Skip to main content
SA KASALUKUYAN DRC: Naghahanda ang Doctors Without Borders para sa malawakang pagtugon sa outbreak ng Ebola Magbasa pa

    Mas maikling panahon ng paggamot para sa mga batang may tuberculosis, ipapatupad ng sa Maynila

    In Districts 1 and 2 of Tondo, Doctors Without Borders and MHD have been working together on a TB project since 2022. The project has been focused on screening, and treatment is implemented in collaboration with health centers. Tondo, Manila, Philippines © Ezra Acayan, 2023

    Sa una at ikalawang distrito ng Tondo, ang MSF at MHD ay nagtutulungan sa isang proyekto para sa TB mula pa noong 2022. Ang proyekto ay nakatuon sa screening, at sa paggamot na ipinapatupad sa tulong ng mga health centerMaynila, Pilipinas © Ezra Acayan, 2023

    Ito ang layunin ng bagong pambansang patnubay para sa paggamot ng hindi malalang uri ng TB sa mga bata. Ipinagtibay ng Department of Health (DOH) batay sa mga rekomendasyon mula sa World Health Organization (WHO). Sa mga nakaraang pag-aaral, makikita na ang mas maikling paggamot ay kasing epektibo ng dating paggamot na tumatagal ng anim na buwan. 

    Sa Tondo, Manila, sinusuportahan ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang Manila Health Department (MHD) upang maipatupad ang mga bagong patnubay sa paggamot. Sa loob ng dalawang araw na pagsasanay, natutunan ng mga doktor at nars mula sa 15 na health center sa distrito 1 at 2 ng Tondo ang tungkol sa interpretasyon o kung paano basahin ang chest x-ray, ang screening at pagtukoy ng TB sa mga bata, ang pag-uuri ng mga sakit ayon sa lubha nito o disease severity classification, at paggamot. 

    Trisha Thadhani is a medical doctor working on the Doctors Without Borders Tondo project. Here she is speaking on interpretation of X-rays to identify severe and non-severe cases of TB. Manila, Philippines © MSF, 2025

    Ang dalawang araw ng pagsasanay ay isang kolaborasyon ng MSF, MHD, NTP, at ng University of the Philippines National Institutes of Health (UP-NIH) upang suportahan ang epektibong implementasyon ng bagong rehimen ng paggamot sa Tondo. Si Trisha Thadhani ay isang medical doctor na nagtatrabaho para sa proyekto ng MSF sa Tondo. Dito’y makikita natin siyang nagpapaliwanag kung paano bibigyan ng interpretasyon ang mga X-ray upang matukoy ang mga malala at di malalang kaso ng TB.  Maynila, Pilipinas © MSF, 2025

    Bagong paggamot sa TB, lubhang makabubuti para sa mga batang Pinoy

    Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang ginagamit ang mga rekomendasyon ng WHO sa kanilang mga pambansang patnubay. Bagama’t dumarami ang mga bansang ganito, ang Pilipinas ay isa sa iilang nagsimula nang magpatupad ng bagong paggamot. Ito ay maaaring makapagdulot ng makahulugang epekto sa pakikipaglaban sa TB, sa isang bansang ikaapat sa pinakamataas ang burden of the disease sa buong mundo. 

    Sa una at ikalawang distrito ng Tondo, nagtutulungan ang MSF at ang MHD sa isang proyekto para sa TB mula noong 2022. Nakatuon ang proyektong ito sa screening, at ang paggamot ay ipinapatupad sa tulong ng mga health center. Mula noong nag-umpisa ang proyekto hanggang nitong Enero 2025, 38,465 na tao na ang sumailalim sa screening at 1,826 na pasyente ang natukoy na may TB. 
     

    Kapag ang mga may TB ay natukoy na at nabigyan ng pangangalaga sa mga health center, ang kanilang mga kasama sa bahay – kasama na rito ang mga bata – ay iniimbestigahan kung sila’y may TB din. Natutukoy rin ng mga health center ang mga batang may ganitong sakit kapag nakitang may sintomas sila ng TB.

    Inirekomenda ng mga bagong patnubay ang isang 2HRZE/2HR treatment regimen na susundin sa loob ng apat na buwan ng mga pasyenteng edad tatlong buwan hanggang labing anim na taong gulang. Sa unang yugto o initial phase ng paggamot na ito, dalawang buwan na iinom ang pasyente ng apat na klase ng gamot para sa TB. Sa ikalawang yugto naman o maintenance phase, dalawang buwan na iinom ang pasyente ng dalawang klase ng gamot. 
     

    Maraming positibong pagbabagong maidudulot ang paggamot na ito. Ayon kay Richard H. Castro, MD, MPH, ng TB Prevention and Control Section ng MHD, “Siguradong makabubuti sa pakikipaglaban ng siyudad ng Maynila kontra TB ang mas maikling rehimen na ito. Ang mas maikling panahon ng paggamot ay makababawas sa mga lohistikong pangangailangan ng pamilya, at ang mas mabilis na paggaling ng pasyente ay makagagaan sa kanilang mga pinapasan, lalo pa’t sila’y nabibilang sa mga mahihirap na komunidad sa Tondo.”

    Para sa batang pasyente at kanilang pamilya, ito’y nangangahulugan ng isang mas maginhawang karanasan sa paggamot: mas kaunting pagpapakonsulta ang kinakailangan, mas maikling panahon ang ginugugol sa paggamot, mababawasan ang pagkalantad sa mga gamot at maaari ring mabawasan ang kanilang hindi inaasahang gastusin. Dagdag pa ni Castro, “Ito ay mahalagang hakbang tungo sa pagpapadali at pagpapabilis ng paggamot sa mga pasyente rito sa siyudad ng Maynila. Ang bagong paggamot na ito ay makatutulong sa mga bata at mga kabataan na gumaling mula sa TB sa loob ng mas maikling panahon, at ito ay isang malaking kabutihan."

    A grandmother watches as Doctors Without Borders TB doctor, conducts a medical evaluation of her grandson. Philippines, 2023. © Ezra Acayan

    Sinusuri ni Trisha Thadhani, isang medical doctor na nagtatrabaho para sa proyekto ng MSF sa Tondo, ang isang pasyente kung ito’y nahawa sa lola niya (nasa kaliwa) na natukoy na may TB.  Maynila, Pilipinas © Ezra Acayan, 2023

    Ang kahalagahan ng pagtutulungan 

    Upang masuportahan ang epektibong pagpapatupad ng bagong paggamot sa Tondo, idinaos ang isang workshop o pagsasanay sa pagtutulungan ng MSF, MHD, NTP, at ng University of the Philippines National Institutes of Health (UP-NIH). 

    Ang pagpapatupad ng bagong rehimen sa paggamot ay bahagi ng proyektong MSF TACTiC (Test, Avoid, Cure TB in Children). Bahagi rin ng proyektong ito ang isang pag-aaral na isinagawa ng Epicentre, ang sangay ng Doctors Without Borders para sa medical research at epidemiology, at ng MHD, sa pakikipagtulungan sa Institute of Child Health and Human Development (ICHHD) UP-NIH. Nilalayon ng pag-aaral na ito na maitala ang kasalukuyang pagpapatupad ng bagong paggamot at matasa kung ito’y posible at madaling gawin sa mga bansang tulad ng Pilipinas at Uganda. Sa tulong ng pag-aaral na ito, makikilala rin ang mga posibleng balakid at mga solusyon upang mahikayat ang ibang mga bansa na ipatupad din ang rehimen na ito para sa mga batang mayroong hindi malalang kaso ng drug susceptible TB sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
     

    Valentina Carnimeo is an Epidemiologist at Epicentre. She explains, “The TACTiC project plays a critical role in improving TB care for children, by simplifying diagnosis and treatment while integrating WHO’s latest recommendations into real-world settings. This applies both in Doctors Without Borders projects and other settings, particularly those without a TB focus where there is a significant burden of undiagnosed tuberculosis. By pushing for these changes in national health systems, TACTiC is working to ensure more children survive and recover from TB with better, more accessible care.”

    Si Valentina Carnimeo ay isang epidemiologist ng Epicentre. Paliwanag niya, “May mahalagang papel na ginagampanan ang TACTiC project para sa pagpapabuti ng pangangalaga sa mga batang may TB. Ginagawa nitong mas simple ang proseso ng diagnosis at ng paggamot habang ginagamit ang mga rekomendasyon ng WHO sa mga aktuwal na konteksto. Ito ay magagamit sa mga  proyekto ng Doctors Without Borders at ng mga iba pang lugar, partikular na ang mga bansang bagama’t may malaking bilang ng mga kaso ng tuberculosis na hindi pa natutukoy ay walang malinaw na solusyon para sa sakit na ito. Sa pamamagitan ng pagbunsod ng mga pagbabago sa mga pambansang sistemang pangkalusugan, tinitiyak ng TACTiC na mabigyan ang mas maraming batang may TB ng pagkakataong mabuhay at gumaling sa pamamagitan ng pangangalaga na mas madali nilang makukuha.”

    Ayon kay Josephine G. Aldaba, MD, Research Assistant Professor I ng UP-NIH ICHHD, “Ang pag-aaral na itong ginawa sa Pilipinas ay isang mahalagang hakbang sa pagtukoy ng mga posibleng balakid sa implementasyon ng bagong rehimen, partikular na ang pagtanggap dito ng mga magulang ng mga batang may TB at ng mga healthcare worker. Pinag-aaralan din nito ang pagiging epektibo nitong apat na buwang rehimen, dahil ito’y maaaring makapag-unlad ng pagsunod ng pasyente sa hinihingi ng paggamot.”

    Dagdag ni Dr. Castro, “Bukod sa pagbibigay ng mismong paggamot, mahalaga ring maunawaan kung paano tinatanggap at sinusuportahan ng komunidad ang pagbabagong ito. Sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagbibigay ng atensyon sa pagtugon ng komunidad, maaari nating tiyakin na ang paggamot na ito ay maipapaabot sa bawat bata at kabataang nangangailangan nito.” 

    Categories