagtatrabaho sa isang araw. Kapag sila’y nagkasakit o nasaktan, wala silang health insurance at hindi rin sila bibigyan ng sweldo. Ang mga Rohingya ay hindi rin tanggap ng ibang mga komunidad, kaya’t kadalasa’y nagkakaroon ng tensyon sa pagitan nila at ng ibang mga migrante. Abril 27, 2019, © Arnaud Finistre
Ang tahanan ng isang pamilyang Rohingya sa Butterworth, Penang. Karamihan sa mga Rohingya ay nakatira sa mga sira-sirang istruktura, at kadalasa’y higit sa isang pamilya ang nakatira sa isang istrukturang may sukat na 600 sq. Mayo 13, 2022, © Kit Chan
Gumagawa ang 25-taong gulang na si Juhar Suhinamia ng fried sweet balls sa isang puwesto sa tabi ng daan sa the Bagan Dalam, Penang. Natutong magluto si Juhar noong nagtrabaho siya sa isang kainan sa Myanmar sa edad na walong taong gulang. Lumikas siya papuntang Malaysia sa edad na 17 at pinalad na makahanap ng trabaho kung saan magagamit niya ang kanyang galing sa pagluto. Bagama’t tinatangkilik na rin ng mga Rohingya ang mga pagkaing Malaysian, mas madalas pa rin silang pumupunta sa mga puwesto ng Rohingya para sa mga pagkaing nakasanayan nila. Mayo 13, 2022, © Kit Chan
Mga batang babae sa Sabina Talim Academy, isang paaralan para sa mga batang Rohingya sa Penang, Malaysia. Dahil ang mga Rohingya at iba pang mga refugee group sa Malaysia ay walang legal na katayuan at itinuturing na mga ‘illegal’ immigrants, hindi sila pinapayagang pumasok sa mga pormal na paaralan. Dito, ang mga batang Rohingya edad 4-16 ay maaaring makatanggap ng pangunahing edukasyon, karamihan, sa Ingles at Matematika. Para sa isang buwan ng pag-aaral, ang bayad ay 50 Malaysian Ringgit (Euro 10). Penang. Abril 18, 2019, © Arnaud Finistre
Ang pasukan sa Masjid Jamek (Jamek Mosque) sa Puchong, malapit sa Kuala Lumpur, kung saan may mga 80 na batang Rohingyang dumadalo sa madrassa. Dahil ang mga refugee at asylum seeker ay walang legal na katayuan sa Malaysia, ang mga bata ay walang oportunidad na makakuha ng pormal na edukasyon, kaya’t ang mga madrassa ang tangi nilang pagkakataong makapag-aral. Abril 26, 2019, © Arnaud Finistre
Ang mga bagong dating na mga batang Rohingya ay nagkukulay habang naghihintay silang matingnan ng doktor mula sa Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) sa isang mobile clinic sa Penang. Kasama ang kanilang ina, naglakbay sila mula sa Bangladesh, dumaan sa Myanmar at Thailand bago sila nakarating sa Malaysia kung saan nagkita silang muli ng kanilang ama. Mayo 8, 2022, © Kit Chan
Ang pasyenteng Rohingya na ito’y may konsultasyon sa mobile clinic ng Doctors Without Borders. May kasama siyang tagapagsalin. Bukit Gudung, Penang. Abril 21, 2019 © Arnaud Finistre
Ang mag-asawang ito, kasama ng kanilang apat na anak ay naglalakad papasok sa mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Penang, Malaysia. Siyam na taon nang nasa Malaysia ang ama, pero ang kanyang asawa at mga anak ay kararating pa lang mula sa Bangladesh. Ngayo’y magkasama na ang buong pamilya. Mayo 8, 2022 © Kit Chan
May ilang pasyenteng nakapila upang magrehistro sa klinika ng Doctors Without Borders sa Butterworth sa Penang, samantalang naghihintay naman ang iba na matingnan ng triage nurse. Mayo 9, 2022 © Kit Chan
Sinusuri ni Izyan, ang triage nurse ng Doctors Without Borders, ang isang pasyente bago ito pumunta sa doktor para sa kanyang konsultasyon sa Klinika ng Doctors Without Borders sa Butterworth sa Penang. Mayo 9, 2022 © Kit Chan
Ipinapaliwanag ng isang pasyenteng mula sa komunidad ng mga Rohingya sa Malaysia ang kanyang mga sintomas sa doktor sa tulong ni Dilbar, isang boluntaryo para sa klinika ng Doctors Without Borders sa Butterworth sa Penang. Mayo 9, 2022 © Kit Chan
Nagbibigay ang boluntaryo ng Doctors Without Borders na si Hamid Karim ng mental health awareness session sa mga pasyenteng naghihintay sa triage area ng klinika ng Doctors Without Borders sa Butterworth sa Penang. Mayo 10, 2022 © Kit Chan