Libya: Tinatasa ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga pangangailangan sa bansa matapos ang pananalanta ng Bagyong Daniel
Pinangangasiwaan ng Doctors Without Borders logistics coordinator ang pagpapadala ng mga kagamitang medikal sa Derna, Libya. Libya, Setyembre 2023. MSF
Dumating ang isang team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) noong gabi ng Setyembre 13 mula Misrata sa Tobruk, silangang Libya. Inaasahang makakarating sila sa Derna sa susunod na araw.Ang mga kasalukuyang kondisyon ay mapanghamon, dahil nahati ng mga pagbaha ang Derna sa dalawang bahagi, ang silangan at ang kanluran.
Nakikipag-ugnayan ang Doctors Without Borders sa Libyan Red Crescent, ang kasalukuyang pangunahing kumikilos sa pagbibigay ng tulong sa Derna, at magbibigay ng mga donasyon ng mga gamit na kailangang-kailangan: 400 na body bags para sa mga namatay; 200 medical kits para sa paggamot ng mga nasugatan, at naglalaman ng mga dressing kit, disinfectant, mga compress, sutures, at bandages; at mga casualty care kits para sa 250 na pasyente, gaya ng mga guwantes, antibiotics, dressing, at surgical masks.
Ayon sa aming mga nakalap na impormasyon at batay sa mga obserbasyon, makikita na sa mga komunidad ang pagkakaisa , o ang local solidarity na inaasahan kapag may ganitong kalamidad. Dahil sa laki ng sakunang ito, alam naming malamang ay nagtamo ng pinsala ang mga pasilidad medikal. May pangangailangan upang maibalik ang pangangalaga para sa mga naiwan o sa mga nawalan ng tirahan, na ayon sa unang pagtatantiya ay humigit kumulang 30,000 na tao.
Ito ang pahayag ni Matthieu Chantrelle, ang Deputy Operations Manager ng Doctors Without Borders para sa Libya:
"Dumating ang team ng Doctors Without Borders team sa Tobouk kahapon. Ayon sa nakuha naming impormasyon, ang siyudad ng Derna ay nahati sa dalawa ng baha. Naging kumplikado ang pagtawid sa magkabilang bahagi, ang kanluran at ang silangan, dahil sa pag-apaw ng ilog. Nabalitaan naming nagpakilos na ang civil society ng mga tutulong, at may mga indibidwal at organisasyon na nakarating na roon, pati mga materyales—ngunit hindi malinaw kung anu-ano ang mga iyon.
Ang unang pangangailangan ay para sa mga namatay. May malaking pangangailangan para sa mga mortuary bag. Kailangan ding matiyak na magagamot ang mga nasaktan. At, may kakulangan din sa pagtugon sa mga pangangailangan para sa kalusugang pangkaisipan. Ayon sa impormasyong ibinigay sa amin, wala pang naroon upang makatulong sa aspetong iyon.
Batay sa bilang ng mga kumpirmadong nasawi, ito’y isang napakalaking sakuna. Ayon sa mga ulat, umaabot sa 30,000 ang nawalan ng tirahan sa Derna. Kakailanganin nila ng mga masisilungan, nonfood items, hygiene kits, at iba pa.
Ang prayoridad ng Doctors Without Borders ngayon ay ang makarating ang aming team sa Derna upang makipag-ugnayan sa Libyan Red Crescent at makapagbigay ng mahigit sa 200 na medical kits at mortuary bags. Pagkatapos, pag-aaralan ng aming team ang kapasidad ng mga ospital at mga health center, at ang mga pangangailangang medikal ng mga tao, upang makapagsimula na kaming makatulong sa lalong madaling panahon. Naghahanda na kami upang makapagpadala agad ng team na tutulong kapag nakumpirma na ang kanilang mga kinakailangan doon.”
Pinangangasiwaan ng Doctors Without Borders logistics coordinator ang pagpapadala ng mga kagamitang medikal sa Derna, Libya. Libya, Setyembre 2023. © MSF
Susuportahan ba ninyo ang aming ginagawang emergency response?
Tulungan kami sa pagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa Libya at sa ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.