Skip to main content

    Libya: Suporta para sa kalusugang pangkaisipan, kailangan pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Daniel sa Derna

    An aerial view of devastation after the floods caused by the Storm Daniel ravaged the region, in Derna. Libya, September 17, 2023. © Halil Fidan/Anadolu Agency via AFP

    Kuha mula sa himpapawid ng pinsalang sanhi ng mga pagbaha matapos salantain ng bagyong Daniel ang rehiyon sa Derna. Libya, Setyembre 17, 2023. © Halil Fidan/Anadolu Agency via AFP

    Kumusta ang pangkalahatang sitwasyon sa Derna, dalawang linggo pagkatapos ng bagyo?

    Makikita natin na lubhang apektado pa rin ang populasyon sa nangyaring sakuna. Maraming tao ang nawalan ng tirahan o mga mahal sa buhay—kadalasan, nawalan sila ng lahat. Sa ngayon, halos lahat ng nasa siyudad ay nagdadalamhati pa rin at masakit pa rin sa kanila ang nangyari. Dalawang linggo matapos humupa ang mga baha, ang paghahanap ng mga bangkay ay hindi na prayoridad, bagama’t may mga nakikita pa ring katawan sa dagat. Ayon sa mga search and rescue team, patuloy na magdadala ang tubig ng mga bangkay sa mga darating na linggo.

    Noong dumating kami sa Derna, ang pinakanakakagulat ay ang lawak ng pinsala sa siyudad. Oo nga’t napag-uusapan ang pagbaha, ngunit ang pagkawasak ng dalawang dam mula pa noong gabi ng Oktubre 10, habang ang lahat ay natutulog pa, ang siyang dahilan ng pagkasira ng sentro ng siyudad. Tinangay nito ang lahat sa loob lamang ng ilang oras. Ang matinding baha ay nag-iwan ng hindi ganoon karaming taong sugatan o mga nagkaroon ng trauma, ngunit ito’y naging sanhi ng mataas na bilang ng mga namatay.

    Ngayon, ang mga awtoridad ay nakatuon sa muling pagtayo ng tulay sa pagitan ng silangan at kanlurang bahagi ng Derna, dahil ang siyudad ay nahati sa dalawa. Ang kanilang pangunahing pinagtutuunan sa aspeto ng kalusugan ay ang pagtiyak na ang mga nakaranas ng trauma o nawalan ng lahat ng kanilang pag-aari dahil sa pagbaha ay nakatatanggap ngayon ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan.

    Massive destruction in the city of Derna. Libya, September 2023. © Ricardo Garcia Vilanova

    Malawakang pagkawasak sa siyudad ng Derna. Libya, Setyembre 2023. © Ricardo Garcia Vilanova

    Kumusta naman ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan sa Derna? Sinusuportahan na ba ng Doctors Without Borders ang kanilang mga istrukturang pangkalusugan?

    Kung ang pag-uusapan ay pangangalagang pangkalusugan, hindi pa napupuspos ang mga ospital. Limitado lang ang nadagdag sa bilang ng mga pasyenteng nagtamo ng pinsala mula sa bagyo. Maayos naman ang takbo ng kanilang hospital system, at may mga field hospital din ang itinayo ng mga pamahalaan ng ibang bansa, at ang mga ito’y tumatakbo na ilang araw pagkatapos ng bagyo.

    May mga istruktura para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan na naapektuhan ng sakuna: may mga primary healthcare center na nawasak ng mga pagbaha, at maraming medikal at paramedical staff ang namatay sa pagbaha o di kaya nama’y namatayan ng mga kamag-anak o mga katrabaho. May mga primary healthcare center na sinusuportahan ng maraming boluntaryo mula sa iba’t ibang bahagi ng Libya.

    Matapos ang dalawang linggo, nakita namin na marami pa ring health personnel ang hindi matunton. May mga nagdadalamhati pa rin, at ang mga boluntaryong dumating noong mga unang araw ng kalamidad ay nagsimula nang magsialisan.

    Mula noong Setyembre 20, sinimulan ng Médecins Sans Frontières ang pagsuporta sa dalawang primary health care center. Ang aming mga doktor ay nakapagsagawa na ng 537 na konsultasyon sa Embokh at sa Salem Sassi Primary Health Care Centers, at pati na rin sa Oum Al Qura school shelter.

    Ang mga konsultasyong ito ay para sa mga hindi nakahahawang sakit (diabetes, hypertension) ng mga nakatatanda at mga respiratory infection at diarrhea naman para sa mga bata. Marami sa mga pasyenteng sinuri ng aming mga doktor ang halatang apektado pa rin ng sakuna, at ang iba sa kanila’y may mga sintomas ng psychological trauma.

    May mga batang ayaw uminom ng tubig dahil sa takot na malulunod sila. May mga pasyente ring nakararanas ng flashbacks, lagi silang gising mula 2:30 am hanggang 5 am—ang mismong oras kung kailan binalot ng nakamamatay na tubig ang buong siyudad sa dilim ng gabi ng Setyembre 10.

    May mga istruktura para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan na naapektuhan ng sakuna: may mga primary healthcare center na nawasak ng mga pagbaha, at maraming medikal at paramedical staff ang namatay sa pagbaha o di kaya nama’y namatayan ng mga kamag-anak o mga katrabaho.
    Michel Olivier Lacharité

    Anong klase ng suporta ang maaaring ibigay ng Doctors Without Borders para sa mga nakatagong sugat na ito?

    Ang aming team ng mga sikolohista ay nagsimula nang magbigay ng mental health services para sa dalawang grupo na aming binigyan ng prayoridad sa populasyon ng Derna: ang mga taong nawalan ng lahat-lahat at ngayo’y naninirahan sa mga pansamantalang masisilungan; at ang mga medical o paramedical staff at mga boluntaryong nagtatrabaho sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan.

    Ang mga kabilang sa pangalawang grupo ay maaaring nawalan din ng mga kamag-anak, katrabaho, kaibigan, ngunit patuloy pa rin sila sa pagkilos sa frontline, nagbibigay ng pangangalaga sa mga nabuhay o di kaya’y tumutulong sa paglipat sa mga bangkay, na maaaring maging isang nakababalisang karanasan para sa mga boluntaryo.

    Sa ganitong konteksto, binubuhos namin ang lahat ng aming pagsisikap sa aming mga aktibidad para sa kalusugang pangkaisipan, gaya ng mga indibidwal na konsultasyon at mga focus group sa mga shelter at sa dalawang primary healthcare center na aming sinusuportahan. Balak naming paunlarin pa ang aming mga ginagawa upang makapagbigay ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa mga nangangailangan nito.

    May mga hamong hinaharap ba ang mga team ng Doctors Without Borders?

    Kahit kaya ng staff ng Doctors Without Borders na dumating sa Derna tatlong araw lang matapos ang sakuna, ang paglipad mula sa kanlurang Libya kung saan nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng mga regular na proyekto, ang aming pagtatalaga ay nalilimitahan pa rin ng pagpapalabas ng visa para sa international staff, isang proseso na minsa’y maaaring matagalan at malilimitahan nito ang aming kapasidad na palakihin ang aming mga aktibidad.

    Gayunpaman, naging maayos naman ang aming pakikipagtulungan sa mga awtoridad at mga lokal na team. Sa mga darating na araw, makikita natin kung paano gagana ang mga istruktura at pag-aaralan natin ang mga gawain ayon sa kanilang mga pangangailangan at karagdagang halaga na ibinibigay namin. 

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.