Libya: Isa ang patay, dalawa ang sugatan sa pamamaril sa Tripoli detention centre
Sa karamihan ng detention centre sa Libya, pakonti-konti ang liwanag at ventilation, kulang ang pagkain at maiinom na tubig, at salat sa mga pasilidad na pangkalinisan. Larawan mula 2019. © Aurelie Baumel/MSF
Dalawang kabataan, edad 17 at 18, ang nagtamo ng mga sugat dahil sa pamamaril. Binigyan sila ng kagyat na pangangalagang medikal ng pandaigdigang organisasyon na Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF). Ayon sa mga ulat na natanggap ng MSF, lumalala na ang tensyon sa siksikang Al-Mabani Collection and Return Centre noong gabi ng insidente, hanggang sa nauwi ito sa walang pakundangang pamamaril sa loob ng mga piitan.
“Sa pamamaril na ito natin makikita ang panganib na kinakaharap ng mga taong nakapiit sa detention centres nang walang katiyakan kung kailan sila palalabasin,” sabi ni Ellen van der Velden, ang operational manager ng MSF sa Libya.”Ang karahasang naganap kamakailan ay pagpapatunay na ang mga detention centre ay delikado para sa mga taong nakapiit dito.”
Sa mga nakaraang linggo, nasaksihan ng MSF ang tumataas na tensyon sa loob ng mga detention centre sa Libya, kung saan ang mga refugee at migrante - kasama ang mga kababaihan, bata at iba pa'ng menor de edad - ay nananatili laban sa kanilang kalooban, sa mga nakapanghihinayang na kondisyon. Letrato mula 2019. © Aurelie Baumel/MSF
Nitong mga nakaraang linggo, nasaksihan ng MSF medical teams ang pag-akyat ng tensyon sa loob ng mga detention centre sa Libya, kung saan ang mga refugee at migrante—kasali rito ang mga kababaihan, mga bata, at mga menor de edad na walang kasama – ay pinamamalagi nang labag sa kanilang kalooban, sa kalunos-lunos na kondisyon ng pamumuhay. Pagpasok ng Pebrero, lalong naging masikip sa mga centre nang dumami ang mga naaarestong migrante at refugee na tumatakas mula sa Libya dahil sa aktibong pagkilos ng Libyan Coast Guard, na pinopondohan ng EU. Ito’y nagdulot ng biglaang pagtaas ng bilang ng mga tao sa mga detention centre sa Tripoli, partikular na sa Al-Mabani. Ang di inaasahang paglobo ng populasyon ay di napangisawaan nang maayos, kaya’t nagresulta ito sa mabilis na pagkasira ng kalagayan ng pamumuhay.
Sa unang linggo ng Pebrero, ang bilang ng mga tao sa Al-Mabani ay umakyat mula 300 hanggang 1,000 sa loob lamang ng ilang araw. Sa ngayon, umabot na ng 1,500 ang mga tao sa centre.
Tulad sa ibang mga detention centre, ang mga nasa Al-Mabani ay nabubuhay nang konting-konti ang liwanag at ventilation, kulang ang pagkain at maiinom na tubig, at salat sa mga pasilidad na pangkalinisan. Sa dami ng mga taong nagsasama-sama sa limitadong espasyo—sa pagtatantiya, may tatlong tao kada square meter—ni hindi na sila makahiga. Laganap ang mga nakahahawang sakit, tulad ng scabies at tuberculosis. Ang physical distancing, na kailangan upang makaiwas sa COVID-19, ay imposibleng maisakatuparan.
Hindi ito ang tanging pagkakataon kung kailan ang mga detenidong refugee at migrante ay nakaranas ng karahasan. May mga naiulat na pamamaril at pagkamatay nitong mga nakaraang buwan, at nasaksihan ng mga MSF teams ang pananakit ng mga guwardiya sa mga nakapiit doon. Sa buwan ng Pebrero lang, 36 detainees ang ginamot ng mga MSF medics sa ilang detention centres para sa mga nabaling buto, blunt trauma, mga galos, pinsala sa mata, tama ng bala, at panghihina ng mga kamay at paa. 15 sa mga pasyenteng ito ay isinangguni ng MSF sa mga ospital para sa karagdagang lunas. Ang lahat ng pinsala sa kanilang katawan ay bago lamang, indikasyon na ito’y kanilang tinamo nang sila’y nasa loob na ng detention centre.
Sobrang dami ng tao, minsan nasa tatlong tao bawat square metre. Madalas wala nang puwang para makahiga. Letrato mula 2019. © Aurelie Baumel/MSF
Ayon sa mga ulat, iniimbestigahan na diumano ng mga awtoridad ng Al-Mabani ang insidente. Nananawagan ang MSF sa mga awtoridad na ibahagi ang resulta ng imbestigasyon at tiyaking mananagot ang mga taong may ginawang karahasan.
Sa pangyayaring ito, inuulit ng MSF ang aming pananawagang wakasan na ang di-makatwirang pagpiit sa Libya, palayain ang lahat ng detenido sa lalong madaling panahon, at bigyan ng ligtas na masisilungan at mga pangunahing serbisyo ang mga refugee at mga migrante.
Mula pa noong 2016, ang MSF ay nagtatrabaho na sa Libyan detention centres, nagbibiagy ng pangkalahatan at sikolohikal na pangangalagang pangkalusugan at ng emergency referrals sa mga ospital, upang maibsan ang pagdurusa ng mga refugee, asylum seeker at mga migrante na napiit nang di makatwiran, at upang mailantad ang mga di makataong kondisyon ng detention.